Kapag ang Lahat ng Lahi ay Sama-samang Mamumuhay sa Kapayapaan
Kapag ang Lahat ng Lahi ay Sama-samang Mamumuhay sa Kapayapaan
“GINAWA [ng Diyos] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa.” (Gawa 17:26) Iyan ang payak na pananalita ng Bibliya tungkol sa pinagmulan ng sambahayan ng tao.
Ang ipinahihiwatig nito ay na lahat ng sangkatauhan, saanman sila nakatira o anuman ang taglay nilang pisikal na mga katangian, ay nanggaling sa iisang lahi. Nangangahulugan din ito na sa kabila ng lahat ng nakikitang pagkakaiba, “ang bawat bansa ng mga tao” ay may iisang potensiyal kung ang pag-uusapan ay ang mga kakayahan at talino. Oo, sa paningin ng Diyos, ang mga tao ng lahat ng lahi o nasyonalidad ay magkakapantay.—Gawa 10:34, 35.
Kung ang pangmalas ng Bibliya ay tama, may pag-asa na ang lahat ng masamang opinyon at mga pang-aapi batay sa mga pagkakaiba sa lahi ay maaaring alisin. Isa pa, kung tama ang Bibliya tungkol sa pinagmulan ng sambahayan ng tao, kung gayon makatuwiran na ang aklat ding iyon ay makapaglalaan sa atin ng impormasyon na nagsisiwalat kung paanong ang lahi ng tao ay maaaring mamuhay nang sama-sama sa kapayapaan.
Buweno, ano ba ang ipinakikita ng mga katotohanan? Ang ulat ba ng Bibliya tungkol sa mga pinagmulan ng tao ay pinatutunayan ng siyensiya?
Siyentipikong Katibayan
Ang publikasyong The Races of Mankind, ng mga antropologong sina R. Benedict at G. Weltfish, ay nagsasabi: “Ang kuwento ng Bibliya tungkol kina Adan at Eva, ama at ina ng buong lahi ng tao, ay nagsaysay mga dantaon na ng katotohanan ding iyon na ipinakikita ng siyensiya sa ngayon: na lahat ng tao sa lupa ay iisang pamilya at may iisang pinagmulan.” Binanggit din ng mga manunulat na ito na “ang masalimuot na kayarian ng katawan ng tao . . . ay hindi maaaring ‘nagkataon lamang’ na magkakatulad sa lahat ng tao kung sila ay walang iisang pinagmulan.”
Ang pulyetong Race and Biology, ni L. C. Dunn, propesor ng soolohiya sa Columbia University, ay nagsasabi: “Lahat ng tao ay maliwanag na mula sa iisang uri, magkatulad sa lahat ng mahalagang pisikal na mga katangian. Ang mga miyembro ng lahat ng grupo ay maaaring magkapangasawahan at aktuwal na nagkakapangasawahan.” Pagkatapos ito ay nagpatuloy sa pagsasabing: “Gayunman ang bawat tao ay natatangi at naiiba sa maliliit na paraan mula sa bawat tao. Ito’y dahilan sa iba’t ibang kapaligiran na tinitirhan ng mga tao at dahilan sa mga pagkakaiba sa mga gene na namana nila.”
Ang siyentipikong katibayan ay kapani-paniwala. Sa biyolohikal na paraan, walang nakahihigit o nakabababang lahi, isang dalisay o nahawaang lahi. Ang mga katangiang gaya ng kulay ng balat, buhok, o mata—mga bagay na maaaring ituring ng ilan na mahalaga sa lahi—ay hindi nagpapahiwatig ng talino o mga kakayahan ng isa. Bagkus, ito ay bunga ng henetikong pagmamana.
Oo, ang mga pagkakaiba ng lahi ay kakaunti, gaya ng sulat ni Hampton L. Carson sa Heredity and Human Life: “Ang kabalintunaan na nakakaharap natin ay na ang bawat grupo ng mga tao ay lumilitaw na naiiba sa panlabas na paraan gayunman sa ilalim ng mga pagkakaibang ito ay may malaking pagkakahawig.”
Kung ang lahat ng tao ay talagang nanggaling sa iisa lamang pamilya, bakit, kung gayon, umiiral ang katakut-takot na mga problema sa lahi?
Kung Bakit ang Problema
Ang pangunahing dahilan kung bakit umiiral ang pagtatangi ng lahi ay ang masamang pasimula na ibinigay ng unang mga magulang sa kanilang mga anak. Sina Adan at Eva ay kusang naghimagsik laban sa Diyos at sa gayo’y naging di-sakdal, may depekto. Bunga nito, ang di-kasakdalan ni Adan—ang hilig na ito sa kasamaan—ay naipasa sa kaniyang mga inapo. (Roma 5:12) Kaya mula sa pagkasilang, lahat ng tao ay nahihilig sa kasakiman at pagmamataas, na humantong sa alitan at kaguluhang panlahi.
May isa pang dahilan kung bakit umiiral ang pagtatangi ng lahi. Nang sina Adan at Eva ay humiwalay sa pamamahala ng Diyos, sila’y napasailalim ng pamamahala ng isang balakyot na espiritung nilalang na tinatawag ng Bibliyang Satanas, o ang Diyablo. Sa ilalim ng impluwensiya ng isang ito, na “dumadaya sa buong tinatahanang lupa,” ang kusang mga pagsisikap ay kadalasang ginagawa upang dayain ang mga tao may kinalaman sa lahi. (Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 4:4) Ang ethnocentrism—ang idea na ang sariling grupo ng isa ay nakahihigit—ay ginatungan upang mag-alab, at sa nalalaman o hindi, angaw-angaw ang naimpluwensiyahan, taglay ang kapaha-pahamak na mga resulta.
Tapatan, pinalaganap ng mapag-imbot, di-sakdal na mga tao sa ilalim ng pagsupil ni Satanas ang lahat ng maling turo tungkol sa lahi na siyang may pananagutan sa mga suliraning panlahi.
Samakatuwid, upang magkaisa ang lahi ng tao, ang lahat ay dapat na maniwala na tayo ay talagang iisang pamilya ng tao at na ginawa ng Diyos “buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa.” (Gawa 17:26) Isa pa, upang ang lahat ng lahi ay mamuhay nang sama-sama sa kapayapaan, dapat alisin ang impluwensiya ni Satanas sa mga gawain ng tao. Mangyayari kaya kailanman ang mga bagay na ito? May anuman bang saligan na maniwalang mangyayari ang mga ito?
Pagwakas sa Pagtatangi ng Lahi
Isiniwalat ni Jesu-Kristo kung paano maaalis ang pagtatangi ng lahi nang kaniyang utusan ang kaniyang mga tagasunod na “mag-ibigan sa isa’t isa” kung paanong inibig niya sila. (Juan 13:34, 35) Ang pag-ibig na ito ay hindi lamang para sa mga miyembro ng isang partikular na lahi o mga lahi. Hindi nga! “Ibigin ninyo ang buong kapatiran,” ang himok ng isa sa kaniyang mga alagad.—1 Pedro 2:17.
Paano ba ipinakikita ang Kristiyanong pag-ibig na ito? Ang Bibliya ay nagsasabi nang ito’y nagpapayo: “Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Isip-isipin kung ano ang kahulugan nito kung ito ay gagawin! Ang bawat isa’y pakikitunguhan ang iba, anuman ang lahi o nasyonalidad, taglay ang tunay na dignidad at paggalang, hindi sila minamata, kundi aktuwal na ‘itinuturing sila na nakahihigit.’ (Filipos 2:3) Kung umiiral ang gayong espiritu ng pag-ibig Kristiyano, ang problema tungkol sa pagtatangi ng lahi ay malulutas.
Totoo, sa bahagi niyaong mga tinuruang magtangi ng lahi, nangangailangan ng di pangkaraniwang pagsisikap upang alisin ang gayong kinasihan ni Satanas na mga idea. Subalit magagawa ito! Noong unang siglo, lahat niyaong dinala sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay nagtamasa ng walang katulad na pagkakaisa. Si apostol Pablo ay sumulat tungkol dito: “Walang Judio ni Griego, walang alipin ni malaya, walang lalaki ni babae; sapagkat kayong lahat ay iisang personang kaisa ni Kristo Jesus.” (Galacia 3:28) Oo, ang tunay na mga tagasunod ni Kristo ay nagtamasa ng tunay na kapatiran.
Subalit ang ilan ay maaaring tumutol: ‘Hindi ito kailanman mangyayari sa ngayon.’ Gayunman, nangyayari na ito sa gitna ng mga Saksi ni Jehova—isang organisasyon ng mahigit na apat at kalahating milyon katao! Totoo naman, hindi lahat ng mga Saksi ay lubusang nakalaya na sa maling opinyong natutuhan mula sa masamang sistemang ito. Makatotohanang sinabi ng isang Amerikanong itim tungkol sa kapuwa mga Saksing puti: “Napapansin ko sa ilan sa kanila ang natitirang saloobin ng kahigitan sa lahi, at kung minsan ay nakikita ko ang ilan sa kanila ay naaasiwa kapag nakikisama sa mga tao ng ibang lahi.”
Gayunman, kinilala ng taong ito: “Sa ilang antas na hindi matularan ng sinumang tao sa lupa, inalis na ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang sarili ang pagtatangi ng lahi. Sinisikap nilang ibigin ang isa’t isa anuman ang lahi . . . Noong minsan ang aking puso ay naantig hanggang sa punto na hindi ko mapigil ang mga luha nang maranasan ko ang tunay na pag-ibig ng mga Saksing puti.”
Ang pagkakaisa ba ng lahi na tinatamasa ng ilan—kahit na kung ang bilang nila ay angaw-angaw—ay mahalaga kung ang angaw-angaw na iba pa ay naimpluwensiyahan ng mga idea ni Satanas tungkol sa kahigitan ng lahi? Hindi, sang-ayon kami na hindi nito nilulutas ang problema tungkol sa lahi. Higit pa sa pagsisikap ng tao ang kailangan. Tanging ang ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, ang makagagawa niyan.
Nakatutuwa naman, napakalapit na ngayon, aalisin ni Jehova sa lupa, sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang lahat ng pang-aapi at lahat ng masakim na nagtataguyod ng pagtatangi at pagkapoot, dahil sa lahi o iba pa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Sa panahong iyon, taglay ang isang sakdal na programang pang-edukasyon sa ilalim ng pamamahala ni Kristo, lahat ng lahi ay tunay na magkakaisa. Habang sumusulong ang edukasyong iyon, sila ay mamumuhay sa sakdal na pagkakaisa nang walang anumang bahid ng pagtatangi ng lahi. Ang pangako ng Diyos ay matutupad sa wakas: “Ang mga dating bagay ay naparam na. . . . Narito! ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.”—Apocalipsis 21:4, 5.
Ikaw ba ay isang taong umaasam-asam sa panahon kapag ang tunay na kapatiran ay iiral, kapag ang lahat ng lahi ay mamumuhay na sama-sama sa kapayapaan? Kung gayon, inaanyayahan ka naming dumalo sa isang Kingdom Hall na malapit sa inyo, kung saan regular na nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova upang pag-aralan ang Bibliya. Tingnan mo mismo kung hindi nila ipinakikita ang tunay na pag-ibig Kristiyano—sa mga tao ng lahat ng lahi.
[Larawan sa pahina 10]
Hindi na magtatagal lahat ng lahi saanman ay sama-samang mamumuhay sa kapayapaan