Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pag-aaral sa Bahay Pinasasalamatan ko ang inyong artikulo na “Pag-aaral sa Bahay​—Ito ba’y Para sa Iyo?” (Abril 8, 1993) Ako mismo’y nag-aaral sa bahay, at ako’y nahuhuli sa aking gawaing pampaaralan. Subalit nang mabasa ko ang inyong artikulo, napasigla ako nito. Ngayon natutupad ko na ang nasa iskedyul.

N. S., Estados Unidos

Pagpaplano ng Pamilya Ako’y labis na nasaktan sa inyong tampok na mga artikulo ng Pebrero 22, 1993 tungkol sa “Pagpaplano ng Pamilya​—Isang Pagglobong Problema.” Hindi makatuwirang sabihin na kailangang takdaan ng responsableng mga Kristiyano ang laki ng kanilang pamilya. Sa anong saligan ninyo nasasabi na ang tagubilin ng Diyos sa Genesis [na “punuin ang lupa”] ay hindi kapit sa mga Kristiyano?

A. D., Estados Unidos

Ang utos ng Dios kay Adan at Eva na “punuin ang lupa” ay inulit kay Noe at sa kaniyang pamilya. Gayunman, wala saanman sa Bibliya na ipinilit ang kautusan ng pag-aanak sa mga Kristiyano. (Genesis 1:28; 9:1-5; Gawa 15:29) Sa katunayan, pinapupurihan ng Bibliya ang mga Kristiyano na nananatiling walang asawa “alang-alang sa kaharian.” (Mateo 19:12; 1 Corinto 7:38) Ang mga mag-asawa ang dapat na gumawa ng sarili nilang mga pagpapasiya kung tungkol sa pag-aanak at paraan ng pagpigil sa pag-aanak. Yamang ang mga Kristiyano ay pinag-utusang pangalagaan ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak, may katalinuhang iisipin ng responsableng mga magulang na takdaan ang laki ng kanilang pamilya upang ang gayong pangangalaga ay maibigay. (1 Timoteo 5:8) Hindi nito binibigo ang katunayan na ang mga bata “ay isang mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3)​—ED.

Alkoholismo Salamat sa inyong napakahusay na mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” sa mga labas ng Enero 8 at 22, 1993, na pinamagatang, “Maaari Kaya Akong Gawing Sugapa ng Pag-inom?” at “Paano Ko Maihihinto ang Pag-inom?” Ako’y 48 anyos at isang [pagaling na] alkoholiko. Ang nakapipinsalang mga epekto ng “sakit” na ito sa katawan, isip, at espiritu ay nakahahapis. Nang mapagtanto ko na ako’y naging sugapa na sa alak, nadama kong wari bang hindi na ako mapatatawad ni Jehova kailanman. Subalit ako’y nagtungo sa matatanda, at pinagkalooban nila ako ng maibiging tulong. Pagkatapos na mabulid-muli, ako’y pumasok sa isang programa sa paggamot sa alkoholiko. Ngayon pagka sumusumpong ang pagnanasa na uminom, ako’y nananalangin at nagbubulay-bulay tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos. Binabasa ko rin ang maraming artikulo ng Bantayan at Gumising! na tumatalakay sa alkoholismo o naglalahad ng nakapagpapatibay na mga karanasan sa buhay. Salamat sa inyong pag-unawa sa mga suliraning nararanasan ng bayan ni Jehova at sa paglalaan sa amin ng mahuhusay na mga artikulo.

C. D., Estados Unidos

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ako’y taos-pusong nagpapasalamat sa artikulong “Dapat ba Akong Dumalo sa Prom?” (Marso 8, 1993) Ako’y labis na ginipit na dumalo sa “aking” senior prom. Subalit pagkatapos na mabasa ko ang napakahalagang artikulong ito, lahat ng aking pag-aalinlangan ay napawi na. Hindi ako dadalo, at hindi ko iniisip na maraming mawawala sa akin.

J. L., Estados Unidos

Salamat sa artikulong “Ano ang Magagawa Ko Tungkol sa Napakaraming Araling-Bahay?” (Abril 8, 1993) Ikinapit ko kaagad ang mga mungkahi na nilalaman nito, at talagang nakinabang ako mula sa mga ito. Ngayon mas marami akong oras para sa espirituwal na mga bagay. Maraming salamat!

M. M., Italya

Maraming salamat sa paglalathala ng artikulong “Paano Ko Mababata ang Bigong Pag-ibig?” (Mayo 8, 1993) Nararanasan ko ang napakahirap na kalagayan ngayon. Malimit ay waring wala na akong pag-asa na makapag-asawa. Kaya habang binabasa ko ang magasin, hindi ko mapigilan ang pagluha. Gayunman, sa pagbabasa ko nito ay ipinadama sa akin na ako’y nauunawaan at pinahahalagahan. Ipinabatid nito sa akin nang higit na si Jehova ay nagmamahal sa atin at nakauunawa sa ating nararanasan.

R. Z., Italya