Sila ay Lumipat sa Puerto Rico
Sila ay Lumipat sa Puerto Rico
NOONG Mayo 9, 1993, ang Spanish Translation Department, na binubuo ng 20 miyembro, ay lumipat mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, tungo sa bagong tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Guaynabo, Puerto Rico. Bakit lumipat? Isang responsableng miyembro sa grupo ng mga tagapagsulat sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapaliwanag: “Nasumpungan namin na ang mga tagasalin ay nakagagawa nang mas mahusay kapag sila ay nakatira sa lugar kung saan ang wika na kanilang isinasalin ay sinasalita araw-araw. Isa pa, natural na nakaaalinsabay sila sa anumang bagong salita sa wikang iyon. Ang Puerto Rico ang napiling kombinyenteng dako bilang sentro para sa buong lupain na nagsasalita ng Kastila.”
Ang Spanish Translation Department ay nasa Brooklyn, New York, sapol noong 1928 at gumanap ng isang mahalagang bahagi sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa pamamagitan ng pagtulong sa paggawa ng literatura sa Bibliya na makukuha ng mga 350,000,000 taong nagsasalita ng Kastila sa buong daigdig. Ang Bantayan ay unang isinalin sa Kastila noong 1917. Sa ngayon, halos 3,500,000 kopya ng Ang Bantayan at halos 3,000,000 kopya ng Gumising! ang inililimbag sa Kastila buwan-buwan. Nitong nakalipas na mga taon ang sangay ng Samahang Watch Tower sa Espanya ay nakatulong din ng malaki sa gawaing ito, lalo na sa pagsasalin ng magasing Gumising! May mahigit na 1,100,000 nagsasalita ng Kastila na mga Saksi ni Jehova sa daigdig, halos 25 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga Saksi sa buong daigdig. Kabilang na rito ang sampu-sampung libong dayuhang naglilingkod sa mga bansang hindi nagsasalita ng Kastila, gaya ng Australia, Alemanya, Sweden, at Estados Unidos.
Ang paglipat tungo sa mas malaki at mas bagong mga pasilidad sa Puerto Rico ay may iba pang pakinabang. Ipinahihintulot nito para sa mga tagasalin at mga proofreader mula sa iba’t ibang bansa, gaya sa Colombia, Mexico, Puerto Rico, Espanya, at Venezuela, na magkaisa sa isang sentrong dako upang ang internasyonal na katangian ng mga publikasyon ng Samahan sa Kastila ay mapahusay pa. Ito ay tutulong na maihatid ang mensahe ng Kaharian sa isang malinaw at tamang paraan sa mga taong nagsasalita ng Kastila sa buong daigdig. Kami’y umaasa sa pagpapala ni Jehova sa bagong pagsulong na ito.