Ang Tibay ng Loob na Unahin ang Diyos
Ang Tibay ng Loob na Unahin ang Diyos
MAY nakatatakot na tunog sa kuliling ng aming telepono noong alas tres ng umaga. Ito ay isang kasamahan ni Itay sa negosyo na kadadalo lamang sa isang miting ng American Legion. Siya ay balisang-balisa. “Wally,” sigaw niya sa itay ko, “kung hindi mo tatawagan agad sa telepono ang Philadelphia Inquirer ngayon din bago lumabas ang edisyon sa umaga at sasabihin mo na ikaw ay sasaludo sa bandila, sasalakayin ng mga mang-uumog ang iyong groseri at ang iyong pamilya ngayon, at wala akong pananagutan sa anumang mangyayari!” Naranasan na noon nina Itay at Inay ang karahasan ng mang-uumog. Ngayon ay gising na gising, sila’y nagsimulang manalangin.
Noong madaling-araw ginising nila kaming anim na mga bata. Sinabi ni Itay sa aking kapatid na lalaki na si Bill na dalhin ang mga mas nakababata sa bahay ng aming mga nuno. Pagkatapos ay tinulungan ako ni Bill sa gawaing-bahay at sa tindahan gaya ng dati. Si Itay ay nagtungo sa hepe ng pulisya ng Minersville at sinabi sa kaniya ang tungkol sa banta. Di-nagtagal isang kotse ng Pennsylvania State Police ang dumating at pumarada sa harap ng aming tindahan at nanatili roon maghapon. Nagpatuloy kami sa aming mga gawain sa tindahan at naglingkod sa mga parokyano, subalit patuloy naming binabantayan ang dako sa harap ng tindahan. Ang aming mga dibdib ay kumakaba kailanma’t isang grupo ng mga tao ang hihinto. Subalit ang mang-uumog ay hindi kailanman dumating. Marahil huminahon sila sa liwanag ng araw—at sa pagkakita sa kotse ng pulis!
Nasumpungan Namin ang Katotohanan
Subalit ano ang umakay sa maigting na kalagayang ito? Ito ay may kaugnayan sa aming relihiyon. Alam mo, noong 1931, nang ako ay pitong taóng gulang, sina Lola at Lolo ay sumandaling pumisan sa amin. Sila’y mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova.
Si Lolo ay hindi nagpatotoo kay Itay, subalit kapag sina Lola at Lolo ay wala, si Itay ay magtutungo sa kanilang silid upang tingnan kung ano ba itong literatura nila. May pananabik niyang binasa ito! Naririnig ko pa ang kaniyang masayang tinig: “Tingnan mo kung ano ang sinasabi ng Bibliya!” Ang katotohanan ay isang tunay na kaluguran sa kaniya. Binasa rin ni Inay ang literatura, at noong 1932 siya ay nagbitiw mula sa Iglesya Methodista, at kami’y nagkaroon ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ako man ay tuwang-tuwa na gaya nila na marinig ang tungkol sa kahanga-hangang lupang Paraiso na darating. Dinibdib ko ang katotohanan mula sa simula.
Noong dakong huli ng 1932, tinanong ni Inay kung handa na ba akong lumabas sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay. Noong mga panahong
iyon, bata o matanda, kami ay nagtutungo sa mga pintuan na mag-isa. At ginamit namin ang isang testimony card. Sasabihin ko lamang: “Magandang umaga po, mayroon po akong mahalagang mensahe. Maaari po bang pakibasa ninyo ito?” Sa simula kung ang maybahay ay hindi gaanong mapagpatuloy, wala na akong sasabihin kundi, “Sige po, paalam na po,” pagkatapos niyang basahin ito.Di-nagtagal, dumating ang pagsalansang. Noong tagsibol ng 1935, kami’y nagpatotoo sa bayan ng New Philadelphia. Natatandaan kong ako’y nakatayo sa isang pintuan at nakikipag-usap sa isang lalaki nang dumating ang isang pulis at dinala ako at ang iba pa na nagpapatotoo. Ang maybahay ay nangilabot na dadakpin nila ang 11-anyos na batang babaing ito. Dinala nila kami sa isang dalawang-palapag na istasyon ng bombero. Nagkulumpunan sa labas ang pumapalahaw na mang-uumog na halos isang libo. Maliwanag na ang mga simbahan ay maagang natapos noong Linggong iyon upang himukin ang lahat na makilahok. Habang kami ay inaakay sa pulutong ng mga tao, isang batang babae ang sumuntok sa aking braso. Subalit kami’y ligtas na nakapasok sa loob, at pinigilan ng nasasandatahang mga bantay ang mga mang-uumog sa pagsira sa pinto.
May 44 kami na nagsisiksikan sa istasyon ng bombero, at kami’y naupo sa hagdan. Ang aming kalooban ay hindi natatakot; kami’y maligaya na makilala ang ilang Saksi mula sa Shenandoah Congregation na tumutulong sa amin sa pangangaral sa bayan. Doon ko nakilala si Eleanor Walaitis, at kami’y naging matapat na magkaibigan. Pagkaraan ng ilang oras, kami’y pinalaya ng mga pulis.
Ang Usapin Tungkol sa Pagsaludo-sa-Bandila ay Napabantog
Noong napakahalagang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ng 1935 sa Washington, D.C., may nagtanong kay Brother Rutherford, ang presidente ng Samahang Watch Tower, tungkol sa kung ang mga batang mag-aaral ba ay dapat na sumaludo sa bandila. Siya’y sumagot na kawalan ng katapatan sa Diyos na ipalagay ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagsaludo sa isang makalupang sagisag; sinabi niya na hindi niya gagawin ito. Ito ay napakintal sa isip namin ni Bill. Pinag-usapan namin ito na kasama ng aming mga magulang at binasa namin ang Exodo 20:4-6, 1 Juan 5:21, at Mateo 22:21. Kami ay hindi pinilit o kinonsensiya nina Inay at Itay. Nang magbukas ang klase noong Setyembre, alam na alam namin kung ano ang dapat naming gawin. Subalit sa tuwing titingin ang mga guro sa amin, nakikiming itinataas namin ang aming kamay at ikinikilos ang aming mga labi. Isa sa aking mga problema ay na ako’y natatakot na layuan ako ng aking makasanlibutang mga kaibigan sa paaralan kung ako’y maninindigan.
Ngunit nang kami’y dalawin ng ilang payunir, sinabi ko sa kanila ang aming ginagawa. Hinding-hindi ko malilimutan ang sinabi ng isang sister: “Lillian, si Jehova’y napopoot sa isang mapagpaimbabaw.” Pagkatapos, noong Oktubre 6, si Brother Rutherford ay gumawa ng isang pagsasahimpapawid sa radyo sa buong bansa na pinamagatang “Pagsaludo sa Bandila.” Ipinaliwanag niya na iginagalang natin ang bandila ngunit ang pagsasagawa ng mga ritwal sa harap ng isang imahen o sagisag ay sa katunayan isang idolatriya. Ang ating kaugnayan kay Jehova ay mahigpit na magbabawal nito.
Noong Oktubre 22, si Bill, na sampung taóng gulang lamang, ay umuwi ng bahay mula sa paaralan na maligayang-maligaya. “Huminto na ako ng pagsaludo sa bandila!” matagumpay na sabi niya. “Sinikap ng guro na itaas ang aking kamay upang sumaludo, subalit pinanatili ko ito sa aking bulsa.”
Kinabukasan, kumakaba ang dibdib, nagtungo ako sa aking guro sa harap ng klase upang hindi ako manghina. “Miss Shofstal,” nautal ako, “hindi na po ako maaaring sumaludo sa bandila. Sinasabi po ng Bibliya sa Exodo kabanata 20 na hindi kami maaaring magkaroon ng ibang diyos sa harap ng Diyos na Jehova.” Sa aking pagkabigla ako ay niyapos niya lamang at sinabi sa akin na ako ay isang mabait na bata. Buweno, nang dumating ang panahon ng seremonya sa bandila, hindi ako nakisama sa pagsaludo. a Di-nagtagal ang lahat ay nakatingin sa akin. Subalit ako’y tuwang-tuwa. Si Jehova ang nagbigay sa akin ng tibay ng loob na huwag sumaludo!
Ang mga batang babae na naiibigan ko sa paaralan ay nasindak. Isa o dalawa ang lumapit sa akin at nagtanong kung bakit, at nagsimula ang isang mabuting pag-uusap. Subalit karamihan ng mga bata ang hindi pumapansin sa akin. Kapag dumarating
ako sa paaralan tuwing umaga, ilang batang lalaki ang sisigaw, “Dumarating na si Jehova!” at pauulanan ako ng mga bato. Ang lahat sa paaralan ay nagmasid sa loob ng dalawang linggo. Pagkatapos sila ay nagpasiyang kumilos. Noong Nobyembre 6 ang lupon sa paaralan ay nakipagkita kina Itay at Inay at sa mga magulang ng isa pang lalaking Saksi. Iginiit ng superintendente, si Propesor Charles Roudabush, na ang aming paninindigan ay katumbas ng hindi pagsunod sa nakatataas; di-nagtagal ang iba pa sa lupon ay sumang-ayon. Pinaalis nila kami sa paaralan.Nagsimula ang Pag-aaral sa Tahanan
Pinayagan nila kaming dalhin namin ang aming mga aklat pampaaralan, kaya karaka-raka kaming nagtayo ng isang paaralan sa tahanan sa aming atik, na pinangangasiwaan ng isang kabataang babae na tumutulong kay Inay sa bahay. Subalit hindi nagtagal isang sulat ang dumating na nagsasabing kung wala kaming kuwalipikadong guro, kami’y ipadadala sa isang repormatoryo.
Sina Paul at Verna Jones, na may bukid na 50 kilometro ang layo, ay tumawag sa amin sa telepono pagkaraan ng ilang araw. “Nabasa namin na ang inyong mga anak ay pinaalis sa paaralan,” sabi ni Paul kay Itay. Inalis nila ang dingding sa pagitan ng kanilang sala at kumidor upang gawing isang silid-aralan. Inanyayahan nila kami. Isang batang guro mula sa Allentown na interesado sa katotohanan ang sabik na tinanggap ang trabahong ito, bagaman ito ay nangangahulugan ng pagtanggap ng mas mababang sahod kaysa iniaalok sa mga paaralang bayan. Kahawig na mga paaralan ng Saksi ang naglitawan sa lahat ng bahagi ng bansa.
Ang mga Jones ay may apat na anak; gayunman ay pinatira nila ang di-kukulanging sampu pa. Kami’y natulog na tatlong bata sa isang kama at lahat ay sumasang-ayon na magbabago ng posisyon sa pagtulog nang sabay-sabay! Isa pang pamilyang Saksi na malapit ang kumuha rin ng halos gayundin karami, at di-nagtagal ang bilang ng mag-aaral ay dumami hanggang sa mahigit na 40. Maraming katuwaan at tawanan, subalit mayroon ding mga gawaing-bahay. Kami’y nagigising ng ika-6:00 n.u. Ang mga lalaki ay tumutulong sa labas, at ang mga babae ay may gawain sa kusina. Ang aming mga magulang ay dumarating kung Biyernes pagkatapos ng eskuwela upang iuwi kami para sa dulo ng sanlinggo. Isang araw ay dumating ang mga anak na Walaitis, kasama ang aking kaibigang si Eleanor.
Ang mga problema sa pag-aaral ay patuloy na dumarating. Ang mahal na si Brother Jones ay namatay, kaya ginawa ni Itay ang aming pickup na trak tungo sa isang school bus upang ihatid kami sa layong 50 kilometro patungo sa paaralan. Pagkatapos ang ilan sa amin ay umabot sa edad na bagay sa high school at nangailangan ng isang guro na kuwalipikado para sa grupong iyan. Sa bawat hadlang, wari bang si Jehova ay nagbibigay ng isang lunas.
Pagtungo sa Hukuman
Samantala nais ng Samahan na dalhin sa mga hukuman ang mga pag-abuso may kaugnayan sa usapin ng pagsaludo-sa-bandila. Daan-daan sa amin na nanindigan ay naging libu-libo na ngayon. Isang pamilya pagkatapos ng isa pang pamilya ang pinili, ngunit ayaw tanggapin ng mga hukuman ng estado ang kanilang mga kaso para sa paglilitis. Ang aming pamilya ay nilapitan, at ang abugado ng Samahan at ang abugado ng American Civil Liberties Union ay nagharap ng demanda sa Federal District Court sa Philadelphia noong Mayo 1937. Isang petsa ng paglilitis ang itinakda noong Pebrero 1938.
Kami ni Bill ay tetestigo sa hukuman. Natatandaan ko pa ang nerbiyos at takot na naranasan ko samantalang hinihintay iyon! Paulit-ulit kaming tinagubilinan ng abugado ng Samahan sa posibleng mga tanong. Sa hukuman, si Bill ang unang tumestigo. Tinanong nila siya kung bakit ayaw niyang sumaludo sa bandila, at sumagot siya na sinisipi ang Exodo 20:4-6. Pagkatapos ay dumating naman ang turno ko. Parehong tanong. Nang ako’y sumagot, “Ang 1 Juan 5:21,” ang abugado ng kalaban ay sumigaw: “Ako’y tumututol!” Inaakala niyang ang isang kasulatan ay sapat na! Pagkatapos si Propesor Roudabush ang tumestigo, sinasabing kami ay naindoktrinahan at ikinakalat namin ang “hindi paggalang sa . . . bandila at sa bansa.” Subalit si Hukom Albert Maris ay nagpasiya na pabor sa amin.
‘Huwag na kayong sumubok na bumalik sa paaralan!’ ang mensahe mula sa lupon ng paaralan. ‘Iaapela namin ang kaso.’ Kaya ito’y ibinalik sa Philadelphia, sa pagkakataong ito ay sa U.S. Court of Appeals. Noong Nobyembre 1939 ang tatlong-taong hukuman ay nagpasiya na pabor sa amin. Ang lupon sa paaralan ay nagalit. Ang kaso ay inapela sa Korte Suprema ng E.U.!
Ang Korte Suprema
Kami’y natuwang mabalitaan na si Brother Rutherford mismo ang hahawak ng aming kaso! Isang pangkat sa amin ang sumalubong sa kaniya sa Union Station sa Washington, D.C., noong gabi bago ang paglilitis. Anong halagang sandali! Noon ay Abril 1940 at medyo malamig pa ang panahon. Kinabukasan ang silid ng hukuman ay punúng-punô ng mga Saksi ni Jehova. Sa wakas ay turno na namin, at si Brother Rutherford ay tumayo upang magsalita. Hinding-hindi ko malilimutan kung paano niya inihambing kaming mga anak ng Saksi sa tapat na propetang si Daniel, sa tatlong kasamang Hebreo ni Daniel, at sa iba pang tauhan sa Bibliya. Ang kaniyang talumpati ay mapuwersa, at ang mga tagapakinig ay wiling-wili sa pakikinig.
Hindi namin sukat akalain na ang pasiya ng hukuman ay laban sa amin. Tutal, kami ay nanalo sa naunang dalawang kaso. Subalit noong umaga ng Hunyo 3, 1940, kami ni Inay ay nagtatrabaho sa kusina samantalang tumutugtog ang radyo. Biglang dumating ang balita. Ang mga hukom ay nagpasiya laban sa amin—at hindi lamang isang maliit na palugit, kundi ng 8 sa 1! Kami ni Inay ay basta tumayo roon, hindi kumikilos at hindi makapaniwala. Pagkatapos kami ay tumakbo sa ibaba upang ibalita kay Itay at kay Bill.
Ang pasiyang ito ay naglabas ng halos hindi maguguniguning daluyong ng kasindakan. Sa ibayo ng bansa, ito’y isang panahon ng pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Inaakala ng mga tao na ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa bayan sa pagsalakay sa amin. Pagkaraan ng mga ilang araw ang Kingdom Hall sa Kennebunk, Maine, ay sinunog. Sa Illinois sinalakay ng mga mang-uumog ang 60 Saksi habang sila ay nangangaral, tinataob ang kanilang mga kotse at sinisira ang kanilang literatura. Sa lugar ng Shenandoah, Pennsylvania, ang minahan ng karbón, ang mga pabrika ng damit, at ang mga paaralan ay sunud-sunod na nagdaos ng mga seremonya sa pagsaludo-sa-bandila. Sa gayon, ang mga anak ng Saksi ay pinaalis sa paaralan, at ang kanilang mga magulang ay nawalan ng kanilang trabaho sa loob ng isang araw.
Pagtitiis sa Pag-uusig
Noong panahong ito ang aming pamilya ay tumanggap ng banta ng karahasan ng mang-uumog na inilarawan ko sa pasimula. Nang iyon ay nabigo, ipinatalastas ng isang simbahan sa Minersville ang pagboykoteo sa aming tindahan. Ang negosyo ay lubhang humina. Ito ang aming buong ikinabubuhay, at sa ngayon mayroon nang anim na mga anak sa pamilya. Si Itay ay kinailangang mangutang upang mapaglaanan ang mga pangangailangan sa buhay. Subalit nang maglaon ang boykoteo ay humupa; ang mga tao ay nagsimulang bumili muli sa aming tindahan. Ang ilan ay umismid pa nga na “isang kalabisan” na para sa kanilang pari na sabihin sa kanila kung saan bibili ng mga groseri. Gayunman, maraming pamilyang Saksi ang nawalan ng negosyo at tahanan noong mga taóng iyon.
Isang gabi ay minamaneho ko ang kotse ng pamilya mula sa ilang pag-aaral sa Bibliya. Kapapasok lamang nina Inay at Itay sa kotse, isang pangkat ng mga tin-edyer ang lumabas mula sa pagtatago at pinaligiran ang kotse. Sinimulan nilang alisan ng hangin ang mga gulong. Walang anu-ano’y nakita ko ang isang bukás na daan sa harapan namin. Tinapakan ko ang gasolina, at kami’y umalis! “Lillian, huwag mo nang uulitin iyan,” payo ni Itay. “Maaaring makasakit ka.” Gayunman, kami’y nakauwi sa bahay nang ligtas at tiwasay.
Sa lahat ng panatikong karahasang ito, ang mga pahayagan ay pabor sa amin. Hindi kukulanging 171 pangunahing mga pahayagan ang kumondena sa desisyon tungkol sa pagsaludo-sa-bandila noong 1940. Iilan lamang pahayagan ang sumang-ayon. Sa kaniyang pitak sa pahayagan na “My Day,” si Eleanor Roosevelt, ang asawa ng pangulo, ay sumulat bilang pagtatanggol sa amin. Gayunman,
wari bang wala pa ring natatanaw na paghupa ng mga pag-uusig.Sa Wakas Isang Pagbabago
Gayunman, noong 1942, inaakala ng ilan sa mga hukom ng Korte Suprema na nagkamali sila ng pasiya sa ating kaso. Kaya iniharap ng Samahan ang kaso ng Barnett, Stull, at McClure, isang grupo ng mga anak ng Saksi na pinaalis sa paaralan sa West Virginia. Ang U.S. District Court ng West Virginia ay buong pagkakaisang nagpasiya na pabor sa mga Saksi ni Jehova! Ngayon, sa pag-apela ng State Board of Education, ang kaso ay nagtungo sa Korte Suprema ng E.U. Ang aming pamilya ay naroon sa Washington, D.C., nang ang abugado ng Samahan, si Hayden C. Covington, ay mapuwersang nangatuwiran sa harap ng Korte Suprema. Noong Araw ng Bandila, Hunyo 14, 1943, dumating ang desisyon. Ito ay anim na boto sa tatlo ng mga hukom na pabor sa mga Saksi ni Jehova!
Sa buong bansa, ang mga bagay-bagay ay nagsimulang huminahon pagkatapos nito. Mangyari pa, may ilan pang mga panatiko na nakasusumpong pa rin ng mga paraan upang gawing mahirap ang buhay para sa aming nakababatang mga kapatid na babae pagbalik nila sa paaralan, subalit kami ni Bill ay lipas na sa edad para mag-aral. Walong taon na ang lumipas mula nang kami’y manindigan.
Isang Karera sa Paglilingkod kay Jehova
Ngunit iyon lamang ang pasimula ng aming mga karera sa paglilingkod kay Jehova. Si Bill ay naging isang payunir sa gulang na 16. Kami ni Eleanor Walaitis (ngayo’y Miller) ay naging magkaparehang payunir at naglingkod sa Bronx, New York City. Pagkalipas ng isang taon, ako’y tuwang-tuwang magsimulang maglingkod sa Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower. Doon man ay nagkaroon ako ng mga kaibigan na tumagal nang mahabang panahon.
Noong tag-araw ng 1951, ako’y nasa mga kombensiyon sa Europa nang makilala ko si Erwin Klose. Sa isang pagtitipon sa Alemanya, siya at ang iba pang mga kapatid na lalaking Aleman ay umawit nang napakaganda para sa aming kasiyahan. Tuwang-tuwa na sinabi ko sa kaniya na maganda ang boses niya. Siya’y may kabaitang tumango, at ako’y patuloy na nagsalita. Hindi siya nakauunawa ng wikang Ingles! Pagkaraan ng mga buwan ay nakita ko si Erwin sa Brooklyn, New York, sa Bethel, sapagkat siya ay nakatala sa Watchtower Bible School of Gilead upang sanayin para sa gawaing misyonero. Minsan pa ay kinausap ko siya nang matagal, malugod na tinatanggap siya sa Brooklyn, at muli siya ay may kabaitang ngumiti. Nahihirapan pa rin siyang maunawaan ako! Gayunman, sa wakas kami ay nagkaunawaan. Hindi nagtagal kami ay nagkasundong pakasal.
Ako’y naging isang misyonera at sumama ako kay Erwin sa kaniyang gawain sa Austria. Subalit ang kalusugan ni Erwin ay humina dahil sa malupit na pagtrato na tinanggap niya sa kamay ng mga Nazi sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang ako ay napaalis sa paaralan, siya ay nasa mga bilangguan at mga kampong piitan. b Kami’y nagbalik sa Estados Unidos noong 1954.
Mula noon ay nagkaroon kami ng kagalakan ng paglilingkuran kung saan may higit na pangangailangan at pinalalaki ang aming dalawang mababait na anak sa mga daan ni Jehova. Nang ang aming mga anak ay mag-aral, nakita ko na ang mga bagay
ay hindi pa lubusang nagbago. Si Judith at si Stephen ay kapuwa sinalakay dahil sa kanilang mga paniniwala, at ang mga puso namin ni Erwin ay nag-uumapaw sa kagalakan sapagkat sila man ay nagpakita ng tibay ng loob na manindigan sa kung ano ang tama. At lagi kong nasusumpungan na sa pagtatapos ng taóng paaralan, batid ng kanilang mga guro na ang mga Saksi ay hindi pangkat ng mga panatiko, at kami ay nagkaroon ng mabuting kaugnayan.Ginugunita ang nakalipas na mga taon, nakikita ko ngayon na pinagpala ni Jehova ang aming pamilya. Kami sa kasalukuyan ay may kabuuang 52 miyembro ng pamilya na naglilingkod kay Jehova. Walo ang tumanggap ng kanilang makalangit na gantimpala o naghihintay ng makalupang pagkabuhay-muli, kasali na ang akin mismong mga magulang, na nag-iwan ng isang kahanga-hangang pamana na pag-una kay Jehova sa buhay. Nitong nakalipas na mga taon pinag-isipan namin ang halimbawang iyon. Pagkatapos mamuhay ng isang aktibo at mabungang buhay, si Erwin ay nakikipagpunyagi sa isang neuromuscular na karamdaman na lubhang nagtatakda sa kaniyang pagkilos.
Sa kabila ng mga pagsubok na iyon, kami’y tumitingin sa hinaharap taglay ang tunay na kagalakan at pagtitiwala. Kahit minsan ay hindi namin pinagsisihan ang aming pasiyang sambahin nang bukod-tangi ang Diyos na Jehova.—Gaya ng inilahad ni Lillian Gobitas Klose.
[Kahon sa pahina 17]
Bakit Hindi Sumasaludo sa Bandila ang mga Saksi ni Jehova?
MAY isang simulain sa pagsamba na idiniriin ng mga Saksi ni Jehova nang higit kaysa ginagawa ng ibang pangkat ng relihiyon: pagiging bukod-tangi. Binanggit ni Jesus ang simulaing iyan sa Lucas 4:8: “Si Jehova na iyong Diyos ang siya mong sasambahin, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.” Kaya pinipili ng mga Saksi na iwasan na pag-ukulan ng pagsamba ang sinuman o ang anumang bagay sa sansinukob maliban kay Jehova. Ang pakikibahagi sa pagsaludo sa bandila ng anumang bansa para sa kanila ay isang gawa ng pagsamba na manghihimasok at lalabag sa kanilang bukod-tanging pagsamba kay Jehova.
Kapuwa ang mga Israelita at ang sinaunang mga Kristiyano ay paulit-ulit na binabalaan laban sa pagsamba sa anumang gawang-taong bagay. Ang gawaing ito ay hinatulan bilang idolatriya. (Exodo 20:4-6; Mateo 22:21; 1 Juan 5:21) Talaga bang ang bandila ay maituturing na isang idolo? Ang ilan ay seryosong mangangatuwiran na ito ay isa lamang piraso ng tela. Ito ay malawakang itinuturing bilang isang sagradong sagisag, at higit pa. Ganito ang pagkakasabi rito ng Katolikong mananalaysay na si Carlton Hayes: “Ang pangunahing sagisag ng pananampalataya ng nasyonalismo at ang pinakamahalagang bagay ng pagsamba ay ang bandila.”
Hindi ito nangangahulugan na hindi iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang bandila o yaong mga sumasaludo rito. Sa pangkalahatan sila ay magalang na tatayo sa gayong mga seremonya hangga’t sila ay hindi hihilinging makibahagi rito. Paniniwala nila na ang isa ay nagpapakita ng tunay na paggalang sa bandila sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng bansa na kinakatawan nito.
Karamihan ng mga tao ay sasang-ayon na ang pagsaludo sa bandila ay hindi gumagarantiya ng paggalang dito. Na ito ay totoo ay ipinakikita ng isang kaso sa Canada. Isang guro at isang punong-guro ang nag-utos sa isang batang babae na sumasaludo sa bandila na duraan ito; ginawa niya iyon. Pagkatapos ay inutusan nila ang isang batang babaing Saksi sa klase na gawin din iyon, subalit siya ay matatag na tumanggi. Sa mga Saksi ni Jehova, isang simulaing pinanghahawakang mahigpit na igalang ang bandila. Gayunman, ang kanilang pagsamba ay kay Jehova lamang.
[Mga talababa]
a Sa pangkalahatan, ang mga Saksi ni Jehova ay kusang gumagalang sa mga panunumpa at pambansang mga awit sa mga paraan na hindi nagpapahiwatig ng paglahok sa mga gawa ng relihiyosong pagsamba.
[Larawan sa pahina 16
Sina Erwin at Lillian sa Vienna, Austria, 1954
[Larawan sa pahina 17]
Si Lillian ngayon
[Credit Line]
Dennis Marsico