Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagbabagong Iglesya sa Pransiya

Nagbabagong Iglesya sa Pransiya

Nagbabagong Iglesya sa Pransiya

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya

“‘Halos wala nang nagsisimba. Tuwing umaga mga maya at gagamba lamang ang nakikinig sa aking Misa sa isang simbahang walang katau-tao. Noong nakaraang taon ako ay nagdaos ng isang binyag at 26 na libing. Ano sa palagay mo? Wala man lamang kahit isang kasal.’ Nang [ang paring ito] ay unang dumating sa La Bastide [sa timog ng Pransiya], mga 85 bata ang dumadalo ng katekismo. Sa ngayon, may kabuuang bilang na lima lahat. May isa lamang seminarista sa diyosesis, at 120 parokya ang walang pari.”​—Isang pari, sinipi ng pahayagan sa Paris na Le Figaro.

“Sino ang magpapasiyang ibalik sa mga Katoliko ang mga himnong Gregorian, ang magagandang kantikó, . . . ang may bulaklak na mga altar, ang ritwal na damit ng pari, ang insenso, ang mga organo, at ang mga kura paroko sa pulpito? . . . Ang isang malaon nang hindi aktibong Katoliko, na nagpapasiyang bumalik sa simbahan, ay makakatulad ng alibughang anak. Gayunman, hindi niya masusumpungan sa ngayon ang sigla sa tahanan ng kaniyang ama kundi isang paradahan ng mga sasakyan na may nakakabit na mga laudispiker upang mapakinggan ang sermon ng pari nang hindi na bumababa ng kanilang kotse.”​—Geneviève Dormann, sumusulat sa Le Figaro Magazine.

MULA noong katapusan ng dekada ng 1970, nagkaroon ng maraming pagbabago para sa mga Katoliko na nag-aasawa ng mga Protestante. Hanggang noong 1966 ang asawang Katoliko ay kailangang sumulat ng isang panunumpa na kaniyang palalakihing Katoliko ang sinumang anak na isisilang sa kanilang pag-aasawa. Ang Protestanteng asawang lalaki o babae ay kailangang pumirma rin sa kasunduang ito. Sa ngayon, ang simbahan ay hindi gaanong mahigpit. Ang seremonya ng kasal ay maaaring ganapin alin sa isang simbahang Protestante o Katoliko sa harap ng isang klerigo ng alinmang relihiyon o ng kapuwa relihiyon.

“Sapol noong Vatican II, ang Iglesya Katolika ay tila hindi lamang naging bago at naiiba sa publiko kundi minamalas din nito ang kaniyang sarili na naiiba. . . . Ang iglesya ngayon ay hindi gaanong marangya, mas malapít sa ibang relihiyong Kristiyano, kinikilala ang kalayaan ng budhi, at ipinahahayag ang sarili nito na ‘handang tumulong sa buong daigdig.’ ”​—Pahayagang Pranses na Le Monde.

Sa loob ng ilang dekada na ngayon, at lalo na sapol noong Vatican II, ang Iglesya Katolika ay sumailalim ng maraming pagbabago. Paano minamalas ng matapat na mga tagasunod at ng klero ang mga pagbabagong ito?

Ang mga Bagay ay Hindi na Gaya ng Dati

Maaga noong dekada ng 1960, pinahintulutan ni Kardinal Feltin, arsobispo ng Paris, ang mga pari sa kaniyang diyosesis na isaisang-tabi ang kanilang kasuutan sa pagkapari at magsuot ng mas sekular na pananamit, kahit ng isang simpleng amerikana na may maliit na krus sa sulapa. Ang Romano Katolikong sutana ay hindi na halos isinusuot ng karamihan ng mga paring Pranses, isinusuot lamang ng mga paring tradisyunalista. Halos kasabay nito, ang mga Katoliko ay pinagkalooban ng karapatan ng pagpiling dumalo ng Misa kung Sabado ng gabi sa halip na Linggo ng umaga.

Ang Liturhiya, na hindi nagbago sa loob ng mga dantaon, ay sumailalim ng maraming pagbabago. Mga makabagong awitin ay ipinakilala sa Misa, bagaman ang mga awit ay hindi nakalugod sa lahat. Ang altar ng simbahan ay binaligtad anupat ang pari ngayon ay nakaharap sa kaniyang kawan sa panahon ng mga seremonya. Gayunman, isa sa kapansin-pansing pagbabago sa Liturhiyang Katoliko ay ang pagdaraos ng Misa sa wika ng bansa. Ito’y nagbunga sa paglaho ng Misa sa Latin.

Sina François, Maryse, at Gilles ay mga halimbawa ng kung ano ang naging reaksiyon ng ilang taimtim na mga Katoliko. Si François ay isang masigasig na tagapagtaguyod ng pagkakaroon ng Misa sa wikang Pranses. Sabi niya: “Sa paano man ay mauunawaan mo kung ano ang sinasabi ng pari.” Si Maryse naman ay laban sa pagbabago sapagkat, gaya ng sabi niya, ang Misa “ay mas maganda noon.” Gayundin ang palagay ni Gilles. Sabi niya: “Nang tayo’y magbago mula sa Latin tungo sa Pranses, sa akin para bang ito ay isang paglabag sa pananampalataya.”

Sa gitna ng mga Katolikong pabor sa mga pagbabagong ito, inaakala ng marami na ang mga bagay-bagay ay hindi gaanong nagbago. Iminumungkahi ng ilan na ang simbahan ay dapat na magkaroon ng mas aktibong bahagi sa mga gawain ng sanlibutan. Ang iba naman ay pabor sa pag-aasawa ng mga pari at pati na sa ordinasyon ng mga babae.

Matapat ba ang mga Tagasunod ng Simbahan?

Naapektuhan ng mga pagbabagong ito hindi lamang ang ritwal ng simbahan. Sa maraming bansa, ang nagsisimba ay lubhang umunti. Sa gayon, ang persentahe ng mga Katolikong Pranses na dumadalo ng Misa minsan sa isang buwan ay bumaba mula sa 45 porsiyento tungo sa 20 porsiyento sa nakalipas na 25 taon. Ang regular na kumpisal sa isang pari ay hindi na uso sa ngayon. Sang-ayon sa isang surbey kamakailan, 14 na porsiyento lamang ng populasyong Pranses ang nangungumpisal minsan sa isang taon, kung ihahambing sa 51 porsiyento noong 1952.

Ang pangangasiwa sa kawan ay naging isang malubhang problema rin. Ang mga klero ay tumatanda na. Ang mga paring nagbibitiw sa pagkapari o namamatay ay hindi napapalitan. Bunga nito, ang karaniwang tao ay nagkakaroon ng aktibong bahagi sa pagsamba.

Ang kakulangan ng mga pari ay damang-dama lalo na sa rurál na mga dako. Daan-daang rurál na mga parokya sa Pransiya ay wala nang mga pari, at marami sa mga tagasunod ng simbahan ay alin sa nagtutungo sa kalapit na maliliit na bayan para sa Misa kung Linggo o nasisiyahan na lamang sa kung ano ang tinutukoy ng simbahan sa Pransiya bilang ADAP, Les Assemblées Dominicales en L’Absence de Prêtres (Mga Pagtitipon kung Linggong Walang Pari). Ano ang palagay ng mga tao tungkol sa mga pagtitipong ito na hindi na maituturing na isang Misa? Isang madre ang tahasang nagsalita tungkol sa kalagayan sa gitnang Pransiya: “Ang mga tao ay talagang walang hinihiling. Kung walang idaraos dito kung Linggo, sila sa wakas ay masisiyahan na rin diyan.”

Ang bagong​—karaniwang karismatiko—​mga grupong Katoliko ay nagbibigay ng isang tanda ng pag-asa para sa marami. Gayunman, maliit na bahagi lamang ng tapat na Katoliko ang naaapektuhan nito at hindi ito nagbibigay ng lunas sa tinatawag na krisis ng simbahan.

Subalit bakit ba nagaganap ang mga pagbabagong ito? Kailan ito nagsimula? Ano ang nagpangyari nito? Upang sagutin ang mga tanong na ito, kailangang maikling repasuhin natin ang kasaysayan ng Iglesya Katolika sa nakalipas na 30 taon.