Mga Tip Para sa Pangalawang mga Magulang
Mga Tip Para sa Pangalawang mga Magulang
ANG Kagawaran ng Sensus ng E.U. ay humuhula na ang mga pamilya sa pangalawang pag-aasawa ay mahihigitan sa bilang ang tradisyunal na mga pamilya sa 1995. Sa panahong iyon, 59 sa bawat 100 anak ay mamumuhay sa “magkahalong mga pamilya” (mga pamilya na may isang pangalawang magulang) bago sila umabot ng 18 anyos. Ang sumusunod ay ilan lamang mungkahi upang tulungan ang lumalagong bilang ng pangalawang mga magulang.
Bigyan Ito ng Panahon: Dapat tandaan ng pangalawang mga magulang na nangangailangan ng panahon upang tanggapin ng mga anak ng asawa sa una ang bagong magulang. Ang propesyonal sa kalusugang-pangkaisipan na si Mavis Hetherington ay nagpapaliwanag kung bakit ang unang mga buwan—o mga taon—ay maaaring maging napakahirap: “Sa unang mga yugto ng pag-aasawang-muli, kapuwa ang mga anak na lalaki at babae ay masungit, nagmamaktol, negatibo at galít hindi lamang sa kanilang amaín kundi sa kanilang ina. Sila’y nagagalit . . . sa kanilang ina dahil sa pag-aasawang-muli.” Dapat sikaping unawain ng pangalawang mga magulang ang mga damdamin ng mga bata, gaano man ito kahirap.—Tingnan ang Kawikaan 19:11.
Magtayo Muna ng Isang Mabuting Kaugnayan: Si Joy Conolly, sa kaniyang aklat na Stepfamilies, ay matalinong nagbababala na mas makabubuting ituwid ng pangalawang mga magulang ang ugali ng mga anak ng asawa sa una pagkatapos na maitayo nila ang isang mabuting kaugnayan sa kanila. Samantala, makabubuti para sa tunay na magulang na pangasiwaan ang kinakailangang disiplina. (Ihambing ang Kawikaan 27:6.) Sa kabilang panig naman, maaaring ipadama ng pangalawang mga magulang sa mga bata ang diwa na may mga bagay sa kanilang buhay na nagpapatuloy sa pamamagitan ng pagtaguyod sa mga rutina na malaon na nilang tinatamasa—gaya ng pamamasyal o paglalarong magkakasama. Gayunman, hindi dapat gamitin ng mga amaín ang panahon ng pagkain bilang mga okasyon upang sawayin ang pamilya.
Iwasan ang Paboritismo: Kung maaari, dapat iwasan ng amaín o madrasta ang anumang katibayan ng paboritismo sa kaniyang sariling anak, gaano man kahirap ito kung minsan.—Ihambing ang Roma 2:11.
Maging Malapít na May Pag-iingat: Nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan tungkol sa mga pangalawang pamilya na kadalasang mas mahirap para sa mga amaín at mga anak na babae sa unang asawa na magkasundo. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang awtor: “Ang mga amaín ay nagsisikap na makipag-usap, at ang mga batang babae ay nag-aatubiling makipag-usap. Ang mga amaín ay nagsisikap na gumamit ng ilang disiplina, at ang mga batang babae ay lumalaban.” Ganito ang buod ng awtor: “Sa simula, waring walang magagawa ang isang amaín sa mga batang babae na matagumpay.” Sa gayon kailangan ang malaking pagtitiis at empatiya. Samantalang pinahahalagahan ng mga batang babae ang berbal na papuri mula sa kanilang amaín, kadalasang sila’y naaasiwa sa pisikal na mga pagpapahayag na gaya ng pagyapos. Dapat matalos ng amaín na maaaring ganito ang madama ng isang batang babae. Kung gayon nga ang nadarama niya, dapat bigyan ng higit na pansin ng amaín ang berbal na papuri at pakikipagtalastasan kaysa pisikal na mga kapahayagan ng pagmamahal.—Ihambing ang Kawikaan 25:11.
Mag-ingat sa Paninibugho: Ipinakikita ng mga karanasan na maraming anak na babae sa unang asawa ang waring nakikita ang isang madrasta bilang isang kakompitensiya. Sa gayon ay makabubuting iwasan ng isang madrasta na nalalaman antimano at may empatiya sa damdamin ng batang babae ang di-kinakailangang pakikipagpaligsahan para sa atensiyon. Malaki ang magagawa ng ama upang bawasan ang kaigtingan sa pagbibigay katiyakan sa kaniyang anak na babae ng kaniyang patuloy na pag-ibig at pagpapahalaga. (Kawikaan 15:1) Ang mga mananaliksik ay nagsasabi na kadalasan ang mga madrasta ay nagsisikap nang husto at nang maaga na tanggapin bilang ina ng kanilang bagong mga anak na babae sa unang asawa. Minsan pa, ang pagtitiis ang susi.
Ang pagiging pangalawang magulang ay hindi madali. Subalit magagawa ito, gaya ng ipinakikita ng libu-libong matagumpay na mga halimbawa. At tandaan, ang Bibliya ay nagbibigay ng pinakamabuting payo para sa tagumpay sa anumang kalagayan ng pamilya nang sabihin nito: “Magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”—Colosas 3:14.