Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkalason sa Tingga Maraming salamat sa inyong artikulo tungkol sa pagkalason sa tingga. (Nobyembre 22, 1992) Ang inyong pagbanggit sa mataas na presyon ng dugo, sakit sa bató, mga kirot sa sikmura, at pagsusuka—mga problema na aking naranasan sa loob ng mga taon—ang nagtulak sa akin na magpasuri na baka ako’y nalalason ng tingga. Tiniyak ng mga resulta ang napakaraming natipong tingga. Inaasahan ko na ang paggamot na aking tinatanggap ngayon ay maging matagumpay.
T. W., Alemanya
Maliwanag na kayo’y gumawa ng masusing pananaliksik sa inyong mga artikulo. Ako’y nagtatrabaho sa isang institusyon sa pananaliksik sa Department of Organic Coatings. Sa aming bansa, ang mga pinturang may halong tingga ay ginagamit sa loob ng maraming taon dahil sa pagiging matibay nito laban sa panahon. Ngayon ang paggamit nito ay mahigpit nang ipinagbabawal, subalit gaya ng inyong isinulat, ang panganib ng pagkalason sa tingga ay nananatili. Tumulong sa akin ang artikulong ito upang ipakita sa aking mga kasamahan na ang Gumising! ay hindi lamang sumasagot sa relihiyosong mga katanungan kundi tumutulong din sa mga tao na lutasin ang kanilang mga suliranin kahit na sila’y hindi mga mananampalataya. Salamat.
A. A., Czech Republic
Iron Lung Ibig ko lamang ipahayag ang aking taimtim na pagpapahalaga sa karanasan ni Laurel Nisbet na pinamagatang “Hindi Siya Mapahinto sa Pangangaral Kahit ng Isang ‘Iron Lung.’ ” (Enero 22, 1993) Anong kapuri-puri ngang halimbawa ng tibay ng loob, pananampalataya, pagtitiis, at sigasig! Ako’y may lupus, subalit ang aking mga suliranin ay waring di-gaanong malala pagka inisip ko ang hirap at haba ng panahon na ipinagtiis ni Sister Nisbet.
R. L. H., Estados Unidos
Yamang ako’y paralisado at hindi makalakad, idinaraing ko na hindi ako gaanong nakapangangaral. Ngayon natalos ko na kung ang babaing ito, na nabuhay sa isang iron lung sa loob ng 37 taon, ay nakapangaral at nakagawa ng alagad, kung gayon ako rin ay maaaring masiyahan sa kung ano ang aking magagawa.
M. L., Italya
Pinahahalagahan namin ang gayong mga komento. Sabihin pa, hindi naman minamaliit ng tapat na halimbawa ni Sister Nisbet ang pagpupunyagi ng marami na may ibang malubhang mga suliranin sa kalusugan na para bang ang mga ito’y di-gaanong nakagugupong uri ng sakit subalit sanhi pa rin ng matinding paghihirap.—ED.
Tinapay Salamat sa inyong artikulo na “Aming Kakanin sa Araw-Araw.” (Disyembre 8, 1992) Sinubukan ko ang inyong resipe ng tinapay, at ako’y tuwang-tuwa kung gaano kadali ang gumawa ng tinapay at kung gaano kasarap ito.
M. M., Estados Unidos
Ako’y may ilang aklat sa pagluluto sa istante, subalit wala sa mga aklat na iyon ang nagdulot ng mga resulta na kasing-inam ng sa inyong resipe. Maraming salamat!
S. H., Alemanya
Pag-uusig ng Nazi Napalakas nang husto ang loob ko sa artikulong “Hindi Kami Mapahinto ng mga Nazi!” na isinulat ni Erwin Klose. (Nobyembre 22, 1992) Hindi tulad ng ibang mga karanasang napalathala tungkol sa mga Nazi, ang salaysay ni Erwin Klose ay may halong katatawanan. Kung minsan hindi ko talaga mapigilang matawa! Ako’y napasigla sa kaniyang masaya at positibong pananaw sa mga bagay-bagay.
T. K., Hapón
Mga Kombensiyon sa Russia Talagang ibig ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang Unang Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.” (Disyembre 22, 1992) Bagaman ako’y matagal nang lingkod ng Diyos na Jehova, aaminin ko na ang aking pagpapahalaga sa mga paglalaan ng Diyos ay hindi maihahalintulad sa mga Kristiyano sa Russia! Ang ibinadya ng mukha ng sister nang kaniyang tanggapin ang una niyang personal na kopya ng Bibliya ay nagpangyaring matalos ko kung gaano kasagana ang taglay ko—at ang aking pagwawalang-bahala. Tumulong sa akin ang artikulo na maunawaan kung ano pang mga larangan ang kailangan kong baguhin.
B. T. A., Estados Unidos