Kapanglawan—Ang Nakakubling Pagdurusa
Kapanglawan—Ang Nakakubling Pagdurusa
MAKIKILALA mo ba sila sa karamihan? Nahahalata ba ito sa kanilang mga mukha? Kapag binabati ka nila, natatakpan ba ito ng kanilang ngiti? Masasabi mo ba sa kanilang paglakad, sa kanilang hitsura? Pansinin ang isang matandang lalaki na nag-iisang nakaupo sa parke o ang isang dalaga na nag-iisa sa loob ng isang art museum—sila ba’y pinahihirapan ng kapanglawan? Matyagan mo ang tatlong henerasyon na kinakatawanan ng ina, anak na babae, at apo na naglalakad-lakad sa hanay ng mga tindahan. Mukhang masaya naman sila, ngunit nakatitiyak ka kayâ? Tingnan ang iyong mga kasamahan sa trabaho. Maaaring kilala mo sila bilang masasayang tao na may mapagmahal na mga pamilya at may sapat na kinikita upang mabuhay nang maginhawa. Gayunman, maaari kayâ na ang isa sa kanila ay tapatang magsabi na, “Malungkot ako”? At ano kayâ ang mga posibilidad na ang masayahin, punung-punô ng buhay na tin-edyer na iyon ay maging mapanglaw? Baka magulat ka sa mga sagot sa mga tanong na ito.
Ipinaliliwanag ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang “kapanglawan” bilang “nagdudulot ng kalungkutan o pangungulila.” Iyon ay ang pagkadama na may isang bagay na kulang, isang damdamin ng kawalang-halaga, at iyon ay hindi laging nahahalata sa panlabas na anyo ng isa. Ganito ang sabi ng isang mananaliksik: “Sa ating lipunan, ang kapanglawan ay isang lihim na ating itinatatwa—kung minsan maging sa ating sarili mismo. May batik na nakamantsa sa kapanglawan. Ayon sa palagay ng karamihan kapag ikaw ay malungkot, iyon ay dahil na rin sa iyong sariling kagagawan. Kung hindi gayon, tiyak na marami kang kaibigan, hindi ba?” Kung minsan ito’y totoo, lalo na kung inaasahan natin o hinihilingan ang iba ng labis sa kanilang makakaya.
Namamanglaw na mga Babae
Waring sumasang-ayon ang mga eksperto na ang mga babae—lalo na ang mga may asawa—anuman ang edad ay may higit na inaasahan sa buhay kaysa mga lalaki. Siyempre pa, ang mga balo, mga diborsiyada, at matatandang dalaga kung minsan ay nalulungkot. Ngunit kumusta naman ang waring maliligayang babae na may sariling pamilya? Halimbawa, isaalang-alang ang paghihinagpis na ito mula sa isang 40-anyos na guro sa paaralan: “Wala akong panahon para sa mga kaibigan; sabik na sabik ako roon. Pero halos hindi ko masabi iyon. Papaano ako daraing na ako’y malungkot . . . ? Kung titingnan, tagumpay ako sa aking pag-aasawa, may mababait na anak, magandang bahay, isang trabahong gustung-gustong ko. Ipinagmamalaki ko ang aking nagawa na. Ngunit may kulang pa.”
Bagaman tunay na iniibig ng mga babae ang kani-kanilang asawa at tapat sa kanila at gayundin naman ang kani-kanilang asawa, ang gayong pag-iibigan ay hindi laging nakasasapat sa lahat ng kanilang pangangailangan bilang magkasama. Ganito ang paliwanag ng guro sa paaralan na binanggit sa itaas: “Kahit na ang aking asawa ang siya kong matalik na kaibigan, hindi ito sapat kung wala akong mabubuting kaibigang babae. Nakaririnig nga ang mga lalaki, ngunit ang mga babae ay nakikinig. Hindi na ibig pang malaman ng aking
asawa kung gaano ako naaapektuhan. Ang ibig niya’y malutas na agad ang suliranin. Ngunit hahayaan naman akong magsalita ng aking mga kaibigang babae. At kung minsan kailangan ko lang naman na magsalita.”Kapag ang isang babae ay nawalan ng mahal sa buhay dahil sa kamatayan o diborsiyo, maaaring maging napakabigat ng kaniyang damdamin. Nag-uusbong ang kapanglawan. Hindi lamang dapat na bumaling sa kaniyang pamilya at mga kaibigan ang balo o hiwalay sa asawa upang humingi ng tulong kundi dapat din siyang bumaling sa kaniyang panloob na kalakasan upang makibagay sa isang bagong katotohanan. Bagaman ang kawalan ay mananatiling bahagi ng kaniyang buhay, dapat niyang maunawaan na hindi dapat pahintulutan iyon na maging hadlang sa patuloy niyang pamumuhay. Napatunayan ng mga eksperto na yaong may malakas na personalidad ay madalas na madaling mapaglabanan ang kapanglawan kaysa iba.
May nagkakaibang opinyon sa kung sino ang mas nasasaktan—ang nabalo o ang diniborsiyo. Ang magasing 50 Plus ay nag-ulat: “Kapag inaanyayahan namin ang mga diborsiyada sa aming tinutulungang mga grupo ng mga balo, ang magkabilang panig ay nagwawakas sa pagtatalo tungkol sa kung sino ang mas nasasaktan. Sinasabi ng balo, ‘Aba, kahit papaano buháy naman ang asawa mo,’ samantalang sasabihin naman ng diborsiyada, ‘Aba, hindi mo pa nararanasan ang tahasang ayawán na gaya ko. Hindi mo nadarama kung papaano ang mabigo.’”
Namamanglaw na mga Lalaki
Kung tungkol sa kapanglawan, hindi makapagmamalaki ang mga lalaki na mas malakas sila kaysa mga babae. “Dinadaan ng mga lalaki ang mga bagay-bagay ayon sa pisikal kaysa emosyonal,” sabi ni Anne Studner, espesyalista sa programa para sa Widowed Persons Service of AARP (American Association of Retired Persons). “Paulit-ulit na ikukuwento ng mga babae ang istorya, pero ang mga lalaki ay magtatangkang palitan ang kani-kanilang asawa sa halip na harapin ang kalungkutan.” Malaking panahon ang maaaring gugulin muna ng mga lalaking tagapayo sa mga nalulungkot na mga lalaki bago ito unti-unting magtapat ng kanilang nararamdaman.
Natuklasan ng mga eksperto na, di-tulad ng mga babae, mas ibig ng mga lalaki na magtapat sa isang babae kaysa sa isang lalaki. Si Dr. Ladd Wheeler, isang eksperto sa kapanglawan sa Unibersidad ng Rochester, ay nagsiwalat na ang mga lalaki ay hindi nagtatapat sa isa’t isa nang gayong katalik anupat nagkakalapít ang kanilang mga damdamin. “Ang pangangailangan na matakasan ang masakit na damdaming nadarama kung nag-iisa pagkatapos mamatayan ng asawa, at ang kasunod na pakikipag-usap sa isang kaibigang babae, ay makapagpapaliwanag din kung bakit madalas na nag-aasawang-muli ang mga lalaki pagkatapos mabalo o magdiborsiyo kaysa mga babae.”—Magasing 50 Plus.
Ang Namamanglaw na Kabataan
Maraming dahilan kung bakit ang mga bata at mga tin-edyer ay namamanglaw—madalas na katulad din niyaong nakaaapekto sa mga nakatatanda. Paglipat sa ibang lugar at pag-iiwan sa mga kaibigan; inaayawan ng mga kaklase sa isang bagong paaralan; relihiyon at lahing pinagmulan; diborsiyo sa tahanan; ang pagkadama na hindi sila mahal ng mga magulang; iniiwasan ng mga di-kasekso—ang mga ito ay siyang matitinding dahilan ng kapanglawan.
Ang mga bata ay nangangailangan ng kalaro. Kailangan nila ang emosyonal na tulong at pang-unawa. Kailangan nila ang pagmamahal at patunay
na sila’y mahalaga. Dapat nilang malaman na ang iba’y magiging tapat at maaasahan. Kapag minamahal, panatag sila at natututo ring magpakita ng pagmamahal sa iba. Ang mga tulong na ito ng pakikipagkaibigan ay maaaring may iba’t ibang pinagmumulan—pamilya, kasamahan, at maging mga alagang hayop.Kapuwa ang lalaki at babaing estudyante, mula sa pinakamababang grado hanggang kolehiyo, ay karaniwang dumaranas ng magkatulad na tindi ng kapanglawan, madalas na dahil sa ayaw silang tanggapin ng mga kasamahan. “Malungkot ako dahil nag-iisa ako at hindi ako palakuwento,” ang hinagpis ng isang estudyanteng babae sa haiskul. “Nakikinig na lamang ako sa guro, ginagawa ang aking homework at tapos na. Kapag may oras, basta nakaupo lang ako at nagdodrowing o may ginagawang anuman. Ang lahat ay nagkukuwentuhan, pero walang nakikipag-usap sa akin. . . . Alam kong hindi ako palaging makapagtatago. Sa ngayon, ito lamang ang aking magagawa.”
Gayunman, ang sisi ay hindi laging maibubunton sa pagiging malayô o mapagmataas ng iba. Ang isang tao ay maaaring may problema sa ugali at pakikitungo, gaya ng pagiging masyadong mahiyain, sumpungin, at labis na pabigla-bigla at nahihirapang makitungo sa kaniyang mga kasamahan. Ang kapansanan ay isang mapaminsalang dahilan din ng pagiging mapanglaw ng mga kabataan anuman ang edad maliban kung ang mga ito’y malakas ang loob at masayahin.
Ang Pangangailangan na Tulungan ang Sarili
Itinuro ng tagapagturo sa Kalusugan na si Dolores Delcoma ng Cal State Fullerton ang susing katotohanan nang magkomento siya tungkol sa pagtatangka ng isang tao na labanan ang kapanglawan: “Ang pagsisikap ay dapat na magmula sa kaniyang kalooban. Dapat na sa wakas ay makilala niya ang kaniyang problema sapagkat anumang pagsisikap ang gawin ng mga tao upang makatulong, ang tanging makatutulong sa kaniya na makawala sa kaniyang kinapipiitan ay siya na rin mismo.”
Yaong nahihirapang makibagay ay kinilala ni Dr. Warren Jones bilang mga may personalidad na nakahilig-sa-kapanglawan: “Ang mga taong ito ay walang-kamalay-malay na gumagawa ng mga bagay na humahadlang sa kanila upang mapalapít sa iba. Ang iba’y hindi marunong makinig, at sila na lamang ang palaging nagsasalita. Sila’y may ugaling maging kritiko sa iba at sa kanilang sarili; bihira silang magtanong, at madalas na tinatapos ang pagkakaibigan sa pagsasabi ng masasakit o nakasusuyang mga bagay.”
Karagdagan pa sa mga ito, na kadalasa’y walang pagpapahalaga sa sarili, may iba naman na walang kakayahang makipagkaibigan na siyang kailangan upang makipag-ugnayan sa iba. Tungkol sa kanila, ganito ang sabi ng therapist na si Evelyn Moschetta: “Ang malulungkuting tao ay walang makitang mabuti sa kanilang sarili. Yamang umaasang laging tatanggihan, hindi man lamang sila nagsisikap na makisalamuha.”
Gayunman, salungat sa pagkaalam ng marami, natuklasan ng mga mananaliksik na mas marami sa mga nakababata ang dumaranas ng kapanglawan kaysa mga nakatatandang babae at lalaki. Hindi nila matiyak kung bakit. Natuklasan din nila na kapag dumaranas ng kapanglawan ang mga may edad na, yao’y dahil sa kakulangan ng kaibigan
kaysa kakulangan ng kamag-anak. “Hindi ibig sabihin na walang halaga sa matatanda ang relasyong pampamilya. Bumabaling sila sa pamilya para humingi ng tulong. Ngunit maaaring marami silang pamilya na tutulong sa kanila, at magkagayon man ay nakadarama pa rin sila ng matinding kalungkutan kung wala silang mga kaibigan.”Ang Pangangailangang Magkaroon ng Matatalik na Kaibigan
Para sa mga tao anuman ang edad, ang matatalik na kaibigan kung minsan ay nagpupunô ng isang pangangailangan na higit pa sa magagawa ng pamilya at mga kamag-anak. Kailangan ng tao ang isang kaibigan, isang matalik na kaibigan, isa na kanilang mapagtatapatan o mapagsisiwalatan na walang pangambang siya’y masasaktan. Kung wala ng ganitong kaibigan, baka tumindi ang kapanglawan. Sa isang kaibigan isinulat ito ng Amerikanong manunulat ng sanaysay na si Ralph Waldo Emerson: ‘Ang isang kaibigan ay mapagsasabihan ko ng anumang bagay na nasa aking isipan.’ Ang gayong tao ay isang katapatang-loob na sa kaniya’y maisisiwalat mo ang lahat na hindi nag-aalalang baka ka ipagkanulo o nag-aagam-agam na ang iyong pagtitiwala ay gamitin upang hamakin ka o pagtawanan ng iba. Ang ilan na sa akala mo’y tapat na mga kasama ay baka hindi laging makapanatiling karapat-dapat sa iyong pagtitiwala, subalit may “isang kaibigan” na ‘hindi maghahayag ng lihim ng iba,’ “na mahigit pa sa isang kapatid.”—Kawikaan 18:24; 25:9.
May iba na umaastâ na parang matatag at hindi na kailangan ang iba. Inaangkin nilang sila’y makapagsasarili at makatatayong mag-isa. Gayunpaman, karaniwan nang nagsasama-sama sila bilang mga grupo na kung tawagi’y mga basag-ulero. Ang mga bata ay may mga samahan, nagtatayo ng mga clubhouse, nagtatatag ng mga barkada; ang mga nakatatandang kabataan ay may mga barkadahan ng motorsiklo; ang mga kriminal ay may mga kakamping hindi magkakanulo sa kanila; yaong may problema sa pag-inom ay sumasali sa Alcoholics Anonymous; yaong may problema sa labis na katabaan ay sumasali sa Weight Watchers. Ang mga tao ay mahilig makisama; nagsasama-sama sila para magkatulungan. Kahit sa kanilang problema, gusto nilang may makasama. At lahat sila’y ayaw ng kapanglawan. Ano ang maaaring magawa tungkol sa kapanglawan?
[Blurb sa pahina 5]
“Ang malulungkuting tao ay walang nakikitang mabuti sa kanilang sarili”