Saan Patungo ang Moral?
Saan Patungo ang Moral?
SA LOOB ng mga dantaon ang Bibliya ay hindi pinagdududahan bilang ang pamantayan ng moralidad sa maraming bansa. Bagaman hindi lahat ay namumuhay sa matataas na simulain nito, binigyan ng Bibliya ang lipunan na kumikilala rito ng isang karaniwang moral na wika, isang pagsubok sa paghatol sa asal. Subalit ang presidente ng pamantasang Jesuita na si Joseph O’Hare ay nanangis: “Mayroon tayong tradisyunal na set ng mga pamantayan na hinamon at nasumpungang kulang o hindi na uso. Ngayon tila wala nang anumang moral na mga palatandaan.”
Ano ang dahilan bakit nawalan ng pabor ang salig-Bibliyang moralidad? Ang isang mapuwersang salik ay ang malaganap na pagtanggap sa teoriya ng ebolusyon. Ang aklat na American Values: Opposing Viewpoints ay nagsasabi: “Sa lahat ng kilalang kabihasnan, ang mga tao ay naniwala sa dalawang daigdig: isa na nakikita mo, at isa na hindi nakikita. . . . Ang di-nakikitang daigdig ay naglaan ng saligan para sa kahulugan at halaga . . . Ito ang pinagmumulan ng pagkakaisa sa kanilang lipunan. Gayunman, noong mga kalagitnaan ng huling siglo, ang mga tao ay sinabihan na walang di-nakikitang daigdig. Hindi ito umiiral at hindi kailanman umiral.” Mula noong panahong iyon lalo na, nagkaroon ng walang katulad na mga pagsalakay sa Bibliya at sa moralidad nito. Ang tinatawag na higher criticism sa Bibliya at ang paglalathala ng Origin of Species ni Darwin ay kabilang sa pilosopikal na mga pagsalakay na ito. a
Sa gayon binawasan ng ebolusyon ang awtoridad ng Bibliya sa isipan ng marami. Gaya ng pagkakasabi rito ng Harvard Magazine, ang Bibliya ngayon ay itinuturing na lamang na “isang magandang alegoriya.” Ang epekto sa moralidad ay mapangwasak. Ang ebolusyon ay naging “isang lisensiya para sa anumang anyo ng mapagsamantalang paggawi,” gaya ng tawag rito ng kilalang siyentipikong si Fred Hoyle.
Mangyari pa, ang ebolusyon ay bahagi lamang ng larawan. Ginatungan pa ng dalawang digmaang pandaigdig ang malaganap na kawalan ng tiwala sa relihiyon. Ang pagbabago sa industriya ay
nagdala ng malaking sosyal—at moral—na mga pagbabago. Bukod doon, pinapangyari ng mabilis na paglago ng maimpluwensiyang mass media na malantad ang mga tao sa malaganap na pagbaba ng moral.May Pasubali ba ang Lahat ng Bagay?
Hindi kataka-taka, kung gayon, na maraming tao ang walang moral na pangmalas. Sila’y tinatangay ng agos na gaya ng isang barko na walang timón. Marami, halimbawa, ang nakikiayon sa popular na saloobin na moral relativism, ang pangmalas na “ang mga katotohanang pang-etika ay depende sa mga indibiduwal at mga pangkat na nanghahawakan dito.” Ayon sa pilosopyang ito, walang lubusang moral—ang lahat ay may pasubali. ‘Ang mali sa iyo ay maaaring tama sa iba,’ sabi ng mga relatibista. Sapagkat ang kanilang kompas sa moral ay nakaturo sa halos anumang direksiyon, madali nilang pagtibayin ang halos anumang uri ng paggawi na kanais-nais.
Kaya, ang isang pagkilos na dati-rati’y inilalarawan na “makasalanan” o “masama” ay basta “mangmang” na lamang ngayon. Ang pagkilos ay maaaring pagpaumanhinan bilang “nakasusuklam” subalit hindi hinahatulan bilang “imoral.” Magugunita ng isa ang mga kaarawan ng sinaunang propetang si Isaias nang may mga “nagsisitawag ng mabuti ay masama at ang masama ay mabuti, . . . na inaaring dilim ang liwanag at liwanag ang dilim.”—Isaias 5:20.
Pagpasa ng Sisi
Isa pang moral na kausuhan ay ang pagpasa ng sisi. Sinisi ni Adan si Eva, at sinisi naman ni Eva ang ahas. Ang mga maysala rin sa ngayon ay nilalaro ang laro ng pag-iwas sa pananagutan, at sila ay kalimitang tinutulungan na gawin iyon ng mga abugado at saykayatris. Sinisi ng isang artikulo sa U.S.News & World Report ang mga saykayatris sa “pag-imbento ng bagong mga sakit na inilalarawan ang mga maysala bilang walang kayang mga biktima.” Halimbawa, ang American Psychiatric Association ay iniulat na seryosong isinaalang-alang na tawagin ang mga manggagahasa bilang mga biktima ng isang sakit na tinawag nilang “paraphilic rapism.” Inaakala ng iba na ito ay katumbas ng isang legal na lisensiya upang manggahasa nang hindi maparurusahan. “Matinding tumutol ang mga babae anupat ang panggagahasa ay agad na nasumpungang hindi pala isang sakit.”
Hindi nito ikinakaila ang maliwanag na katotohanan na ang mga trauma sa pagkabata ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa isa bilang isang adulto. Subalit maling sabihin na ang nakaraan ay nagpapahintulot sa marahas o imoral na paggawi ng adulto.
Mga Kabataan—Walang Moral na Kompas
Ang moral na kalituhan sa daigdig ay nag-iwan ng impresyon nito lalo na sa madaling maimpluwensiyahang mga kabataan. Nasumpungan ng mananaliksik na si Robert Coles ng Harvard University na walang isa mang saligang set ng mga palagay na pumapatnubay sa moral na buhay ng mga batang Amerikano. Sila ay pinapatnubayan ng iba’t ibang moral na mga kompas at mga sistema ng pagpapahalaga. Halos 60 porsiyento ng isang pangkat ng mga kabataang mag-aarál na tinanong ang nagsabi na sila ay pinapatnubayan ng kung ano ang nagpapangyari sa kanila na manguna o kung ano ang gumagawa sa kanila na makadama ng mabuti.
Kung minsan ang mga paaralan ay nakatutulong sa gayong kalituhan sa moral. Isaalang-alang ang isang maimpluwensiyang programang binansagang “values clarification,” na sinimulan mga ilang taon na sa mga paaralan sa E.U. Ang pangunahing mga turo nito? Ang mga bata ay dapat na malayang pumili ng kanilang sariling mga pamantayang moral.
Ang moral na kahungkagan ng gayong saloobin ay maliwanag mula sa karanasan ng isang estudyante sa New York City na nagpasiyang isauli ang isang pitaka na nasumpungan niya na naglalaman ng $1,000 na pera. Ano ang tugon ng kaniyang kapuwa mga estudyante sa isang klase sa pamantayang-moral? Siya ay tinukso at sinisi sa
paggawa niyaon! Masahol pa, wala ni isang guro o opisyal sa paaralan ang pumuri sa kaniyang matapat na asal. Idinahilan ng isang guro ang kawalan na ito ng papuri sa pagsasabing: “Kung ako’y maninindigan sa kung ano ang tama at sa kung ano ang mali, iyan ay nangangahulugan na hindi ko sila binibigyan ng mapagpipilian na dapat gawin ng isang tagapayo.”Maihihinto ba ng mga Relihiyon ang Pagkabulok sa Moral?
Hindi kataka-taka, ang nakahihinagpis na moral na kalagayan ng daigdig ay nagpangyari ng isang matinding reaksiyon. Marami ngayon ang humihiling sa pagbabalik sa tradisyunal na mga pamantayan, na para sa ilang tao ay nangangahulugan ng pagbabalik sa relihiyon. Gayunman, hindi mabuti ang rekord ng mga relihiyon sa paglalaan ng pangunguna sa moral. Ang General Assembly para sa Presbyterian Church (E.U.) ay umamin: “Nakakaharap natin ang isang krisis na katakut-takot ang mga kasukat at mga implikasyon nito.” Ano bang klase ng krisis ito? “Sa pagitan ng 10 at 23 porsiyento ng mga klero sa buong bansa ay seksuwal na may kaugnayan sa mga miyembro ng parokya, kliyente, empleado, atb.”
Sa gayon ay umiiral ang malaganap na kawalan ng tiwala sa relihiyon. Binuod ito ng presidente ng U.S. Business and Industrial Council nang kaniyang sabihin: “Hindi naihatid ng relihiyosong mga institusyon ang kanilang makasaysayang mga pamantayan, at sa maraming kaso, ay naging bahagi ng problema [sa moral], itinataguyod ang teolohiya sa pagpapalaya at ang hindi humahatol na mga palagay tungkol sa paggawi ng tao.”
Maliwanag, kung gayon, na ang hindi naturuang budhi ng tao ay hindi sapat upang pumatnubay sa sangkatauhan. Ang moral sa ngayon ay tinatangay ng agos tungo sa ganap na pagbagsak ng moral. Kailangan natin ang isang patnubay na nanggagaling sa isa na mas mataas kaysa atin.—Ihambing ang Kawikaan 14:12; Jeremias 10:23.
Ang gayong patnubay ay umiiral. Maaari itong makuha ng lahat na nagnanais nito.
[Talababa]
a Ang nakakukumbinsing katibayan na pabor sa paglalang ay ibinibigay sa publikasyong Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 5]
Ang paniniwala sa ebolusyon ay isang salik kung bakit ang salig-Bibliyang moralidad ay mawalan ng pabor
[Blurb sa pahina 6]
‘Sa pagitan ng 10 at 23 porsiyento ng mga klero ang seksuwal na may kaugnayan sa mga miyembro ng parokya, kliyente, empleado, atb.’
[Larawan sa pahina 7]
Itinaguyod ng mga klero ang moral na sistema na salig sa karunungan ng tao sa halip na sa Bibliya