Pagka Hindi Masugpo ang Apoy
Pagka Hindi Masugpo ang Apoy
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ghana
APOY. Pagka ito’y nasusugpo, ito’y kapaki-pakinabang na lingkod. Subalit pagka ito’y nag-alab, maaaring ito’y maging mapanirang dambuhala na tutupok sa lahat ng madaanan nito—tao, hayop, puno, pananim.
Noong 1983 isang sunog sa kakahuyan sa Australia ang tumupok sa mga estado ng Timog Australia at Victoria. Mahigit na 70 katao ang namatay, kasama na ang pagkalipol ng 36,000 baka, 320,000 tupa, at mahigit na 2,000 bahay.
Sa taon ding iyon, ang mga sunog sa kakahuyan sa Ghana ay nagbunga ng pagkasira ng 72 porsiyento ng sukat ng bansa na 238,000 kilometro kuwadrado. Halos 29 na katao ang namatay; 34 pa ang sugatan.
Ang maliit na bahagi ng mga sunog sa kakahuyan ay bunga ng paraan ng kalikasan, gaya ng pagkidlat. Karamihan ay gawa ng tao. Sa Ghana ang pangunahing sanhi ng mga sunog sa kakahuyan ay ang pagpapadagta ng palma para gawing alak. Sinisilaban ng mga manggagawa ang mga bungkos ng kahoy upang painitan ang mga punong palma, na pinatutulo ang dagta ng palma. Kaya naman, malimit na ang apoy sa di-sinasadya ay kumakalat, at nauuwi ito sa isang sunog.
Sa ilang lupain sa Aprika, karaniwan na para sa isang pangkat ng mga mangangaso na pumalibot sa palumpungan at silaban ito upang palabasin ang mga hayop na maaaring naroon. Ang mga naghahanap ng pulot-pukyutan ay gumagamit ng apoy upang bugawin ang mga bubuyog sa bahay-pukyutan. Kung minsan ay hindi nila pinapatay ang apoy na kanilang pinagdingas.
Sa tropikong Aprika maraming magsasaka ang gumagamit ng putol-at-sunog na paraan ng pagsasaka. Pinuputol nila ang palumpong sa isang lugar na nilayon nilang pagsakahan at sinusunog ang nalalabi. Kung hindi naaapula, mabilis na kumakalat ang apoy.
Sa ilang lugar, sinusunog ng mga tagapastol ang tuyong damo sa paniwala na, sa tag-ulan, tatabang muli ang lupa, at magkakaroon ng mas mabuting mapagpapastulan ng kanilang mga hayop. Pagka pinabayaan na lamang ang apoy na ito—na kalimitang nangyayari—madali itong kumalat. Kung minsan ang mga nagkakampo at mga magbubukid ay may-kasalanan din sa pagkakaroon ng malalaking sunog dahil sa hindi napapatay ang apoy na kanilang ginamit.
Kung gayon, maliwanag na kapabayaan ang sanhi ng karamihan ng mga sunog sa kakahuyan. Sa gayon, may anuman bang paraan na magagawa upang maiwasang mangyari pa ang gayong mga sunog? Ang makatuwirang mga pag-iingat ay mahalaga. Halimbawa, sa pamamagitan ng paghahawan ng lugar na mula 5 hanggang 10 metro ang lawak sa palibot ng anumang sinilaban sa bukid, makatutulong ka upang masugpo ang anumang pagkalat sa kalapit na mga bukid. Ang lubusang pagpatay sa lahat ng iyong sinilaban ay isa pang mahalagang pag-iingat. Tandaan, ang pag-iingat sa sunog ay mas madali kaysa sa pag-apula nito.
Inaakala ng ilan na mahahadlangan ng mahihigpit na parusa sa mga gumagawa ng pamiminsala ang kawalang-ingat at panununog. Nangangatuwiran ang iba na ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang mga sunog sa kakahuyan ay edukasyon at handang pakikipagtulungan ng lahat.
Ituring ang apoy na may pagpapakundangan. Sa pamamagitan ng makatuwirang pag-iingat, maiiwasan nating gawing isang mapaminsalang dambuhala ang kapaki-pakinabang na lingkod na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
P. Riviere/Gamma Liaison