Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang Inyong mga Anak na Mapagtagumpayan ang Kaigtingan

Tulungan ang Inyong mga Anak na Mapagtagumpayan ang Kaigtingan

Tulungan ang Inyong mga Anak na Mapagtagumpayan ang Kaigtingan

“Maraming bata ang walang nasusumpungan sa tahanan​—sa pisikal o emosyonal na paraan​—kapag kailangan nilang makipag-usap.”​—Depression​—What Families Should Know.

ANG pamilya ay tinatawag na isang emosyonal na laboratoryo. Isa itong sentro ng pananaliksik kung saan sinusubok ng isang bata ang kaniyang mga paniwala, minamasdan ang mga resulta, at nagsisimulang bumuo ng tiyak na mga opinyon tungkol sa buhay. Paano matitiyak ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay nagsasagawa ng mahalagang pag-eeksperimentong iyon sa isang mabuti sa halip na sa isang maigting na kapaligiran?

Makinig

Ang aklat na The Child in Crisis ay nagpayo sa mga magulang: “Patuloy na makipag-usap sa inyong anak.” Bilang isang linya ng buhay sa pagitan ng magulang at anak, ang pag-uusap ay lalo nang mahalaga kapag may ilang traumatikong pangyayari sa pamilya. Huwag ipalagay kailanman na dahil sa ang bata ay walang kibo, siya ay hindi dumaranas ng matinding reaksiyon sa traumatikong pangyayari o nakikibagay. Maaaring kinukuyom niya lamang ang pagkabalisa at nagdurusa nang walang imik, gaya ng ginawa ng isang pitong-taóng-gulang na batang babae na bumigat ng 15 kilo sa loob ng anim na buwan pagkatapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang.

Ang salitang “pag-uusap” ay nagpapahiwatig ng dalawa o higit pang tagapagsalita ang nasasangkot. Kaya nga, hindi lamang ang magulang ang dapat na magsalita. Sina Rick at Sue ay humingi ng payo nang ang kanilang anim-na-taóng-gulang na anak na lalaki ay di-masupil ang kawalan ng galang sa tahanan. Pagkatapos ng pakikipagpulong sa buong pamilya, may napansin ang tagapayo. “Intelektuwal na sinusuri ng mga magulang ang lahat ng bagay, sa pamamagitan ng mahaba at malimit ay sobrang mga paliwanag,” aniya. “Isa pa, waring ang mga magulang lamang ang nagsasalita, at nakikita kong naiinip ang mga bata.” Makabubuting hayaang ipahayag ng bata ang kaniyang niloloob. (Ihambing ang Job 32:20.) Kung hindi niya masabi ang kaniyang mga problema kapag ito ay bumabangon, maaaring ipahayag niya ito sa pamamagitan ng paggawi sa dakong huli.​—Ihambing ang Kawikaan 18:1.

Ang pag-uusap ay mahalaga kung kinakailangan ang disiplina. Ano ang nadarama ng bata tungkol sa pagtutuwid? Nauunawaan ba niya kung bakit ito ay ibinibigay? Sa halip na basta sabihin sa bata kung ano ang dapat niyang madama, alamin kung ano ang nasa kaniyang puso. Makipagkatuwiranan sa kaniya upang siya’y mapatnubayan sa wastong konklusyon. “Magbigay ng payo na karapat-dapat pag-isipang mabuti,” sulat ni Elaine Fantle Shimberg, “subalit hayaan mo ang iyong anak ang umunawa nito.”

Kilalanin ang mga Damdamin

Sinusugpo ng ilang magulang ang pag-uusap ng mga pangungusap na gaya ng: “Tahan na.” “Dapat ay hindi ganiyan ang madama mo.” “Hindi naman ito masama na gaya ng inaakala mo.” Mas makabubuting kilalanin ang mga damdamin ng bata. “Nakikita ko na may nagpapalungkot sa iyo.” “Mukhang talagang nababalisa ka.” “Alam kong ikaw ay nakadarama ng pagkabigo.” Ito ay magpapanatili sa pag-uusap na magpatuloy.

Ang aklat na How to Talk so Kids Will Listen & Listen so Kids Will Talk ay gumagawa ng isang makatuwirang obserbasyon tungkol sa bagay na ito: “Mientras sinisikap mong alisin ang malungkot na mga damdamin ng bata, lalo siyang nababaon dito. Mientras mas maginhawang tinatanggap mo ang negatibong mga damdamin, mas madali para sa mga bata na alisin ang mga ito. Sa palagay ko’y masasabi mo na kung nais mong magkaroon ng isang maligayang pamilya, makabubuting maging handa ka na pahintulutan ang kapahayagan ng maraming kalungkutan.”​—Ihambing ang Eclesiastes 7:3.

Makiramay

“Yamang karamihan ng mga adulto ay minamalas ang daigdig ng isang bata mula sa kanilang pangmalas,” sulat ni Mary Susan Miller, “mahirap para sa kanila na gunigunihin ang anumang buhay maliban sa kanila mismong buhay na maigting.”

Oo, madaling nakalilimutan ng mga magulang ang mga kirot at mga kabalisahan na naranasan mismo nila samantalang sila ay lumalaki. Kaya nga, kadalasang minamaliit nila ang mga kaigtingang nadarama ng kanilang mga anak. Dapat tandaan ng mga magulang kung ano ang katulad ng mamatayan ng isang alagang hayop, ng kamatayan ng isang kaibigan, ng paglipat sa isang bagong lugar. Dapat nilang alalahanin ang kanila mismong mga takot noong kanilang kabataan, pati na ang hindi makatuwirang mga takot. Ang pag-alaala ay susi sa empatiya.

Magpakita ng Tamang Halimbawa

Kung paano pinangangasiwaan ng inyong anak ang kaigtingan ay nakasalalay nang malaki sa kung paano mo pinangangasiwaan ito bilang isang magulang. Sinisikap mo bang bawasan ang kaigtingan sa pagbaling sa karahasan? Kung gayon huwag kang mabibigla kung isasagawa rin ng iyong anak ang kaniyang pagkabalisa sa gayunding paraan. Ikaw ba’y walang imik na nagdurusa kapag ikaw ay lubhang nababalisa? Kung gayon paano mo mahihiling na ang iyong anak ay maging tapat at nagtitiwala? Ang maigting bang mga damdamin ay lubhang natatago sa inyong sambahayan anupat ang mga ito’y ikinakaila sa halip na kinikilala at nilulutas? Kung gayon huwag kang mabibigla sa pisikal at emosyonal na masamang epekto nito sa iyong anak, sapagkat anumang pagsisikap na ibaon ang pagkabalisa ay karaniwang patitindihin lamang ang pagpapahayag nito.

Ang pagpapalaki ng mga anak sa isang daigdig na punô ng kaigtingan ay naghaharap ng pantanging mga hamon sa mga magulang. Ang pag-aaral ng Bibliya ay nakatulong sa marami na harapin ang mga hamong ito. Ito ang maaasahan natin, sapagkat ang Awtor ng Bibliya ang siya ring Tagapasimuno ng buhay pampamilya. “Ang karunungan ng Diyos ay pinatutunayang matuwid ng kaniyang mga bunga,” sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 11:19, The New English Bible) Sa pamamagitan ng kanilang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, masusumpungan ng mga magulang na ang Kasulatan ay “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.”​—2 Timoteo 3:16.

[Larawan sa pahina 10]

Ang mabuting komunikasyon ay nakababawas ng kaigtingan

[Larawan sa pahina 11]

Natapon ng batang lalaki ang gatas, tinutuya siya ng kaniyang kuya, subalit maunawaing inaaliw siya ng kaniyang ama