Isang Araw sa Buhay ng Isang Paruparo
Isang Araw sa Buhay ng Isang Paruparo
KUNG ang iyong pang-araw-araw na gawain ay waring nakapapagod at mahirap, pag-isipan ang tungkol sa masipag na paruparo. Sa simula maaaring isipin mo na ang gawain ng isang paruparo ay para bang isang pangarap na bakasyon. Palipat-lipat sa mga bulaklak, sumisipsip ng kaunting nektar sa iba’t ibang dako, nagpapainit kung maibigan nito, waring ang paruparo ang larawan ng isang masayang istilo ng pamumuhay.
Subalit sa daigdig ng mga insekto, waring hindi laging gayon ang mga bagay-bagay. Ang mga paruparo ay abalang mga nilalang na tumutupad ng isang mahalagang gawain habang patuloy na gumagawang waring walang kapaguran. Samahan natin ang isang paruparo sa isang karaniwang araw ng trabaho.
Ang Agahan na Sikat ng Araw
Nagigising ka ba na nakararamdam ng pagkaliyo? Ang pananamlay kung umaga ay karaniwan sa mga paruparo. May mga umagang hindi sila makagalaw—nang literal. Ang kanilang problema ay temperatura ng katawan, na nagbabagu-bago ayon sa kanilang kapaligiran. Pagkatapos magpalipas ng isang malamig na gabi na nakadapo sa dahon, ang kanilang dugo ay napakalamig anupat sila’y hindi halos makagalaw, at lalong hindi makalipad. Kaya kailangan nilang hintayin ang araw.
Pagsikat ng araw, ibinubuka ng paruparo ang kaniyang mga pakpak at inihihilig ang mga iyon sa mainit na sikat nito. Ang nakabukang mga pakpak, na kumikilos na gaya ng maliliit na solar panel, di nagtatagal ay nakakukuha ng kinakailangang init, at sa gayo’y makalilipad na ang paruparo. Subalit papaano kung maulap ang langit? Sa malalamig na rehiyon, ang mga paruparo ay kinakailangang manatili
—hindi natitinag sa isang madaling dapuang maliit na sanga o bulaklak—hanggang sumikat ang araw. Ito’y hindi katamaran. Ito’y totoong kinakailangan.Kung hindi gaanong mainit ang araw, ang paruparo ay nagpapahinga sa pana-panahon upang makakuhang muli ng init. Tulad ng isang sasakyang nagkakarga ng gasolina sa isang gasolinahan, kailangan niyang mapunô ng enerhiya mula sa araw. Sa tropikong mga lugar ang paruparo ay kailangan lamang magpainit sa umaga o pagkatapos ng sandaling pag-ulan. Sa pangkalahatan, mientras mas malamig ang panahon, mas maraming pagkakataon ang nagugugol niya sa pagpápainít. Minsang manumbalik ang kaniyang lakas, siya’y nagpapatuloy sa gawaing kinakailangang matapos.
‘Pag-ibig sa Unang Bango’
Ang pinakamahalagang gawain ay ang paghahanap ng kapareha. Sa lawig ng buhay na madalang lumampas ng mga ilang linggo, walang dapat masayang na panahon. At ang paghahanap ng isang kapareha sa daigdig ng mga paruparo ay isang mahirap na gawain—nangangailangan ito ng magiting na pagtitiis at pagtitiyaga.
Ang “pag-ibig sa unang pagkikita” ay hindi alam ng mga paruparo. Sila’y kilalá na nakakakita lamang sa malapit, at madalas nilang mapagkamalang katulad nila ang ibang uri. Ito’y madalas humantong sa bigong paghahabol kapag natanto ng nanunuyong paruparo na siya pala ay nadaya ng kaniyang mga mata.
Lalong mahirap pa nga, ang babaing paruparo ay kalimitang mailap. Ang masugid na lalaki ay buong katiyagaang umaali-aligid sa kaniya, na animo’y nagsasayaw ng mabilis na waltz sa hangin, umaasang siya (ang babae) ay mahahabag sa dakong huli. Subalit ang kahanga-hangang ballet na ito ng mga paruparo ay madalas biglang natatapos kapag ang babae ay lumilipad nang palayo, iniiwan ang sawing-palad na lalaki sa kaniyang patuloy na paghahanap.
Nakapagtataka naman, ang babae ay hindi gayon kaselan kung tungkol sa nakaaakit na mga kulay ng kaniyang kaparehang lalaki. Bagaman may kamaliang ipinalagay ni Charles Darwin na ang matitingkad na kulay ng paruparo ay naglaan ng ‘kapakinabangan sa ebolusyon,’ wala itong katibayan upang patunayan iyon. Sa isang eksperimento nasisiyahang magparami ang mga babaing paruparo na mga uring Anartia Amathea sa Hilagang Amerika sa mga lalaking ang buong katawan ay pinintahan ng itim na may matingkad na pula at itim na mga pakpak. Waring ang pinakamahalaga ay ang paraan ng paglipad ng lalaki, ang kaniyang pagtitiyaga, at, higit sa lahat, ang pambihirang “love-dust” (waring pulbos na pang-akit).
Ang love-dust ay mayroong isang pheromone na siyang pinakamalakas na pang-akit ng mga lalaki. Ito ay isang nakalalangong pabango, angkop na angkop upang mabighani ang mga babae na kaniyang kauri. Sa panahon ng pagliligawan tinatangka niyang budburan siya ng “pambihirang bangong” ito. Bagaman ang love-dust ay hindi garantiya ng tagumpay, ito’y may mabuting epekto kapag natagpuan na ang tumutugong babae.
Ang Paghahangad ng Nektar
Ang lahat ng lakas na naubos sa ganitong
paghahanap ng kapareha ay kinakailangang madagdagang-muli. Samakatuwid ang paruparo ay naghahangad ng nektar. Iniaanunsiyo ng mga bulaklak ang pampalakas na pagkaing ito sa pamamagitan ng kaakit-akit na mga hugis at kulay. Pagka dumapo ang lalaki sa bulaklak, mabilis na sinisipsip ng paruparo ang nektar sa pamamagitan ng mahabang tulad-tubong proboscis, na kaniyang itinutusok sa pinakapunò ng bulaklak.Habang kumakain ng nektar, nakakukuha ng alabok ng polen ang mabalahibong katawan ng insektong ito, kung kaya madadala niya ang polen sa susunod na bulaklak na kaniyang pupuntahan. Sa isang karaniwang araw, daan-daang bulaklak ang kaniyang nilalagyan ng polen. Gayunman, sa tropikal na mga kagubatan kakaunti ang mga bulaklak. Ano ang iniinom ng tropikal na mga paruparo?
Ang tropikal na mga paruparo ay walang ibang naiibigan kundi ang magpakabusog sa isang bulok na prutas. Ang hinog na hinog na prutas na nahuhulog sa lupa ay naglalaan sa kanila ng isang saganang mapagkukunan ng pampalakas na asukal.
Ang mga paruparo ay mahilg din sa maalat. Maaaring madalas silang makita na sumisipsip ng maalat na halumigmig sa kapirasong lupa o kung minsan sa pawis ng kamay ng isang taong humahanga. Ang matatapang na paruparo na wari’y matitingkad na mga sulo ay namataan pa ngang sinisipsip ang maalat na luha ng caiman.
Samantalang abala sa paghahanap ng kapareha, paglilipat ng polen sa mga bulaklak, at pagkaing mabuti, ang ating lumilipad na kaibigan ay kailangan ding maging mapagbantay sa mga kaaway. Waring siya’y walang-laban kung titingnan, subalit mayroon siyang ilang paraan upang hindi mahuli.
Pag-iwas sa Panganib
Ang isang matingkad ang kulay na paruparo na pumapagaspas sa parang ay maaaring isang nakatutuksong pagkain sa anumang ibon na kumakain ng insekto. Subalit ang di-tiyak, malikot na paglipad ng paruparo ay nagpapangyaring gawing napakahirap ang paghuli nito. Karamihan sa mga ibon ay sumusuko pagkatapos ng ilang pagtatangka. Kahit na mahuli ng ibon ang isang paruparo, ang insekto ay maaaring makatakas pa rin sa pamamagitan ng pag-iiwan ng isang bahagi ng kaniyang pakpak sa tuka ng ibon.
Ang paningin ay isa ring proteksiyon. Bagaman ang mga paruparo ay nakakakita lamang sa malapit, ang kanilang masalimuot na mga mata ay napakatalas kumilala ng mga kilos. Sila’y sumisibad sa anumang pahiwatig ng panganib, gaya ng alam ng isang sumusubok na kunan ng larawan ang paruparo.
Ang ilang mababagal-lumipad na paruparo ay may iba pang kasangkapang panligtas—ang kanilang masamáng lasa. Dahilan ito sa kanilang pagkain ng nakalalasong mga halaman noong sila ay mga higad pa lamang. Pagka tinuka nito ang gayong paruparo, karaniwan na’y iiwas na ang ibon sa susunod na pagkakataon. Madalas ang masamâ-ang-lasang mga paruparong ito—tulad ng monarch—ay matingkad ang kulay, isang nakikitang babala na waring nagpapaalaala sa ibon na umiwas.
Katapusan ng Paglalakbay
Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na karamihan sa mga paruparo ay hindi tumatagal ang buhay nang higit pa sa ilang linggo lamang, subalit ang ilang uri ay maaaring mabuhay nang hanggang 18 buwan. Ang ilan ay parang tulog kung mga buwan ng taglamig o sa panahon ng mahabang tagtuyo sa mga tropiko.
Subalit sa kabila ng kanilang maikling buhay, ang mga paruparo ay may kahanga-hangang nagagawa. Noong nakaraang siglo ang katamtamang bilang ng paruparong monarch ay tumawid sa Atlantiko upang manirahan sa Canary Islands, sa dakong baybaying-dagat ng Aprika. Isa pang dakilang manlalakbay, ang babaing paruparo na wari’y pinintahan, ay palaging naglalakbay mula Hilagang Aprika patungo sa hilaga ng Europa kung tag-araw.
Sa maikling panahon ng kanilang buhay, ang walang-kapagurang mga paruparo ay gumagawa ng isang mahalagang trabaho ng paglilipat ng polen sa mga bulaklak, mga palumpong, at mga namumungang punungkahoy. At higit pa riyan, sila’y nakadaragdag sa kagandahan at kaluguran sa kabukiran. Ang tag-araw ay hindi tag-araw kung wala sila.
[Larawan sa pahina 16]
Pagpápainít sa umaga
Larawan sa pahina 17]
Pagsipsip ng nektar mula sa isang bulaklak
[Larawan sa pahina 18]
Pagkuha ng halumigmig mula sa lupa
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Buckfast Butterfly Farm