Pagtulong sa Aking Pamilya Upang Maging Mayaman sa Espirituwal
Pagtulong sa Aking Pamilya Upang Maging Mayaman sa Espirituwal
Ayon sa paglalahad ni Josephat Busane
Hindi ko kailanman malilimutan ang isang paglalakbay sa tren patungong Johannesburg, Timog Aprika, noong Enero 1941. Kami ng aking kababatang si Elias Kunene ay pabalik sa aming pinagtatrabahuhan pagkatapos ng pagbabakasyon sa Zululand.
KASABAY namin sa tren ang isang binata na may dalang muti, gamot na di-umano’y may galíng, na karaniwang nakukuha sa isang doktor-kulam. Ipinahid ng lalaki ang muti sa kaniyang kilay sa paniniwalang sa pamamagitan nito’y matitiyak niya ang pabor ng kaniyang pinaglilingkurang dayuhan. Habang kami’y bumababa sa tren, sinabi ni Elias: “Ang muting iyon ang diyos niya.” Ang mga salitang iyon ay parang balaraw na tumarak sa aking puso sapagkat sa aking bag ay may muti rin ako na aking inihanda ayon sa hatol ng isang doktor-kulam.
Kami ni Elias ay nakikipag-aral na ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at nakita kong nakahihigit siya sa akin sa espirituwal. Dali-dali kong itinapon sa basurahan ang muti at pagkatapos ay sumama ako kay Elias sa regular na pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.
Kami ni Elias ay kapuwa may asawa. Kaya bakit kami nagtrabaho sa isang lungsod na mga 400 kilometro ang layo sa bahay? Ano ba ang pagkakaiba ng buhay sa lungsod at buhay sa bukid sa Zululand? At ang amin bang pakikisama sa mga Saksi ni Jehova ay nagdulot ng kapakinabangan sa aming mga pamilyang naiwan?
Ang Buhay sa Zululand
Ako’y ipinanganak sa Zululand, Timog Aprika, noong 1908. Ang aming pamilya ay nakatira sa distrito ng Msinga, isang lugar na may madadamong kapatagan, burol, at matitinik na punò. Dito, kung taglagas, nalalatagan ang tanawin ng matutulis na bulaklak ng aloe na pulang-pula ang kulay. Nanginginain ang mga baka at kambing sa mga dalisdis ng bundok sa pagitan ng mga punò. Ang mga Kraal (pulu-pulutong na mga kubo) at mga taniman ng mais ay nakakalat sa kapatagan, yamang mais ang pangunahing pagkain ng mga taga-Zulu.
Ang pulutong ng mga kubo namin, gaya ng sa iba, ay binubuo ng isang kubo para sa aming mga magulang, isa sa aking kapatid na babae, at isa sa akin at sa aking kapatid na lalaki. Isa pang kubo ang pinaka-kusina ng pamilya, at may isa pa na pinaka-bodega. Ang bawat kubo ay korteng bahay-pukyutan, na may pader na putik na mga isang metro ang taas at isang pabilog na bubong na yari sa kugon. Sa pagitan ng mga kubo ay
kinakahig ng mga manok ang lupa, upang tukain ang mga pagkain, at sa malapit ay isang kulungan ng baka. Nasisiyahan na ang aming pamilya sa simpleng buhay na ito sa bukid. Mayroon kaming pagkain at matutuluyan, at hindi na kailangan ng aking ama ang magtrabaho sa labas.Ngunit, ang pambukid na katahimikan ng Zululand ay madalas nang nililigalig. Ang magagandang burol at ilog na ito ay natitigmak na ng dugo ng tao. Sa pagsisimula ng ika-19 na siglo, ang Zululand ay tinahanan ng iba’t ibang malalayang tribo. Pagkatapos ay lumitaw ang isang mandirigmang taga-Zulu na ang pangalan ay Shaka. Nilusob ng kaniyang mga kawal ang lahat ng nakapaligid na mga tribo. Ang mga nakaligtas ay tumakas o kaya’y isinama sa bansang Zulu.
Nang maglaon, naganap ang mga digmaan sa pagitan ng mga taga-Zulu at ng mga dayuhang Olandes. Ang isa ay nangyari sa ilog malapit sa aming tahanan. Napakaraming dugo ang dumanak anupat namula ang tubig, kaya iyon ay pinanganlang Ilog ng Dugo. Pagkaraan ay dumating ang mga hukbo ng Britanya. Sa isang burol na tinatawag na Isandlwana, malapit sa aming tahanan, libu-libong tao ang pinaslang sa isa sa maraming malulupit na digmaan sa pagitan ng mga sundalong taga-Britanya at taga-Zulu. Nakalulungkot, hindi na nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa aming lugar ng Zululand. Sa pana-panahon, umiinit ang matatandang alitan ng mga tribo.
Ang Paghahanap ng Materyal na Kayamanan
Namatay ang aking ina nang ako’y limang taon. Ang aking ama at ang aking nakatatandang kapatid na babae, si Bertina, ang nangalaga sa akin at tinulungang makapag-aral sa loob ng anim na taon. Pagkatapos, sa edad na 19, nagtrabaho ako bilang katulong sa tindahan sa kalapit-bayan ng Dundee.
Nabalitaan ko na mas malaki ang kinikita ng mga kabinataan sa lungsod ng Johannesburg, ang sentro ng minahan ng ginto ng Timog Aprika. Kaya, nang sumunod na taon, lumipat ako sa Johannesburg at nagtrabaho sa loob ng maraming taon bilang tagapaskil ng mga anunsiyo.
Sa Johannesburg, nalunod ako sa mga atraksiyon at mga oportunidad, ngunit napagkilala ko na pinarurupok ng buhay sa lungsod ang pinagkaugaliang moral ng aking mga kababayan. Gayunman, bagaman pinabayaan ng maraming kabinataan ang kani-kanilang pamilya na nakatira sa bukid, hindi ko kailanman kinalimutan ang aking pamilya at regular na nagpapadala ako sa kanila ng pera.
Namatay ang aking ama noong 1938. Bilang panganay na anak na lalaki, napilitan ako bilang kaugalian ng mga taga-Zulu na “itayong-muli” ang mga kubo ng aming pamilya. Kaya, nang sumunod na taon, pinakasalan ko ang isang babaing taga-Zululand, si Claudina Madondo. Kahit may asawa na, nagtatrabaho pa rin ako sa Johannesburg na 400 kilometro ang layo. Karamihan sa aking mga kasamahan ay gayon din ang ginagawa. Bagaman masakit ang mawalay nang matagal sa aking pamilya, itinuring kong isang obligasyon na tulungan silang dulutan ng mas maayos na pamumuhay.
Materyal ba o Espirituwal na Kayamanan?
Si Inay lamang ang tanging nagsisimba sa aming pamilya, at ang tanging aklat sa aming tahanan ay ang kaniyang Bibliya. Nang lumipas ang ilang panahon pagkamatay niya, natuto akong bumasa at sinimulan kong basahin iyon. Subalit nabalisa ako sa mga doktrina at gawain ng simbahan. Halimbawa, ang mga miyembro ay nananatiling may mabuting reputasyon kahit na sila’y nagkakasala ng pakikiapid. Tinanong ko ang mga pastor tungkol sa ganitong mga pagkakasalungatan, subalit hindi ako nasiyahan sa kanilang paliwanag.
Samantalang nasa Johannesburg, nagpasiya kami ni Elias Kunene na hanapin ang tunay na relihiyon. Pumasok kami sa mga simbahan sa aming lugar ngunit hindi kami nasiyahan sa alinman sa kanila. Pagkatapos ay may nakilalang mga Saksi ni Jehova si Elias. Nang subukan niyang ipaliwanag sa akin ang kaniyang natutuhan sa kanila, sinabi ko sa kaniya na siya’y nadaya. Subalit pagkatapos na marinig ko siyang nakikipag-usap sa mga lider ng relihiyon at makitang hindi nila kayang patunayang nagkakamali siya, sinimulan kong basahin ang publikasyon ng Samahang Watch Tower na ibinigay sa akin ni Elias. Sa panahong ito nangyari ang aking di-malilimot na paglalakbay sa tren nang tulungan ako ni Elias na maunawaan ang panganib ng pagtitiwala sa muti.—Deuteronomio 18:10-12; Kawikaan 3:5, 6.
Sumama ako noon kay Elias sa regular na pakikiugnay sa kauna-unahang kongregasyon ng mga itim na Saksi ni Jehova sa Johannesburg. Noong 1942, pagkatapos na ialay ang aking buhay kay Jehova, binautismuhan ako sa Orlando, Soweto. Kapag ako’y umuuwi sa Zululand, ibinabahagi ko kay Claudina ang aking paniniwala, ngunit abalang-abala siya sa mga gawain sa simbahan.
Gayunman, sinimulan niyang ihambing ang aming literatura sa kaniyang Bibliya, at unti-unti ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay nakaabot sa kaniyang puso. Siya’y nabautismuhan noong 1945. Siya’y naging masipag na Kristiyanong ministro, anupat ibinabahagi ang katotohanan ng Bibliya sa kaniyang mga kapitbahay at ikinikintal ito sa puso ng aming mga anak.
Samantala, sa Johannesburg, nagkapribilehiyo ako na matulungan ang ilan na matuto ng katotohanan ng Bibliya. Noong 1945 may apat na kongregasyon ng mga itim sa paligid ng Johannesburg, at naglingkod ako bilang punong tagapangasiwa ng Small Market Congregation. Dumating ang panahon na ibinigay ang tagubilin mula sa Kasulatan para sa mga lalaking may asawa na nagtatrabaho sa malayo na bumalik sa kani-kanilang pamilya at bigyan ng higit na atensiyon ang kanilang mga pananagutan bilang ulo ng pamilya.—Efeso 5:28-31; 6:4.
Si Elias ang unang umalis sa Johannesburg, upang huwag nang iwan kailanman ang kaniyang pamilya. Bilang resulta ang kaniyang asawa at lahat ng kaniyang limang anak ay naging aktibong mga Saksi ni Jehova. Pinalaki rin ni Elias ang apat na ulilang pamangkin, na naging nag-alay na mga Saksi. Noong 1983 siya’y binawian ng buhay, na nag-iwan ng isang magandang halimbawa ng tapat na pagsunod sa mga tagubiling ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang makalupang organisasyon.
Noong 1949, iniwan ko ang aking trabaho sa Johannesburg upang pangalagaan ang aking pamilya sa paraan ni Jehova. Sa amin ay nakakuha ako ng trabaho kasama ng inspektor ng mga hayop bilang katulong na tagalubog ng hayop sa tangke. Naging mahirap na matustusan ang anim na anak sa maliit na suweldo na aking tinatanggap. Kaya upang may magastos, nagtinda rin ako ng mga gulay at mais na tanim namin.
Higit na Mahahalagang Pagpapala
Bagaman ang aming pamilya ay hindi mayaman sa materyal, nagkaroon kami ng espirituwal na mga kayamanan dahil sa pagsunod sa mga tagubilin ni Jesus: “Tumigil na kayo ng pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at kalawang, at dito’y nakapapasok ang mga magnanakaw at nagnanakaw. Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit, na kung saan hindi sumisira ang tanga o ang kalawang man, at kung saan hindi nakapapasok ang mga magnanakaw at nakapagnanakaw.”—Mateo 6:19, 20.
Ang pagtatamo ng ganitong espirituwal na kayamanan ay humihiling ng kasipagan, gaya ng paghuhukay ng ginto sa mga minahan sa Johannesburg. Gabi-gabi ibinabahagi ko sa aking mga anak ang isang teksto sa Bibliya at hinihilingan ang bawat isa na sabihin sa akin ang kaniyang natutuhan. Kung dulong sanlinggo isinasama ko sila, isa-isa, sa gawaing pangangaral. Habang kami’y naglalakad sa pulu-pulutong na kubo, ipinakikipag-usap ko ang mga bagay mula sa Kasulatan at sinisikap na maitimo sa kanilang puso ang mataas na pamantayang moral ng Bibliya.—Deuteronomio 6:6, 7.
Halimbawa, upang matiyak na ang aming mga anak ay hindi nagnanakaw, sinisiguro ko na anumang bagay na iuwi nila ay hindi nakaw. (Efeso 4:28) Gayundin, kapag ang isa sa kanila ay nagsinungaling, hindi ko iniuurong sa kanila ang pamalong pandisiplina. (Kawikaan 22:15) Hinihilingan ko rin sila na magpakita ng angkop na paggalang sa matatanda.—Levitico 19:32.
Bilang ulo ng pamilya, nagpapakita ako ng halimbawa sa pamamagitan ng hindi pagliban sa mga pulong, at tinitiyak ko sa mga bata na dumadalo
rin sila. Sinisiguro ko na ang bawat isa ay may songbook, Bibliya, at anumang ibang publikasyon na gagamitin sa mga pulong. Naghahanda rin kaming sama-sama para sa pulong, at kapag hindi nagkomento ang isa, tinutulungan ko siya na makasagot sa susunod na pulong.Sa loob ng maraming taon ang aming pamilya lamang ang may kakayahang magpatulóy sa naglalakbay na tagapangasiwa. Ang mga kinatawang ito ng Samahang Watch Tower ay nagbigay ng magandang impluwensiya sa aming mga anak at sumibol sa kanila ang pagnanais na maging mga payunir, o buong-panahong tagapangaral. Kaming mag-asawa ay natuwa nang ang aming panganay na anak na lalaki, si Africa, ay nagpayunir pagkatapos na makumpleto ang sampung taon ng pag-aaral. Sa huli siya’y naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, at nang maglaon siya’y inanyayahan sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika, kung saan naglingkod siya bilang tagapagsalin. Siya’y may asawa na ngayon at may sarili nang mga anak. Siya’y naglilingkod bilang isang elder sa isang kongregasyon sa Zululand, at pribilehiyo rin niya na tulungan ang sangay sa Timog Aprika sa mga suliraning pambatas na bumabangon sa pana-panahon dahil sa mga isyu may kinalaman sa tunay na pagsamba.
Lahat-lahat, kami’y may limang anak na lalaki at isang babae. Ang anim na bata ay malalaki na ngayon at malalakas sa espirituwal. Nagdulot ito ng matinding kagalakan sa aming puso—isang tunay na kasiyahang di-mabibili ng materyal na mga bagay. Apat sa aking anak na lalaki ang naglilingkod bilang mga elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na kanilang kinauugnayan. Isa sa kanila, si Theophilus, ay nagtatamasa ngayon ng pribilehiyo ng paglilingkod sa Bethel sa sangay sa Timog Aprika.
Paglago ng Katotohanan sa Zululand
Nang sa wakas ay bumalik ako sa Zululand upang makapiling ang aking pamilya noong 1949, mayroon lamang tatlong tagapaghayag ng Kaharian sa aming Collessie Congregation. Dumating ang panahon at lumaki ang kongregasyon, at ang ikalawang kongregasyon ay natatag 30 kilometro ang layo sa nayon ng Pomeroy.
Sa paglipas ng mga taon ang aming gawaing pangangaral ay naaabala dahil sa hidwaan ng magkabilang pangkat sa mga komunidad. Nakikisangkot ang mga palasimba sa paglalabanang ito ng mga tribo. Tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nakilala sa kanilang neutralidad. Minsan, naglaban ang mga tribo ng Mabaso at maBomvu sa lugar na pinaglulubugan ko ng mga baka. Ang mga tao sa lugar na iyon ay mula sa tribo ng Mabaso at natural lamang na patayin nila ako dahil alam nilang ako’y mula sa tribo ng maBomvu. Pero, alam din nilang isa ako sa mga Saksi ni Jehova, kung kaya hindi nila ako sinaktan.
Noong mga taon ng 1970, lumalâ ang mga pangyayari sa paglalabanan ng tribo, at naging mapanganib na sa lugar ng Msinga. Kasama ng iba pa, ipinasiya kong ilipat ang aking pamilya sa isang mas tahimik na lugar ng Zululand. Noong 1978 nanirahan kami sa bayan ng Nongoma, na doo’y nakiugnay kami sa Lindizwe Congregation. Nang sumunod na taon, binawian ng buhay ang aking mahal na asawa, si Claudina. Labis kong ikinalungkot ang pagkawala niya, at labis na humina ang aking katawan.
Subalit, dahil sa kagandahang-loob ni Jehova, nanauli ang aking dating lakas anupat nakapagpayunir ako pagkalipas ng dalawang taon. Anong laki ng aking pasasalamat kay Jehova dahil sa pagbuti ng aking kalusugan bunga ng pagpapasulong na ito sa gawaing pangangaral! Ako ngayon ay 85 na at nakagugugol pa rin ako ng mahigit na 90 oras sa gawaing pangangaral bawat buwan. Noong Enero 1992, lumipat kami ng aking anak na si Nicholas sa Muden, isang bahagi ng Zululand kung saan kailangan pa ang higit na tagapaghayag ng Kaharian.
Tuwang-tuwa ako dahil sa patnubay mula sa organisasyon ni Jehova na humimok sa mga katulad ko na magbigay ng higit na pansin sa espirituwal na pangangailangan ng aming pamilya! Ang ibinungang mga pagpapala ay higit na mahalaga kaysa anumang mabibili ng salapi. (Kawikaan 10:22) Pinupuri ko si Jehova dahil sa lahat ng ito at nananalangin na dumating na ang panahon na babaguhin ng kaniyang Kaharian ang lupang ito tungo sa isang paraiso. Sa gayon ang buhay sa magagandang burol at lambak ng Zululand ay mananatiling tahimik magpakailanman habang ang mga tagaroon ay ‘nakaupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos,’ at “walang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4.