Pag-unawa sa mga Hudyat ng Kaigtingan sa Inyong Anak
Pag-unawa sa mga Hudyat ng Kaigtingan sa Inyong Anak
“Mga damdamin ng kaigtingan ay bihirang nadarama nang walang dahilan: Ang mga ito ay karaniwan nang mga reaksiyon sa partikular na mga pangyayari o mga kalagayan.”—Dr. Lilian G. Katz.
NAGPAPALIPAD ng isang eruplano sa isang madilim, maulap na gabi, paano makikita ng piloto kung saan siya patungo? Mula sa paglipad hanggang sa paglapag, siya’y umaasa sa mga hudyat. Mahigit na sandaang instrumento ang nasa mga panel ng flight deck ng isang malaking eruplano, bawat isa’y naghahatid ng mahalagang impormasyon at nagbibigay-babala sa piloto sa potensiyal na mga problema.
Ang paglaki sa ating daigdig na punô-ng-kaigtingan ay tulad ng paglipad sa isang bagyo. Paano magagawa ng mga magulang ang isang mahusay na paglipad mula sa pagkasanggol hanggang sa pagkaadulto? Yamang maraming bata ang hindi nagsasabi ng kanilang mga kaigtingan, dapat matutuhan ng mga magulang na maunawaan ang mga hudyat.
“Nagsasalita” ang Katawan
Ang kaigtingan ng isang bata ay karaniwang ipinahihiwatig sa pamamagitan ng katawan. Ang saykosomatikong mga reaksiyon, kasali na ang mga sakit ng tiyan, sakit ng ulo, pagod, hindi pagkatulog, at mga problema sa pagdumi, ay maaaring mga hudyat na may problema. a
Ang pamimingi ni Sharon ang sukdulan ng isang yugto ng matinding kalungkutan. Kapag si Amy ay pumapasok sa paaralan, ang mga pagsakit ng kaniyang tiyan ay dahil sa takot na mapahiwalay sa kaniyang ina. Ang pagtitibí ni John ay bunga ng tensiyon ng pagkasaksi sa marahas na away sa pagitan ng kaniyang mga magulang.
Ang seksuwal na panliligalig ay nagkaroon ng pisikal na mga resulta sa sampung-taóng-gulang na si Ashley. “Natatandaan ko ang hindi pagpasok sa paaralan sa loob ng isang linggo [kasunod ng paghalay] sapagkat ako’y nagkasakit,” gunita niya. Ang aklat na When Your Child Has Been Molested ay nagpapaliwanag: “Ang pasanin na maranasan ang pang-aabuso ay maaaring magdulot ng kaigtingan sa bata hanggang sa pagkakasakit.” Kabilang sa posibleng pisikal na mga hudyat ng gayong trauma ay mga sugat, kirot sa panahon ng pagdumi, paulit-ulit na mga sakit ng tiyan, sakit ng ulo, at mga kirot sa buto o kalamnan nang walang dahilan.
Kapag ang karamdaman ay waring saykosomatiko, dapat seryosong isaalang-alang ng mga magulang ang hudyat. “Kung ang bata ay nagkukunwari lamang o hindi ay hindi mahalaga,” sabi ni Dr. Alice S. Honig. “Ang mahalaga ay ang natatagong problema.”
Ang mga Kilos ay Mas Malakas Mangusap Kaysa mga Salita
Ang biglang pagbabago sa ugali ay kadalasang isang paghingi ng tulong. Ang aklat na Giving Sorrow
Words ay nagsasabi: “Kapag ang isang magaling na estudyante ay nagsimulang kumuha ng bagsak na mga marka, iyan ay nangangailangan ng atensiyon, at totoo rin ito kung ang isang bata na dati’y magulo ay naging animo’y anghel.”Ang biglang huwaran ng pagsisinungaling ng pitong-taóng-gulang na si Timmy ay nagsimula nang ang kaniyang ina ay naging subsob sa kaniyang trabaho. Ang magaspang na pag-uugali ng anim-na-taóng-gulang na si Adam ay nag-ugat sa mga damdamin ng kawalang-kaya sa paaralan. Ang muling pag-ihi sa kama ng pitong-taóng-gulang na si Carl ay nagpapakita ng kaniyang paghahangad sa pagtanggap ng mga magulang, na ngayo’y waring nakatuon ang pansin sa kaniyang nakababatang kapatid na babae.
Ang paggawing sumisira-sa-sarili ay lalo nang nakababahala. Ang madalas na mga aksidente ng dose-anyos na si Sara ay hindi maipalalagay sa pagkaasiwa lamang. Sapol nang magdiborsiyo ang kaniyang mga magulang, walang kamalay-malay na ginagamit niya ang pagsakit sa sarili upang sikaping muling makuha ang nawawalang pagmamahal ng ama. Ito man ay kasimpayak ng maliliit na sugat na ginawa sa sarili o kasinggrabe ng isang pagtatangkang magpakamatay, ang pananalakay na ibinaling sa sarili sa pamamagitan ng paggawing sumisira-sa-sarili ay isang hudyat ng matinding kaigtingan.
Nagsasalita Mula sa Puso
“Sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig,” sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 12:34) Ang isang pusong napangingibabawan ng negatibong mga damdamin ay karaniwang isinisiwalat ng kung ano ang sinasabi ng bata.
“Ang mga batang umuuwi ng bahay na nagsasabing ‘Walang nagmamahal sa akin’ ay talagang nagsasabi sa iyo na hindi nila naiibigan ang kanilang sarili,” sabi ni Dr. Loraine Stern. Maaaring totoo rin iyan sa paghahambog. Bagaman waring nagpapahayag ng kabaligtaran ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili, ang paghahambog tungkol sa tunay o guniguning tagumpay ay maaaring isang pagsisikap na mapagtagumpayan ang matinding mga damdamin ng kawalang-kaya.
Totoo, lahat ng mga bata ay nagkakasakit, gumagawa ng kalokohan paminsan-minsan, at dumaranas ng pana-panahong kabiguan sa kanilang mga sarili. Subalit kapag ang mga problemang iyon ay nagiging isang huwaran at walang nakikitang dahilan, dapat timbangin ng mga magulang ang kahulugan ng mga hudyat.
Pagkatapos suriin ang mga huwaran ng paggawi sa pagkabata ng anim na tin-edyer na mga pasimuno ng isang lubhang marahas na pagsalakay, ganito ang sabi ni Mary Susan Miller: “Lahat ng tanda ay naroroon. Ipinakikita ng mga batang lalaki ang mga tandang ito sa kanilang mga buhay sa loob ng mga taon, subalit walang isa man na nagbigay ng pansin. Nakita ng mga adulto, subalit sila’y nagkibit lamang ng kanilang balikat.”
Ngayon higit kailanman, ang mga magulang ay dapat na maging alisto na kilalanin ang mga tanda ng kaigtingan ng mga bata at lunasan ito.
[Talababa]
a Di-gaya ng hypochondria, na nagsasangkot ng guniguning mga karamdaman, ang karamdamang saykosomatiko ay tunay. Gayunman, ang sanhi nito ay emosyonal sa halip na pisikal.
[Kahon sa pahina 8]
Kaigtingan sa Loob ng Bahay-Bata?
Nararamdaman kahit na ng isang ipinagbubuntis na sanggol ang kaigtingan, takot, at pagkabalisa na inihahatid ng ina nito sa pamamagitan ng kemikal na mga pagbabago sa daluyan ng dugo. “Nadarama ng lumalaking ipinagbubuntis na sanggol ang lahat ng tensiyon na nadarama ng babaing nagdadalang-tao,” sulat ni Linda Bird Francke sa Growing Up Divorced. “Bagaman hindi tuwirang magkaugnay ang mga sistema nerbiyosa ng ipinagbubuntis na sanggol at ng babae, may isang-daan na ugnayan sa pagitan ng dalawa na hindi maaaring putulin.” Maaaring ipaliwanag nito kung bakit, ayon sa magasing Time, tinatayang 30 porsiyento ng mga sanggol na 18 buwan at mas bata pa ang pinahihirapan ng mga sakit na nauugnay-sa-kaigtingan mula sa emosyonal na pagbubukod ng sarili hanggang sa mga atake ng pagkabalisa. “Ang mga sanggol na isinilang sa malulungkot, nanlulumong mga babae ay kadalasang malulungkot at nanlulumo rin,” hinuha ni Francke.
[Kahon sa pahina 9]
Kapag Sinikap ng Isang Bata na Wakasan ang Lahat
“Ano kaya ang mangyayari kung matulog ako sa loob ng sandaang taon?” tanong ni Lettie sa kaniyang ama. Isang tanong ng bata, ang akala niya. Subalit si Lettie ay hindi nagbibiro. Pagkalipas ng ilang araw siya ay naospital dahil sa pag-inom ng isang boteng punô ng pildoras na pampatulog.
Ano ang dapat mong gawin kapag ang iyong anak ay nag-iisip o aktuwal na nagtatangkang magpakamatay? “Humingi kaagad ng propesyonal na tulong,” payo ng aklat na Depression—What Families Should Know. “Ang paggamot sa potensiyal na mga pagpapatiwakal ay hindi isang trabaho para sa mga hindi propesyonal, kahit na sa mga labis na nagmamalasakit sa mga taong nanlulumo. Maaaring inaakala mo na nahikayat mo na ang miyembro ng iyong pamilya na huwag magpatiwakal samantalang ang ginagawa niya lamang ay manatiling tahimik at kinikimkim ang lahat ng damdamin hanggang sa ito ay sumabog sa nakatatakot na mga resulta.”
Taglay ang tamang paggamot, may pag-asa para sa isang bata na nagsisikap na wakasan ang lahat. “Karamihan ng mga taong nagtatangkang magpakamatay ay talagang ayaw patayin ang kanilang mga sarili,” sabi ng nabanggit na aklat. “Gusto lamang nilang wakasan ang pasakit. Ang kanilang pagtatangka ay isang pagsamo ng tulong.” Sa kongregasyong Kristiyano, ang mga magulang na hindi alam kung paano pangangasiwaan ang mga hilig na magpakamatay ay makatatanggap ng maibiging alalay at mabuting maka-Kasulatang payo mula sa matatanda.