Bakit Napakabilis Kong Lumaki?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Napakabilis Kong Lumaki?
“Nang ako’y nasa ikaanim na baitang, ako ang pinakamataas sa lahat. Nakahihiya ito para sa akin. Mayroon akong kaibigan na talagang maliit at noo’y naiinggit ako sa kaniya.”—Annie.
“Yamang ako’y mukhang desiseis o desisiyete, inaasahan ng maraming tao, pati na ng aking mga magulang na ako’y kikilos na parang dalaga na.”—Tanya, edad 12.
PAGDADALAGA o pagbibinata—marahil mas pipiliin ng karamihan sa atin na nakaranas nito na kalimutan ang buong karanasang ito. Ito’y kapuwa kamangha-mangha at nakatatakot. Sa panahon ng pagdadalaga o pagbibinata, ang katawan ay nakararanas ng mabilis, bigla, at, kung minsan, nakahihiyang mga pagbabago. Ikaw ay dinaraig ng bagong mga damdamin, kapusukan, at mga pagnanasa. Ang karamihan sa mga kabataan ay naaaliw na malamang gayundin ang nararanasan ng kanilang mga kasamahan. Gayunman, waring ang pagdadalaga o pagbibinata ay napapaaga sa ilang kabataan. Kanilang napapansin na sila’y mas lumalaki, tumataas, higit na mabulas, higit na mukhang may-edad kaysa sa kanilang mga kaibigan at mga kaklase.
Kung ito ang iyong nararanasan, nakaaaliw na malaman mo na normal lamang ang iyong maagang paglaki. Ang panahon ng pagbabago at paglaki ay may kani-kaniyang bilis, at waring mas mabilis ang iyong paglaki kaysa sa iyong mga kasamahan. Aba, ang mga pagbabago sa isang batang lalaki ay maaaring magsimula na kasing-aga ng sampung taóng gulang, at sa babae, ay kasing-aga ng walong taon. Malamang na hindi magtatagal at ang iyong mga kaibigan ay magsisimula ring makaranas ng mga pagbabago. Samantala may mga suliranin ka na kailangang batahin.
Ang Mga Kasiyahan at mga Hirap ng Pagiging Matangkad
Isang tin-edyer na babae ang nagsabi sa Gumising!: “Mas gusto ko na ako ang maging pinakamataas sa klase. Iginagalang ka ng mga tao.” Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga batang lalaking maagang magbinata ay nagtatamasa ng maraming naiibang bentaha kaysa mga kasamahang di-gaanong lumaki. Ganito ang sabi ng aklat na Adolescent Development, nina Barbara at Philip Newman: “Ang mas maagang magbinata na mga batang lalaki ay higit na matatangkad at malalakas kaysa sa kanilang mga kaedad. . . . Ang matatangkad, malalakas na bata ay mas malamang na mabigyan ng pananagutan, maituring bilang mga lider ng grupo, at mapakitunguhan na para bang sila ang mas may gulang sa isip gayundin sa pisikal.”
Gayunman, ang biglang pagtangkad ay mayroon ding disbentaha. Halimbawa, maaaring maging tampulan ka ng walang tigil na nakasasakit na a
panunukso ng iyong mga kaklase. Isang kabataang babae ang nagsabi sa Gumising!: “Ako ang pinakamatangkad sa klase. Tinatawag nila akong ‘Tikling.’ ” Ganito ang gunita ng kabataang lalaki na nagngangalang Dwayne: “Binabansagan ako ng mga bata, gaya ng ‘Tagak.’ Kung minsan magtatanong sila, ‘Kumusta ang lagay ng panahon diyan sa itaas?’”Ang lalong napakahirap ay pagka di-nagkakatugma ang pagkilos ng mahahaba mong binti. (Ihambing ang Efeso 4:16.) “Ako’y matangkad, payat, at asiwâ kung kumilos,” ang gunita ni Christine noong siya’y tin-edyer pa. “Napakahina ko sa isport,” susog ni Dwayne. “Wari bang mag-uutos ang utak ko, at ang mga bisig ko nama’y tutugon nang huli! Para akong giraffe pagka nagro-roller skate.” Huwag kang mabahala sapagkat ang nakaaasiwang panahong ito ay likas lamang. Lilipas din iyon pagdating ng araw. Masusumpungan mo rin na ang katamtamang “pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan.” (1 Timoteo 4:8) Habang ikinikilos mo ang iyong katawan, lalo mo itong napagtutugma-tugma.
Kumusta naman ang mga bansag at mga insulto? Maaaring nakatutukso na sagutin mo sila ng mahahayap na salita, subalit ang Bibliya ay nagsasabi: “Huwag mong sagutin ang mangmang nang ayon sa kaniyang kamangmangan, baka ikaw man ay maging gaya rin niya.” (Kawikaan 26:4) Karagdagan pa, sa dakong huli, ‘ang pagganti ng masama sa masama’ ay magpapalala lamang sa situwasyon. (Roma 12:17) Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa.” (Eclesiastes 3:4) Ang ugaling mapagpatawa ay makatutulong sa iyo na pakitunguhan ang maraming nakahihiyang pagkakataon. b
‘Akala Nila’y Mas Matanda Ako’
Kung minsan ang suliranin ay, hindi ang mga kasamahan, kundi ang mga adulto na nag-aakalang ikaw ay mas matanda kaysa sa talagang edad mo. Ganito ang gunita ni Dwayne: “Ako ang pinipili mula sa grupo bilang ang may awtoridad, ang lider. Minsan ako ay napasama sa isang grupo ng mga bata, at nagpasimula silang magtatapon ng mga bagay-bagay mula sa tulay. Dumating ang pulis at pinagsisigawan ako sapagkat ako ang pinakamataas. Subalit ni hindi ko nga alam kung ano ang nangyayari.”
Kung minsan nakatutuwa rin na pakitunguhan ka na gaya ng isang may gulang na. Ang problema ay, nalalampasan ng pisikal na paglaki ang mental at emosyonal na paglaki. Sa kabila ng iyong hitsura, maaaring ikaw ay mag-isip at mangatuwiran, hindi gaya ng isang adulto, kundi gaya ng iyong mga kasinggulang. (Ihambing ang 1 Corinto 13:11.) Kaya naman pagka hinihilingan ka ng mga tao na kumilos na parang isang adulto, maaaring mahirapan ka na gawin ang inaasahan nila.
Maaaring kailangang sa pana-panahon ay bigyan mo nang may kabaitang paalaala ang iyong mga kaibigan at mga miyembro sa pamilya na ikaw ay hindi kasintanda ng iyong hitsura. “Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala,” sabi ng Kawikaan 15:22. Kaya kung iyong nadarama na ang iyong mga magulang ay nagiging labis na mapaghanap, magalang na kausapin mo sila. Isang magasin para sa mga tin-edyer ang nagmungkahi na maaari mong sabihin: “Batid ko po na dahil sa ako’y mukhang may-edad, madaling asahan na ako’y kikilos na mas may gulang. Subalit sa panloob, gayon pa rin ako kabata, at kung minsan mahirap para sa akin na makaagapay sa lahat ng inaasahan ninyong gagawin ko at kalalabasan ko.”
Huwag magkamali na paunlarin ang kaisipan ng pagiging isang mas may-edad sa pamamagitan ng pagkilos na parang kung sino, o ng pagdadamit at pag-aayos mo sa iyong sarili na hindi bagay sa iyong edad. Aba, itinatakwil pa nga ng ilang kabataang maagang magkaedad ang kanilang mas batang-tingnan na mga kaibigan at sinisikap na makibagay sa mas may-edad na grupo! Subalit ang isa na nagsisikap itago ang kaniyang talagang pagkatao sa bagay na ito ay maaaring humantong sa pagkapahiya. (Ihambing ang Awit 26:4.) Di-magtatagal mahahalata ng iba ang iyong pagkukunwari. Sa gayon, ang Bibliya ay may kapantasang nagsasabi na “ang karunungan ay nasa mga mababang loob.” (Kawikaan 11:2; Mikas 6:8) Batid ng mapagpakumbabang tao ang kaniyang mga limitasyon.
Seksuwal na Panliligalig
Ang paggawi nang may kahinhinan ay maaaring mag-ingat sa iyo mula sa suliranin na kalimitang nakakaharap lalo na ng mga babaing maagang magkaedad: ang seksuwal na panliligalig.Awit ni Solomon 8:8, 10.) Gayunman, para sa ilang kabataang babae, ang pagkakaroon ng dibdib at balakang ng isang dalaga ay—maaaring—nakakahiya.
Nakagugulat na sa mabilis na panahon, ang katawan ng isang batang babae ay maaaring mag-anyong isang kaakit-akit na dalaga. (Ihambing angAng manunulat na si Ruth Bell ay nagsasabi: “Ang lumalaking mga batang babae ay lalo nang kapansin-pansin sa lalaki.” Ganito ang sabi ng isang 12-taóng-gulang na babaing nagngangalang Denise: “Dahil sa ako’y mas mukhang may-edad sa pisikal ang mga tao ay napapatingin pagka ako’y lumalabas.” (Changing Bodies, Changing Lives) Baka ang iyong mauusisang kaklase na lalaki’t babae ay humihipo pa nga sa iyo sa masagwang paraan. Hindi kataka-taka, ang aklat na Adolescent Development ay nagsasabi: “Ang mga babaing maagang magkaedad ay humuhukot, nagsusuot ng maluluwang na sweatshirt, o nagiging mahiyain at malayô upang maiwasang mapansin ng kanilang mga kasamahan ang kanilang nagbabagong hubog ng katawan.”
Bagaman hindi ka naman hinihilingan na itago ang iyong sarili sa mga suson ng damit, makabubuti lamang na iwasang magsuot ng mga damit at istilo ng pag-aayos na makapupukaw o makatatawag ng di-tamang pansin sa iyo. Ito’y kasuwato ng payo sa Bibliya na manamit “na may kahinhinan at katinuan ng isip.”—1 Timoteo 2:9.
May ibang praktikal na mga paraan na maaari mong gawin. Noong panahon ng Bibliya, nakaharap ni Ruth ang maaaring mangyaring seksuwal na panliligalig nang siya’y papunta sa bukid ni Boaz upang magtrabaho. May kabaitang ‘iniutos [ni Boaz] na huwag siyang gagalawin.’ Magkagayon man, kaniyang pinapag-ingat siya: “Huwag kang mamulot sa ibang bukid, . . . kundi manahan ka ritong malapit sa piling ng aking mga alilang babae.” (Ruth 2:8, 9) Sa katulad na paraan, ang ilang kabataang babae ay nakapananatiling malapit sa ibang Kristiyanong mga batang babae na nag-aaral sa paaralan ding iyon. Iniiwasan din nilang maglakád na walang kasama sa kilalang magugulong lugar.
Anuman ang kalagayan, walang sinuman ang may karapatan na ligaligin ka—sa pisikal man o salita. Kung ikaw ay nakararanas ng suliranin sa bagay na ito, ipakipag-usap mo ang mga bagay-bagay sa iyong mga magulang o sa isang pinagtitiwalaang adulto. Sila’y maaaring magbigay ng ilang payo o maaaring mamagitan sa ilang paraan.
Kahit na sa ilalim ng pinakamabuting kalagayan, ang pagdadalaga o pagbibinata ay isang mahirap na kalagayan sa buhay. Ang pagiging mas malaki—o mas maliit—kaysa sa iyong mga kasamahan ay maaaring gawin pa itong higit na mahirap. Kahit na sinisikap mong mabago ito, wala kang masyadong magagawa tungkol sa iyong pisikal na paglaki. Subalit maaari kang magsikap sa iyong espirituwal na paglaki. At kung gagawin mo iyan, gaya ng kabataang si Samuel noong panahon ng Bibliya, ikaw ay ‘mas lálakí at higit na kalulugdan ni Jehova at ng mga tao rin naman.’—1 Samuel 2:26.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa pangalan ay binago na.
b Para sa higit pang mungkahi kung paano pakikitunguhan ang mga panunuya, tingnan ang Kabanata 19 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 25]
Ang matatangkad na kabataan ay kalimitang tampulan ng nakasasakit na mga biro