Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Nagbabalik ang “May Lunas” na mga Sakit?

Bakit Nagbabalik ang “May Lunas” na mga Sakit?

Bakit Nagbabalik ang “May Lunas” na mga Sakit?

ANG bahay ay kalilinis-linis lamang na mabuti. Subalit, pagkalipas ng ilang araw, ilang linggo, at ilang buwan, ang alikabok at dumi ay unti-unting lumilitaw muli. Kung gayon, ang isang puspusang paglilinis ay hindi sapat. Mahalaga ang patuluyang pangangalaga.

Sa isang panahon waring lubusan nang nasugpo ng modernong panggagamot ang malarya, TB (tuberkulosis), at sipilis. Subalit ang kinakailangang pangangalaga sa pamamagitan ng pagsasaliksik at panggagamot ay madalas na nakakaligtaan. Ngayon ay lumitaw na naman ang “alikabok at dumi.” “Sa buong daigdig, ang kalagayan ng malarya ay maselan at lumulubha,” sabi ni Dr. Hiroshi Nakajima ng WHO (World Health Organization). “Dapat maunawaan ng mga tao na ang TB ay nariritong-muli​—at bumalik upang maghiganti,” ang babala ng espesyalista sa tuberkulosis na si Dr. Lee Reichman. At ganito ang patalastas ng The New York Times sa pagsisimula ng siglong ito: “Bagong mga kaso ng sipilis ang nasa pinakamataas na antas mula noong 1949.”

Malarya​—Pinagbabantaan ang Halos Kalahati ng Daigdig

Ngayon, halos 40 taon na mula nang ideklara na iyo’y halos nasugpo na, ang malarya ay nasumpungang isang mahigpit na banta sa Afghanistan, Brazil, Cambodia, India, Indonesia, Sri Lanka, Thailand, Tsina, Vietnam, at sa maraming lugar sa Aprika. “Dalawang bata ang namamatay sa malarya bawat minuto,” ulat ng pahayagang Le Figaro sa Pransya. Ang bilang ng namamatay taun-taon ay dalawang milyon​—higit na napakarami kaysa namamatay sa AIDS.

Halos 270 milyong katao ang may parasito ng malarya, ngunit 2.2 bilyon ang itinuturing na nanganganib. “Ano’t ang malarya, na dati’y nawala na o halos napigil na nang 90 porsiyento ng populasyon ng daigdig, ay nagbabanta ngayon sa mahigit na 40 porsiyento natin?” tanong ni Phyllida Brown sa New Scientist. Maraming dahilan.

Pagkalbo sa kagubatan at kolonisasyon. Ang paninirahan sa laging-inuulang mga kagubatan na pinamamahayan ng mga lamok ay naging dahilan ng biglang paglitaw ng malarya sa Brazil. “Ang ating ginawa ay ang pagsalakay sa pinamamahayan ng lamok,” sabi ng immunologist na si Claudio Ribeiro. Ang mga dayuhan, sabi niya, “ay walang karanasan sa malarya at walang panlaban sa sakit na iyon.”

Pandarayuhan. Ang mga nagsilikas na naghahanap ng trabaho mula sa Myanmar ay nagsama-sama sa mga minahan ng hiyas sa Borai, isang maliit na bayan sa Thailand. “Ang kanilang patuloy na paglipat ay naging dahilan upang maging imposible na mapigil ang malarya,” ulat ng Newsweek. Mga 10,000 kaso ng malarya ang iniuulat buwan-buwan​—sa mga minero lamang!

Turismo. Maraming pumapasyal sa mga lugar na pinamamahayan ng mga lamok ang umuuwing nahawahan. Kaya nga, noong 1991 mga 1,000 kaso ang nakita sa Estados Unidos at 10,000 sa Europa. Taun-taon daan-daang turista at manggagawa sa ibang bansa ang umuuwi sa Canada na nahawa. Sa isang kalunus-lunos na pangyayari, dalawang bata ang nilagnat karaka-raka pagkauwi mula sa Aprika. Hindi inakala ng doktor na iyon ay malarya. “Nang dalhin sila ng mga magulang sa ospital, huli na ang lahat,” ayon sa ulat ng Globe and Mail ng Toronto. “Sila’y kapuwa namatay sa pagitan lamang ng mga oras.”

Uri ng malarya na di-tinatablan ng gamot. Iniuulat ng WHO na ang uri ng malarya na di-tinatablan ng gamot ay kumalat na sa buong tropikong Aprika. Sa Timog-silangang Asia, ayon sa Newsweek, “ang resistensiya sa gamot ay sumusulong nang mabilis anupat di-magtatagal ang ilang kaurian ay hindi na magagamot.”

Kakulangan sa pangangailangan. Sa ilang lugar ang mga klinika ay kulang sa kagamitan upang isagawa ang isang simpleng pagsusuri na nakilala bilang blood smear. Sa ibang lugar naman ang isang malaking bahagi ng badyet para sa kalusugan ay kinailangan para sa ibang mga kagipitan, anupat nagkukulang tuloy sa mga pamatay ng insekto at mga gamot. Kung minsan ang nagiging dahilan ay ang magiging pakinabang. “Walang tutubuin sa mga sakit sa tropiko,” pag-amin ng New Scientist, “dahil, karaniwan na, yaong mga apektado ay hindi makabibili ng gamot.”

Tuberkulosis​—Isang Matandang Mámamátay Na May Bagong Pakana

Ang streptomycin, ang gamot na ipinangakong pipigil sa tuberculosis, ay ipinakilala noong 1947. Noong panahong iyon, inakala na lubusan nang mawawala ang tuberkulosis. Ngunit biglang-biglang sumamâ ang kalagayan sa ilang lupain: ang pagdami ng TB ay sumulong nang malaki noong nakaraang mga taon. “Sa mga lugar na mahirap sa Amerika,” ang ulat ng The Washington Post, “ang bilang ng TB ay mas marami pa kaysa sa pinakamahihirap na bansa sa pababa ng Sahara sa Aprika.” Sa Côte d’Ivoire ay may binanggit ang isang magasin na “isang brutál na pamiminsalang-muli ng tuberkulosis.”

Malungkot na sinabi ni Dr. Michael Iseman: “Alam natin kung papaano gagamutin ito. Hawak na natin ito. Ngunit pinabayaan pa natin.” Ano ang pumigil sa paglaban sa tuberkulosis?

AIDS. Yamang inaalisan nito ang isang tao ng panlaban sa impeksiyon, ang AIDS ay itinuturing na isang malaking dahilan ng pagsilakbong-muli ng TB. “Kung hindi sila mamamatay dahil sa ibang sakit muna,” sabi ni Dr. Iseman, “talagang 100 porsiyento ng mga may AIDS na may mikrobyo ng TB ang magkakaroon ng sakit na ito.”

Kapaligiran. Ang mga bilangguan, nursing home, kanlungan ng mga walang tahanan, ospital, at iba pang institusyon ay maaaring panggalingan ng tuberkulosis. Inilahad ni Dr. Marvin Pomerantz na ang paggamit ng isang ospital ng iniwiwisik na gamot ay nagpalalâ sa pag-ubo ng pasyenteng may pulmunya at sa gayo’y kumalat nang husto ang epidemya ng TB sa mga empleyado.

Kakulangan ng mga gamit. Karaka-raka nang waring kontrolado na ang tuberkulosis, umunti ang pondo, at ang atensiyon ng publiko ay napunta kung saan. “Sa halip na alisin ang TB,” sabi ni Dr. Lee Reichman, “inalis natin ang mga programa para sa tuberkulosis.” Sabi ng biyokimiko na si Patrick Brennan: “Sa kaagahan ng dekada 1960 masinsinan kong pinag-aralan ang hinggil sa resistensiya ng TB sa gamot ngunit ipinasiya kong ihinto na sapagkat ang akala ko’y nagamot na ang TB.” Kaya, ang pagbabalik ng tuberkulosis ay nakabigla sa mga doktor. “Sa loob ng isang linggo [noong taglagas ng 1989],” sabi ng isang doktor, “nasaksihan ko ang apat na bagong kaso ng karamdamang iyon na ayon sa aking guro sa medisina ay hindi ko na makikitang muli.”

Sipilis​—Ang Nakamamatay na Pagbabalik

Sa kabila ng pagiging epektibo ng penicillin, kalat na kalat pa rin ang sipilis sa Aprika. Sa Estados Unidos, napakabagsik ng pagbabalik niyaon pagkaraan ng 40 taon. Sang-ayon sa New York Times, ang sipilis sa ngayon ay “lumilinlang sa isang henerasyon ng mga doktor na bihira lamang, kung makakita man ng isang kaso.” Bakit nagbalik?

Crack. Ang pagkasugapa sa crack ang nagpangyari sa tinatawag ng isang doktor na “patuluyang pagmamalabis sa cocaine at sekso.” Kung papaanong ang mga lalaki ay nagnanakaw upang masustentuhan ang kanilang pagkasugapa, ang mga babae naman ay malamang na ipinagpapalit ang kanilang puri sa droga. “Sa mga lugar na pinagkukunan ng crack,” sabi ni Dr. Willard Cates, Jr., ng U.S. Centers for Disease Control, “may mga pagtatalik at iba’t ibang kapareha. Anumang impeksiyon ang lumalaganap sa mga lugar na iyon ay siyang makukuha ng lahat.”

Kakulangan sa pag-iingat. “Sa kabila ng kampanya para sa ‘ligtas na pagtatalik,’ ” ayon sa ulat ng Discover, “ang mga tin-edyer ay tigíl kung tungkol sa paggamit ng condom upang ingatan ang kanilang mga sarili laban sa sakit.” Isang pagsusuri sa Estados Unidos ang nagsiwalat na 12.6 porsiyento lamang niyaong may mapanganib na mga katalik ang patuluyang gumagamit ng condom.

Limitadong panggagamot. Sabi ng The New York Times: “Walang magawa ang mga klinikang pambayan kung saan sinusuri ang sipilis at iba pang nakahahawang sakit na inililipat ng pagtatalik dahil sa kakulangan ng pondo.” Isa pa, ang pamamaraan ng pagsusuri ay hindi palaging tama. Sa isang ospital may ilang ina ang nagsilang ng mga batang nahawahan, gayunman, walang nakitang katibayan na may sipilis ang mga inang ito nang suriin ang kanilang dugo noong nakaraan.

Nakikita Na ba ang Wakas?

Ang pakikipaglaban ng tao sa sakit ay napakatagal na at nakalulungkot. Madalas na ang pagtatagumpay sa paglaban sa ilang karamdaman ay napapalitan naman ng pagkabigo sa paglaban sa iba. Ang tao ba ay itinakda sa isang habambuhay na labanan na doo’y hindi siya magtatagumpay kailanman? Magkakaroon ba ng isang daigdig na walang sakit?

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Ang mga Pinsalang Dulot ng Sipilis

ANG sipilis ay bunga ng Treponema pallidum, hugis tribuson na spirochete, at karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng mga sangkap sa panganganak. Ang spirochete ay pumapasok sa daanan ng dugo at kumakalat sa buong katawan.

Ilang linggo pagkatapos na mahawa, lumilitaw ang isang sugat na tinatawag na chancre. Ito’y karaniwang tumutubo sa mga sangkap sa panganganak ngunit maaari ring lumitaw sa mga labi, tonsil, o daliri. Ang chancre ay gumagaling naman nang walang pilat. Subalit ang mikrobyo ay patuloy na kumakalat sa katawan hanggang sa lumitaw ang kasunod na mga sintoma: butlig sa katawan, pananakit ng lalamunan, pananakit ng kasukasuan, pagkalagas ng buhok, mga sugat, at pamumula ng mga mata.

Kung hindi gagamutin, ang sipilis ay mananahimik na maaaring tumagal habambuhay. Kapag nagdalantao ang isang babae sa panahong ito, ang kaniyang anak ay maaaring ipanganak na bulag, depormado, o patay.

Pagkaraan ng mga siglo, ang ilang sipilis ay maaaring kumalat hanggang sa lumubha, anupat ang spirochete ay maaaring pumunta sa puso, utak, gulugod, o iba pang bahagi ng katawan. Kapag humantong ang spirochete sa utak, maaaring magbunga ng kombulsiyon, paralisis ng buong katawan, at pagkabaliw pa nga. Sa wakas, ang sakit ay maaaring makamatay.

[Credit Line]

Biophoto Associates/Science Source/Photo Researchers

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

“Kagayang-kagaya”

IYAN ang tawag ni Dr. Lee Reichman sa tuberkulosis. “Maaaring mapagkamalang sipon, brongkitis, trangkaso,” ang sabi niya. “Kaya kung wala sa isip ng doktor ang TB, baka magkamali siya sa pagtingin.” Kinakailangan ang X ray sa bagà upang matiyak ang karamdaman.

Ang tuberkulosis ay naililipat sa mga tao sa pamamagitan ng hangin. Ang ubo ay nagbubuga ng mga butil na napakaliliit anupat nakapapasok sa mga bagà. Gayunman, ang panlaban ng katawan ay karaniwan nang malakas upang hindi kumalat ang impeksiyon. Ipinaliliwanag ni Dr. Reichman: “Yaon lamang may sapat na bacillus sa kanilang dibdib​—100 milyong organismo laban sa wala pang 10,000 para sa mga hindi nakahahawa​—[ang maaaring] magkalát ng sakit.”

[Credit Line]

SPL/Photo Researchers

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Pag-init ng Mundo at Malarya

HINDI magsisimula ang malarya kung wala ang lamok na Anopheles gambiae. “Baguhin mo ang populasyon ng tagapagdala [na insekto] at mababago ang insidente ng karamdaman,” ang napansin ng The Economist.

Ipinakikita ng mga pagsusuri sa laboratoryo na ang bahagyang pagtaas ng temperatura ay may malaking nagagawa sa populasyon ng insekto. Kaya, ang ilang eksperto ay nagpasiya na ang pag-init ng mundo ay may malubhang bahagi sa insidente ng malarya. “Kapag ang kabuuang temperatura ng Lupa ay tumaas kahit na isa o dalawang degrees Celsius [dalawa hanggang apat na degrees Fahrenheit],” sabi ni Dr. Wallace Peters, “mapasusulong nito ang pagdami ng mga pinagmumulan ng lamok kung kaya ang malarya ay mas kakalat nang malawakan kaysa sa kasalukuyan.”

[Credit Line]

Dr. Tony Brain/SPL/Photo Researchers

[Larawan sa pahina 6]

Ang mga kanlungan ng walang tahanan ay maaaring panggalingan ng tuberkulosis

[Credit Line]

Melchior DiGiacomo