Isang Daigdig na Walang Sakit
Isang Daigdig na Walang Sakit
“Mas matalino ang malarya kaysa sa ipinagpapalagay ng iba,” sabi ng immunologist na si Dr. Dan Gordon. “Naghahanap pa kami ng sagot dito.”
“HINDI pa sapat ang aming kaalaman hinggil sa metabolismo ng [tuberculosis bacterium],” sabi ni Barry Bloom ng Howard Hughes Medical Institute. “Hindi namin lubusang alam kung papaano nakatutulong ang anumang gamot. Basta hindi namin alam talaga.”
“Ang kaalaman ay hindi laging nagpapabago sa kinaugalian,” ang nalulungkot na sabi ng isang tagapagsalita para sa Centers for Disease Control, yamang napuna ang kabiguan ng kampanya ng “ligtas na pagtatalik” upang mabawasan ang sipilis. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangungusap sa itaas, ang mga pakikipaglaban sa malarya, tuberkulosis, at sipilis ay pawang nabigo. Darating kaya ang panahon na magkakaroon ng mas mabuting lunas para sa mga sakit na ito?
Marahil. Ngunit magapi man ng tao ang ilang karamdaman at magawang di-gaanong mapanganib ang iba, may isang mahalagang dahilan kung bakit hindi siya lubusang magwawagi sa digmaan laban sa sakit.
Ang Ugat ng Sakit
Ang tunggalian laban sa sakit ay higit pa sa basta paglaban lamang sa mga parasito at mikrobyo. Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang sakit ay bunga ng kasalanan na minana sa ating unang ama. (Roma 5:12) Hindi lamang sinira ng kasalanan ang relasyon ng tao sa kaniyang Maylikha kundi umakay rin ito sa kaniyang panghihina sa mental, emosyonal, at pisikal. Kaya, sa halip na magpatuloy sa kasakdalan sa isang paraisong lupa, ang mga tao’y naging di-sakdal at humina hanggang madaig sila ng kamatayan.—Genesis 3:17-19.
Kahit na may pinakamahusay na gamot, hindi mababago ng tao ang kaniyang makasalanang kalagayan o ang mga bunga nito. Ang suliraning ito ang naging dahilan kung kaya ang lahi ng tao ay “pinaranas ng kabiguan [“totoong natatakdaan,” Phillips].” (Roma 8:20) At ito’y totoo kung tungkol sa pagsupil sa sakit. Ang nagliligtas-buhay na pagsulong sa larangan ng medisina ay madalas na nahahadlangan ng nagbabanta-sa-buhay na pagkawasak ng lipunan.
“Tayo’y napapalagay sa alanganin,” sulat ni Jerold M. Lowenstein sa magasing Discover. “Habang natatamo natin ang tagumpay sa paglaban sa sakit at pagpapahaba ng buhay ng tao, lalo namang nakikita ang posibilidad ng pagpapadali sa ating pagkalipol” dahil sa labis na pagdami ng tao at sa kawalan ng dangal ng kapaligiran.
Ang Tunay na Gamot
Ang tunay na gamot sa sakit ay nakasalalay hindi sa tao kundi sa Maylikha. Iyan ang dahilan kung bakit inihayag ng salmista: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.” Nagpatuloy pa ang Bibliya sa pagsasabi: “Maligaya ang isa . . . na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos, ang Maylikha ng langit at lupa.” (Awit 146:3, 5, 6) Tanging Diyos lamang ang makapag-aalis ng sakit mula sa ugat nito. At ayon sa Bibliya, nilalayon niyang gawin ito. Malapit na ang panahong iyon.
Inihula ni Jesu-Kristo na “ang mga salot” ay magiging isa sa maraming patotoo na tayo’y nabubuhay sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay at nalalapit na ang bagong sanlibutan. Inihula rin niya ang paglago ng mga kalagayang magpapalubha sa sakit, gaya ng digmaan, gutom, at katampalasanan.—Lucas 21:11; Mateo 24:3, 7, 12; 2 Timoteo 3:1-5, 13.
Nang naririto siya sa lupa, si Jesus ay makahimalang nagpagaling ng mga taong may sakit, sa gayo’y sinisimulan ang katuparan ng hula: “Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman; at ang ating mga hirap ay kaniyang pinasan.” (Isaias 53:4; Mateo 8:17) Sa gayon ay kaniyang ipinakita sa isang maliit na antas ang nilayon ng Diyos na gawin di-magtatagal sa isang pandaigdig na lawak. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may dalang mga pilay, pingkaw, bulag, pipi, at iba pa, at sila’y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan, at kaniyang pinagaling sila; anupa’t nanggilalas ang karamihan nang kanilang makitang nagsasalita ang mga pipi at nagsisilakad ang mga pilay at nakakakita ang mga bulag.”—Mateo 15:30, 31.
Ang mga taong nakasaksi ng mga himalang iyon ay pumuri sa Diyos sapagkat nauunawaan nila na siya ang nagbigay kay Jesus ng kapangyarihang gawin ang mga himalang iyon. Ang kapangyarihang ibinigay kay Jesus ay iyon ding kapangyarihang ginamit sa paglalang ng kahanga-hangang uniberso. Iyon ay ang espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa.—Genesis 1:1, 2; Apocalipsis 4:11.
Ang propetang si Isaias ay sumulat ng isang panahon na “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24) At ang Apocalipsis 21:4, 5 ay nagpapahayag: “‘Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.’ At ang Isang nakaupo sa luklukan ay nagsabi: ‘Narito! ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.’”
Ipinakikita ng Bibliya na tayo’y nabubuhay sa isang panahon ng pagbabago. (1 Juan 2:15-17) Di-magtatagal ang sanlibutang ito, kalakip ang sakit, lungkot, krimen, karahasan, at kamatayan, ay lilipas na. Aalisin ito ng Diyos at ang lahat ng kalamidad nito, anupat inihahanda ang daan para sa isang bagong sanlibutan dito sa lupa, na doon ang “katuwiran ay tatahan.” (2 Pedro 3:11-13) Tinukoy ni Jesus ang nalalapit na bagong sanlibutang iyon bilang “Paraiso,” yamang iyon ay magiging tulad ng orihinal na Paraisong halamanan sa Eden, kaya lamang ay sa isang pandaigdig na lawak.—Lucas 23:43; Genesis 2:7, 8.
Kaya ang mga Kristiyano ay may pag-asa, hindi sa isang pansamantalang paggaling lamang, kundi sa isang nananatiling paglaya mula sa di-kasakdalan, sakit, at kamatayan. Sila’y nananabik sa lubusang katuparan ng pangako ng Diyos: “Ako si Jehova na nagpapagaling sa iyo.” “Aking aalisin ang sakit sa gitna ninyo.”—Exodo 15:26; 23:25.
[Mga larawan sa pahina 9]
Si Jesus ay binigyan ng kapangyarihan ng Diyos na magpabangon ng patay at magpagaling ng may sakit