Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sapat na Pagkain, Subalit Nananatili ang Malnutrisyon
Bagaman ang pagdami ng populasyon sa daigdig ay biglang tumaas, mas bumaba ng mahigit na 150 milyon ang bilang ng tao na kulang sa pagkain sa mas mahihirap na bansa kaysa noong nakalipas na 20 taon. “Ang suplay ng pagkain at ang mga magsasaka ay aktuwal na nakialinsabay sa pagdami ng populasyon at hinigitan pa ito,” ani John Lupien, patnugot ng UN Food and Agriculture Organization. “Sa ngayon, may sapat na pagkain upang mapakain ang lahat, kung ito’y makararating lamang sa mga taong nangangailangan nito.” Nakalulungkot nga, ulat ng The Economist, “humigit-kumulang 780 [milyong] tao sa mahihirap na bansa, isa sa lima ng kanilang populasyon, ay walang sapat na makain. Gayunman, kasindami ng 2 bilyong tao na may sapat na pagkain upang maibsan ang gutom ang kulang sa mga bitamina at mineral na kanilang kailangan. . . . Kasindami ng 40,000 bata ang namamatay araw-araw, bahagya nang dahil sa ang malnutrisyon ay ginagawa silang madaling kapitan ng lahat ng uri ng sakit.” Sa kabilang panig, ang labis na pagkain ay nagdudulot din ng nakapipinsalang mga epekto, lumilikha ng mga karamdaman na gaya ng sakit sa puso at ilang uri ng kanser sa gitna ng mas mayayamang pangkat sa lipunan.
Kabalintunaan ng Tulong sa Somalia
Ang pagdagsa ng libreng pagkain sa sinasalot-ng-gutom na Somalia ay lumikha ng kapansin-pansing kabalintunaan. Bagaman napakahusay ng nagawa ng tulong sa taggutom upang masugpo ang kagutuman, ito rin ay nagbabanta ng pagguho sa ekonomiya ng lokal na pagsasaka. Nang nagdahop sa pagkain anupat nakaharap ng mahigit sa 1.5 milyon tao ang kamatayan dahil sa kagutuman, ang mga presyo ng pagkain ay biglang tumaas. Subalit pagkatapos nang patuloy na pagtustos ng tulong na pagkain, bumagsak ang presyo ng bilihin. “Ang presyo ng bigas ay sinasabing ang pinakamababa sa mundo, na ang halaga ng 50 kilo ng sako ng bigas ay bumaba sa $5 sa nakalipas na ilang buwan,” sabi ng isang ulat ng New York Times. “Kung ihahambing, ang gayunding dami ng katulad na uri ng bigas ay nagkakahalaga ng halos $11.70 sa Estados Unidos at $120 sa Hapón.” Kaya naman, ang lokal na ani ng pagkain ay totoong nawalan ng halaga anupat hindi maipagbili ng mga magsasaka ang kanilang mga ani. Isang programa ang pinaiiral ngayon upang ipagbili sa halip na ibigay ang tulong na pagkain at upang gawing matatag ang mga presyo ng bilihin.
Masisisi Rin ang mga Ama
Malaon na, binabalaan ang magiging mga ina na umiwas sa mga bagay na magiging sanhi ng mga depekto sa pagsilang, gaya ng alkohol at paninigarilyo, at kumain ng masustansiyang pagkain. “Ngayon, ang gayunding mga pag-iingat ay hinihimok sa magiging mga ama,” sabi ng U.S.News & World Report. “Ipinakikita ng bagong mga pananaliksik na ang pagkahantad ng lalaki sa mga kemikal ay hindi lamang nakaaapekto sa kaniyang kakayahang magkaanak kundi sa magiging kalusugan din ng kaniyang mga anak.” Ipinakikita ng katibayan na ang mga lalaki “higit kaysa inakala noong una ang dahilan kung bakit nakukunan ang kanilang mga asawa at ng iba’t ibang kapinsalaan, mga kanser at mabagal na paglaki ng kanilang mga anak.” Lumilitaw ngayon na ang mga gamot at ibang mga kemikal (kasali na ang mga kakambal na produkto ng paninigarilyo), gayundin ng mga pagkain na kulang sa sapat na gulay at mga prutas na mayaman sa bitamina C, ay nakapipinsala sa semilya. Ganito ang sabi ng toxicologist na si Devra Lee Davis: “Napakatagal nating itinuon ang pansin sa mga ina lamang. Ang kahalagahan ng ama sa pagkakaroon ng malulusog na sanggol ay hindi kinilala.”
Sumisidhing Interes sa Sobrenatural
Ang sumisidhing pagkahumaling ng buong daigdig sa sobrenatural ay kitang-kita sa Timog Aprika. Ang tradisyunal na mga doktor kulam, relihiyong charismatic, astrolohiya, at Satanismo ay mabilis na nauuso simula noong kalagitnaan ng dekada ng 1980. Bakit? “Sa panahon ng kaligaligan, ang mga tao ay bumabaling mula sa katuwiran, tungo sa kababalaghan,” sabi ng The Weekly Mail ng Johannesburg. “Sa pagtatapos ng ikalawang milenyo, nagkaroon ng sumisidhing interes sa di-pangkaraniwang mga pangyayari.” Ang antropologong si Robert Thornton ay nagpapaliwanag ng ganito: “Sa palagay ko ang mga paniwalang ito ay nagpapahiwatig ng mga uri ng takot na taglay ng mga tao. Ito’y isang pagbaling sa panlabas na mga kapangyarihan ng mga tao na nag-aakalang hindi nila kayang supilin ang kanilang buhay.” Ang tagapanayam sa metaphysics na si Rod Suskind ay nagsabi: “Ang isang dahilan ng sumidhing interes ay na waring mabuway ang kinabukasan, at ang mga tao ay umaasa ng higit pa kaysa karaniwang mga pinagmumulan ng kaunawaan sa kung ano ang nangyayari.” At ayon sa The Weekly Mail, ang antropologong si Isak Niehaus “ay isinisisi ang lahat sa napapansing pagkukulang ng karaniwang siyensiya at relihiyon na sagutin ang mahahalagang katanungan na nakakaharap ng mga tao.”
Pagpaslang sa mga Peryodista
Humigit-kumulang 60 peryodista ang pinaslang habang nag-uulat ng balita tungkol sa mga sigalot sa buong daigdig noong 1992. Binanggit ng ulat na ito, inilathala ng International Federation of Journalists sa Brussels, Belgium, at napaloob sa Manchester Guardian Weekly, ang Turkey at Bosnia bilang ang pinakamapanganib na mga lugar. Di-kukulangin sa sampung peryodista ang
di-umano’y napaslang sa dalawang bansang ito noong nakalipas na taon. Ang mga peryodista ay pinagbantaan din habang iniuulat ang labanan ng angkan at taggutom sa Somalia. Ang pederasyon ay humihiling sa United Nations at sa mga pamahalaan ng European Community na ipahayag na ang mapanlupig na ginagawang pagsupil ng sensura ay isang “tahasang paglabag sa mga karapatang pantao.”Isa na Namang Paglaganap ng Trangkaso sa Buong Mundo?
“Walang alinlangan, ang trangkaso na laganap sa buong mundo ay magiging isang malaking salot kapag ito ay lumitaw,” sabi ng The New York Times Magazine. Sang-ayon sa mga siyentipiko, malapit nang mangyari ang isang epidemya ng trangkaso na katulad niyaong trangkaso noong 1918 na sumawi ng mula sa 20 milyon hanggang 40 milyon katao. “May mga hinala na kung ito’y nangyari nang minsan, maaari itong maulit,” sabi ni John R. La Montagne, pinuno ng nakahahawang mga sakit sa National Institute of Allergy and Infectious Diseases sa Bethesda, Maryland. Gayunman, ang pagbabago ng virus na lumilikha ng iba’t ibang uri ng trangkaso na lumalaganap sa buong mundo ay bihira. Ang mga ito ay nangyari lamang nang tatlong beses sa dantaóng ito: ang tinatawag na trangkaso Española ng 1918, ang trangkaso Asiano ng 1957, at ang trangkaso sa Hong Kong ng 1968; at ang dalawang huli ay hindi gaanong matindi. Yamang ang virus ng trangkaso ay napakadalas at hindi mahulaang nagbabago, isang nakamamatay na paglitaw ay maaaring mangyari bago makagawa ng isang tamang bakuna. Ang artikulo ay naghinuha pa: “Kung ang kasaysayan ang magiging huwaran, marahil maaasahan natin ang isang kapuna-punang pagbabago ng mga antigen na iyon—isang sapat na pagbabago upang humantong sa pandaigdig na paglitaw ng matinding trangkaso—bago sumapit sa susunod na dantaon.”
Binubugbog na mga Asawang Lalaki
“Halos 40 porsiyento ng mga babae na kinapanayam sa isang surbey na itinaguyod ng pederal ang nagsabi na kanilang pinagbantaan o pisikal na inabuso ang kanilang asawa, mas nakahihigit pa sa persentahe ng mga lalaki na bumanggit din ng gayon,” sabi ng The Toronto Star. “Katumbalikan ng karaniwang paniniwala ang ipinakita ng pananaliksik tungkol sa karahasan sa pamilya . . . Maging ang mga mananaliksik ay nagulat sa mga resulta ng pagsusuri.” Ang katuturan ng pag-abuso ay naglakip ng pagbabanta, paghahagisan, o pagbabatuhan ng bagay. Kadalasan sinasabi ng mga babae na ang motibo sa likod ng karahasan ay hindi pagtatanggol-sa-sarili. “Ang mga natuklasang ito ay dapat na pag-isiping muli ang mga tao hinggil sa pinakadiwa ng pag-abuso sa asawa kung pag-uusapan ang katarungan sa krimen,” ani Rena Summer, isang estudyante na nagdalubhasa sa University of Manitoba sa departamento ng mga pag-aaral sa pamilya at isa sa mga awtor ng pananaliksik. Gayunman, yamang ang mga lalaki ay pangkaraniwan nang mas malakas kaysa mga babae, kadalasang mas malulubhang pinsala ang natatamo ng mga babae pagka sinaktan ng kanilang mga asawang lalaki, aniya.
Umiiral pa Rin ang Paghahanap sa Mangkukulam
Tinagurian bilang mga mangkukulam, napakaraming babae sa pantribong mga lupain sa India ang napatay ng galit na galit na mga tao sa loob ng dalawang buwan, ulat ng India Today. “Maraming iba pang mga babae ang binugbog, pinahirapan, pinagparada nang hubad, hiniya sa pinakamakahayop na paraan at pinagtabuyan sa kani-kanilang mga bayan.” Ang gulo ay nagsimula sa relihiyosong mga prusisyon na dumayo sa bayan-bayan. Ang kaugaliang ito ay umakay sa isang kilusan ng panlipunang pagbabago at ng pagpapababa sa krimen. Subalit ang ilang kababaihang lumahok sa prusisyon ay “inalihan” at nagsimulang ituro ang ilang taganayon bilang mga mangkukulam na siyang dahilan ng lokal na mga problema. Ang pagbagsak sa isang “pagsubok” ng pagkawalang-sala, gaya ng pagbuhay sa isang taong patay kung pinaratangang pumatay, ay nangangahulugan ng kagyat na pagparusa. Ang paniniwala sa panggagaway ang di-umano’y pinakadahilan at, ayon sa isang antropologo, “nagmumula sa paghikayat sa mga lipunang pantribo na supilin at gamitin ang sobrenatural, magkaroon ng kapangyarihan laban sa maiinit na mata, kapangyarihan na matamo ang minimithing mga tunguhin at kapangyarihan na ipatupad ang kanilang kalooban sa iba.”
Isinisisi sa Caffeine
Ang malalakas uminom ng kape na biglang huminto sa kanilang kinaugalian ay kalimitang dumaraing ng sakit ng ulo, panlulumo, pagkahapo, pagkabalisa, at maging ng pananakit ng kalamnan, pagduwal, at pagsusuka. Sa ngayon, nasumpungan ng mga mananaliksik sa Johns Hopkins University na ang mga sintomang ito ay nagaganap din sa mga tao na umiinom ng isa o dalawang tasa lamang ng kape o tsaa araw-araw, o dalawang lata ng soft drink na may caffeine, at kahit ang hindi umiinom nito sa loob ng dalawang araw. Ang mga epekto ng paghinto ay napakatindi anupat para bang kailangan nilang magpatingin sa doktor. Ang mga biktima ay maaaring ang malalayo sa kapihan sa opisina kung dulo ng sanlinggo, mga tao na lumipat na sa mga decaffeinated soda, o mga pasyente na kailangang mag-ayuno sa pagkain bago maoperahan. Iminungkahi sa mga doktor na gumawa ng ulat sa pag-inom ng kape ng mga pasyente na dumaraing ng sakit ng ulo at iba pang mga sintoma na karaniwan sa isa na nakararanas ng caffeine withdrawal. Ang mga nagnanais na mabawasan ang pagpasok ng caffeine sa kanilang katawan ay pinayuhan na gawin iyon nang unti-unti. Ibinangon din ng pagsusuri ang katanungan na kung ang caffeine, at sa gayon ang kape, ay maiuuri bilang nakasusugapang droga sa katawan.