Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Pagiging Pulis Tungo sa Pagiging Kristiyanong Ministro

Mula sa Pagiging Pulis Tungo sa Pagiging Kristiyanong Ministro

Mula sa Pagiging Pulis Tungo sa Pagiging Kristiyanong Ministro

NOONG Pebrero 1942, ako’y nabilanggo sa Adelaide, Timog Australia, dahil sa pagtangging magdala ng armas noong Digmaang Pandaigdig II. Nakilala ako ng barberong aahit sa akin dahil nakikita niya ako noon sa mga hukuman bilang isang opisyal ng puwersa ng pulisya sa Timog Australia. “Ano’ng ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong niya. Alam niya na noon ay madalas akong sumasaksi sa hukuman laban sa mga kriminal. Kaya ipinaliwanag ko sa kaniya ang aking Kristiyanong paniniwala.

Ang mahistrado, na duminig sa aking kaso ilang araw bago nito, ay kilalang-kilala rin ako. Siya man ay nakinig na mabuti habang ipinaliliwanag ko kung bakit ang aking Kristiyanong budhi ay hindi nagpapahintulot sa akin na magdala ng armas. Pagkatapos na pasalamatan ako sa inaakala niyang isang malinaw na paliwanag, sinintensiyahan niya ako ng isang buwang pagkabilanggo.

Ngayon, ang aking kasamahang mga bilanggo ay yaong mga taong aking kinunan ng larawan at mga bakas ng daliri hindi pa natatagalan. Gayunman, nakapagpatotoo ako hinggil sa aking paniniwala sa maraming guwardiya at mga bilanggong nagtatanong tungkol sa Kristiyanong neutralidad.

Nang sumunod na taon ako’y muling dinala sa hukuman, at sa pagkakataong ito ako’y nahatulan ng pagpapahirap sa loob ng anim na buwan. Ako’y ipinadala sa Yatala, na doon ang mga bilanggo ay pinarurusahan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpaslang. Ngunit muli ako’y nagkaroon ng maraming pagkakataon na ipakipag-usap sa iba ang hinggil sa pag-asa ng Kaharian ng Diyos at ang walang-hanggang kapayapaang idudulot nito sa winasak-ng-digmaang sanlibutang ito.

Bago humarap sa hukuman sa bawat pagkakataon, ako’y dinala sa isang kuwartel ng sundalo. Sa unang pagkakataon doon, ako’y nilibak at inalipusta ni Tenyente Laphorn dahil tumanggi akong sumumpa ng katapatan sa militar. Ngunit nang ako’y muling humarap sa kaniya sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya: “Alam mo, akala ko’y duwag ka. Subalit sinubaybayan ko kung papaano mo tinitiis ang mga parusa. Pinabayaan mo ang isang magandang trabaho at pinatunayan ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng muling pagbabalik para parusahan pa.”

Nang ako’y ibibilanggo na lamang sa ikatlong pagkakataon, nagharap ako ng petisyon na ako’y litisin bilang isang taong di-sumasang-ayon sa digmaan. Napilitan ang mahistrado na ipagkaloob ang aking petisyon, yamang ako’y nagbitiw sa puwersang militar noong 1940 dahil sa budhi. Gayunman, bilang pagpapakita ng kaniyang pagkiling, sinabi niya: “Ibig kong ipahayag sa madla na naniniwala akong mapanganib na magkaroon ng isang panatikong gaya mo na nakalalaya sa komunidad.”

Panimulang Karanasan

Ako’y ipinanganak noong 1908 sa Gawler, malapit sa Adelaide, Timog Australia. Nang ako’y mag-aanim, si Sarah Marchant, isang matalik na kaibigan ng aking ina, ay nagturo sa akin na ang impiyerno ay karaniwang libingan ng tao at hindi isang dako ng maapoy na pagpapahirap. Siya ay isang International Bible Student, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova.

Dumating ang panahon, habang ako’y lumalaki, tinanong ko ang aming ministrong Baptist kung ano ang pagkakaiba ni Jesu-Kristo sa Diyos, at hindi ako nasiyahan sa kaniyang sagot. Kaya nawalan ako ng interes sa mga iglesya, bagaman nawiwili akong makinig kay Sarah Marchant kapag kami’y nagkikita manaka-naka.

Noong 1924, nagsimula akong magtrabaho sa Adelaide bilang isang kawani ng komisyonado ng pulisya sa Timog Australia, si Brigadier General Sir Raymond Leane. Pagkatapos, noong 1927, hiniling ni G. Leane sa parlamento na hirangin ako bilang isang junior fingerprint expert at tagakuha ng larawan ukol sa krimen para sa sandatahang-lakas ng pulisya ng estado.

Pagkatuto ng mga Katotohanan sa Bibliya

Tatlong taon nang maikasal ako noong 1928, samantalang nagbabakasyon kasama ng aking mga biyenan sa Gawler, nakuha ko ang aklat na may pamagat na Creation, inilathala noong 1927 ng Watch Tower Bible and Tract Society. Iniwan iyon ni Sarah Marchant sa aking mga biyenan. Ipinaliwanag ng aklat na ang tao mismo ay kaluluwa at hindi nagtataglay ng isang hiwalay, di-nakikitang kaluluwa. May katuwiran ito. Ngunit ibig kong makita ko mismo iyon sa Bibliya. Kaya sinuri ko ang King James Version ng pamilya at binasa ang Genesis 2:7: “At nilalang ng PANGINOONG Diyos ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.”

Ito’y nakapukaw na mabuti sa aking interes, kaya binasa ko nang binasa. Hindi ko maibaba ang aklat na Creation. ‘Ito na nga ang katotohanan,’ sabi ko sa aking sarili. Ngayo’y gusto ko pang magbasa ng iba namang aklat ng Watch Tower Society. Ang isa na lamang na taglay ng pamilya ay may pamagat na Life. Kaya binasa ko rin ang isang iyon hanggang matapos.

Pagkaraan ng ilang araw, bumalik kami sa Adelaide at lumipat sa ibang bahay. Nang mismong araw na iyon ay nabigla kami sa pagdalaw ni Sarah Marchant. Ipinaalam sa kaniya ng aking biyenang babae ang aking interes, at siya’y dumalaw upang alamin ang aming kalagayan sa aming bagong tahanan at upang tayahin kung anong espirituwal na tulong ang aking kailangan. Kinaumagahan kinausap ako ng aming bagong kapitbahay sa kabilang bakod: “Alam kong interesado ka sa mga isinulat ni Judge Rutherford [noon ay presidente ng Watch Tower Society].”

“Papaano mo nalaman?” tanong ko.

“Ah, diyan lang sa tabi-tabi,” sagot niya.

Malamang, sinabihan siya ni Sarah. Ang lalaking iyon, si James Irvine, ay siyang tanging Saksi noong panahong iyon na nakatira sa hilagang bahagi ng karatig-pook ng Adelaide. Siya’y isang payunir, o pambuong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, at sinimulan niya ang isang regular na pag-aaral ng Bibliya sa akin.

Pagsulong sa Katotohanan sa Bibliya

Nang ako’y bumalik na sa trabaho sa kagawaran ng pulisya, ako’y sabik na sabik sa mabubuting bagay na natutuhan ko. Kaya kapag ako’y may pagkakataon, sinasabi ko sa aking mga kasamahan sa trabaho ang tungkol sa aking bagong paniniwala. Gayunman, nabigo ako nang ang aking kasabikan ay suklian ng pagkutya.

Di-inaasahan ay nagsimulang sumalansang ang akin mismong asawa sa aking interes sa Bibliya. Ngunit sa tulong ni Jehova, natiis ko ang kaniyang pagsalansang. Noong 1935, inialay ko ang aking sarili kay Jehova at nagpabautismo. Noong mga panahong iyon ay may iisa lamang kongregasyon sa Adelaide, at may mga 60 lamang ang dumadalo sa lingguhang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit Ang Bantayan.

Isang araw, sinabi sa akin ni Harold Jones, ang punong tagapangasiwa ng kongregasyon: “May ipagagawa kami sa iyo. Kailangan natin ang isang mangangasiwa sa mga rekord ng ating teritoryo.” Tamang-tama ang trabaho sa akin, yamang sa aking trabaho sa pulisya, nagagalugad ko ang buong Adelaide. Alam na alam ko ang lunsod at sa gayon ay naihanda kong mabuti ang mga mapa ng teritoryo na aming ginagamit sa pangangaral.

Noong Abril 1938, si Joseph Rutherford, ang presidente ng Watch Tower Society, ay dumalaw sa Australia at nagpahayag sa Sydney na dinaluhan ng mahigit na 12,000, bagaman mayroon lamang 1,300 Saksi sa buong Australia. Sa Adelaide mga 20 sa amin ang hindi makapagbibiyahe nang 1,800 kilometro patungong Sydney. Kaya inupahan namin ang matandang Tivoli Theater at kinabitan ng linya upang mapakinggan ang pahayag ni Rutherford mula sa Sydney. Nag-anunsiyo kami sa radyo, at, bilang resulta, mga 600 ang dumating upang makinig ng pahayag sa Adelaide!

Kung Papaano Ko Naiwala ang Aking Trabaho sa Pulisya

Noong 1939, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at ang pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova ay masusing sinubaybayan ng mga awtoridad. Minsan, dalawang reporter ng pahayagang Truth ang dumating sa Kingdom Hall at pagalit na nagtangkang pumasok. Pinigilan ko sila, dahil napansin kong ibig lang nilang manggulo. Kinaumagahan, ganito ang mababasa sa ulong-balita ng pahayagan: “Pulis ng T[imog] A[ustralia] Bantay-pinto sa J.W. Kingdom Hall.”

Dahil sa insidenteng iyon, ako’y nilayuan ng aking mga kasamahan sa trabaho. Ang aking pinakaamo, isang matatag na Katolikong aktibista, ay nagbigay sa komisyonado ng pulisya, si Raymond Leane, ng maling impormasyon tungkol sa akin. Pagkatapos biglang-bigla, noong Agosto 1940, ako’y iniharap kay G. Leane, ang lalaking ito rin na pinagtrabahuhan ko 16 na taon na ang nakaraan. Ang sakdal? Na hindi ko sinusunod ang lahat ng kaniyang utos.

“Babarilin mo ba ang sinuman kapag iniutos ko sa iyo?” tanong niya.

“Iyan ay isang situwasyong hindi pa nangyayari,” sagot ko. “Pero, hindi, tiyak na hindi ko babarilin ang sinuman.”

Sa loob ng dalawang oras ay sinikap niyang ipamukha sa akin ang aking kahangalan sa pagsama sa isang organisasyon na nasa opisyal na listahan at nakatakdang ipagbawal sa Australia. Sa wakas sinabi niya: “At pagkatapos ng aking mga nagawa sa iyo, na binigyan ka ng isang magandang trabaho.”

“Pinasasalamatan ko po iyon,” sagot ko. “At sinikap kong ipakita ang aking pasasalamat sa pagiging masipag sa trabaho. Pero hindi ko po kayo maituturing na mas mataas sa aking pagsamba sa Diyos na Jehova.”

“Iiwan mo ang mga Saksi ni Jehova o magbitiw ka sa trabaho,” ang sagot ng komisyonado.

Kaya ako’y nagbitiw agad. Noong Agosto 1940 ganito ang mababasa sa ulong-balita ng pahayagang Truth: “Pulis ni Rutherford Nagbitiw.” Kinailangan ko ngayon na ipagbigay-alam sa aking asawa at maghanap ng ibang mapapasukan. Mabuti naman, nakakuha ako ng trabaho sa isang lokal na imprentahan na doon ang edisyong Australiano ng Consolation (ngayo’y Gumising!) ay iniimprenta.

Paglilingkod sa Kabila ng Pagbabawal

Nasiyahan ako sa aking bagong trabaho hanggang Enero 1941, nang isang pambansang pagbabawal ang ipinataw sa mga Saksi ni Jehova. Pinahinto ang lahat ng pag-iimprenta ng ating literatura sa bansa, ayon sa akala ng mga awtoridad. Ang totoo, nakapaglagay ng mga lihim na imprentahan​—pawang sa Sydney—​at hindi kami kailanman nawalan ng isyu ng Ang Bantayan sa panahon ng pagbabawal!

Di-nagtagal pagkatapos na ipagbawal ang aming gawain, nabilanggo ako nang dalawang ulit gaya ng binanggit sa pasimula. Sa wakas, noong Hunyo 1943, ipinasiya ng Korte Suprema ng Australia na ang pagbabawal ay labag sa Konstitusyon, kaya isinauli ng pamahalaan ang lahat ng ari-ariang sinamsam nila mula sa Watch Tower Society.

Kung aking ginugunita, hindi ako makapaniwala na noong mga taóng iyon, ang mga tahanan (kasali na ang sa akin) ay sinalakay ng mga opisyal ng pulisya. Pero, sa kabila ng pagsalansang, ipinagpatuloy namin ang pangangaral sa bahay-bahay sa pamamagitan lamang ng aming mga Bibliya. Maraming ulit kaming sinubaybayan ng mga pulis. Mga pulis na nakasibilyan ang dumalo pa man din sa mga pulong namin sa pribadong mga tahanan. Minsan, nang ipinakikilala ko ang isang kinatawan ng tanggapang pansangay ng Sydney, binanggit ko: “Kasama natin ang dalawang miyembro ng sandatahang-lakas ng pulisya ng Timog Australia. Pakisuyong batiin natin sila!” Sila’y nabigla at napahiya ngunit nanatili at nasiyahan sa pulong, na sinabi pagkaraan na wala silang magagawa kundi ang magharap ng isang mabuting report.

Pagpigil sa Relihiyon ng Iba

Noong Abril 1945 nagsaayos kami ng isang kombensiyon sa munisipyo sa karatig-pook ng Adelaide. Noong Linggo, Abril 29, ang bantog na pahayag pangmadla na “Mamanahin ng Maaamo ang Lupa” ay pakikinggan. Ngunit maaga pa’y may nabubuo nang pagkakagulo. Bilang tagapangasiwa ng kombensiyon, nagpunta ako sa lokal na istasyon ng pulisya upang ipagbigay-babala ang namimintong kaguluhan. Pero, walang nakinig sa aking reklamo.

Habang papalapit ang oras ng pahayag pangmadla, nagsimulang manggulo ang makapal na tao. Ang ilan ay nagpasukan nang magsimula ang pahayag. Ang matitipunong manggugulo ay sumugod, upang sirain ang gamit sa sound. Pagkatapos ay nagliparan ang mga bato sa bintana. Pinasabihan ang mga istasyon ng radyo hinggil sa gulo, at agad nilang isinahimpapawid na may pagkakagulong nagaganap. Libu-libong nag-uusisa ang naipon sa labas.

Nakalulungkot, napilitan kaming itigil ang pulong. Subalit nang oras na para lisanin namin ang bulwagan, hinawi ng pulis ang mga tao upang kami’y makaraan, at ang lahat ay nanahimik. Lahat ay nakasaksi ng kamangmangan ng sumasalansang sa amin sapagkat nakita nilang lumalabas ang ordinaryong mga tao, kasama ang matatandang lalaki at babae at pati mga bata. Ang pagpigil sa relihiyon ng iba ay tinuligsa sa “Mga Sulat sa Editor” nang sumunod na mga araw.

Magkagayon man, nang sumunod na mga taon, hindi na pinahintulutan ang mga Saksi ni Jehova na gamitin ang mga munisipyo sa Timog Australia. Minsan, noong kalagitnaan ng mga taon ng 1950, nakipag-usap ako sa isang tagapag-ingat ng munisipyo ng Norwood sa karatig-pook ng Adelaide hinggil sa paggamit ng kanilang bulwagan para sa aming pandistritong kombensiyon.

“Pinagbawalan kayo habambuhay sa paggamit ng mga munisipyo,” sabi niya.

“Huli na po kayo sa balita,” sagot ko.

At dinukot ko sa bag ang brosyur tungkol sa 1953 internasyonal na kombensiyon sa New York Yankee Stadium. “Tingnan po ninyo ang nagaganap sa mga Saksi ni Jehova sa ibang lugar​—mahigit na 165,000 sa isang pagtitipon!” sabi ko.

Kinuha niya ang brosyur, maingat na sinuri iyon, at pagkaraan ay nagsabi: “Oo nga, mukhang nabago na nga ang mga bagay-bagay.” Mula noon ang paggamit ng gayong mga pasilidad ay ipinahintulot sa atin sa buong Timog Australia.

Noong 1984, pagkaraan ng matagal na pagkakasakit, namatay ang aking asawa. Gayunman, bago siya namatay, nagsimula na siyang magpakita ng pag-ibig sa katotohanan ng Bibliya at sa Diyos na Jehova. Malaki ang nagawa ng kabutihang ipinamalas ng mga Saksi sa kaniya sa nakaraang mga taon. Pagkatapos, noong Disyembre 1985, pinakasalan ko si Thea, na maraming taon nang naglilingkod kay Jehova.

Sa loob ng 60 taon na ngayon, ako’y kontento nang naglilingkod kay Jehova. Dahilan sa laging pagtitiwala kay Jehova, pananatili sa kaniyang organisasyon, at hindi pakikipagkompromiso kailanman sa panahon ng kagipitan, naaalaala ko ang isang buhay taglay ang maraming pribilehiyo at pagpapala. At ako’y patuloy na nagsusumikap na ituon ang aking mga mata sa gantimpala ng pagkatawag sa itaas. (Filipos 3:14)​—Ayon sa paglalahad ni Hubert E. Clift.

[Larawan sa pahina 23]

Naglilingkod bilang ministro