Buhay-Siyudad sa mga Libis ng Caracas
Buhay-Siyudad sa mga Libis ng Caracas
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Venezuela
CARACAS, Venezuela. Matataas, modernong mga gusali para sa mga opisina ang nakatunghay sa maingay na trapiko, mabiling mga tindahan, at mataong mga restawran. Namamasyal sa plasa ang mga turistang naka-shorts at nakasumbrero, na may nakasabit na mga kamera. Ang mga daan ay punô ng mga tao.
Ngunit may isa pang panig ang Caracas. Sa kabila ng chrome, bakal, at salamin ay naroroon ang los cerros (ang mga burol), kakaibang komunidad na itinayo sa mga libis. Ang mga ito’y nasa matatarik na dalisdis na nakapalibot sa siyudad sa silangan, kanluran, at timog. Halos dalawang milyong katao ang naninirahan doon, sa daan-daang purok na tinatawag na mga baryo.
Papaano lumitaw ang mga pamayanang ito? Noong 1958 nagtatag ang pamahalaan ng isang plano na magbigay ng salapi sa mga naninirahan sa siyudad na walang hanapbuhay. Kaya dumagsa ang mga tao sa kapital upang samantalahin ang probisyon. Marami ang umalis sa mga lalawigan upang tamasahin ang mga pakinabang sa siyudad—mga ospital, paaralan, unibersidad.
Ang karahasan sa pulitika at mabigat na kalagayan sa ekonomiya sa kalapit na mga bansa ay naging dahilan din ng pandarayuhan anupat ang mga tao ay dumarayo sa Caracas upang maghanap ng trabaho. Di-nagtagal ang mga patag na lugar sa libis ng Caracas ay punung-puno na, kung kaya ang mga tao ay napipilitang umakyat nang umakyat upang makakita ng lugar na matitirahan. Sa ganiyan lumitaw ang mga komunidad sa libis.
Ang Paglalakbay Paitaas
Nagsimula ang aming paglalakbay sa pagsama sa isang mahabang pila ng mga tao. Sila’y naghihintay hindi ng bus kundi ng isang jeep, na mas magaling na makaaakyat sa matarik na patutunguhan. Isang mahabang jeep ang papalapit, at ang isang dosenang katao ay nag-uunahang sumakay. Tiglilima ang naupo sa magkabilang upuang pahabâ sa likod; dalawa ang naupong magkatabi sa pantanging upuan sa unahan. Di-nagtagal at kami’y nakayukong pumapasok mula sa likod. Sumingit kami ng pag-upo, nakadikit ang aming mga tuhod sa aming mga babà, at iniingatang huwag matapakan ang mga gulay sa supot ng isang ale.
Sinimulan namin ang matarik na pag-akyat. Ang mga daan ay makikitid at madalas na paliku-liko. Kung minsan ay waring nakatayo na ang mga iyon. Pinatugtog ng driver ang kaniyang paboritong cassette, at di-nagtagal ang mga paa ay umaalinsabay
sa tiyempo ng tugtuging Latin. Walang anu-ano’y biglang sumigaw sa driver ang isa: “¡Donde pueda!” (Kung saan puwede!) Waring kakaibang paraan ng pagpapahinto. Ngunit pinakamabuti na ang umasa sa kaniyang pasiya. Kung ang jeep ay titigil sa isa sa pinakamatataas na lugar, baka hindi na iyon umandar muli—nang pasulong, sa papaano man! Ang ilang di-nakaayos na pasahero ay nahulog sa likod, pagkatapos na matapakan ang mga paa ng ilang kasakay.Mayamayâ ay nasumpungan namin ang aming sarili na nasa likod ng isang mabagal na sasakyan na patuloy na tumutulo. Iyon ay trak ng tubig, na nagdadala ng mahalagang karga nito sa mga tahanan na doo’y talagang di-kilala ang luho ng pagkakaroon ng gripo. Karaniwan nang iniimbak ito ng mga tao sa mga tangke o kaya’y lumang dram ng langis.
Bigla na namang huminto ang jeep, at napag-alaman namin na bababa na kami. Ang matigas na lupa ay waring kakaiba sa aming mga paa, at kami’y huminto sandali upang tiyakin ang aming kinaroroonan.
Ang mga Tahanan sa Libis
Ang mga tahanan ay itinayo kung saan-saan at kung papaa-paano. Sa wari’y basta na lamang nagdaragdag ng mga ekstrang kuwarto o mga ekstrang palapag pa nga habang lumalaki ang pami-pamilya. Ang ilan ay kongkretong tirahang maliliit na yari sa laryong terra-cotta. Ngunit ang iba naman ay yari sa makapal na tabla, pinitpit na mga lata, o maging malalaking kahong pang-impake na may nakatatak pang “This side up.”
Medyo tumahimik, ngayong papalayo na ang humuhugong na sasakyan. Makapigil-hininga ang tanawin. Doon, sa kaibabaan, ay ang sentro ng Caracas. Walang-anu-ano ay biglang pinukaw ang katahimikan ng isang garalgal na tinig mula sa isang loudspeaker: “Opo, mayroon tayong mga sibuyas. Opo, mayroon tayong mga patatas, yucca, at plantain.” Nang kami’y lumingon, nakita namin na ang trak na tahimik na nakaparada sa malapit ay biglang naging abala. Isang batang lalaki ang nagtitinda sa likod ng trak.
Ipinalalagay na may 500 baryo sa Caracas. Ang ilan ay isinunod sa pangalan ng mga “santo,” ang iba ay sa makasaysayang mga petsa o mga pulitiko. Ang iba pang pangalan ay nagpapaaninag ng mga lunggatiin ng mga naninirahan sa halip na ang katotohanan. Halimbawa: El Progreso (Pag-unlad), Nuevo Mundo (Bagong Sanlibutan), at El Encanto (Kaluguran).
Buhay sa Baryo
Dito ang iisang espiritu ng komunidad ay umuunlad. Madalas, gumagawa ng nagkakaisang pagsisikap upang linisin ang baryo mula sa pang-aabuso sa droga o krimen. Karamihan sa mga baryo ay may mga bodega—pangkalahatang mga tindahan na nagbibili ng iba’t ibang bagay—gayundin isang paaralan at isang parmasya, kung saan ang parmasiyutiko ay laging handang tumulong na masuri at magamot ang simpleng mga karamdaman.
Gayunman, ang buhay rito ay mahirap. Ang mga problema ay inilarawan ng kriminolohistang si Dr. Elio Gómez Grillo: “Sa kasalukuyan ay dalawang milyong katao na halos hindi makaabot sa pangunahing mga pangangailangan sa buhay ang naninirahan sa palugit na mga lugar na ito. Ang antas ng pagiging delingkwente ay napakataas . . . Ang pagpapakamatay, karahasan, panghoholdap sa bangko, at pagnanakaw sa pamamagitan ng sandata na nagiging sanhi ng pagpatay ay nakababalisa.” Ang kakulangan sa tubig at pagputol sa kuryente ay palasak.
Kung panahon ng tag-ulan, ang los cerros ay lubusang nagbabago. Ang lupa ay nagiging putik, ang mga hagdan ay nagiging waring mga talon, at ang mga basura ay natatangay ng bumabahang
mga kanal sa tabing daan. Ang ingay ng ulan sa mga bubungang yero ay nakabibingi; walang imikan sa loob habang ang mga nakatira ay abala sa paghahanap ng mga palanggana at balde upang itapat sa mga tumutulong lugar. Ngunit ang araw ay muling sisikat, anupat tinutuyo ang nabasang mga bubungan at daan. Gaya ng dati, ang di-sumusukong espiritu ng taga-Venezuela ay muling namamayani. Tuloy ang buhay.Pasulong at Paitaas na Paglalakad
Hindi pa tapos ang aming paglalakbay. Kailangan pa naming marating ang tahanan ng aming mga kaibigan. Sa pagitan ng dalawang bahay isang matarik, di-pantay na kongkretong hagdan ang papaitaas sa libis. Halu-halo ang mga karatula sa nagliliitang mga bahay na waring nag-aagawan sa espasyo: Pego Cierres (Naglalagay ng Zipper); Cortes de Pelo (Naggugupit); Se Venden Helados (Nagbibili ng sorbetes). Umiisip ang mga naninirahan dito ng kung anu-ano upang kumita. Ang ilan ay nagpipinta ng mga sasakyan, nagpapalit ng langis, at nagkukumpuni—lahat ay ginagawa sa kalye mismo.
Habang habol namin ang hininga pagsapit sa tuktok ng hagdan, kami ngayon ay lumiliko na sa isang nakalilitong makitid na daanan sa pagitan ng mga bahay. Kami’y lumabas mula sa pasikut-sikot na daang ito na silaw na silaw sa matinding sikat ng araw. Ang di-aspaltadong daang ito ay patungo sa bahay ng aming kaibigan. Walang numero ang mga bahay rito—at wala ring koreo. Ang amoy ng kalalagang kape ay natatangay ng hangin. Walang-alinlangan na isasalubong sa amin ng mga may-bahay ang kape na nasa maliliit na tasa, na may kasamang arepa (isang walang-lasang tinapay mula sa mais na pinasarap ng iba’t ibang palaman).
Malugod na Tinanggap
Gaya ng inaasahan, kami’y malugod na tinanggap ng pamilya taglay ang kinagawiang pagkamapagpatuloy sa kanilang simple ngunit malinis na ranchito, tulad ng tawag sa maliliit na bahay na ito. “Están en su casa” (Ituring ninyong nasa sariling bahay kayo) ang isa sa unang sinasabi nila.
Yamang ang araw ay nakalulusot sa yerong bubong, salamat na lamang at may hanging nagmumula sa walang-salaming mga bintana. Pero, ang mga bintana ay may mga rehas naman, dahil sa nauusong nakawan. Nang mapansing naiinitan kami, inilabas ng may-bahay ang bentilador, na, gaya ng refrigerator at telebisyon, ay karaniwang gamit dito. Sementado ang sahig. Marami sa mga kapitbahay ay lupa lamang ang sahig.
Ang asawang lalaki, ama ng limang anak, ay lumipat sa Caracas mula sa probinsiya noong tin-edyer pa upang humanap ng mas mabuting pagkakakitaan sa malaking siyudad. Siya’y nakitira sa kaniyang nakatatanda, may-asawang kapatid na lalaki na, gaya ng maraming nauna sa kaniya, ay basta umangkin ng isang pirasong bakanteng lupa sa itaas ng libis. Nang sa bandang huli’y makilala ng aming kaibigan ang kaniyang mapapangasawa, buong kagandahang-loob na sinabi ng kaniyang kapatid na maaari silang magtayo ng isang pansamantalang bahay sa natitira pang maliit na lupa sa tabi ng kaniyang bahay. Sa tulong ng mga kapitbahay at mga kamag-anak, unti-unting naitayo ng mag-asawang ito ang kanilang bahay na yari sa laryo, doon mismo sa lugar na iyon.
Alam ng pamilya na hindi maganda sa lugar na iyon, ngunit itinalaga na nila ang kanilang sarili roon. Ginagawa nila ang pinakamabuti sa anumang taglay nila. ‘Baka sa ibang araw ay makalipat kami sa bandang ibaba ng libis,’ sabi nila, “si Dios quiere” (kung itutulot ng Diyos).
Lumipas ang isang napakasayang hapon kasama ang mahirap ngunit mabait na pamilya. Paminsan-minsan, inaabala ang aming kuwentuhan ng maliliit na batang dumarating upang bumili ng kendi sa bintana sa harapan. Ito ang paraan ng asawang babae upang makadagdag sa kinikita ng kaniyang asawa.
Ang Pagpanaog
Ibig naming makaalis na bago dumilim. Ngayon ay Biyernes, at ang baryo ay nagsasaya yamang ang mga lalaki ay umuuwing dala ang kanilang mga suweldo. Mabili ang beer sa mga tindahan, at ang tugtuging salsa at merengue ay tumutulong sa isang tahimik na pagpapahingalay kung dulong sanlinggo.
Pagsapit namin sa ibaba, nilakad namin ang pinakamalapit na istasyon ng tren. Doon ang isang mahusay na tren sa subway ay magdadala sa amin sa sentro ng siyudad. Medyo nabawasan ang aming pagod nang makabalik na kami sa aming sariling lugar. Subalit nang nilingon namin ang los cerros sa itaas, ngayo’y isa nang tumpok ng mga ilaw na kumikislap sa kadiliman, kami’y nagagalak at nakilala naming lalo ang kabilang panig na ito ng Caracas.