Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kawalang Katarungan sa Krimen Nais kong ibahagi sa inyo kung paano ko ginamit ang isang luma nang labas ng Gumising! Ang aking anak na babae ay tinutukan sa isang nakawan sa kotse. Ang magnanakaw ay nahatulan, subalit tinanggihan ang ebidensiya sa habla ng kaniyang paggamit ng baril. Bagaman nasisiphayo, pinahintulutan akong magsalita sa kapakanan ng aking anak na babae sa panahon ng kaniyang sentensiya. Bago pa noon, natunghayan ko ang artikulong “May Napapala ba sa Krimen?” (Enero 8, 1986) Dahil sa ginamit ko ang materyal na nasa kahon na pinamagatang “Ang Kawalang Katarungan ng Sistema sa Krimen,” sinabi ko sa hukuman na “ang kriminal ay may mapagpipilian—gumawa ng krimen o hindi. Ang biktima ay walang mapagpipilian.” Ang magnanakaw ay nabilanggo, tumanggap ng pinakamatagal na sentensiya.
D. M., Estados Unidos
Pabayang mga Magulang Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Nagpapakita ng Higit na Interes sa Akin ang Aking mga Magulang?” (Nobyembre 8, 1992) Ako’y napaiyak habang binabasa ko ito. Dalawang buwan na ang nakalilipas, pakiramdam ko’y pinabayaan na ako, kaya ako’y nagrebelde. Sa palagay ko punung-puno ako ng galit at sama ng loob. Talagang pinag-isip ako ng artikulo tungkol sa nangyari. Salamat sa inyong pagmamalasakit sa aming mga kabataan na bigyan kami ng napakahalagang impormasyong ito.
N. C., Estados Unidos
Naabot ng artikulo ang puso ng aking sampung-taóng-gulang na anak na babae. Bilang nagsosolong magulang, ako’y nagsisikap mabuti, subalit hindi ko laging taglay ang lakas at pagtitiis upang pakitunguhan ang igting na nakakaharap ko sa araw-araw. Pagkatapos kong talakayin ang impormasyon sa kaniya, mas naunawaan niya kung ano ang nadarama ko paminsan-minsan. Umiyak kaming pareho, at napagtanto niya na talagang mahal ko siya.
C. L., Estados Unidos
Taluktok ng Europa Ibig ko kayong pasalamatan sa artikulong “Pagbibiyahe sa Taluktok ng Europa Sakay ng Tren.” (Disyembre 8, 1992) Ako’y naakit na puntahan ang Jungfraujoch, malapit sa Interlaken, Switzerland. Sa taas na 3,454 metro sa antas ng dagat, lalo kong pinahalagahan ang kagandahan ng gawa ng Diyos at ang pagkalawak-lawak na kabundukang natatakpan ng niyebe.
P. L., Italya
Musika Ako’y 12 taóng-gulang. Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Aking Musika?” ay talagang kapaki-pakinabang. (Pebrero 8, 1993) Hindi ko rin maiwasan ang aking musika, kahit na ang pakikinig dito habang ako’y nag-aaral. Mayroon din akong ilang compact disc na hindi magandang pakinggan, at maraming ulit kong nakabangga ang aking mga magulang dahil sa mga ito. Nang mabasa ko kung paano nakaiimpluwensiya sa akin ang pakikinig ng musika, nadama kong para bang tinatarak ang aking puso. Iniisip ko ngayon na alisin ang anumang disc na nagtatampok ng masasamang bagay. Maraming salamat.
M. H., Hapón
Nasumpungan ko na kahanga-hangang tinalakay ang artikulo. Hindi kapani-paniwala kung paano hinahayaan ng napakaraming mga kabataan na sila’y masangkot sa mapaghimagsik na mga awitin at istilo ng pananamit. Ang mga artikulong ito ay tunay na isang sanggalang para sa aming mga kabataang Kristiyano.
M. M., Italya
Itinampok ng artikulo ang musikang rap sa ubod nang samang aspekto. Kung minsan ako’y nakakasama ng ibang mga kabataan, at nagpapatugtog kami ng rap. Totoo, may ibang mga awitin na may masasamang liriko. Subalit hindi naman tama na lahatin ang musikang rap.
B. R., Alemanya
Hindi nilalahat ng artikulo ang paghatol sa rap bilang anyo ng tugtugin. Bagkus, ito’y nagbabala laban sa pagkasangkot sa anumang anyo ng musika na ang panlahatang mensahe at espiritu ay hindi nakaaabot sa mga pamantayan ng Bibliya. Ang katibayan ay maliwanag na nagpapakita na ang musikang rap ay talagang may mga pagkukulang sa bagay na ito.—ED.