Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Katotohanang Pabor sa Gatas ng Ina

Ang Katotohanang Pabor sa Gatas ng Ina

Ang Katotohanang Pabor sa Gatas ng Ina

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria

GUNIGUNIHIN ang isang pagkain ng bata na masarap, madaling tunawin, at nasasapatan ang lahat ng sustansiyang kailangan ng lumalaking sanggol. Isang pagkain na masasabing “kamangha-manghang gamot” na kapuwa nalalabanan at nagagamot ang sakit. Isang pagkain na walang bayad at laging makukuha ng lahat ng pamilya saanman sa lupa.

Imposible, hindi ba? Buweno, talagang mayroong ganitong produkto, pero hindi ito gawa ng mga siyentipiko sa industriya. Ito ay ang gatas ng ina.

Sa buong kasaysayan ng sangkatauhan ang kahanga-hangang pagkaing ito ay itinuring na napakahalaga sa pag-aalaga ng bata. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya na nang makita ng anak ng Faraon ang sanggol na si Moises, inutusan niya ang kaniyang kapatid na tumawag ng “nagpapasusong ina” upang alagaan siya. (Exodo 2:5-9) Sa dakong huli, sa Griego at Romanong lipunan, karaniwang kumukuha ng bayaring nagpapasusong mga nars na malulusog upang maglaan ng gatas sa mga sanggol ng mayayamang pamilya. Gayunman, nitong nakaraang dekada, nangaunti ang kaugaliang ito na pagpapasuso mula sa ina, kung minsan dahil sa anunsiyo na naging dahilan upang isipin ng mga tao na ang gatas ng ina ay mas mababa ang uri kaysa makabagong tuklas na mga pormula ng gatas. Sa ngayon, ang kausuhang iyon ay nabaligtad yamang parami nang paraming ina ang nakapagpatunay na pinakamagaling ang “pagpapasuso mula sa ina.”

Pinakamagaling na Nutrisyon

Napabuti pa ba ng mga siyentipiko ang natural na paraan ng Maylikha hinggil sa pagpapasuso ng mga sanggol? Hindi nga. Binanggit ng UNICEF (United Nations Children’s Fund): “Ang gatas ng ina lamang ang tanging pinakamagaling na pagkain at inumin ng mga sanggol sa unang apat hanggang anim na buwan ng buhay.” Taglay ng gatas ng ina ang lahat ng protina, pampalaki, langis, carbohydrates, enzymes, bitamina, at ilang elementong mahalaga sa malusog na paglaki ng isang sanggol sa unang mga buwan.

Hindi lamang pinakamagaling na pagkain ng bagong silang na mga sanggol ang gatas ng ina kundi iyon lamang ang tanging pagkain na kailangan nila. Muling-pinagtibay ng World Health Assembly noong Mayo 1992 na “sa unang apat hanggang anim na buwan ay walang kailangang pagkain o inumin maliban sa gatas ng ina, kahit tubig, upang masapatan ang normal na pangangailangang pagkain ng sanggol.” Ang gatas ng ina ay may sapat na tubig upang pawiin ang pagkauhaw ng sanggol kahit sa mainit, tagtuyong mga panahon. Bukod sa hindi na kailangan, ang pagpapasuso ng tubig o matamis na inumin ay maaaring maging dahilan pa upang lubusan nang ayawan ng sanggol ang gatas ng ina, yamang mas nadadalian ang mga sanggol sa pagsuso sa bote. Mangyari pa, pagkatapos ng unang mga buwan, kailangan nang unti-unting dagdagan ng iba pang pagkain at inumin ang kinakain ng bata.

Wala nang ibang makapaglalaan ng gayong tamang-tamang mga sangkap upang mapasulong ang malusog na paglaki at pagsulong ng mga sanggol. Ganito ang sabi ng aklat na Reproductive Health​—Global Issues: “Ang mga pagtatangka na palitan ang gatas ng ina ay hindi naging tagumpay. Ang literatura sa kasaysayan sa paksang pagpapasuso ng sanggol ay sagana sa katibayan na ang mga sanggol na hindi pinasuso ng gatas ng ina ay mas madaling maimpeksiyon at magkulang sa sustansiya kaysa mga sanggol na pinasuso ng gatas ng ina.”

Nagliligtas ng Buhay ang Pagpapasuso Mula sa Ina

Sang-ayon sa WHO (World Health Organization), ang pagkamatay ng isang milyong sanggol sa buong daigdig ay maiiwasan taun-taon kung walang ipakakain ang lahat ng ina sa kanilang mga sanggol kundi sariling gatas lamang sa unang apat hanggang anim na buwan. Ganito ang ulat ng UNICEF sa State of the World’s Children 1992: “Ang sanggol sa isang mahirap na komunidad na pinasususo sa bote ay mga 15 ulit ang kalamangan na mamatay sa sakit na diarrhea at 4 na ulit ang kalamangan na mamatay sa pulmonya kaysa sa isang sanggol na pinasususo lamang ng gatas ng ina.”

Bakit ganito? Ang isang dahilan ay na ang pulbos na gatas, bukod sa mas kakaunti ang sustansiya kaysa gatas ng ina, ay karaniwan nang binabantuan nang sobrang tubig na marumi at pagkatapos ay isinasalin sa hindi isterilisadong mga bote. Kaya ang gatas sa bote ay madaling malagyan ng baktirya at mikrobyo na sanhi ng diarrhea at impeksiyon sa palahingahan, ang pangunahing pumapatay sa mga bata sa nagpapaunlad na mga bansa. Sa kabilang dako, ang gatas na sinususo mula mismo sa ina ay hindi madaling marumihan, hindi kailangang timplahin, hindi napapanis, at hindi maaaring mabantuan nang sobra.

Ang ikalawang dahilan kung bakit ang pagpapasuso mula sa ina ay nagliligtas ng buhay ay sapagkat ang gatas ng ina ay may panlaban sa sakit na nag-iingat sa mga sanggol. Kung magkaroon man ng diarrhea o iba pang impeksiyon ang mga sanggol na pinasususo mula sa ina, malimit na hindi naman ito gaanong grabe at ito’y madaling gamutin. Ipinahihiwatig din ng mga mananaliksik na ang mga sanggol na pinasuso mula sa ina ay waring hindi agad nagkakaroon ng sakit sa ngipin, ng kanser, diabetes, at allergies. At sapagkat nangangailangan ito ng mapuwersang pagsuso, ang pagpapasuso mula sa ina ay tutulong sa mga sanggol na magkaroon ng tumpak na paglaki ng mga buto at kalamnan sa mukha.

Mga Kapakinabangan sa mga Ina

Hindi lamang mga sanggol ang nakikinabang sa pagpapasuso mula sa ina; nakikinabang din ang mga ina. Unang-una, kapag sumususo ang sanggol sa ina pinasisigla nito ang paglabas ng hormone na oxytocin, na hindi lamang tumutulong sa paglabas at pagdaloy ng gatas kundi nagpapaurong din ng matris. Kapag umurong agad ang matris pagkapanganak, maaasahan na hindi gaanong duduguin. Ang pagpapasuso mula sa ina ay magpapaantala sa muling pagdating ng obulasyon at buwanang pagkakaroon. Ito’y nagpapaantala sa susunod na pagdadalantao. Ang mahabang pagitan ng pagdadalantao ay nangangahulugan ng mas malulusog na ina at mga sanggol.

Ang isa pang kapakinabangan sa mga babae ay na ang pagpapasuso mula sa ina ay nagpapababa sa panganib na magkakanser sa obaryo at dibdib (breast). Sinasabi ng mga eksperto na nagiging kalahati lamang ang panganib na magkakanser sa dibdib ang mga inang nagpapasuso sa kaniyang anak kaysa kung hindi.

Hindi dapat kalimutan sa listahan ng mga kapakinabangan ng pagpapasuso mula sa ina ang pagiging malapít ng ina at anak. Yamang ito’y nangangailangan hindi lamang ng pagpapakain kundi maging pag-uusap, balat-sa-balat na pagkakadiit, at pisikal na init, ang pagpapasuso mula sa ina ay makatutulong upang mabuo ang isang mahalagang buklod sa pagitan ng ina at anak at makatutulong sa emosyonal at sosyal na paglaki ng bata.

Pagpapasiyang Magpasuso

Halos lahat ng ina ay may kakayahang maglaan ng sapat na gatas sa kaniyang mga anak kung isasagawa ang ilang kahilingan. Ang pagpapasuso mula sa ina ay dapat na simulan agad pagkapanganak, sa loob ng isang oras pagkapanganak. (Ang unang gatas sa dibdib, ang malapot na sustansiyang manilaw-nilaw na tinatawag na colostrum, ay makabubuti sa mga sanggol at tumutulong na maingatan sila mula sa impeksiyon.) Pagkatapos noon, dapat na pasusuhin ang mga sanggol kapag kailangan, gayundin sa gabi, at hindi ayon sa itinakdang iskedyul. Ang tamang posisyon ng sanggol sa dibdib ng ina ay mahalaga rin. Ang isang makaranasan at madamaying tagapayo ay makatutulong sa mga bagay na ito.

Mangyari pa, magpasiya man ang isang ina kung magpapasuso sa kaniyang anak o hindi ay depende higit pa sa kaniyang pisikal na kakayahan lamang na gawin iyon. Nag-uulat ang The State of the World’s Children 1992: “Kailangan ng mga ina ang tulong ng mga ospital kung nais nilang mabigyan ang kanilang mga anak ng pinakamabuting pasimula hangga’t maaari; ngunit kung magpapatuloy sila sa pagpapasuso, kakailanganin din nila ang tulong ng mga may pagawa, mga samahan ng mga empleyado, mga komunidad​—at ng mga lalaki.”

[Kahon sa pahina 13]

Ang Pagpapasuso Mula sa Ina sa Umuunlad na Daigdig

1. Ang gatas lamang ng ina ang pinakamabuti na posibleng pagkain at inumin ng isang sanggol sa unang apat hanggang anim na buwan.

2. Dapat na magpasimula agad ang sanggol hangga’t maaari ng pagsuso sa ina matapos isilang. Sa katunayan ang bawat ina ay makapagpapasuso sa kaniyang anak.

3. Ang madalas na pagsuso ay kailangan upang magkaroon ng sapat na gatas para sa pangangailangan ng sanggol.

4. Ang pagpapasuso sa bote ay maaaring humantong sa malubhang karamdaman at kamatayan.

5. Ang pagpapasuso mula sa ina ay dapat na ituloy hanggang sa magdadalawang taon ang bata at mas mahaba pa kung maaari.

Pinagkunan: Facts for Life, magkakasamang inilathala ng UNICEF, WHO, at UNESCO.

[Kahon sa pahina 13]

Pagpapasuso Mula sa Ina at ang AIDS

Sa pagtatapos ng Abril 1992, pinagsama-sama ng WHO at UNICEF ang isang grupo ng mga eksperto mula sa buong bansa upang isaalang-alang ang kaugnayan ng AIDS at ng pagpapasuso mula sa ina. Ang kahalagahan ng pagpupulong na ito ay ipinaliwanag ni Dr. Michael Merson, direktor ng WHO Global Program on AIDS. Ang sabi niya: “Ang pagpapasuso mula sa ina ay isang mahalagang elemento ng kaligtasan ng bata. Ang panganib na ang sanggol ay mamatay sa AIDS dahil sa pagpapasuso mula sa ina at ang panganib na mamatay sa ibang sakit dahil sa hindi pinasuso sa ina ay dapat na pagtimbangin.”

Sang-ayon sa WHO, mga sang-katlo ng lahat ng mga sanggol na ipinanganak ng mga inang may HIV ang nahawa rin. Bagaman karamihan sa mga ina-sa-anak na paglilipat ng sakit ay mangyari sa panahon ng pagdadalantao at pagsisilang, may katibayan din na maaaring maganap ito sa pamamagitan ng pagpapasuso mula sa ina. Gayunman, sinabi ng WHO, “ang malaking bahagi ng mga sanggol na pinasuso ng mga inang may HIV ay hindi nahawa dahil sa pagpapasuso.”

Ang grupo ng mga eksperto ay nagpasiya: “Kung saan ang nakahahawang mga sakit at malnutrisyon ay siyang pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga sanggol at ang dami ng namamatay na mga sanggol ay gayon na lamang, dapat na ang pagpapasuso mula sa ina ang maging laging ipapayo sa mga babaing nagdadalantao, kasali na ang mga may HIV. Ito ay sa dahilang ang panganib ng kanilang anak na mahawa ng HIV sa pamamagitan ng pagpapasuso mula sa ina ay maaaring mas mababa kaysa sa panganib nito na mamatay sa ibang sakit kung hindi pinasuso sa ina.

“Sa kabilang dako naman, sa mga lugar na ang pangunahing dahilan ng kamatayan sa panahon ng pagkasanggol ay hindi ang nakahahawang mga sakit at ang bilang ng namamatay na sanggol ay mababa, ang . . . malimit na payo sa mga babaing nagdadalantao na may HIV ay ang paggamit ng isang mas ligtas na paraan ng pagpapakain sa kanilang mga anak sa halip na pagpapasuso mula sa ina.”