Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Babala sa Pacemaker
Ang mga kagamitang pantutop sa pagnanakaw na inilalagay ngayon sa maraming tindahan at sentrong mga pamilihan ay maaaring maging sanhi ng panganib sa kalusugan ng mga taong gumagamit ng elektronikong pacemaker na kumukontrol sa bilis ng tibok ng puso. Ang Pranses na babasahing pangmedisina na Le Concours Médical ay nag-uulat na ang mga doktor sa Pransiya ay nababalaan tungkol sa suliranin ng isang pasyenteng nagtatrabaho sa isang supermarket na dumaing na bumibilis nang husto ang tibok ng kaniyang puso sa tuwing mapapalapit siya sa despatso ng tindahan. Sa pagsusuri sa 30 iba’t ibang uri ng pacemaker, nasumpungan ng isang pangkat ng mga doktor na ang mga sentro ng elektromagnetiko na likha ng mga sistemang pantutop sa pagnanakaw ang dahilan ng pagkasira ng karamihan ng mga pacemaker, na kung minsan ay may malubhang pagkasira. Nagbababala ang mga doktor na ang mga taong may pacemaker ay dapat na may kabatiran sa panganib.
Isang Nakamamatay na Seremonya
Kamakailan nakatanggap ang isang klinika sa San Antonio, Texas, ng isang di-kapani-paniwalang dami ng kahilingan mula sa mga tin-edyer na babae para sa isang pagsusuri sa AIDS. Isiniwalat ng isang pagsisiyasat na ang kabataang mga babae ay nakikipagtalik nang walang mga proteksiyon sa mga “miyembro ng gang na may HIV” bilang bahagi ng seremonya sa pagtanggap sa bagong kasapi. Ayon sa Daily News ng New York, sinabi ng mga opisyal na ang 14- at 15-taóng gulang na kabataang mga babae “ay nakikipagtalik nang walang proteksiyon upang maging bahagi ng gang” at upang “patunayan na sila’y ‘malalakas’ para labanan ang virus ng AIDS.” Maraming batang babae ang sumasali sa mga gang na naghahanap ng pag-ibig at kaaliwan na hindi nila masumpungan sa kanilang mga tahanan. Subalit ang buhay sa isang gang ay naghahantad lamang sa kanila sa karahasan, pagkagahaman sa sekso, at mga sakit na naililipat ng pagtatalik. Sinisipi ang mga sinabi ng isang opisyal, sinabi ng Daily News na “ang karamihan ng mga batang babae ay mula sa wasak na mga tahanan. Marami ay inabuso ng mga miyembro ng kanilang pamilya.”
Hindi na ba Masusugpo ang AIDS?
Ang pambuong-daigdig na paglaganap ba ngayon ng AIDS ay hindi na masusugpo? Maaari nga, sabi ng 1,000-pahinang tinipong ulat ng Global Aids Policy Coalition sa Harvard University sa Estados Unidos. Ayon sa The Guardian Weekly, ipinakikita ng ulat na walang bansa ang nakapipigil sa paglaganap ng AIDS at na ang mga nagsasabing ang Europa ang pinakatugatog ng sakit ay maaaring mali. Ganito ang sabi ng ulat: “Ang pambuong-daigdig na paglaganap ng HIV/Aids ay pumapasok sa isang bago, mas mapanganib na yugto. Habang lumulubha ang panganib sa daigdig, maraming tanda ng paglago ng pagkakampante, patuloy na pagkakaila, at paglitaw muli ng pagtatangi.”
Panliligalig sa mga Babaing Manggagawa
Isiniwalat ng kamakailang surbey sa Toronto Hospital, Toronto, Canada, na 70 porsiyento ng mga babaing manggagawa nito ay nagreklamo na sila’y seksuwal na nililigalig habang nasa trabaho. Ayon sa The Toronto Star, 2 porsiyento ng kababaihan ay nag-ulat na hinalay, at 1 porsiyento ang nag-ulat na tinakot upang makipagtalik. Marami sa mga babae ang nagsasabi na sila’y “pinagsasalitaan sa isang walang-galang o mahalay na paraan” at isang malaking bilang ang “nagreklamo dahil sa malaswang mga biro.” Iniuulat ng Star na halos 60 porsiyento ng mga babaing manggagawa ay “nakadarama ng pagiging di-ligtas kung minsan sa ilang bahagi ng” ospital.
Mga Klase sa Bibliya sa Pamantasang Hapónes
Isiniwalat sa kamakailang surbey sa mga estudyante sa departamento ng panitikan ng kilalang Waseda University sa Hapón na “maraming estudyante ang nagnanais na higit na matuto tungkol sa sinaunang mga akdang pampanitikan at lalo na sa Bibliya, na inaakalang mahalaga sa pag-unawa ng mga kulturang banyaga,” ulat ng The Daily Yomiuri. Idinagdag ng pamantasan, na nagtamo na ng pagkilala sa larangan ng panitikan, ang mga klase sa Bibliya sa mga kurso nito pasimula ng semester noong tagsibol ng 1993. Dahil sa binigyan ng Ministri ng Edukasyon ang mga pamantasan ng higit na kalayaan na baguhin ang kanilang mga programa sa pagtuturo dalawang taon na ang nakalipas, ito ang unang kaso sa Hapón na ang mga estudyante ay pinahintulutang makibahagi sa pagbalangkas sa kurikulum ng paaralan.
Pinsala ng Pagjo-jogging
Napipinsala ng pagjo-jogging ang mga kasu-kasuan ng katawan nang sampung ulit kaysa pagbibisikleta, ayon sa pagsusuri mula sa Orthopedic University Clinic sa Berlin, Alemanya. Gumagamit ng isang artipisyal na kagamitang balakang na sinadya para sa layunin ng pagsusuri, ang mga siyentipiko ay nagtagumpay sa kauna-unahang pagkakataon sa pagsukat sa pinsalang nalilikha sa mga kasu-kasuan ng indibiduwal sa panahon ng iba’t ibang gawain. “Bagaman karaniwan nang inaakala na higit na napipinsala ng mga nagjo-jogging ang kanilang mga litid at mga kasu-kasuan kaysa mga taong nagbibisikleta,” ulat ng Süddeutsche Zeitung, “maging ang mga mananaliksik mismo ay nagulat sa malaking pagkakaiba.”
Lumalago ang Prostitusyon ng mga Bata sa Asia
“Pagsapit mo sa gulang na sampu ikaw ay isang adulto, sa gulang na dalampu ikaw ay isang matandang babae, sa gulang na tatlumpu ikaw ay patay na.” Iyan, ayon sa magasing National Geographic Traveler, ay karaniwang kasabihan tungkol sa mga batang nagbibili ng aliw sa Bangkok, Thailand. Mayroong halos isang milyong batang nagbibili ng aliw sa Asia, karamihan sa kanila ay wala pang sampung taóng gulang. Ang turismo, sabi ng magasin, ang tumutulong sa paglago ng bawal na industriyang ito. Maraming organisasyon ng pedophile sa Australia, Hapón, Estados Unidos, at Kanlurang Europa ang nagtataguyod ng ‘mga sex trip’ sa mga lupain sa Asia. Iniulat kamakailan ng The Times ng London na bawat taon mga 5,000 batang babae ang “kinakalap” mula sa kabundukan ng Nepal upang maging mga patutot sa mga bahay aliwan ng Bombay, India. Tinataya na 200,000 na ngayon ang naroroon, halos kalahati sa kanila ay nahawahan na ng HIV, ang virus na sanhi ng AIDS. Isang napakaorganisadong negosyo ang nagpapadala pa nga ng mga batang babae sa Kanlurang Europa at Estados Unidos.
Mabilisang Pagsamba
“Bakit ang mga serbisyo sa simbahan ay kailangang magpasimula ng 11 n.u. at tumagal nang isang oras o higit pa?” Ang tanong na iyan, na ibinangon kamakailan ng isang ministro ng Baptist sa Florida, E.U.A., ayon sa isang ulat ng Associated Press na lumabas sa Times-West Virginian, ay humantong sa isang nakikitang solusyon. Ang klerigo ay nag-aalok ng isang “Compact Mini 22-Minutong Serbisyo sa Simbahan” na, ayon sa kaniya, makapagbibigay sa kaniya ng panahon na “makapagsermon, makapagpaawit ng himno, makapagbasa ng Kasulatan, makapanalangin at mapauwi ang mga nagsimba.” Ang sermon mismo ay tatagal lamang ng walong minuto, nagpapahintulot sa ministro na “gawin sa simbahan kung ano ang ginagawa ng [fast food restaurant] McDonald sa pagkain,” ayon sa Associated Press. Gayunman, sinabi pa ng ulat, “maraming oras ang iuukol sa pagpasa ng platong pangilak.”
Pagsugpo sa Lagnat na Dengue
Ipinakikita ng isang pagsusuri sa Thailand ang ilang tanda sa pagsugpo ng lagnat na dengue, isang sakit na nagpapahirap sa halos 100,000 katao sa bansang iyan bawat taon. Ang lagnat na dengue mismo ay hindi naman nakamamatay, subalit sa Timog-silangang Asia karaniwan itong pinagmumulan ng nakamamatay na sakit sa mga bata. Ang lamok na Aëdes aegypti ang nagpapalaganap ng lagnat na dengue. Subalit, ang mga programa na nagtitiwala sa mga pamatay ng kulisap upang masugpo ang sakit ay napatunayang walang bisa, magastos, at di-kilala, ayon sa Medical Post ng Canada. Kamakailan, nasumpungan ng mga siyentipiko sa Mahidol University ng Bangkok na ang pinakakaraniwan at pangunahing pinangingitlugan ng lamok ay ang malalaking tapayan ng tubig na iniingatan ng mga tao sa kanilang mga tahanan. Kaya sila’y gumawa ng mga takip para sa mga tapayan na hustung-husto gaya ng mga shower cap subalit maaaring maalisan at malagyang muli ng tubig. Nasumpungan ng mga siyentipiko na pagka ginamit nang wasto ang mga takip ay 100 porsiyentong mabisa sa pagpatay ng mga nagdadala ng sakit na mga kiti-kiti. Ang mga nayon na gumagamit ng takip ay nakitaan ng pagbaba sa bilang ng lagnat na dengue mula sa pagitan ng 11 at 22 porsiyento tungo sa 0.4 porsiyento.
Pagbabawas sa Pagod ng Mata
Kung nakararanas ka ng pagod sa mata dahil sa panonood ng telebisyon o dahil sa computer screen, magiginhawahan ka sa pamamagitan ng basta paglalagay rito na mas mababa at patingala. Ang mungkahing ito, mula sa New England Journal of Medicine, ay salig sa palagay na ang mga tao ay di-gaanong kumukurap at mas iminumulat ang kanilang mga mata pagka nakatingin nang pahalang kaysa pagka nakatingin sa ibaba. Ang hindi gaanong pagkurap ay nangangahulugan ng kakulangan sa pinakapampadulas, at ang higit na pagmulat sa mga ito ay nagpapabilis sa pagsingaw ng nag-iingat na sapin ng halumigmig ng mata.
Ipinagbibiling mga Simbahan
Hindi talaga alam ng Iglesya Katolika Romana sa Italya kung gaano karaming mga gusali ang pag-aari nito, subalit isang bagay ang tiyak: Hindi nito mapangalagaan ang lahat ng gusali. Ang dami ng napabayaang mga gusali ng simbahan na unti-unting nabubulok ay dumarami araw-araw. Kaya naman, sinabi ni Pietro Antonio Garlato, pangulo ng Konsilyo ng Pamanang Pangkultura ng Italyanong Iglesya, na pinag-iisipan ng iglesya kung ipagbibili ang ilang gusali na hindi na nagagamit para sa relihiyosong mga layunin. Gaano karaming mga simbahan ang ipagbibili? “Ang isang pagtaya,” paliwanag ng obispo sa Il Messaggero, “ay nagpapakita ng bilang na 10 porsiyento” ng mahigit na 95,000 simbahan sa Italya.
Nakatutulig na Ingay
Nasumpungan sa kamakailang pagsusuri ng polusyon sa ingay sa Berlin, Alemanya, na napakaraming tao ang may kapanganibang nabubuhay sa napakataas na antas ng ingay. Sinabi ng pahayagang Süddeutsche Zeitung na 40 porsiyento ng mga apartment sa lungsod ay nasa pangunahing mga lansangan, “kung saan halos palaging maingay.” Sa katunayan, kung araw ang antas ng ingay sa 95 porsiyento ng mga silid na nakaharap sa mga lansangan ay higit pa sa pinakamataas na tamang antas ng 65 decibel. Sa sangkalima ng mga silid na ito, ang antas ng ingay ay 75 decibel. Ang ingay kung gabi ay napakalakas din sa halos lahat ng mga lansangan na sinuri. Ang matataas na antas ng ingay ay batid na humahadlang sa pakikipagtalastasan, pagtutuon ng isip, at kakayahang mag-isip.