Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maliliit na Tao, Malalaking Kaigtingan

Maliliit na Tao, Malalaking Kaigtingan

Maliliit na Tao, Malalaking Kaigtingan

“Ang dalamhati ng mga bata ay maliit, totoo, subalit gayundin ang bata.”​—Percy Bysshe Shelley.

TINGNAN mo ang drowing sa ibaba ng isang sumbrero. Sa unang sulyap ang sombrero ay parang mas mataas kaysa lapad ng pardiyas. Gayunman, sa katunayan kapuwa ang taas at lapad ay magkapareho. Ang mga sukat ay maaaring madaling hatulan nang mali.

Gayundin kadali para sa mga adulto na hatulan nang mali ang mga sukat ng kaigtingan ng isang bata. ‘Napakaliit ng mga problema ng mga bata,’ ikinakatuwiran ng ilan. Subalit ang pag-iisip na ito ay mapandaya. “Hindi dapat hatulan ng mga adulto ang mga problema ayon sa kanilang laki,” babala ng aklat na Childstress!, “kundi sa laki ng pasakit na dulot nito.”

Sa maraming kaso ang laki ng pasakit ng isang bata ay mas malaki kaysa natatanto ng mga adulto. Ito’y pinatotohanan ng isang pagsusuri kung saan ang mga magulang ay hiniling na tantiyahin ang emosyonal na katayuan ng kanilang mga anak. Halos lahat ay tumugon na ang kanilang mga anak ay “maligayang-maligaya.” Gayunman, nang tanungin nang bukod sa kanilang mga magulang, inilarawan ng karamihan ng mga anak ang kanilang mga sarili na “hindi maligaya” at “miserable” pa nga. Nakakaharap ng mga bata ang mga takot na lubhang minamaliit ng mga magulang.

Sa isa pang pag-aaral, na isinagawa ni Dr. Kaoru Yamamoto, isang grupo ng mga bata ang hiniling na sukatin ang 20 pangyayari sa buhay sa isang pitong-puntong sukatan ng kaigtingan. Pagkatapos sinukat ng isang pangkat ng mga adulto ang mga pangyayari ring iyon ayon sa kung paano inaakala nilang susukatin iyon ng bata. Mali ang hatol ng mga adulto sa 16 ng 20 pangyayari! “Inaakala natin na kilala natin ang ating mga anak,” hinuha ni Dr. Yamamoto, “ngunit kadalasan ay hindi natin talagang nakikita o naririnig, ni nauunawaan, kung ano ang lumiligalig sa kanila.”

Dapat malaman ng mga magulang na malasin ang mga karanasan sa buhay mula sa isang bagong perspektiba: sa paningin ng isang bata. (Tingnan ang kahon.) Ito ay lalo nang mahalaga sa ngayon. Inihula ng Bibliya na “sa mga huling araw ay magkakaroon ng mapanganib na mga panahon ng matinding kaigtingan . . . na mahirap pakitunguhan at mahirap batahin.” (2 Timoteo 3:1, The Amplified Bible) Ang mga bata ay tinatablan ng gayong kaigtingan; kadalasan, sila ang pangunahing mga biktima nito. Bagaman ang mga kaigtingan ng ilang bata ay basta “nauugnay sa kabataan,” ang iba ay lubhang di-pangkaraniwan at nangangailangan ng pantanging pansin.​—2 Timoteo 2:22.

[Kahon sa pahina 5]

Sa Paningin ng Isang Bata

Kamatayan ng Magulang = Pagkadama ng Pagkakasala. Ginugunita ang panandaliang galít na mga alaala sa isang magulang, maaaring itago ng isang bata ang mga damdamin ng pananagutan sa kamatayan ng magulang.

Diborsiyo = Pagpapabayà. Ang katuwiran ng bata ay nagsasabi na kung ang mga magulang ay maaaring huminto sa pag-iibigan sa isa’t isa, maaari rin silang huminto sa pagmamahal sa kaniya.

Alkoholismo = Tensiyon. Ganito ang sulat ni Claudia Black: “Ang pang-araw-araw na kapaligiran ng takot, pagpapabayà, pagkakaila, pabagu-bago, at tunay o potensiyal na karahasan na pinagyayaman sa tahanan ng alkoholiko ay hindi isang kapaki-pakinabang, mabuting kapaligiran.”

Pag-aaway ng mga Magulang = Takot. Isinisiwalat ng isang pag-aaral sa 24 na estudyante na ang mga pag-aaway ng mga magulang ay lubhang nagdudulot ng kaigtingan anupat naranasan ng mga bata ang pagsusuka, pasumpung-sumpong na pagkibot ng nerbiyo sa mukha, pagkawala ng buhok, pangangayayat o pagtaba, at ulser pa nga.

Labis na Kahanga-hangang Gawa = Kabiguan. “Saanman bumaling ang bata,” sulat ni Mary Susan Miller, “para bang sila’y nasasangkot sa walang-awang paligsahan na isinaayos para sa kanila ng mga adulto.” Ginigipit na maging ang pinakamagaling sa paaralan, sa tahanan, at kahit na sa laro, ang bata ay hindi kailanman nagwawagi, at ang paligsahan ay hindi kailanman natatapos.

Bagong Silang na Kapatid = Kawalan. Ngayong mayroon nang makakahati sa pansin at pagmamahal ng magulang, maaaring madama ng isang bata na siya ay nawalan ng isang magulang sa halip na nagkaroon ng isang kapatid.

Paaralan = Pagkabalisa sa Pagkahiwalay. Para kay Amy, ang pag-iwan sa kaniyang ina at pagpasok sa paaralan ay totoong napakasakit at nakababagabag.

Mga Pagkakamali = Pagkapahiya. Sa kanilang mabuway na pagkakilala-sa-sarili, ang mga bata “ay may hilig na palakihin ang mga bagay-bagay,” sabi ni Dr. Ann Epstein. Nasumpungan niya, ang pagkapahiya ang isa sa pinakakaraniwang dahilan ng pagpapatiwakal ng bata.

Mga Kapansanan = Kabiguan. Bukod pa sa paglibak ng walang-habag na mga kasamahan, maaaring tiisin ng isang batang may pisikal o mental na kapansanan ang kawalang-pasensiya ng mga guro at mga miyembro ng pamilya na nagpapahayag ng pagkabigo sa kung ano ang basta higit sa kaniyang kakayahan.

[Larawan sa pahina 4]

Makalumang sombrero