May Panganib ba sa Pagsasagawa ng Magic?
Ang Pangmalas ng Bibliya
May Panganib ba sa Pagsasagawa ng Magic?
‘ANG kapaligiran ay waring nababalutan ng hiwaga. Walang anu-ano, binasag ng dumadagundong na tunog ng tambol ang katahimikan. Ang lahat ay nakatitig sa dalawang lalaking nakauniporme na may sakbat na mga musket (sinaunang baril). Iniumang ang kanilang mga armas, inasinta nila ang salamangkerong Intsik na magara ang bihis. Hawak-hawak niya sa kaniyang dibdib ang isang porselanang plato. Sa isang iglap ay umalingawngaw ang putok ng mga armas. Kapagdaka’y nabuwal ang salamangkero sa lapag, bumulwak ang dugo. Ang ilusyon ng isang platong sumasangga ng bala ay naging kapahamakan.’ Isang maling mekanismo sa isa sa mga armas ang naging sanhi ng pagputok at pagtama ng bala sa dibdib ng salamangkero. Gayon ang paglalahad ng aklat na Henry Gordon’s World of Magic.
Nakapanghihinayang ang kaloob na buhay—pawang dahil lamang sa kapanabikan, katuwaan, at paglilibang na kalakip sa gayong uri ng magic. Ganiyan din ba ang iyong reaksiyon? O inaakala mo na iyan ay bahagi lamang ng panganib may kaugnayan sa pagtatanghal? Anuman ang iyong tugon, pagka nagmintis ang ilusyong ito, ito’y totoong nakamamatay. Angkop lamang na maitanong natin: Mayroon bang bahagyang panganib may kaugnayan sa pagsasagawa ng magic? Para sa kasagutan, suriin natin ang pinakaugat ng sinaunang sining na ito.
Impluwensiya ng Magic sa Buong Kasaysayan
Sa pasimula ng kasaysayan, natawag na ang pansin at naimpluwensiyahan na ng hiwaga ng magic ang tao. Ang salitang “magic” ay hango sa pangalang “magi,” isang sinaunang Persianong makasaserdoteng uri na dalubhasa sa gawaing kulto. Sa pinakapangunahing diwa nito, ang magic ay isang pagsisikap na kontrolin o pilitin ang likas o sobrenatural na mga puwersa upang gawin ang balang maibigan ng tao. Sumasangguni sa mga saserdoteng nagsasagawa ng magic ang Ehipto noong ika-18 siglo B.C.E. May mahalagang papel na ginampanan din ang magic sa relihiyon ng sinaunang mga Chaldeo ng Babilonya noong ikawalong siglo B.C.E. (Genesis 41:8, 24; Isaias 47:12-14; Daniel 2:27; 4:7) Ang impluwensiyang ito ay umiral sa gitna ng mga Griego at Romano hanggang noong Edad Medya at hanggang sa ating ika-20 siglo.
Ang iba’t ibang anyo ng magic ay maaaring uriin sa ilang paraan. Inuri ni Robert A. Stebbins sa kaniyang aklat na The Magician ang magic sa tatlong kategorya.
Tatlong Anyo ng Magic
Ang mistikong magic (mystical magic), “isang kapahayagan ng okulto.” Sinasabi nito na “ang mga pangyayari o mga paraan na sumasalungat sa kaalamang sentido-komon o siyentipikong kaalaman” ay “totoo o makatuwiran.” Sinabi pa ni Stebbins
na ang “mistikong magic ay ang katuwang ng panggagaway, . . .pangkukulam, alchemy, at sa ilang kalagayan, relihiyon.”Sa mapagsamantalang magic (exploitative magic), “iniimpluwensiyahan o pinagsasamantalahan ng mga nagsasagawa ang pang-unawa sa katotohanan ng mga manonood para lamang sa sarili nilang kadakilaan.” Batid nila na kanilang dinadaya ang publiko, subalit ayon kay Stebbins, “hinihimok nila ang mga nakasasaksi ng magic na maniwala pa man din—maniwala na, bilang mga salamangkero, taglay nila ang sobrenatural na mga kapangyarihan o pantanging kaugnayan sa mga espiritu na may mga kapangyarihan.”
Ang panlibang na magic (entertainment magic) ay naglalayon na pukawin ang pagkamangha sa pamamagitan ng nakapagtatakang panlilinlang. Ito ay nauuwi sa limang pangunahin at magkakasanib na mga paraan: “pang-entabladong magic, pangmalapitang magic, bilis at kahusayan ng kamay, ilusyon, at pagbabasa ng isip.”
May Panganib ba Para sa mga Kristiyano?
Suriin muna natin ang mistikong magic. Ang mistikong magic ay pinapangyayari sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, ang umiiral na mga Satanista ay kapuwa nagsasagawa ng “black” at “white” magic. Kasali sa “black” magic ang pangkukulam, pantanging mga sumpa, at ang evil eye upang pinsalain ang kaaway ng isa. Sa kabilang dako, ang “white” magic ay may layon na magbunga ng mabubuting resulta sa pamamagitan ng pag-aalis ng kulam at pagpawi ng mga sumpa. Subalit, ang mga ito’y parehong kapahayagan ng okulto o ng mistiko. Kung minsan ipinamamanhik pa nga sa mistikong magic ang pagsisikap na magkaroon ng mabuting ani o manalo sa isang paligsahan sa palakasan. Gayunman, may kinalaman sa ganitong uri ng espiritistikong magic, tahasang sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong susunod sa pamahiin na paghahanap ng palatandaan ng mangyayari, at huwag kayong mamimihasa sa gawang magic.”—Levitico 19:26; Deuteronomio 18:9-14; Gawa 19:18, 19.
Saan nagkukubli ang panganib sa mapagsamantalang magic? Ang mga nagbabasa ng palad, manghuhula, at mga faith healer, upang banggitin lamang ang ilan, ay nagsasagawa ng mapagsamantalang magic para sa sarili nilang mga kapakinabangan. Hindi ba’t sila’y namumuhay sa pagsisinungaling sa kanilang propesyon? Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos: “Kayong mga tao ay huwag manlilinlang, at kayo’y huwag makikitungo nang may pandaraya sa kaninuman sa kaniyang kapuwa.”—Levitico 19:11.
Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Sa ilang pagkakataon, ang mga kilos na may halong magic ay maaaring magsilbi na pamimilit sa mga espiritu.” Nais ba nating mapasubo sa gulo mula sa mga demonyo sa pamamagitan ng di-tuwirang pagkasangkot sa gayong gawain? Pagka nagkaroon ng pagkakataon, maaari at mapagsasamantalahan tayo ng mga demonyo. Sila’y naghahanap ng ‘kombenyenteng panahon’ at hindi naglulubag sa kanilang mga pagsisikap.—Lucas 4:13; Santiago 1:14.
Ang dalubhasa sa sining ng panlilinlang at ilusyon ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo. Isinagawa niya ang sining na ito simula pa noong unang pagtatanghal niya sa harap ng isang tao sa hardin ng Eden. (Genesis 3:1-19) Sinong Kristiyano ang nagnanais na maging gaya niya? Sa halip, ang mga Kristiyano ay pinagpapayuhan na “magsitulad sa Diyos” at “ipasakop [ang kanilang sarili] . . . sa Diyos; ngunit salansangin ang Diyablo.”—Efeso 5:1; Santiago 4:7.
Gayunman, iniuugnay ng karamihan ng mga tao ang salitang “magic” sa libangan. Ang isang tao ay maaaring lumikha ng mga ilusyon sa kaniyang mga kamay (bilis at kasanayan sa kamay), na isinasaisip na ang kamay ay mas mabilis kaysa mata. Maaaring walang pagtutol sa Bibliya sa bagay na ito. Gayunman, kung may pagkukunwari ng okultong magic, ang isang Kristiyano ba ay magnanais magbigay ng impresyon ng pagtataglay ng anumang sobrenatural, di-maipaliwanag na mga kapangyarihan? O kung ang iba ay nabigyan ng maling impresyon sa pamamagitan ng “magic” na pagtatanghal, hindi ba nanaisin ng isang Kristiyano na iwasan ang gayong mga libangan upang huwag matisod ang iba? (1 Corinto 10:29, 31-33) Karagdagan pa, may potensiyal na panganib na higit pang maakit ang isang tao, sa mas matinding mga sining ng magic.
Kung gayon, pagdating sa magic na may malinaw na kaugnayan sa espiritismo, may katalinuhang iiwasan ito ng tunay na mga Kristiyano. Bukod pa riyan, sa lahat ng bahagi ng buhay ng isang Kristiyano—ito man ay nagsasangkot sa pagtatrabaho, pag-aaliw, o paglilibang—nanaisin niyang “magtaglay ng isang mabuting budhi,” isang budhi na walang pagkakasala laban sa Diyos o sa tao.—1 Pedro 3:16; Gawa 24:16.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Ang Bettmann Archive