Mahuhusay na Inhinyero
Mahuhusay na Inhinyero
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika
NAKAKITA ka na ba ng likas na mga gusali gaya ng nakalarawan sa pahinang ito? Ang mga punso ng anay ay karaniwang tanawin sa kapatagan ng Aprika. Ang hugis ng ilan ay gaya ng makikipot na tsiminea na kung minsan ang taas ay mahigit sa 6 na metro. Ang iba ay malalaking bunton ng lupa na nagsisilbing paboritong lugar na pinag-aabangan ng mga maninilang gaya ng mga leon.
Sa loob ng bawat punso ay may napakaraming lagusan at mga silid, na maaaring pamahayan ng ilang milyong maliliit na anay. Ang ilang anay ay nag-aalaga ng sarili nilang mga halamanan ng fungus at napananatiling natutubigan ang mga ito kahit sa mga panahon ng tagtuyot. Papaano nangyayari ito? Noong dekada ng 1930, nang isang matinding tagtuyot ang puminsala sa mga lugar sa Timog Aprika, isang naturalist, si Dr. Eugene Marais, ay nakatuklas ng dalawang haligi ng mga anay, ang isa’y pababa at ang isa nama’y paahon sa isang tunél. Ang mumunting nilalang ay nakapaghukay nang may lalim na halos 30 metro! Ang mga ito’y nakaabot sa isang likas na balon. Sa gayon natuklasan ni Marais kung papaano napananatili ng mga ito na mahalumigmig ang kanilang mga halamanang fungus sa buong panahon ng tagtuyot.
Ang isang karaniwang punso ng anay, paliwanag ni Michael Main sa kaniyang aklat na Kalahari, “ay ipinalalagay na siyang pinakamakabagong kuta na naitayo ng alinmang hayop sa daigdig. . . . Ang lahat ay nagsisikap na matamo at mapanatili ang 100 porsiyento ng kahalumigmigan at kapaligiran na ang temperatura ay sa pagitan ng 29° C [84° F.] at 31° C [88° F.], na angkop kapuwa sa fungus at anay. . . . Ang bawat kuta, sa katunayan, ay isang ganap na yunit ng air-condition.”
Ngayon isaalang-alang kung papaano itinayo ang mga kutang ito. Pinakikinis at pagkatapos ay pinagdidikit-dikit ng mga anay ang bawat butil ng buhangin. Isip-isipin kung ilang milyong butil ng buhangin ang ginamit upang makapagtayo ng isang punso! “Ang pinakamatatag na mga gusaling naitayo ng tao sa lupang ito; ang Pyramids of Egypt, Underground system ng London, mga skyscraper ng New York . . . , kung ihahambing sa mga gawa ng anay, . . . ay parang mga punso na inihahambing sa mga bundok,” ang isinulat ni Marais sa kaniyang aklat na The Soul of the White Ant. “Kung isasaalang-alang ang laki,” ang kaniyang pagpapatuloy, “ang tao ay kailangang makapagtayo ng isang gusali na kasintaas ng Matterhorn [isang 4,478 metrong taas ng bundok sa Switzerland], upang mapantayan ng kaniyang gawa ang tore ng anay na apatnapung talampakan ang taas.”
Subalit ano ang pakinabang ng tao sa mga anay? Una sa lahat, ang mga anay ay nanginginain ng bulok na mga gulay at sa gayon ay naaalis ang karamihan ng sukal. “Palibhasa’y hinihila ang tuyong bagay sa ilalim ng lupa, hindi lamang nababawasan ng mga ito ang panganib sa sunog kundi napatataba rin ang pang-ilalim na lupa,” ang sabi ng isang paskil sa Kruger National Park.
Marahil ikaw rin ay sasang-ayon na ang hamak na mga anay ay karapat-dapat na tawaging pinakamahuhusay na inhinyero sa lupa.