AIDS—Ako ba’y Nanganganib?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
AIDS—Ako ba’y Nanganganib?
SINABI ng magasing Newsweek na isang pahayag ang ‘sumindak sa daigdig.’ Noong Nobyembre 7, 1991, ipinagbigay-alam ng popular na manlalaro ng E.U. na si Earvin “Magic” Johnson sa pamahayagan o press na siya ay nagkaroon ng virus ng AIDS. Pagkaraan ng nakagigitlang pag-amin na ito, walang tigil ang mga tawag sa telepono ng AIDS information hot lines. Ang ilang ospital ay dinagsa ng mga kahilingan para sa pagsubok sa AIDS. Binawasan pa nga ng ilang tao ang kanilang handalapak na gawi—nang pansamantala sa paano man.
Marahil ang pinakamalaking epekto ng pahayag na ito ay sa mga kabataan. Sabi ng patnugot ng mga paglilingkod pangkalusugan sa isang pamantasan: “Dinibdib ng mga estudyante ang ‘nangyari ito sa kaniya, maaari rin itong mangyari sa akin’ na mensahe—sumandali. . . . Sa karamihan ng mga estudyante, ang nangyari kay Magic Johnson ay hindi nangangahulugan na babaguhin nila ang kanilang paggawi. Inaakala pa rin nila na ‘hindi sila maaapektuhan nito.’”
Inihula ng Bibliya na ang ating panahon ay kakikitaan ng “mga salot,” yaon ay, mabilis kumalat na nakahahawang mga sakit. (Lucas 21:11) Ang AIDS ay tiyak na matatawag na isang salot. Kumuha ng walong taon—mula 1981 hanggang 1989—upang ang unang 100,000 kaso ng AIDS ay matuklasan sa Estados Unidos. Subalit kumuha lamang ng dalawang taon para sa ikalawang 100,000 kaso na maiulat!
Sang-ayon sa U.S. Centers for Disease Control, ang nakababalisang estadistikang ito ay “nagdiriin sa mabilis na paglaganap ng epidemya [ng AIDS] sa Estados Unidos.” Gayunman, ang AIDS ay isang pangglobong epidemya na nagiging sanhi ng maraming kamatayan at paghihirap sa Aprika, Asia, Europa, at Latin Amerika. Kapuna-puna, tinatawag ni Dr. Marvin Belzer ng Children’s Hospital sa Los Angeles ang AIDS na “ang pinakanakatatakot na problemang nakakaharap ng mga kabataan sa dekada ng 1990.”
Ang Traidor na Impeksiyon
Ano nga ba itong kakatwang sakit na ito, at bakit ba ito lubhang nakamamatay? Ang mga doktor ay naniniwala na ang AIDS ay lumilitaw kapag ang isang napakaliit na partikulo—isang virus na tinatawag na HIV (Human Immunodeficiency Virus)—ay sumasalakay sa daluyan ng dugo. Minsang naroon, ang virus ay nagsasagawa ng hanapin-at-sirain na misyon laban sa ilang puting selula ng dugo ng katawan, ang tumutulong na mga selulang T. Ang mga selulang ito ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagtulong upang salagin ang sakit. Gayunman, ang virus ng AIDS ay sumasalanta sa kanila, sinisira ang sistema ng imyunidad.
Mahabang panahon ang maaaring lumipas bago maramdaman ng isa na siya’y mayroon ng sakit na ito. Ang ilan ay maaaring walang sintoma sa loob halos ng sampung taon. Subalit sa pagtatagal ay nagkakaroon ng tulad-trangkasong mga sintoma—pangangayayat at kawalan ng gana, lagnat, at pagtatae. Habang patuloy na nasisira ang sistema ng imyunidad, ang biktima ay nagiging madaling tablan ng maraming impeksiyon—pulmunya, meningitis, tuberkulosis, o ilang kanser
—tinatawag na mapagsamantala sapagkat sinasamantala nila ang pagkakataon dahil sa mababa ang resistensiya ng biktima.“Lagi akong nakadarama ng kirot,” sabi ng isang 20-anyos na biktima ng AIDS. Ang sakit ay nagbukas ng mga sugat sa kaniyang colon at tumbong. Gayunman, ang malala nang AIDS ay higit pa kaysa paghihirap at kirot; sapagkat sa lahat halos ng biktima nito, ito’y nangangahulugan ng kamatayan. Mula noong 1981 ang virus ay kumalat sa mahigit isang milyon katao sa Estados Unidos lamang. Mahigit nang 160,000 ang namatay. Hinuhulaan ng mga dalubhasa na sa taóng 1995, ang bilang ng mga nasawi ay dodoble. Sa kasalukuyan ay wala pang nalalamang lunas para sa AIDS.
Mga Kabataang Nanganganib
Hanggang sa ngayon, kaunting porsiyento lamang ng iniulat na mga kaso ng AIDS—wala pang 1 porsiyento sa Estados Unidos—ang nagsasangkot sa mga tin-edyer. Samakatuwid, malamang na wala kang nakikilalang kabataan na namatay na sa sakit na ito. Hindi ito nangangahulugan na ang mga kabataan ay hindi nanganganib! Halos sangkalima ng lahat ng mga biktima ng AIDS sa Estados Unidos ay nasa kanilang mga edad 20. Yamang kumukuha ng ilang taon bago lumitaw ang mga sintoma, karamihan ng mga indibiduwal na ito ay malamang na nahawahan samantalang sila’y tin-edyer pa. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang hilig, libu-libo pang kabataan ang magiging mga pasyente ng AIDS.
Ayon sa U.S. Centers for Disease Control, ang nakamamatay na virus ay nagkukubli “sa dugo, semilya (semen), at sa mga likido sa kaluban ng mga taong nahawahan.” Sa gayon ang HIV ay naililipat sa pamamagitan ng “pakikipagtalik—sa kaluban, puwit, o sa bibig—ng isang taong nahawahan.” Nakuha ng karamihan ang sakit sa ganitong paraan. Ang AIDS ay maaari ring ipasa sa pamamagitan ng “paggamit o pagturok ng isang karayom o iniksiyon na ginamit ng o para sa isang taong nahawahan.” Isa pa, “ang ilang tao ay nahawahan sa pagtanggap ng mga pagsasalin ng dugo” na may HIV.—Voluntary HIV Counseling and Testing: Facts, Issues, and Answers.
Samakatuwid maraming kabataan ang nanganganib. Nakatatakot na bilang ng mga kabataan (ang ilan ay nagsasabi na kasindami ng 60 porsiyento sa Estados Unidos) ay nag-eksperimento sa bawal na gamot. Yamang ang ilan sa mga drogang ito ay itinuturok, ang panganib na mahawa sa pamamagitan ng maruming karayom ay mataas. Sang-ayon sa isang surbey sa E.U., 82 porsiyento ng mga estudyante sa mataas na paaralan (paaralang sekondarya) ay gumamit ng mga inuming nakalalasing, halos 50 porsiyento ang kasalukuyang gumagawa nito. Hindi ka nahahawa ng AIDS sa pag-inom ng isang bote ng beer, subalit pagkatapos ay maaaring sirain ng beer ang iyong paghatol at malamang na gawin mo ang pinakamapanganib na paggawi sa lahat—handalapak na sekso, homoseksuwal o heteroseksuwal.
Noong 1970 wala pang 5 porsiyento ng mga 15-anyos na babae ang nakaranas ng pagtatalik. Noong 1988 ang bilang na iyan ay tumaas tungo sa 25 porsiyento. Sa gulang na 20, gaya ng ipinakikita rin ng surbey, 75 porsiyento ng mga babae at 86 na porsiyento ng mga lalaki sa Estados Unidos ay aktibo sa sekso. Isa pang nakatatakot na estadistika: Halos 1 sa 5 tin-edyer ay nakaranas nang
makipagtalik sa mahigit na apat na kapareha. Oo, parami nang paraming kabataan ang nakikipagtalik bago ang kasal, at sila ay nagsisimula na mas bata higit kailanman.Ang kalagayan ay nakatatakot din sa ibang bansa. Sa mga bansa sa Latin-Amerika, hanggang tatlong-kapat ng mga kabataang tin-edyer ang nakikipagtalik bago ang kasal. Sa mga bansa sa Aprika maraming lalaki ang iniulat na pumipili ng tin-edyer na mga babae bilang mga katalik sa isang pagsisikap na ingatan ang kanilang sarili mula sa virus ng AIDS. Ang resulta? Ang pagdami ng kaso ng AIDS sa gitna ng tin-edyer na mga babae sa Aprika.
Ang paglaganap ng AIDS ay walang gaanong nagawa upang ihinto ang hilig na ito ng mapangwasak na paggawi. Isaalang-alang ang isang bansa sa Latin-Amerika. Mahigit na 60 porsiyento ng “aktibo sa sekso na mga kabataang walang asawa ay lubhang nanganganib na magkaroon ng virus ng AIDS.” Gayunman, wala pang 10 porsiyento ang nag-aakala na sila ay personal na nanganganib. Sinasabi nila sa kanilang sarili: ‘Hindi ito mangyayari sa akin.’ Subalit ang bansang ito ay mayroong “isa sa pinakamataas na bilang ng impeksiyon ng HIV sa Amerikas.”—U.S. Centers for Disease Control.
Ito’y Maaaring Mangyari!
Ipinakikita ng epidemya ng AIDS ang katotohanan ng babala ng Bibliya na “ang wakas” ng imoralidad sa sekso “ay kasimpait ng ahenho.” (Kawikaan 5:3-5; 7:21-23) Mangyari pa, pangunahing tinutukoy ng Bibliya ang espirituwal at emosyonal na pinsala. Subalit hindi rin natin dapat ipagtaka na ang imoralidad sa sekso ay marami ring nakapipinsalang epekto sa katawan.
Samakatuwid mahalaga na makatotohanang harapin ng mga kabataan ang panganib na magkaroon ng AIDS at ng iba pang sakit na naililipat ng pagtatalik. Ang nasisiyahan-sa-sarili na saloobing ang AIDS ay ‘hindi maaaring mangyari sa akin’ ay maaaring nakamamatay. “Kapag ikaw ay kinse o disisais o kahit na disisiyete, disiotso, disinuwebe, o beinte, nais mong isipin na ikaw ay hindi tinatablan,” sabi ng isang kabataang lalaki na nagngangalang David. Gayunman, kabaligtaran naman ang pinatutunayan ng mga katotohanan. Si David ay nagkaroon ng AIDS sa gulang na 15.
Tapatan, kung gayon: Kung ikaw ay gumagamit ng bawal na gamot o nakikipagtalik bago mag-asawa, ikaw ay nanganganib! Ano naman ang tungkol sa sinasabing ang isa ay maaaring magsagawa ng tinatawag na “ligtas na pagtatalik”? May makatotohanan bang mga paraan upang ingatan ang sarili mula sa epidemyang ito? Tatalakayin ng aming susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Kahon sa pahina 18]
Iba Pang Sakit na Naililipat ng Pagtatalik
Ang AIDS ay napalagay sa mga ulong-balita. Gayunman, ang The Medical Post ay nagbababala: ‘Ang Canada ay nasa gitna ng isang epidemya ng STD [sexually transmitted disease] ng mga tin-edyer.’ Ang Canada ay hindi nag-iisa. “Taun-taon 2.5 milyong tin-edyer sa E.U. ang nahawahan ng isang STD,” sabi ng base sa E.U. na Center for Population Options. “Ang bilang na ito ay kumakatawan ng humigit-kumulang isa sa bawat anim na mga tin-edyer na aktibo sa sekso at sangkalima ng pambansang mga kaso ng STD.”
Halimbawa, ang sipilis na dati’y inaakalang malapit nang malipol, ay nagbalik nitong nakalipas na mga taon, na sumasawi ng batang mga biktima sa halos sumisira ng rekord na dami. Ang gonorea at chlamydia (ang pinakamalaganap sa mga STD sa Estados Unidos) ay napatunayan ding lumalaban sa mga pagsisikap na ito ay lipulin. At ang mga tin-edyer ang may pinakamaraming bilang ng nahawahan. Ang The New York Times ay nag-uulat din ng “biglang pagdami” sa bilang ng mga tin-edyer na pinahihirapan ng mga kulugo sa ari. Libu-libong kabataan ang mayroon ding virus ng herpes. Sang-ayon sa Science News, “ang mga taong may herpes sa ari ay mas malamang na magkaroon ng [HIV], na nagdadala ng AIDS.”
Ganito ang sabi ng Center for Population Options: “Bagaman mas maraming tin-edyer ang dumaranas ng mga STD kaysa anumang ibang grupo, sila ang malamang na hindi gaanong nagpapagamot. Kapag hindi narekunusi at nagamot, ang mga STD ay maaaring lumala at pagmulan ng sakit na pamamaga ng pelvic, pagkabaog, pagbubuntis sa labas ng matris, at kanser sa kuwelyo ng matris (cervix).”
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Sinumang nagtuturok ng bawal na gamot o nagsasagawa ng kahandalapakan ay lubhang nanganganib na magkaroon ng AIDS