Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aasawa—Kung Bakit Marami ang Tumatalikod

Pag-aasawa—Kung Bakit Marami ang Tumatalikod

Pag-aasawa​—Kung Bakit Marami ang Tumatalikod

ITINUTUON ang pansin sa diborsiyo sa Hong Kong, kung saan magkasamang umiiral ang mga kulturang Silangan at Kanluran, ang Asia Magazine ay nagsabi: “Ang kakulangan ng komunikasyon, pagtataksil, seksuwal na mga suliranin at hindi pagkakasundo ay mga salik na karaniwang sanhi ng alitang pangmag-asawa kapuwa sa mga mag-asawang Intsik at taga-Kanluran.” Ang kalagayan ay pareho saanman sa daigdig.

Kapuwa ang mga lalaki at mga babae na may mga kaisipang karera-muna ay agad na isinasakripisyo ang kani-kanilang pamilya dahil sa kanilang trabaho. Sa gayon, isinasara nila ang komunikasyon sa pamilya. Pagód pagkatapos ng isang araw na trabaho, ang lalaki ay subsob sa pagbabasa ng pahayagan. Si Junichi at ang kaniyang maybahay ay namamahala ng tatlong restawran at nagtatrabaho mula alas otso ng umaga hanggang alas diyes ng gabi sa iba’t ibang dako. “Talagang walang komunikasyon sa pagitan namin bilang asawang lalaki at babae,” sabi ni Junichi. Ang kakulangang ito ng komunikasyon ay humantong sa malubhang mga suliranin ng pag-aasawa.

Ang isa pang salik na humahantong sa pagkasira ng mga buklod ng pag-aasawa ay ang pangmalas ng tao tungkol sa pakikipagtalik maliban sa iyong asawa. Ang pagtatalik sa labas ng pag-aasawa ay napakapalasak sa ngayon anupat 20 porsiyento ng mga lalaki at 8 porsiyento ng mga babae na sumagot sa isang surbey sa Hapón ay umamin na sila ay nakipagtalik sa iba maliban sa kanilang asawa sa loob ng nakalipas na taon. Karaniwan na sa babaing may karera sa Hapón na magkaroon ng relasyon sa mga lalaki maliban sa kaniyang asawa. Siya’y palipat-lipat sa isang lalaki tungo sa isa, iniisip, “Kung malaman ito ng aking asawa, ididiborsiyo ko siya.” Hindi pinapansin ng modernong lipunan ang mga kataksilang ito.

Ang lipunan ding ito ay nagtataguyod ng saloobing ako-muna, anupat kapuwa ang asawang lalaki at babae ay nagiging makasarili, na humahantong sa hindi pagkakasundo, isa pang sanhi ng diborsiyo. “Kami bilang mag-asawa ay maaari sanang naghiwalay anumang oras,” sabi ni Kiyoko. “Pagkatapos na pagkatapos naming makasal, sinabi sa akin ng mister ko na ako ay maging isang robot at basta gawin ko ang ipinagagawa sa akin. Nang ang mga bagay ay mabuti para sa kaniya, ayos lamang, subalit nang ang mga bagay ay naging mahirap, ayaw niyang aminin ang kaniyang mga pagkakamali at isinisi ang lahat ng bagay sa ibang tao. Masisisi rin ako, yamang dati akong naghihimagsik laban sa awtoridad. Nasumpungan kong napakahirap sumunod sa aking asawa kapag siya ay hindi makatuwiran.”

Ang iba pang mga sanhi ng diborsiyo ay karahasan at paglalasing, mga suliranin sa pananalapi, mga problema sa mga kamag-anak ng asawa, at mental na pag-abuso.

Ano ang Nasa Likuran ng Lahat ng Ito?

Anuman ang iba’t ibang dahilan para sa diborsiyo, may isa pang dahilan sa pambuong-daigdig na pagbugso nito. Bagaman sinisisi ng Silangan ang impluwensiya ng Kanluraning lipunan sa mga problema nito, ang pagtanggap sa diborsiyo sa Kanluran ay isang bagong kapuna-punang pangyayari. Sa katunayan, ang mga diborsiyo sa Estados Unidos ay tatlong ulit na dumami at sa Britaniya ay apat na ulit na dumami sa nakalipas lamang na ilang dekada. Itinatala ni Andrew J. Cherlin ng The Urban Institute (isang organisasyon sa pananaliksik na nagsisiyasat sa mga suliraning panlipunan at pangkabuhayan sa Estados Unidos), bagaman umaamin na ang mga sanhi ng pagdami ng diborsiyo ay hindi gaanong nauunawaan, “ang dumaraming pagsasarili ng mga babae sa kabuhayan” at “mga pagbabago sa saloobin ng lipunan sa pangkalahatan” bilang ang mga salik na nasa likuran ng kausuhang ito.

Para sa mga babae sa Estados Unidos, gayundin sa mga nasa ibang industriyalisadong bansa, karaniwan na lamang ang may-asawa at nagtatrabaho sa labas ng kanilang tahanan. Gayunman, ang bahagi ng lalaki sa mga gawain sa bahay ay napakabagal na dumami. Hindi kataka-taka na ang ilang babae ay bubulung-bulong: “Ang kailangang-kailangan ng bawat babaing nagtatrabaho ay isa na gagawa ng gawain ng isang asawang babae!”

Sa Estados Unidos, samantalang ang mga babae ay nagpapagal sa paglalaba, paglilinis, pagluluto ng pagkain, at pangangalaga sa mga anak, “maraming lalaki ang nasisiyahan sa panahong ginugol sa ‘paglilimayon,’” sabi ng aklat na The Changing American Family and Public Policy. Ito ay nangyayari sa buong daigdig, sabi ng mga antropologo. Sa Hapón ang mga lalaki ay karaniwan nang nakikipagsosyalan pagkatapos ng trabaho. Sinasabi nilang kailangan ito para sa mahusay na mga ugnayang pantao sa kanilang dako ng trabaho, samantalang niwawalang-bahala nila ang mahusay na mga ugnayang pantao sa tahanan. Ayon sa kanilang katuwiran, yamang ang mga lalaki ang naghahanapbuhay, ang mga babae at mga anak ay hindi dapat magreklamo. Gayunman, dahil sa mas maraming babae ang nagtatrabaho ang gayong kaisipan ay pagdadahilan lamang.

Ang isa pang malaking salik na nagiging sanhi ng kabiguan sa pag-aasawa ay ang “mga pagbabago sa saloobin ng lipunan sa pangkalahatan” o, gaya ng pagkakasabi rito ng Journal of Marriage and the Family, “isang paghina sa huwaran ng pagkapermanente ng pag-aasawa.” Sa mga babae’t lalaking ikakasal sa mga taóng 1990, ang tradisyunal na sumpa sa pag-aasawa na “hanggang sa kamatayan” ay hindi na gayon ang kahulugan. Sila’y patuloy na humahanap ng mas mabuting kabiyak. Kung ganiyan minamalas ng mga bagong kasal ang kanilang buklod, magiging gaano katibay nga ito?

Ang mga pagbabagong panlipunan na ito ay hindi kataka-taka sa mga estudyante ng Bibliya. Isinisiwalat ng kinasihang aklat na ito na sapol noong 1914 tayo ay nabubuhay na sa “mga huling araw,” na “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan.” Ang mga tao ay “maibigin sa kanilang sarili, . . . walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan.” (2 Timoteo 3:1-3) Kaya sa mga taong iniibig ang kanilang mga sarili nang higit kaysa kanilang mga kabiyak, na nagiging di-tapat sa kani-kanilang asawa, at na hindi marunong tumupad ng anumang kasunduan sa kanilang pag-aasawa, ang diborsiyo ang nagiging tanging paraan upang lunasan ang kanilang mga problema sa pag-aasawa.

Isang Pinto sa Isang Mas Maligayang Buhay?

Sa karamihan ng mga kaso, ang diborsiyo ay hindi napatunayang isang pinto sa kaligayahan. a “Ang diborsiyo ay mapandaya,” sabi ng mananaliksik sa kalusugang-pangkaisipan na si Judith Wallerstein pagkatapos ng 15-taóng surbey sa 60 diborsiyadong mag-asawa. “Sa legal na paraan ito ay isang pangyayari, subalit sa sikolohikal na paraan ito ay isang kawing​—kung minsan isang walang-katapusang kawing—​ng mga pangyayari, paglipat sa bagong mga lugar at radikal na pagbabago ng mga kaugnayan na nangyayari sa loob ng isang panahon.” Ipinakikita ng kaniyang mga pag-aaral na ang buhay ng sangkapat ng mga babae at sangkalima ng mga lalaki ay hindi nagbalik sa normal isang dekada pagkatapos ng diborsiyo.

Lalo nang apektado ang mga anak ng nagdiborsiyo. Mula sa pananaliksik ring iyon, nasumpungan ni Wallerstein na talagang sa lahat ng mga batang kasangkot, ang diborsiyo ay lumikha ng “malakas at ganap na di-inaasahang mga epekto.” Ang ilang bata na itinatanggi ang anumang negatibong damdamin sa pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang ay maaaring biglang masumpungan ang mga damdaming iyon na lumilitaw sa dakong huli ng kanilang buhay kapag sila ay naghahanap ng isang mapapangasawa.

Hindi ibig sabihin nito na ang lahat ng mga biktima ng diborsiyo ay hindi kailanman makasusumpong ng kaligayahan, yamang ang ilan ay nakasumpong niyaon. Para sa mga ito, ang muling hinubog na pagkatao ay bumabangon, karaniwang mula sa mga abo ng dating pagkatao. Halimbawa, minsang ang dagok ng diborsiyo at ang kasama nitong dalamhati at mga pag-aalinlangan tungkol sa halaga-ng-sarili ay lumipas na, ang asawang walang kasalanan ay maaaring bumangon mula sa mahigpit na pagsubok na mas malakas, mas mahalaga, mabuting tao.

Isang babae na iniwan ng kaniyang asawa at sumama sa ibang babae ay nagsasabi na pagkatapos humupa ang kirot at galit, “masusumpungan mo na ikaw ay naiiba sa loob mo. Nagbago na ang iyong mga damdamin. Kailanman ay hindi ka na magiging ang dating ikaw.” Ang payo niya: “Gumugol ng panahon na kilalanin muli ang iyong sarili bilang isang indibiduwal. Sa pag-aasawa karaniwan nang sinusupil ng mga kabiyak ang kanilang mga kagustuhan at mga naisin bilang paggalang sa isa, subalit pagkatapos ng diborsiyo, kailangan ang panahon upang alamin kung ano ngayon ang iyong mga naiibigan at hindi naiibigan. Kung ililibing mo ang iyong mga damdamin, inililibing mo ang mga ito nang buháy. Balang araw ito ay babalik, at kailangang harapin mo ang mga ito. Kaya makabubuting harapin mo ang iyong mga damdamin at ayusin ang mga ito.”

Dahil sa lumalagong kabatiran sa mga problema na inihaharap ng iborsiyo, ito ay higit at higit na nagiging hindi kaakit-akit bilang isang mapagpipilian. Iniuulat ng magasing Time na dumaraming tagapayo ang ngayo’y humihimok sa ligalig na mga mag-asawa: “Manatiling magkasama.” Si David Elkind ng Tufts University ay sumulat: “Ang makaranas ng isang diborsiyo ay katulad ng ikaw ay mabalian ng paa dahil sa pagkatapilok sa snow ski: Hindi komo marami sa ski resort ang nababalian ng kanilang paa, ang iyong nabaling paa ay hindi na makirot.”

Ang diborsiyo ay hindi isang madaling lunas sa mga problema sa pag-aasawa. Ano, kung gayon, ang mas mabuting paraan upang lutasin ang mga problema sa pag-aasawa?

[Talababa]

a Ang legal na diborsiyo o isang legal na paghihiwalay ay maaaring maglaan ng isang sukat ng proteksiyon mula sa labis na pag-abuso o sadyang hindi pagsuporta.

[Larawan sa pahina 7]

Ang mga mag-asawa sa ngayon ay kadalasang hindi nakikipag-usap sa isa’t isa