Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Bagong Tipan” ba ay Laban sa mga Judio?

Ang “Bagong Tipan” ba ay Laban sa mga Judio?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang “Bagong Tipan” ba ay Laban sa mga Judio?

ISANG ebanghelistang Amerikano ang minsa’y nagsabi: “Ang institusyunal na simbahan ay nagkasala sa karamihan ng kasaysayan nito at mananagot nang malaki sa Paghuhukom, lalo na sa gawaing pagkapoot laban sa mga Judio.”

Bakit may matagal at pangit na kasaysayan ang pagkapoot laban sa mga Judio, na umiiral pa hanggang sa ika-20 siglo? Sinisisi ng ilan ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tinatawag na Bagong Tipan. Halimbawa, si Krister Stendahl, dekano ng Harvard Divinity School, ay nagsabi: “Na . . . ang mga pananalita sa Bagong Tipan ay kumilos bilang ‘banal’ na utos na mapoot laban sa mga Judio ay kilalang-kilala at isang karaniwang tinatanggap na bagay.” Bagaman ito ay maaaring karaniwang tinatanggap, ito ba ay talagang totoo?

Sino ang Sinisi sa Kamatayan ni Jesus?

Ang isang sipi na madalas banggitin bilang katibayan na ang “Bagong Tipan” ay napopoot laban sa mga Judio ay ang Mateo 27:15-25. Doon ay sinasabi sa atin na hiniling ng pulutong ng mga Judio na ipapako ng Romanong gobernador na si Pontio Pilato si Jesus, sumisigaw pa nga: “Mapasaamin ang kaniyang dugo at sa aming mga anak.” Itinuturo ba ng “Bagong Tipan” diyan na ang lahat ng unang-siglong mga Judio ang may pananagutan sa kamatayan ni Jesus at na ang mga Judio ay dapat na makilala magpakailanman bilang mga pumatay kay Kristo?

Una sa lahat, ano ang reaksiyon ng karamihan ng mga Judio kay Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo? Isinisiwalat ng “Bagong Tipan” na si Jesus ay napakapopular sa mga pulutong na Judio, lalo na sa Galilea, kung saan isinagawa niya ang karamihan ng kaniyang ministeryo. (Juan 7:31; 8:30; 10:42; 11:45) Limang araw lamang bago ang pagdakip at pagpatay sa kaniya, isang pulutong ng mga Judio ang sumalubong sa kaniya sa Jerusalem bilang ang Mesiyas.​—Mateo 21:6-11.

Sino, kung gayon, ang may nais na magpapatay kay Jesus? Binabanggit ng “Bagong Tipan” na si Jesus ay hindi popular sa mga pangulong saserdote at sa maraming Fariseo at Saduceo sapagkat inilantad niya ang kanilang pagpapaimbabaw. (Mateo 21:33-46; 23:1-36) a Ang Mataas na Saserdoteng si Caifas ay isa sa pinakamasugid na mananalansang ni Jesus. Walang alinlangan na dumanas siya ng personal na kalugihan nang itaboy ni Jesus ang mga nagpapalit ng salapi mula sa templo. (Marcos 11:15-18) Karagdagan pa, ikinatakot ni Caifas na ang popularidad ni Jesus sa maraming Judio ay sa wakas humantong sa pakikialam ng mga Romano at sa kaniyang personal na pagkawala ng kapangyarihan. (Juan 11:45-53) Kaya, ang mga pangulong saserdote at ang iba pang mga lider ng relihiyon ay nagsabwatang ipapatay si Jesus at ibinigay siya sa Romanong hukuman para patayin. (Mateo 27:1, 2; Marcos 15:1; Lucas 22:66–​23:1) Anong laking kabalintunaan nga na ang popularidad ni Jesus sa masang Judio ay humantong sa kaniyang kamatayan!

Dahil sa popularidad ni Jesus, paano nga mahihiling ng pulutong ng mga Judio ang kaniyang kamatayan? Yamang ang karamihan ng mga tagataguyod ni Jesus ay mga taga-Galilea, posibleng ang pulutong na nagnanais magpapatay sa kaniya ay pangunahing mga taga-Judea. Ang mga taga-Galilea ay likas na mapagmahal, mapagpakumbaba, at prangka, samantalang ang mga taga-Judea ay mapagmataas, mayaman, at mataas ang pinag-aralan, lalo na sa Jerusalem. Kaya naman, isiniwalat ni Mateo na ang pulutong ay inudyukan ng “mga pangulong saserdote at ng matatanda.” (Mateo 27:20) Anong kasinungalingan kaya ang sinabi nila sa pulutong na nakapukaw sa kanila sa ganitong paraan? Ito ba’y ang kasinungalingan na iniharap nila bago pa nito sa paglilitis kay Jesus at inulit noong pagpatay kay Jesus, samakatuwid nga, na sinabi ni Jesus na wawasakin niya ang templo?​—Marcos 14:57, 58; 15:29. b

Pananagutan ng Pamayanan

Kung ang pulutong na ito ng mga Judio ay hindi ang buong bayang Judio, bakit sinabi ni apostol Pedro, nang nagsasalita sa isang malaking pulutong ng mga Judio na nagkatipon pagkaraan ng mga 50 araw sa Jerusalem para sa Kapistahan ng mga Sanlinggo: “Kayo sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako [si Jesus] sa tulos”? (Gawa 2:22, 23) Tiyak na alam ni Pedro na karamihan sa kanila ay walang kinalaman sa mga pangyayari na humantong sa pagpatay kay Jesus. Kaya, ano ang ibig sabihin ni Pedro?

Sang-ayon sa Kasulatan, ang isang kamatayang hindi pinagbayaran ay nagdadala ng kasalanan hindi lamang sa mamamatay-tao kundi rin naman sa pamayanan na hindi nagdala sa kaniya sa katarungan. (Deuteronomio 21:1-9) Halimbawa, ang buong tribo ni Benjamin ay minsang nahatulan bilang maysala sa dugo dahil sa hindi pagparusa sa isang pangkat ng mga mamamatay-tao sa gitna nila. Bagaman ang karamihan sa tribo ay hindi tuwirang kasangkot sa pagpatay, dahil sa pagpapahintulot sa krimeng ito, kanilang pinapayagan ito at sa gayo’y nagkakaroon ng pananagutan. (Hukom 20:8-48) Oo, nabanggit na “ang pagtahimik ay pagbibigay ng pahintulot.”

Sa katulad na paraan, ang unang-siglong bansang Judio ay hindi tumutol sa krimen ng kanilang maysala sa dugong mga lider. Sa pagpapahintulot sa mapamatay na mga kilos ng pangulong mga saserdote at mga Fariseo, ang buong bansa ay nagkaroon ng pananagutan. Walang alinlangan na ito ang dahilan kung bakit nanawagan si Pedro sa mga tagapakinig na Judio na magpakita ng mataos na pagsisisi. c

Ano ang mga resulta ng pagtangging iyon kay Jesus bilang ang Mesiyas? Sinabi ni Jesus sa lungsod ng Jerusalem: “Ang inyong bahay [ang templo] ay iniiwan sa inyong wasak.” (Mateo 23:37, 38) Oo, inalis ng Diyos ang kaniyang proteksiyon, at sa dakong huli giniba ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo nito. Kung paanong madarama ng pamilya ng isang tao ang mga resulta kung nilustay niya ang lahat niyang ari-arian, ang kawalan ng proteksiyon ng Diyos ay nadama hindi lamang niyaong humiyaw para sa kamatayan ni Jesus kundi ng kani-kanilang pamilya rin naman. Sa diwang ito ang dugo ni Jesus ay napasakanila at sa kanilang mga anak.​—Mateo 27:25.

Gayunman, hindi sinasabi ng “Bagong Tipan” na dadalhin ng mga salinlahi ng mga Judio sa hinaharap ang pantanging pagkadama ng pagkakasala sa kamatayan ni Jesus. Sa kabaligtaran, dahil sa pag-ibig niya sa kanilang ninunong si Abraham, ang Diyos ay nagpakita ng pantanging konsiderasyon sa mga Judio, inaalok sila ng unang pagkakataon na maging mga Kristiyano. (Gawa 3:25, 26; 13:46; Roma 1:16; 11:28) Nang ang pagkakataong ito sa wakas ay inialok sa mga di-Judio, pinutol ng Diyos ang pakikitungo sa kaninumang tao batay sa pinagmulang bansa. Sabi ni Pedro: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Nang maglaon si apostol Pablo ay sumulat: “Walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego.” (Roma 10:12) Ang mga Judio kung gayon ay may katulad na katayuan sa harap ng Diyos na gaya ng mga di-Judio, at totoo pa rin iyan sa ngayon.​—Ihambing ang Ezekiel 18:20.

Bakit ang Pagkapoot Laban sa mga Judio sa Sangkakristiyanuhan?

Samakatuwid ay makikita na ang “Bagong Tipan” ay hindi laban sa mga Judio. Sa halip, iniuulat ng “Bagong Tipan” ang mga turo ng isang tao na nabuhay at namatay bilang isang Judio at nagturo sa kaniyang mga tagasunod na Judio na igalang ang mga huwaran ng Kautusang Mosaiko. (Mateo 5:17-19) Ngunit kung ang “Bagong Tipan” ay hindi dapat sisihin, bakit walang tigil ang pagkapoot laban sa mga Judio sa Sangkakristiyanuhan?

Ang Kristiyanismo sa ganang sarili ay hindi dapat sisihin. Katulad ng huwad na mga Kristiyano noong panahon ni Judas na “ang di-sana nararapat na awa ng Diyos ay ginagawang dahilan ng paggawa ng kalibugan,” kinaladkad ng nag-aangking mga Kristiyano sa buong kasaysayan ang pangalan ni Kristo sa lusak ng pagkapanatiko at di matuwid na opinyon. (Judas 4) Kaya, ang pagkapoot laban sa mga Judio sa Sangkakristiyanuhan ay dahil sa masakim na di matuwid na opinyon ng mga taong Kristiyano lamang sa pangalan.

Kapuna-puna, inihula mismo ni Jesus na ang ilan ay magsasabing sila’y gumawa ng lahat ng makapangyarihang mga gawa sa kaniyang pangalan subalit sila talaga ay “mga manggagawa ng katampalasanan”​—hindi niya mga kaibigan! (Mateo 7:21-23) Marami sa mga ito ang sumubok na gamitin ang “Bagong Tipan” bilang pagbibigay-matuwid sa kanilang mga pagkapoot at mga di matuwid na opinyon, subalit nakikita ng nangangatuwirang mga tao ang pagkukunwaring iyon.

Ang huwad na mga Kristiyano ay mananagot sa Diyos sa kanilang pagkapoot laban sa mga Judio. Subalit kung paanong ang pag-iral ng palsipikadong salapi ay hindi nagpapabulaan sa pag-iral ng tunay na salapi, tunay, ang pag-iral ng imitasyong mga Kristiyano ay hindi nakababawas sa katotohanan na, ang tunay na mga Kristiyano, ay mga taong kilala sa kanilang pag-ibig, hindi sa kanilang hindi matuwid na mga opinyon. Bakit hindi makipagkilala sa mga taong iyon sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova na malapit sa inyo?

[Mga talababa]

a Ang unang-siglong Judiong mananalaysay na si Joseph ben Matthias (Flavius Josephus) ay nag-uulat na noong panahong iyon, ang matataas na saserdote ng Israel ay hinihirang at inaalis sa tungkulin bilang mga ahente ng Roma minsan sa isang taon. Sa kalagayang ito, ang mataas na pagkasaserdote ay sumamâ tungo sa tanggapan ng mga mukhang-salapi na nakaakit sa pinakamasamang mga elemento ng lipunan. Pinatutunayan ng The Babylonian Talmud ang mga kalabisan sa moral ng ilang matataas na saserdote. (Pesaḥim 57a) Binabanggit din ng Talmud ang hilig ng mga Fariseo sa pagpapaimbabaw. (Soṭah 22b)

b Sa katunayan ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga kaaway: “Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw.” (Juan 2:19-22) Ngunit gaya ng binabanggit ni Juan, tinutukoy ni Jesus, hindi ang templo sa Jerusalem, kundi “ang templo ng kaniyang katawan.” Sa gayo’y inihahambing ni Jesus ang kaniyang nalalapit na kamatayan at pagkabuhay-muli sa pagkagiba at pagtatayong-muli ng isang gusali.​—Ihambing ang Mateo 16:21.

c Kahawig na pananagutan ay napansin din sa modernong panahon. Hindi lahat ng mamamayan ng Alemanyang Nazi ay tuwirang nasangkot sa mga kalupitan. Gayunpaman, kinilala ng Alemanya ang pananagutan ng pamayanan at kusang pinili nitong magbayad ng pinsala sa mga biktima ng pag-uusig ng Nazi.

[Blurb sa pahina 13]

Ang pagkapoot laban sa mga Judio sa Sangkakristiyanuhan ay isinasagawa ng mga taong Kristiyano lamang sa pangalan

[Larawan sa pahina 11]

Hindi itinaguyod ni Jesus o ng kaniyang mga alagad ang pagkapoot laban sa mga Judio