Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Binalaan ang Europa Dahil sa Panlahing Alitan
“Ang mga tao ay maaaring gawing parang mga makinang napopoot at pumapatay nang walang kahirap-hirap,” babala ni José-María Mendiluce, pantanging kinatawan ng mataas na komisyonado ng UN para sa mga takas sa kanilang bansa. Si G. Mendiluce, na gumugol nang 19 na buwan sa pangangasiwa sa programa ng UN para sa takas sa dating Yugoslavia, ay nagsabi na isang “napakapanganib na pagkakamali” na ituring ang mga taong taga-Balkan na “totoong naiiba mula sa ibang taga-Europa,” at sinabi niya na ang katulad na mga alitang panlahi ay maaaring biglang lumitaw sa ibang mga bansa sa Europa. “Ang kailangan lamang ay krisis sa kabuhayan at ilang mapangutyang mga pulitiko na isinisisi ito sa mga mandarayuhan o sa mahihirap na tao o sa mga tao na sa paano man ay naiiba,” aniya. Ayon sa ulat ng The New York Times, sinabi ni G. Mendiluce na anong dali na mapupukaw ng mga lider ang pagkapoot “sa pamamagitan ng pagkakalat ng kasinungalingan sa media at pagsulsol sa mga galit,” nagsasabing ang mga lumagda sa mga kaayusang pangkapayapaan ay hindi nagbabago ng kanilang paggawi, subalit patuloy na “napopoot at pumapatay.”
Pag-abuso sa Alkohol sa Australia
Ang mabuting balita sa Australia ay na ang dami ng alkohol na naiinom ay bumababa. Subalit ang masamang balita ay na gumugugol pa rin ang bansa ng “halagang $6 na bilyon at ng 6,000 buhay na nasasawi sa isang taon” dahil sa pag-abuso sa alkohol, sabi ng The Sydney Morning Herald. Isiniwalat ng kamakailang ulat na tinatawag na Dimensions and Effects of Alcohol Abuse na 88 porsiyento ng kalalakihan sa Australia at 75 porsiyento ng kababaihan ang umiinom ng alak, at binanggit nito ang dumaraming inuman ng mga babae at “inuman” ng mga kabataan na siyang pangunahing mga sanhi ng pagkabahala.
Nauntol ang Mga Pagsisikap ng UN Ukol sa Kapayapaan Dahil sa Kakulangan ng Salapi
Inaasahang aabot sa $3.7 bilyon ang gastos ng UN para sa taóng ito sa pagpapanatili ng kapayapaan. Gayunman, “ang hindi pagbabayad ng mga miyembrong bansa ng kanilang parte ay nagbabangon ng mga pag-aalinlangan sa kakayahan ng organisasyon na gugulan ang mga kilusan sa hinaharap o mapanatili nang husto ang mga gawaing pangkapayapaan na kasalukuyang umiiral,” sabi ng The New York Times. Ang UN ay dapat na magsauli sa mga bansang tumutulong sa mga kilusan sa pagpapanatili ng kapayapaan ng $1,000 buwan-buwan sa bawat sundalong ipinadala. Subalit lumipas ang mga buwan nang walang isinasauling nagugol sa mga bansang nagpadala ng mga sundalo para sa mga kilusan sa dating Yugoslavia at sa Cambodia. Sa pagtatapos ng Abril, umabot ang mga dapat bayaran sa pagpapanatili ng kapayapaan sa $1.5 bilyon, na may karagdagang bayarin na $970 milyon para sa regular na badyet. Dahil sa kakulangan sa isinasauling nagugol, inurong na ang mga hukbo ng mga pamahalaan ng ilang nagpapaunlad na mga bansa o tumangging makibahagi sa bagong mga kilusan.
Taon ng Pagkapoot
“Ang taóng gaya ng 1992 ay nagbibigay ng bagong pagkilala sa dati nang mga katanungan tungkol sa kalikasan ng tao,” sabi ng magasing Newsweek. “Ang mga pagkakabaha-bahaging ito—kapitbahay laban sa kapitbahay, lahi laban sa lahi, nasyonalidad laban sa nasyonalidad—ay mga bagay na madalas tayong mapahilig na gawin, at ang mga pangyayari sa taóng ito ay nagbabangon ng mga pag-aalinlangan kung bumubuti nga ba ang ating pagdaig sa mga pagkakabaha-bahaging ito.” Sinabi nito: “ ‘Kamuhian ninyo ang inyong kapuwa’ ang waring kasabihan ng taon.” Bakit ang “pagkamuhi sa tao” ay lalo nang kitang-kita noong 1992? “Ang labis na kawalang kaayusan ang sanhi ng labis na karahasan sa nakalipas na taon,” sabi ng Newsweek, gayundin ang “biglang pagkawala ng katatagan sa ekonomiya” na naganap kasunod ng pagbagsak ng Komunistang Sobyet. Karagdagan pa rito ang mga pagkakapootan sa pagitan ng lahi na sinusulsulan ng mga may kapangyarihan sa pamahalaan. Ang militar na tagapagpanatili ba ng kapayapaan ang solusyon? “Ang mga sundalo ng U.N. ay namalagi sa Cyprus, na pinagbubukod ang mga komunidad ng mga Griego at Turko, nang halos 20 taon. Palibhasa’y ligtas na napagsasanggalang ng U.N., wala sa alinmang panig ang may bahagyang hangarin na magkompromiso sa isa’t isa,” ang sabi ng Newsweek.
Nawawalang mga Babae
Nalalaluan ng mga babae sa bilang ang mga lalaki sa tumbasang 105 sa 100 sa maunlad na mga bansa, gaya ng Britanya, Pransya, Switzerland, at Estados Unidos. Subalit ipinakikita ng estadistika ng UN na sampu-sampung milyong babae ang nawawala sa Asia. Halimbawa, ang Afghanistan at Bangladesh ay mayroon lamang 94 na babae sa bawat 100 lalaki, ang India ay mayroong 93, at ang Pakistan ay 92 lamang. Ipinakita ng totoong bilang sa Tsina na may 114 na batang lalaki sa pagitan ng edad na isa at dalawa sa bawat 100 batang babae. Bakit may kulang? “Ipinakita ng mga dalubhasa ang nagsasapanganib-ng-buhay na pagtatangi na kailangang tiisin ng kababaihan, na siyang nagpapababa sa kanilang pagkakataong mabuhay kaysa sa mga lalaki: aborsiyon at pagpatay ng mga sanggol na babae dahil sa kasarian, di-mabuting pagkain at pangangalaga sa kalusugan, madalas na pagdadalang-tao at napakabigat na trabaho,” sabi ng The
Washington Post. Isa pa, sa ilang kultura, ang mga lalaking nagsesensus ay alin sa niwawalang-bahala ang mga babae o pinagbabawalang makipag-usap sa mga babae. At ang ilang ama, na nahihiya na mas marami siyang anak na babae kaysa sa lalaki, ay nagsisinungaling tungkol sa kasarian ng kanilang mga anak.Umuunting Bilang ng Pagsilang sa Tsina
Ipinakita ng estadistika noong 1992 ang pinakamababang bilang ng pagsilang na naiulat sa Tsina—18.2 pagsilang sa bawat 1,000 katao, na bumaba mula 23.33 noong 1987, ang pag-uulat ng The New York Times. Bagaman hindi inaasahang aabot hanggang sa taóng 2010, ang tunguhin ay natamo “dahil sa ang partido at mga opisyal ng Pamahalaan sa lahat ng antas ay nagbigay ng higit na pansin sa pagpaplano ng pamilya at sinunod ang higit na mabisang mga paraan,” ani Peng Peiyun, ministro ng State Family Planning Commission. Sa ilalim ng programa ang mga pinuno sa kani-kanilang lugar ang may pananagutan sa pagpapababà ng bilang ng mga isinisilang sa kanilang nasasakupan at maparurusahan pagka hindi nagawa ito. Sa maraming kalagayan ito’y nangangahulugan ng sapilitang pagtatali sa mga babaing may anak na at pagmumulta nang malaki para sa mga nagsisilang nang walang pahintulot. Pagka hindi makapagmulta ang mga taganayon, ang kanilang mga ari-arian ay alin sa iniilit o binabasag, at kalimitang ginigiba ang kanilang mga bahay. Binubuo na halos ng populasyon ng Tsina na 1.17 bilyon ang 22 porsiyento ng populasyon ng daigdig.
‘Pangunahing Suliranin sa Kalusugan sa Taóng 2000’
Inihuhula ng Pranses na mga opisyal sa panggagamot na ang “chronic type-C hepatitis ang magiging pangunahing suliranin sa kalusugan sa Pransya sa taóng 2000.” Sinabi ng mga halaw mula sa medikal na ulat na lumabas sa pahayagang Le Monde sa Paris na ang suliranin ay may dalawang pangunahing pagkakakilanlan: ang “mahalagang bahagi na ginagampanan ng pagsasalin ng dugo sa pagkalat ng virus” at ang “lalo nang matinding pagbabago [ng virus] sa anyong pagkatalamak nito.” Tinataya na sa pagitan ng 500,000 at 2,000,000 katao sa Pransya ngayon ang nahawahan na ng virus at na 62 porsiyento sa mga ito ang malamang na magkaroon ng talamak na hepatitis, na may panganib na magkaroon ng cirrhosis sa atay o kanser sa loob ng 10 hanggang 30 taon. Sinasabi ng mga doktor na bagaman ang karamihan ng mga taong nahawahan ng hepatitis C ay walang mga sintoma, ang sapantaha sa kanila ay kasinlubha ng may sintoma.
Panganib ng Sukal sa Kalawakan
“Ang sukal sa kalawakan ay lalong nagiging problema sa mga paglipad sa kalawakan,” ang pag-uulat ng Süddeutsche Zeitung. Tinalakay ng unang Europeong Komperensiya sa Sukal sa Kalawakan, na ginanap noong Abril sa Darmstadt, Alemanya, ang “suliranin sa kung ano ang gagawin sa parami nang paraming basurahan na binubuo ng di-gumaganang mga satelayt, sunóg na mga bahagi ng rocket, o naligaw na mga kagamitan sa unang mga paglalakbay sa kalawakan.” Tinataya na mahigit na 7,000 bagay na kasinlaki ng bola sa tenis o mas malalaki pa ang humahagibis sa palibot ng lupa, gayundin ang mahigit na 100,000 mas maliliit na piraso. Ang mga paglalakbay ng Russia at E.U. ang bumubuo sa 95 porsiyento ng sukal sa kalawakan. “May ilang muntik-muntikang banggaan sa nakaraang mga taon sa pagitan ng gumaganang kagamitang pangkalawakan at basura na nagpapaikut-ikot,” susog pa ng pahayagan. “Ang mahigpit na pagbabawal sa basura at internasyonal na mga kasunduan sa panghinaharap na mga proyekto sa kalawakan ang tanging solusyon kung hindi mapahihinto ang mga paglalakbay sa kalawakan sa susunod na milenyo.”
Usapin sa Bandila at Pambansang Awit sa Hapón
Ipinakikita ng kamakailang inilabas na mga rekord sa Yamato, Hapón, na ang mga punong-guro ay “nagpatupad ng isang utos ng Ministri ng Edukasyon hinggil sa pagtataas ng bandila at pagkanta ng pambansang awit . . . , sa kabila ng matinding pagsalungat ng karaniwang mga guro,” sabi ng Mainichi Daily News. “Ang suliranin sa paglalakip sa Hinomaru [pambansang bandila] at Kimigayo [pambansang awit] sa mga seremonya sa paaralan ay lumikha ng usapin sa buong bansa dahil sa kaugnayan ng mga ito sa labis na pagkamakabansa at imperialismo ng Hapón noong digmaan.” Ayon sa Asahi Evening News, iniuugnay ng mga tumututol ang bandila at pambansang awit sa pagsamba sa emperador at nagsasabi na ang pamimilit sa mga bata na umawit ng pambansang awit ay “pamimilit sa kanila ng isang espesipikong relihiyosong doktrina.” Ang konstitusyonal na mga karapatan sa kalayaan ng relihiyon at budhi ay nalalabag, sabi nila.
Nahayag ang Nuklear na mga Kapahamakan
Ang bagong impormasyon tungkol sa lugar ng isa sa pinakamalubhang nuklear na mga aksidente sa daigdig ay nahayag sa madla pagkalipas ng mga taon ng paglilihim, sabi ng pahayagang International Herald Tribune sa Paris. Dahil sa pakikipagpaligsahan nito sa paggawa ng mga sandatang nuklear, ang pamahalaan ng dating Sobyet ay nagtayo ng planta ng plutonium sa Kabundukan ng Ural. Sa pasimula ng pagtatayo nito noong 1948 hanggang 1951, ang radyaktibong mga sukal ng planta ay itinatambak na lamang sa mga ilog doon, na ginagamit din naman sa pagsasaka at pag-inom. Pagkatapos, noong 1957, ang ilang nuklear na mga sukal doon ay sumabog, na nagkalat ng napakaraming radyaktibong materyal sa atmospera ng lupa. Isa pang pangyayari ang naganap noong 1967, nang ang isang kalapit na lawa na ginawang tambakan ng nuklear na sukal ay natuyo. Tinangay ng hangin ang radyaktibong mga sukal sa napakalawak na lupang sakop. Ipinapalagay ng mga siyentipiko na ang pagkalason sa radyaktibo mula sa tatlong pangyayari ay nakapinsala sa 450,000 katao.