Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mas Mahusay na Pamumuno ang Kailangan
Ang mga tao sa buong daigdig ay sawang-sawa na sa kanilang mga pinunò. “Ipinalalagay ng ilan,” ayon sa The Wall Street Journal, “na ang kasalukuyang pulutong ng mga pinunò sa daigdig ay walang kakayahan na gampanan ang kanilang tungkulin.” Ganito ang sinasabi ng dating presidente ng Pransya na si Valéry Giscard d’Estaing: “Nasasaksihan natin ang isang krisis ng pangkinatawang demokrasya.” Bakit gayon na lamang ang pagkadiskontento ng publiko? Sapagkat ang mga tao “ay nayayamot sa mga pinunong waring mahihina at walang kakayahan sa mga panahong gabundok ang mga suliraning nakaharap sa kanila,” ang sagot ng Journal. Sinabi pa nito: “Sila’y nasusuya sa nakikitang pag-aalinlangan at katiwalian kapag sila’y humihiling ng patnubay. At hindi lamang ang indibiduwal na mga pulitiko ang tudlaan ng pagkasiphayo ng publiko: Sa mga lugar na gaya ng Hapón at Italya, ang buong pulitikal na pamamalakad ay pinag-aalinlanganan.” Bagaman kinayayamutan ang mga pamahalaan sa mga panahon ng kagipitan sa ekonomiya, “ang kalagayang ito ay pambihira sapagkat nangyayari ito nang sabay-sabay sa maraming lugar, at sapagkat naaapektuhan nito hindi lamang ang mga nanunungkulan kundi pati ang mga partidong pulitikal na nasa oposisyon.” Nangangailangan ng higit pa sa pagbangon ng ekonomiya upang maalis ang damdamin ng pagkasira ng loob, ayon kay G. Giscard d’Estaing. “Kailangan ng ating mga lipunan na may tinatanaw sa hinaharap.”
Legal na Kinilala ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico
Noong Mayo 7, pinagkalooban ng legal na katayuan bilang isang relihiyon ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Isang dokumento na gumagarantiya sa gayong pagkilala ang ibinigay sa kanila ng Pangalawang Kalihim ng Government Interior Department noong Mayo 31. Kaya isang hakbang pasulong ang ginawa para sa kalayaang panrelihiyon sa Mexico. Noon ay Abril 1, 1989, nang sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapanalangin nang hayagan ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pulong sa kongregasyon at nakagamit ng Bibliya sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay. May mahigit sa 370,000 Saksi sa Mexico. Noong nakaraang taon binago ng pamahalaan ng Mexico ang mga batas nito at nagsimulang magkaloob ng legal na pagkilala sa relihiyosong mga organisasyon sa bansa.
Walang Kabuluhan ang mga Karapatang Pantao
Tinataya ng UN Center for Human Rights sa Geneva, Switzerland, na “kalahati ng sangkatauhan ay mga biktima ng malubhang mga paglabag sa mga karapatang pantao,” ayon sa ulat ng pahayagan sa Aleman na Süddeutsche Zeitung. Ang mga paglabag na ito ay mula sa pagpapahirap, panghahalay, at pagpatay hanggang sa pang-aalipin, gutom, at pang-aabuso sa bata. Tinataya ng sentro na nasa pagitan ng 150 milyon at 200 milyong bata sa mahigit 50 lupain ang sapilitang pinagtatrabaho. Karagdagan pa milyun-milyong katao ang biktima ng pagtatangi ng lahi at pagkapoot sa mga dayuhan. “Sa isang kapaligiran ng mga dukha at pinagkaitan, walang kabuluhan ang mga karapatang pantao,” sabi ni G. Ibrahime Fall, punò ng sentro. “Totoo na nakapagpadala tayo ng tao sa buwan, subalit ang daigdig na ating kinatitirhan ay nananatiling mahirap, mapanganib, at madalas nakamamatay.”
Lumalaganap ang Prostitusyon ng mga Bata
“Ang mga doktor, mga opisyal ng pulisya at mga social worker . . . ay nag-uulat na mas lumalaki ang pangangailangan para sa mga bata at sa mga nagbibinata at mga nagdadalagang nagbibili ng aliw dahil may paniwala ang mga kliyente na sila ay ‘mas ligtas’ at malamang na walang AIDS,” ayon sa International Herald Tribune ng Paris. Sa isang komperensiya kamakailan ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific, ang Cultural Organization) tungkol sa “negosyo sa sekso at ang mga karapatang pantao” na ginanap sa Brussels, Belgium, tiniyak ng mga may kabatiran na ang mga parokyano ay handang magbayad ng mas matataas na halaga para sa mga bata na itinuturing na mga wala pang karanasan sa pakikipagtalik. Samantalang kinikilala na ang epidemya ng AIDS sa buong mundo ay isang pangunahing salik, tinutukoy rin ng mga may kabatiran na ang maraming pitak ng maunlad na industriya ng sekso ang siyang “gumawang pangkaraniwan sa hayagang pagbibili at pagbebenta ng aliw at siyang nagpahina sa mga pagbabawal laban sa pagsasamantala sa mga bata.” Ipinakikita ng mga pagsusuri ng UNESCO na ang suliranin ay lalo nang malaganap sa Benin, Brazil, Colombia, Thailand, at sa Pilipinas. Tinatayang 800,000 sa 2 milyong babaing nagbibili ng aliw sa Thailand ay mga bata at nagdadalaga pa lamang, at mahigit sa 10,000 batang lalaki mula 6 hanggang 14 ang edad ang sinasabing nagtatrabaho bilang mga nagbibili ng aliw sa Sri Lanka.
Ang Pagpapagal ng Isang Maybahay
“Siya’y nagpapagal na gaya ng isang mananakbo sa marathon . . . ngunit hindi man lamang nagkakamit ng medalya,” sabi ng pang-araw-araw na pahayagan sa Italya na Il Messaggero may kinalaman sa pangkaraniwang maybahay. Ipinakikita ng pananaliksik na isinagawa ng Rome Institute for Sports Sciences na ang lakas na ginagamit ng isang pangkaraniwang maybahay sa kaniyang mga gawaing-bahay (mahigit sa 200 calories bawat oras) ay “maihahalintulad sa lakas na inuubos sa ilang isport.” Samantalang ang ilang isport ay maliwanag na nakakakonsumo ng higit pang calories, nagiging mas makabuluhan ang estadistika “kapag isinaalang-alang mo na ang gawain ng isang maybahay ay ginagampanan sa loob ng walong oras araw-araw.” Ang
mananakbong mayhawak ng rekord sa bilis na si Marisa Masullo ay umamin: “Mas napapagod ako kapag nagtatrabaho sa bahay kaysa kung ako ay nagsasanay.”Isang Planeta ng Tubig
Ipinahayag ng magasing People & the Planet na kung ito ay ikakalat nang pantay-pantay sa ibabaw ng planeta, makabubuo ang tubig sa daigdig ng isang pangglobong karagatan na 2.5 kilometro ang lalim. Sa katunayan, magkakasya ang lahat ng pang-ibabaw na lupa sa loob ng lunas ng Pacific Ocean at mayroon pang lugar. Gayunman, 3 porsiyento lamang ng malawak na reserba ng tubig sa lupa ang tabáng, hindi maalat. At 1 porsiyento lamang ng tubig-tabáng sa planeta ang maaaring magamit ng sangkatauhan. Ang natitirang bahagi ay nasa mga glacier at niyebe o nasa ilalim ng lupa. Magkagayon man, ang 1 porsiyentong ito ay sapat na upang matustusan ang dalawa o tatlong ulit ng kasalukuyang populasyon ng daigdig. “Nakalulungkot,” ang hinagpis ng magasin, “ang tubig-tabáng ay hindi pantay na nakakalat at ito’y nasasayang saanman.” Kaya naman, ayon sa isang pagtaya, dalawang bilyon sa mga naninirahan sa lupa ang namumuhay sa mga rehiyon na kung saan may matinding kakapusan ng tubig.
Ang Tumatagal na Basura
Gaano katagal bago mabulok ang pangkaraniwang basura? Ayon sa mga pagtaya na inilathala ng babasahing Focus sa Italya, gumugugol mula tatlo hanggang anim na buwan bago mabulok ang tissue paper o itinapong gulay, mula 1 hanggang 2 taon para sa filter ng sigarilyo, 5 taon para sa chewing gum, at mula 10 hanggang 100 taon para sa latang aluminum. Subalit ang ilang bagay na plastik ay “nananatiling walang pagbabago sa loob ng maraming dantaon . . . Ang mga ito ay hindi natutunaw ng tubig . . . , at walang mga mikroorganismo na handang umubos sa mga ito.” Ang polystyrene, na karaniwang ginagamit sa mga pambalot at mga lalagyan ng pagkain at inumin, ay marahil mabubulok sa paglipas ng isang libong taon, at kailangang lumipas ang 4,000 taon bago manumbalik sa kanilang dako sa likas na siklo ang mga boteng yari sa bubog.
Nakahahawa ang mga Sirà sa Ngipin
“Nakahahawa ang pagkabulok ng ngipin.” Ganito ang sabi ng isang ulat ng ahensiya sa balita na Agence France-Presse sa isang pag-aaral na pinangasiwaan ng isang dental school sa Switzerland at ng World Health Organization. Isinisiwalat ng kanilang pananaliksik na ang Streptococcus mutans, ang baktirya na sanhi ng pagkabulok ng ngipin, ay kadalasan naipapasa sa bibig ng mga miyembro ng pamilya, gaya ng kung ginagamit ng magulang ang kutsara na ginagamit din ng kanilang anak o tinitikman ang gatas sa bote ng bata bago iyon ipainom. Lumalaki ang panganib ayon sa dami ng baktirya na nasa laway ng isang tao. Ang baktirya, na nagpapangyaring ang asukal ay maging asido na siyang sumisira sa ngipin, ay waring dumarami lalo na sa bibig ng mga bata na ang edad ay nasa pagitan ng isa hanggang apat na taon—ang panahon na ang ngipin ng mga bata ay lalo nang mahina laban sa pagkabulok.
Mga Helmet Para sa mga Siklista
Magsuot ng pananggalang sa ulo! Ito ang payo na ibinibigay ng WHO (World Health Organization) para sa mga siklista. Bagaman 75 porsiyento lamang ng pinsala sa ulo ang nababawas dahil sa pagsusuot ng mga helmet, ang Australia lamang ang bansa sa kasalukuyan na may alituntunin para sa mga siklista na magsuot ng mga ito. Sa Estados Unidos, dalawang-katlo ng lahat ng pagkamatay dahil sa pagbibisikleta ay sanhi ng mga pinsala sa ulo at sa utak, na ang nasa pinakamalaking panganib ay ang mga kabataan sa pagitan ng 6 at 14 na taóng gulang. Ganito ang panangis ng WHO: “Mahirap unawain ang pag-aatubili ng mga siklista [na magsuot ng helmet], kung isasaalang-alang na hindi maikakaila ng sinuman ang bagay na ang mga motorista ay higit na naiingatan sa pamamagitan ng mga helmet.”
Mga Hanip Mula sa Alikabok
“Walang sinuman ang talagang nakaaalam kung paano sila napunta roon, ngunit ang mga hanip ay tumitira sa halos lahat ng tahanan,” sabi ng magasing Science News. Palibhasa’y hindi nakikita ng mata ng tao, ang mga hayop na ito na may gulugod ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagkain ng natutuklap na balikuskos ng balat ng tao. Ang mga kinapal na ito ay matatagpuan sa mga higaan, sa alpombra, at sa mga muwebles na may kutson at binalutan ng tela. Gaano karami? Pinag-aralan ng mga mananaliksik taglay ang vacuum at mikroskopyo ang mga alikabok sa dalawang tahanang may hanip. Ang sopa sa isang tahanan ay nasumpungang may 7,454 hanip sa bawat gramo ng alikabok, na may karagdagang 2,361 hanip bawat gramo sa alpombra sa ilalim ng sopa.
Masahol Pa Kaysa Black Death
“Sa Europa noong ika-14 na siglo, ang Black Death ay pumatay ng mga 25 milyong katao, o isa sa bawat apat na katao,” pahayag ng magasing American Health. “Ipinakikita ng bagong ulat na kung ang mga tao ay magpapatuloy ng paninigarilyo tulad ng sa kasalukuyang antas, makasampung ulit ng bilang na iyan ang mamamatay dahil sa sigarilyo: humigit-kumulang 250 milyon, o isa sa bawat limang tao na nabubuhay ngayon sa maunlad na mga bansa.” Ipinakita ng mga natuklasan, batay sa isang malawakang pag-aaral sa mahigit na isang milyong katao, na ang paninigarilyo ay mas nakamamatay kaysa dati nang akala. “Naniwala kami na mga isa sa apat na naninigarilyo ay namatay dahil sa kanilang bisyo,” ayon kay Dr. Richard Peto, isang propesor sa Oxford University sa Inglatera. “Subalit alam na namin ngayon na hindi bababa sa isang-katlo—at malamang na higit pa—ng lahat ng naninigarilyo ay namamatay dahil dito. Ang epekto ng paninigarilyo sa dami ng namamatay sa bansa ay nakahigit pa sa epekto ng iba pang mga sanhi.” Sa 250 milyong inaasahang mga pagkamatay, mahigit sa kalahati ay mga taong nasa edad na 35 hanggang 69, na mapaiikli ang kanilang buhay sa aberids na 23 taon dahil sa paninigarilyo.