Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Iglesya—Mga Pagbabago at Kalituhan

Ang Iglesya—Mga Pagbabago at Kalituhan

Ang Iglesya​—Mga Pagbabago at Kalituhan

“Maraming sumasampalataya ang naligalig ng mga pagbabagong ipinasusunod sa kanila.”​—L’Histoire, Hulyo/Agosto 1987.

“Kung aalisin kahit na ang isa lamang tradisyon ng simbahan . . . ang simbahan ay mawawalan ng lahat ng saysay. . . . Ilagay mo ang ostiya [‘ang itinalagang tinapay’ na ginagamit sa Misa] sa kamay sa halip na sa labi, at ‘sisirain [mo] ang pananampalataya ng maraming Pranses.’”​—Voyage à l’intérieur de l’Église Catholique.

“Sa pagbabago sa liturhiya at pagsunod sa lokal na wika, waring ang simbahan ay nawalan ng maraming maninimba [na] minamahal ang ilang tradisyong itinuturing na matatag. . . . Walang anu-ano, ang diwa ng pananagutan ay naputol, at ang pananampalataya ay nayanig.”​—Nord Eclair, Abril 24-25, 1983.

MALIWANAG na ipinakikita ng nabanggit na mga sinipi ang kalituhan na umiiral sa isipan ng maraming Katoliko. Isang tanong ang paulit-ulit na bumabangon: “Ang aming mga magulang at mga nuno ay dumalo sa mga Misa na binigkas sa Latin at nanalangin sa isang partikular na paraan. Paano ngang ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay biglang-biglang naging walang-saysay?”

Ang bagong saloobin ng simbahan sa ibang relihiyon ay isa pa ring pinagmumulan ng mga problema. Sabi ng pahayagang Pranses na Le Monde: “Inaakala ng maraming sumasampalataya na sila ay nadaya. Maraming beses na sinabi sa kanila na ang kanilang relihiyon ang tanging tunay na relihiyon, o sa paano man ay siyang pinakamabuti.” Oo, maraming Katoliko ang sang-ayon sa idea ng talakayan na kasama ng kanilang “nahiwalay na mga kapatid,” ito man ay Orthodoxo o Protestante. Subalit ang pagbabagong ito ng saloobin sa ibang relihiyon ay hindi maunawaan ng marami na dating naturuan na ‘sa labas ng simbahan ay walang kaligtasan.’ Ang bagong saloobing ito ng simbahan ay siyang may pananagutan sa pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng Vaticano at ng mga tradisyunalista, na ang espirituwal na lider, ang dating arsobispong si Marcel Lefebvre, ay itiniwalag ni Papa John Paul II noong 1988.

Tinanggihan ang Awtoridad

Karaniwang ipinahahayag ng mga Katoliko ang kanilang pagkalito sa pamamagitan ng pag-aalinlangan sa awtoridad ng simbahan. Kahit na kung si John Paul II ay pinahahalagahan sa kaniyang paninindigang pabor sa katarungang pandaigdig, maraming Katoliko ang tumangging sumunod sa moral na mga idea na itinataguyod niya sa kaniyang mga talumpati sa madla. Kaya, maraming mag-asawang Katoliko ang gumagamit ng mga pamamaraan ng kontrasepsiyon na ipinagbabawal ng simbahan. Ang iba ay nagsasagawa ng aborsiyon.

Ang awtoridad ng simbahan ay pinag-aalinlanganan sa lahat ng antas. Ang bagay na ang papa at ang ibang matataas na prelado ay may partikular na paninindigan na sa paksang ito ay hindi nakahadlang sa karaniwang tao, sa mga pari, at maging sa mga obispo na salungatin ito. Ang aklat na La Réception de Vatican II ay nagpapaliwanag: “Mula sa punto de vistang ito, ang kalagayang ginawa ng konseho ay nakarating sa buhay ng simbahan. Ang Iglesya Katolika Romana ay siyang luklukan ngayon ng walang tigil, mainit na mga pagtatalo. Kahit na ang mga mungkahi ng papa ay pinagtatalunan at kadalasan ay binabatikos. Ang bilang ng mga Romano Katolikong nagsasabi na hindi nila matanggap ang ilang pahayag ng papa​—sa bahagi o lahat—​ay dumarami.”

Tinanggap ng ilang Katoliko ang mga pagbabago bilang katapatan sa simbahan at patuloy na isinasagawa ang mga ritwal nito. Ang iba ay naliligalig tungkol sa kalagayan at nasisiyahan na mamuhay bilang mga miyembro na hindi sumasang-ayon sa lahat ng mga idea ng simbahan. Ayon sa kasalukuyang mga estadistika, mayroon ding malaking ikatlong pangkat ng mga Katoliko lamang sa pangalan na hindi na tumatangkilik sa simbahan.

Ang kalituhan sa relihiyon ay hindi natatangi sa Iglesya Katolika sa Pransiya. Sa Netherlands man, ang mga problema ay bumangon sa mga Katoliko at Protestante, gaya ng ipaliliwanag ng aming susunod na artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Gera Sibil sa Iglesya ng Inglatera?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya

ISANG pangyayaring malamang na hindi mangyari? Hindi ayon sa The Sunday Times ng London. “Ang Iglesya ng Inglatera ay Nahahati,” sabi nito. “Ang Nababahaging Iglesya ay Nagtutungo sa Gera Sibil.” Ano ang nagdala sa tatag na iglesya ng Inglatera sa gayong kahabag-habag na kalagayan? Ang panukalang ordinasyon ng mga babae.

Sa isang makasaysayang desisyon noong nakaraang Nobyembre, ang sinodo ng Iglesya ng Inglatera ay bumoto sa pamamagitan ng dalawang-katlong kalamangang boto na ordinahin ang mga babae bilang mga pari. Mga 3,500 klerigo, sangkatlo ng kabuuang bilang ng iglesya, ay sinasabing tutol sa desisyon, at ang ilan ay umalis na sa iglesya na nalilito. Ang iba, sa ilalim ng pangunguna ng dating obispo ng London, ay nagnanais na panatilihin ang kanilang Anglicanong pagkakakilanlan bagaman naghahangad ng “pakikipagkaisa sa Sede ni Pedro,” sa Roma.

Ang Arsobispo ng Canterbury ang nanguna sa kampanya na pabor sa ordinasyon ng mga babae. “Hindi binabago ng ordinasyon ng mga babae sa pagkapari,” aniya, “ang isang salita sa mga kredo, sa mga kasulatan o sa pananampalataya ng ating Iglesya.” Isinusog pa niya: “Malamang na makatulong pa ito sa kredibilidad ng iglesya sa palagay ng lahat ng iba pa sa daigdig. Sa katunayan ay isinasagawa nito ang ipinangangaral nito tungkol sa pagkakapantay-pantay.”

Subalit hindi lahat ay sumasang-ayon. Isang karaniwang tao, binabansagang “apostasya” ang hatol ng sinodo, ay agad na nilisan ang iglesya upang maging Romano Katoliko nang mahayag ang pasiya. “Ang desisyong ordinahin ang mga babae ay nakasisindak. Nagkaroon ng espirituwal na kaguluhan. Hindi alam ng karamihan kung ano ang gagawin,” panangis ng isang klero sa London. Samantala, bagaman nagbibigay ng maingat na pagsalubong sa mga nagsialis, nakikita ng Vaticano ang desisyon bilang “isang bago at malaking hadlang sa muling pagkakasundo ng mga Anglicano at Katoliko.”

Tinatayang 1,400 babae ang naghihintay na maordina, subalit kailangan pang aprobahan ng Parlamentong Britano ang panukalang-batas na ito, na dapat sang-ayunan ng Reyna pagkatapos na ang panukalang-batas ay maipasa ng Parlamento. Lahat ng ito ay gugugol ng hanggang dalawang taon. Kawili-wiling makita kung ano ang kalagayan ng Iglesya ng Inglatera sa panahong iyon.

[Picture Credit Line sa pahina 7]

Camerique/H. Armstrong Roberts