Ang Ating Maraming-gamit na Pangamoy
Ang Ating Maraming-gamit na Pangamoy
SINASARIWA ANG MGA ALAALA, PINASASARAP ANG LASA
ANO ang paborito mong amoy? Nang ang katanungang ito ay itanong sa ilang tao, ang kanilang mga sagot ay nakatutuwa. Ipinipritong bacon. Maalat na hangin mula sa karagatan. Malinis na sinampay na ipinapaspas ng hangin. Bagong tabas na damo. Maanghang na mga espicia. Hininga ng tuta. Nang tanungin pa kung bakit ito ang kanilang paboritong mga amoy, ang lahat ay may espesipiko, masiglang alaala na kanilang ginugunita sa unang samyo ng masarap na amoy. Kadalasan ang mga alaala ay mula sa pagkabata.
Natatandaan ng isang dalaga ang paghiga sa kama sa umaga, na ang katakam-takam na amoy ng ipinipritong bacon na nagtutungo sa loob ng kuwarto, ay tumatawag sa kaniya na mag-almusal na kasama ng kaniyang pamilya.
Si Louise, 58, ay nagsabi na ang samyo ng hangin sa dagat ay nagpapagunita sa kaniya ng mga tag-araw noong kaniyang kabataan sa baybayin ng Maine sa Estados Unidos. “Ang kalayaang taglay namin,” aniya, “tumatakbo at naglalaro sa buhangin, naghuhukay ng mga paros at niluluto ito sa gatong na apoy!”
Nagugunita ni Michele, 72, ang mga panahon noong siya’y bata pa na tinutulungan niya ang kaniyang ina na tipunin ang mga sinampay, ibinabaon niya ang kaniyang mukha sa dala niyang mga sinampay habang ipinapasok niya ito sa loob ng bahay, nilalanghap ang sariwa, malinis na bango nito.
Ang halimuyak ng bagong tabas na damo ay nagpapagunita kay Jeremy ng mga pangyayari 55 taon na ang nakalipas, sa kaniyang mga kabataan sa isang bukid sa Iowa, sumasakay sa isang bagón na punô ng bagong tabas na damo na dinadala sa kamalig upang huwag maulanan na nakikini-kinita niya at ng kaniyang ama na dumarating.
“Ang maaanghang na espicia” ang sagot ng 76-anyos na si Jessie, na ipinikit ang kaniyang mga
mata at naglahad ng tungkol sa pagluluto ng kaniyang pamilya ng apple butter (isang maraming espicia na uri ng jam o matamis na ginagawa sa Estados Unidos) sa isang kalderong bakal sa labas ng bahay. Pitumpong taon na ang nakalipas, subalit ang alaala ay buháy na buháy pa rin.Natatandaan ni Carol ang magandang munting tuta na kinakarga niya sa kaniyang kandungan nang siya ay limang taóng gulang at nagugunita niya ang amoy ng hininga ng tuta. Ah, oo, ang amoy na iyon ay nagbibigay sa kaniya ng damdamin ng pagiging mainit sa sikat ng araw sa isang lumang balkon sa harap na suot ang munting damit na yari sa telang seersucker.
Ngayon, kumusta ka naman? May amoy ba na kailanma’y nakalugod sa iyo na gaya ng nagawa nito sa iba—nagpapasariwa ng mga alaala, pumupukaw ng mga damdamin? Ikaw ba’y napasisigla ng hangin sa kabundukan na amoy-pino o nagiginhawahan sa masigid na amoy ng hangin na galing sa dagat? O naglalaway ka ba pagkalanghap mo ng katakam-takam na amoy mula sa isang panaderya. Ang neurosiyentipikong si Gordon Shepherd ay nagsabi sa National Geographic: “Inaakala natin na ang ating buhay ay pinangingibabawan ng ating paningin, ngunit mientras mas malapit na ang oras ng pagkain, lalo mong natatalos kung gaano nauugnay sa pangamoy ang iyong tunay na kasiyahan sa buhay.”
Ang pangamoy ay may kahanga-hangang epekto sa ating panlasa. Bagaman ang mga taste bud ang nagpapakilala ng pagkakaiba sa pagitan ng maalat, matamis, mapait, at maasim, ang ating pangamoy ang tumatanggap ng iba pang bagay, ang mas pinong mga elemento ng lasa. Kung walang amoy, ang mga mansanas at sibuyas ay malamang na magkasinlasa. O, halimbawa, tingnan mo kung gaano karaming lasa ng isang piraso ng tsokolate ang nawawala kapag kinain mo ito samantalang pisil mo ang iyong ilong upang huwag itong maamoy.
Ilarawan ang isang nakagaganang pagkain—sabihin na nating isang bagong lutong bibingka. Ang katakam-takam na amoy na iyon ay sumisingaw sapagkat inilalabas nito ang mga molekula at itinatangay ito ng hangin. Saka naman dumarating ang ilong mo, buong pananabik na nilalanghap ito. Nilalanghap nito ang hangin at ipinadadala ang mga molekulang iyon patungo sa kahanga-hangang makinarya ng ating pangamoy.
Para sa mas detalyadong pagsusuri sa proseso ng olfaction, tingnan ang kahon sa mga pahina 24 at 25. Ang kasalimuutan ng pandamdam na ito ay tunay na kasindak-sindak.
Mga Amoy at ang Mga Epekto Nito sa Iyo
Kinikilala ng mga gumagawa ng pabango, dalubhasang mga kusinero, at mga gumagawa ng alak sa loob ng mga dantaon ang kapangyarihan ng mga amoy upang bihagin ang isip at palugdan ang mga pandamdam. Sa ngayon, ang mga sikologo at mga biyokemiko sa halimuyak ay nagsisikap na gamitin ang kapangyarihan ng amoy sa bagong mga paraan. Nag-eeksperimento sa mga halimuyak na mula sa lily of the valley hanggang sa mansanas at espicia, ang mga inhinyero sa amoy ay naglagay ng mga pabango sa mga paaralan, gusali ng opisina, nursing home, at pati na sa isang subwey ng tren, upang pag-aralan ang mga epekto sa isip at sa paggawi ng tao. Sinasabi nila na ang ilang pabango ay maaaring makaapekto sa mga kalooban ng tao, ginagawa ang mga tao na mas palakaibigan, pinahuhusay ang kanilang kasanayan sa dako ng trabaho, at pinabubuti pa nga ang pagiging alisto ng isip.
Sang-ayon sa magasing The Futurist, ang mga tao ay pumipila sa isang kilalang klub na pangkalusugan sa Tokyo, Hapón, para sa isang 30-minutong “aroma cocktail” na sinasabing nakababawas ng kaigtingan ng pamumuhay sa lungsod. Pinag-aralan din ng mga siyentipikong Hapones ang mga epekto ng hangin sa kagubatan sa mga tao at inirekomenda ang paglakad sa kagubatan bilang isang lunas para sa nayayamot na mga nerbiyo. Ang mga terpene (amoy ng pino) na inilalabas ng mga punungkahoy ay nasumpungang nakagiginhawa hindi lamang sa katawan kundi lalo na sa isipan.
Hindi lahat ng amoy ay mabuti sa kalusugan; tiyak iyan. Kung ano ang nakasisiya sa isang tao ay maaaring magpangyari sa isa na maging miserable. Ang matatapang na amoy, kahit na mga pabango, ay malaon nang alam na nakapagpapalala ng hika at pinagmumulan ng alerdyi sa ilang tao. Gayundin, may masasamang amoy na sang-ayon ang lahat—nakalalasong usok na ibinubuga ng mga industriya at mga tambutso ng sasakyan, bulok na amoy ng mga tambakan ng basura at mga lawa ng alkantarilya, at mga singaw mula sa madaling sumingaw na mga kemikal na ginagamit sa maraming industriyal na mga dako ng trabaho.
Mangyari pa, ang mapanganib na mga kemikal ay natural na lumilitaw sa ating kapaligiran subalit ito ay karaniwang lubhang malaganap anupat ito’y hindi nakapipinsala. Gayunman, kapag ang mga kemikal na iyon ay sobrang tapang, ang labis na pagkalantad dito ay maaaring magpangyari na humina pati na ang matibay na mga selula ng olfactory nerve. Halimbawa, ang mga solvent na gaya niyaong ginagamit sa mga pintura, gayundin ang maraming iba pang kemikal sa industriya, ay itinala ng mga eksperto bilang mapanganib sa sistema ng olfactory. May mga karamdaman din sa katawan na maaaring humadlang o sumira sa pangamoy.
Pinahahalagahan Mo ba ang Kaloob?
Tiyak na ang pangamoy ay sulit na pangalagaan mula sa gayong mga banta kailanma’t maaari. Kaya maging pamilyar sa mga panganib ng anumang kemikal na gagamitin mo, at kumuha ng anumang makatuwirang mga pag-iingat na kinakailangan upang pangalagaan ang iyong sensitibong sistema ng olfactory. (Ihambing ang 2 Corinto 7:1.) Sa kabilang panig, makabubuting mabahala rin sa mga kahinaan ng iba. Ang mataas na pamantayan ng kalinisan, pati na sa ating mga tahanan at sa ating katawan, ay malaki ang magagawa sa bagay na ito. Pinili rin ng ilan na maging higit na maingat sa paggamit ng mga pabango—lalo na kung binabalak nilang maging malapit sa maraming iba pa sa loob ng mahabang panahon, gaya sa loob ng isang sinehan o sa isang Assembly Hall.—Ihambing ang Mateo 7:12.
Gayunman, sa pangkalahatan, ang sistema ng olfactory ay isang kaloob na nangangailangan ng kaunting pangangalaga. Kaunti lamang ang hinihiling nito sa atin sa paraan ng pangangalaga at proteksiyon, gayunman ito’y nagdudulot sa atin ng saganang maliliit na kasiyahan sa buhay. Kapag ikaw ay tumanggap ng isang regalo na nagpapaligaya sa iyo, nakadarama ka ba ng pagnanais na pasalamatan ang nagkaloob? Angaw-angaw na mga tao sa ngayon ang masikap na nagpapasalamat sa Maylikha dahil sa kamangha-manghang paraan ng pagkakagawa sa katawan ng tao. (Ihambing ang Awit 139:14.) Harinawang higit pang pasasalamat at papuri ang iukol sa kaniya at, gaya ng mga handog ng sinaunang Israelita, maging “isang masarap na amoy” sa ating maibigin, bukas-palad na Maylikha.—Bilang 15:3; Hebreo 13:15.
[Kahon/Dayagram sa pahina 24, 25]
Kung Paano Nagtatrabaho ang Pangamoy
Una, ang Amoy ay Napapansin
ANG mga amoy ay pumapasok sa mga daanan sa ilong kapag ikaw ay humihinga. Gayundin, kapag nilulunok mo ang pagkain, ang mga molekula ay natutulak sa likod ng bibig at nagtutungo sa nasal cavity. Gayunman, sa simula ang maamoy na hangin na ito ay kailangang paraanin sa “mga bantay.” Nakasapin sa mga butas ng ilong ang mga trigeminal nerve (1), na nagpapabahin sa iyo kapag nakaamoy ito ng masansang o nakayayamot na mga kemikal. Ang mga nerbiyo ring ito ang nagbibigay ng kasiyahan sa pamamagitan ng reaksiyon nito sa sangsang ng ilang lasa.
Susunod, ang maamoy na mga molekula ay itinutulak paitaas ng mga pasalungat na hangin na nag-aanyo kapag ang daloy ng hangin ay umiikot sa tatlong mabuto, tulad-balumbon na mga usli na tinatawag na mga turbinate (2). Ang daluyan ng hangin, na nababasa at naiinitan habang daan, ay nagdadala sa mga molekula tungo sa epithelium, (3), ang pangunahing dakong tanggapan. Nasa isang makipot na kanal sa itaas ng ilong, ang patse na ito ng himaymay na sinlaki ng pako ay punô ng mga sampung milyong sensory neuron (4), na ang dulo ng bawat isa ay maraming tulad-buhok na mga nakausli, na tinatawag na cilia, na nilalaganapan ng manipis na sapin ng uhog. Napakasensitibo ng epithelium anupat mahahalata nito ang 1/1,460,000,000 miligramo ng ilang amoy sa isang paspas ng hangin.
Subalit kung paano nga ba napapansin ang mga amoy ay nalalambungan pa rin ng hiwaga. Sa paano man, maaaring makilala ng mga tao ang kasindami ng 10,000 amoy. At may mahigit na 400,000 maaamoy na mga bagay sa ating kapaligiran, at ang mga kemiko ay patuloy na lumilikha ng bagong mga amoy. Kaya paano makikilala ng ating ilong ang anumang partikular na amoy sa napakaraming amoy na ito? Buweno mahigit na 20 iba’t ibang teoriya ang nagsikap na ipaliwanag ang hiwaga.
Kamakailan lamang ang mga siyentipiko ay nakagawa ng pagsulong sa paglutas sa bahaging ito ng palaisipan. Ang ilang katibayan ay natagpuan noong 1991 na may maliliit na protina, na tinatawag na mga olfactory receptor, na nahabi sa mga lamad ng selula sa cilia. Maliwanag na ang mga receptor na iyon ay napasama nang naiiba sa iba’t ibang uri ng maamoy na mga molekula, sa gayo’y binibigyan ang bawat amoy ng natatanging “pagkakakilanlan.”
Ikalawa, ang Amoy ay Inihahatid
Upang ipasa ang impormasyong ito patungo sa utak, ang may kodigong elektrokemikal na mga mensahe ay ipinadadala sa mga olfactory neuron (4). Tinatawag ni Dr. Lewis Thomas, isang sumusulat ng sanaysay sa siyensiya, ang mga neuron na ito na ang ‘Ikalimang kababalaghan ng modernong daigdig.’ Ito lamang ang tanging pangunahing mga selula ng nerbiyo na nagpaparami sa ganang sarili tuwing ilang linggo. At, ang mga ito ay walang pananggalang na hadlang sa pagitan nila at ng nakapaligid na pangganyak, gaya ng sensory nerve na mga selula na naiingatang nagkukubli sa mata at sa tainga. Sa halip, ang mga nerbiyo ng olfactory mula sa utak ay tuwirang may kaugnayan sa daigdig sa labas. Kaya nga, ang ilong ang tagpuang dako ng utak at ng kapaligiran.
Ang mga neuron na ito ay pawang humahantong sa iisang patutunguhan: ang dalawang olfactory bulb (5) sa gawing ibaba ng utak. Ang mga bulb na ito ang pangunahing relay station tungo sa iba pang bahagi ng utak. Gayunman, una muna ay inaayos ng mga ito ang dagsa ng olfactory na impormasyon, inaalis ang lahat maliban sa mahahalaga, at pagkatapos ay inihahatid ito.
Ikatlo, ang Amoy ay Nauunawaan
Ang mga olfactory bulb ay masalimuot na “nakatali” sa sistemang limbic ng utak (6), isang maganda ang pagkakasilo na set ng mga kayarian na gumaganap ng mahalagang bahagi sa pag-iimbak ng mga alaala at sa pagganyak ng emosyonal na mga reaksiyon. Dito “nababago ang malamig na daigdig ng katotohanan tungo sa kumukulong damdamin ng tao,” sang-ayon sa aklat na The Human Body. Ang sistemang limbic ay lubhang nauugnay sa pangamoy anupat malaon na itong tinutukoy bilang ang rhinencephalon, ibig sabihin ay “utak ng ilong.” Maaaring ipaliwanag ng malapít na kaugnayang ito sa pagitan ng ilong at ng sistemang limbic kung bakit tayo ay masyadong emosyonal at nakadarama ng pananabik sa nakalipas sa pamamagitan ng mga amoy. Aha! Ang ipinipritong bacon! Ang malinis na labada! Ang bagong tabas na damo! Ang hininga ng tuta!
Depende sa amoy na napapansin, maaaring pakilusin ng sistemang limbic ang hypothalamus (7), na siya namang magtutulak sa mahalagang glandula ng utak, ang pituitary (8), na gumawa ng iba’t ibang hormone—halimbawa, mga hormone na sumusupil sa gana o sa seksuwal na gawain. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang amoy ng pagkain ay maaaring biglang magpadama sa atin ng gutom o na ang isang pabango ay maaaring maging isang mahalagang salik sa seksuwal na atraksiyon.
Ang sistemang limbic ay nakararating din sa neocortex (9), isang intelektuwal, mapanuring dako sa loob ng utak. Dito maaaring ihambing ang impormasyong galing sa ilong sa impormasyong dumarating sa iba pang mga pandamdam. Sa isang saglit, maaaring isama mo ang mga impormasyong gaya ng maaskad na amoy, isang lumalagitik na tunog, at bahagyang asó na pumapailanglang sa himpapawid upang bumuo ng isang konklusyon—sunog!
Ang thalamus (10) ay gumaganap din ng bahagi, marahil namamagitan sa napakahalagang mga bahaging iyon, ang “emosyonal” na sistemang limbic at ang “intelektuwal” na neocortex. Ang olfactory cortex (11) ay tumutulong upang madistinggi ang magkahawig na mga amoy. Ang iba’t ibang bahagi ng utak ay maaari ring maghatid ng mga mensahe pabalik sa mga istasyon sa paghahatid, ang mga olfactory bulb. Bakit? Upang maayos ng mga bulb ang pagkilala sa mga amoy, binabawasan ito o inihihinto pa nga ito.
Maaaring napansin mo na ang pagkain ay hindi katakam-takam kapag ikaw ay hindi gutom. O naranasan mo na bang masamyo ang isang malaganap, di-maiiwasang amoy na para bang lumilipas na kasama ng panahon? Ang mga olfactory bulb, na napatatalastasan ng utak, ang nagdadala ng mga pagbabagong ito. Ang mga ito ay maaaring tinutulungan ng mga receptor cell sa cilia, na sinasabing madaling napapagod. Ito ay isang nakatutulong na bahagi, lalo na sa harap ng matinding mabahong mga amoy.
Isang kahanga-hangang sistema, hindi ba? Gayunman, bahagya lamang ang natalakay natin sa paksang ito! Buong mga aklat ay itinalaga sa masalimuot na sistemang ito ng pandamdam.
[Dayagram]
(Tingnan ang publikasyon)
[Kahon sa pahina 26]
Pagkasira ng Pangamoy
Angaw-angaw na mga tao ang nasisira ang pangamoy. Ang halimuyak ng tagsibol o ang masarap na amoy ng pagkain ay may kaunti o walang epekto sa kanila. Ganito inilarawan ng isang babae ang kaniyang biglang ganap na pagkawala ng pangamoy: “Alam na alam natin ang tungkol sa pagkabulag at pagkabingi, at tiyak na hinding-hindi ko ipagpapalit ang aking kapansanan sa mga karamdamang iyon. Gayunman ipinagwawalang-bahala natin ang masarap na amoy ng kape at ang matamis na lasa ng mga kahel anupat kapag naiwala natin ang pangamoy at ang panlasa, para bang nakalimutan na nating huminga.”—Magasing Newsweek.
Ang mga karamdaman sa pangamoy ay maaari pa ngang maging nagsasapanganib-buhay. Isang babaing nagngangalang Eva ay nagpapaliwanag: “Palibhasa’y hindi makaamoy, kailangan kong maging napakaingat. Natatakot akong isipin ang dumarating na taglamig, sapagkat kailangan kong isara ang lahat ng bintana at pintuan sa aking apartment. Kung walang sariwang hangin, madali akong madaraig ng usok ng gas kung mamatay ang pilot light sa gas stove.”
Ano ang sanhi ng pagkasira ng pangamoy? Bagaman maraming sanhi, tatlo ang pinakakaraniwan: pinsala sa ulo, impeksiyon dahil sa virus sa upper respiratory, at sakit na sinus. Kung ang mga daanan ng nerbiyo ay maputol, kung ang epithelium ay maging di-sensitibo, o kung ang hangin ay hindi makarating sa epithelium dahil sa bara o pamamaga, nawawala ang pangamoy. Kinikilala na ang mga karamdamang iyon ay isang malaking problema, ang klinikal na mga sentro ng pananaliksik para sa pag-aaral ng panlasa at pangamoy ay itinatag.
Sa isang panayam, si Dr. Maxwell Mozell ng State University of New York Health and Science Center sa Syracuse ay nagsabi: “Nagkaroon kami ng mga pasyente rito na [nakaamoy ng mabahong amoy na sila lamang ang nakaaamoy]. Naaamoy nila ang kakila-kilabot na mga bagay. Isang babae ang nakaaamoy ng isda sa lahat ng panahon. Gunigunihin kung sa bawat minuto sa bawat araw, wala kang naaamoy kundi isda o nasusunog na goma.” Pagkatapos pahirapan sa loob ng 11 taon ng mabahong amoy at panlulumo dahil dito, isang babae ang nakasumpong ng kagyat na ginhawa pagkatapos na alisin sa pamamagitan ng operasyon ang isa sa mga olfactory bulb.
[Larawan sa pahina 23]
Hininga ng tuta
[Larawan sa pahina 23]
Ipinipritong bacon
[Larawan sa pahina 23]
Bagong tabas na damo