Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kahanga-hangang mga Higante sa Kahilagaan ng Canada

Kahanga-hangang mga Higante sa Kahilagaan ng Canada

Kahanga-hangang mga Higante sa Kahilagaan ng Canada

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada

“HARI ng Kahilagaan” at “Mga Panginoon ng Arctic” ang kapansin-pansing mga titulo na itinawag sa mga 30,000 osong polo na gumagala sa buong North Polar Basin.

May iba’t ibang populasyon ng mga osong polo. Pinili ng isang grupo ang timog-kanlurang baybayin ng Hudson Bay sa Canada, mula sa Akimski Island sa James Bay hanggang sa Chesterfield Inlet, sa hilaga, bilang kanilang nasasakupan. Kaya nga, ang Churchill, Manitoba, na matatagpuan sa pagitan ng dalawang ito, ay binansagang ang “kabisera ng mga osong polo sa daigdig.”

Ang lalaking osong polo ay mausisa at walang-pagod na gumagala sa kaniyang nasasakupang lugar. Ito ang nagbigay sa kaniya ng matulaing pangalang Inuit na Pihoqahiak, na nangangahulugang “ang isa na patuloy na gumagala.”

Natawag ang pansin sa osong polo ng sinaunang mga manggagalugad sa hilaga. Si John Muir, isang naturalist sa Amerika, ay naglarawan dito bilang ‘isang mukhang maharlikang hayop at may pambihirang lakas, na nabubuhay nang may kagitingan at init sa gitna ng di-natutunaw na yelo.’

Bagaman tumitimbang nang 450 hanggang 640 kilo, sila’y parang pusa sa kanilang kaliksihan. Isang biyolohista ang nagsabi: “Sila’y parang malalaking pusa. Talagang di-kapani-paniwala ang kanilang tulin​—ah, di-kapani-paniwala ang kanilang liksi.”

Pagpaparami at Paghukay ng Lungga

Ang lalaking oso ay hindi mahilig sa ‘pagpapamilya.’ Pagkaraang magtabi, pababayaan niya ang babae sa pagpapalaki ng mga anak. Ang pertilisadong itlog sa sinapupunan ng ina ay nahahati nang ilang ulit, pagkatapos ay mananahimik doon sa susunod na apat o limang buwan.

Pagkatapos na kumapit at magsimulang lumaki, ang babae ay huhukay ng isang lungga sa pinakamakapal na yelo na kaniyang matatagpuan o sa lupa sa pangpang ng isang lawa. Mananatili siya roon nang walang pagkain, hindi umiihi ni dumudumi hanggang katapusan ng Marso.

Napakahusay ng pagkagawa ng lungga. Mula sa pasukan ang tunnel ay may taas na dalawang metro na may kalakihan upang matirahan. Dito ang init ng kaniyang katawan ay nakukulong, kung kaya ang lungga ay karaniwan nang 20 degrees Celsius na mas mainit kaysa sa temperatura sa labas. Lumalabas ang masamang singaw sa isang maliit na butas sa bubong. Kung kailangan, nakapaglalagay ng bagong sahig sa pamamagitan ng pagyapak sa mga yelong kinayod mula sa bubong.

Maaaring asahan mo na may kalakihan ang iaanak ng ganitong kalaking oso. Ngunit ang isang bagong panganak na oso ay tumitimbang lamang nang halos kalahating kilo! Sila’y karaniwang iniaanak kung Disyembre o maaga ng Enero.

Ipinanganganak na bulag at bingi, ang mga batang oso ay nababalutan ng malambot na balahibo maliban sa ilalim ng kanilang mga paa at ang kanilang ilong. Sa pamamagitan ng korteng-karit na mga kuko, sila’y gumagapang sa balahibo ng ina upang makasuso sa kaniyang malapot, makrema, lasang cod-liver-oil, na gatas.

Ang mga ina ay karaniwan nang nag-aanak ng kambal tuwing ikatlong taon sa halos lahat ng rehiyon sa Hilaga. Gayunman, yaong mga nasa lugar ng Hudson Bay ay nagkakaanak kung minsan nang triple, at paminsan-minsan ay apatan, tuwing ikalawang taon. Madaling lumaki ang mga batang oso. Pagkaraan ng mga 26 na araw, naririnig nila ang kanilang unang tunog. Pagkaraan uli ng pitong araw naididilat na ang kanilang mga mata. Ang manipis na balahibo na taglay sa pagsilang ay naging tunay na balahibo, na mas makapal.

Sa pagtatapos ng Marso, lumalabas na ngayon sa lungga ang pamilya sa maliwanag na sikat ng araw sa panahon ng tagsibol sa Arctic. Sa maraming yelo sa palibot, ang mga batang oso ay nagpapagulung-gulong. Kapag nakakita ng matarik na libis, sila’y nagpapadausdos sa kanilang matataba at maliliit na tiyan, nakaunat ang mga paa sa unahan at likod, tuluy-tuloy sa mga bisig ng ina sa ibaba.

Kung minsan ay nahihirapan ang mga batang oso sa pagsubaybay sa mga bakas ng kanilang ina sa makapal na yelo. Ang solusyon? Aba, ang pagpasan! Isang tagakuha ng larawan ang minsang nakakita ng mga inahing oso, na nabulabog ng isang helicopter, na tumatakas habang pasan ang kani-kanilang anak “na gaya ng nahintakutang maliliit na hinete.”

Buong-ingat, sinasanay sila ng ina sa loob ng mga dalawa at kalahating taon. Pagkatapos ay iniiwan na sila. Nagkakaniya-kaniya na ngayon ang lumalaking mga oso.

Iba Pang Mga Katangian

Ayon sa isang artikulo sa magasing Life, “ang mga osong polo ang pinakamalakas na manlalangoy sa daigdig na may apat na paa.” Nakalalangoy sila sa mga yelong nakalutang patawid sa maluluwang na dagat. Yamang hindi kumakapit ang tubig at ang mga butil ng yelo sa kaniyang malangis na balahibo, makikita ang tilamsik sa palibot sa isang pagwagwag lamang. Ang paggulong sa tuyong yelo ay nagpapatuyo sa natitirang halumigmig, at sa ilang sandali lamang ang balahibo ay tuyo na.

Kamakailan lamang natuklasan ng mga siyentipiko ang kagila-gilalas na mga sekreto ng balahibo ng oso. Ang pagtama ng sinag ng araw at ang pagkinang nito ay hindi lamang tumutulong sa pananatiling mainit ang katawan kundi nagpapangyari rin sa balahibo nito na magkulay puting nakasisilaw. a

Subalit papaano nila nalalaman ang kanilang patutunguhan sa pabagu-bagong tanawin sa karagatan ng Arctic na mayroon lamang iilan, kung mayroon man, na permanenteng mga katangian na makatutulong sa kanilang paglalayag? Sang-ayon sa aklat na Arctic Dreams, ang oso ay “tiyak na may mapa sa ulo nito. . . . Hindi makatutulong ang memorya. Kung papaano nililikha at ginagamit ng mga oso ang gayong mga mapa ay isa sa pinakanakapagtatakang tanong tungkol sa kanila.” Sila’y nakagagala sa loob ng mga linggo at hindi nawawala.

Bagaman bihirang salakayin ng osong polo ang mga tao, dapat na igalang ng mga dumadalaw ang di-matatawarang lakas at liksi ng mga ito. Sabi ng aklat ding ito: “Ang mga osong polo ay mas mahiyain at di-agresibo kung ihahalintulad lalo na sa mga osong grizzly.” Gayunman, gugulatin nila kayo, sa dahilang ang mga yabag ng kanilang paa ay hindi halos marinig dahil sa makapal na balahibo nito.

Pagdalaw sa mga Osong Polo

Papaano kaya natin madadalaw ang kawili-wiling kinapal na ito? Nagtayo na ang mga siyentipiko ng 14-na-metrong toreng yari sa bakal sa may baybayin ng Hudson Bay na doo’y namamatyagan ang mga oso.

Ang mga Tundra Buggy ay maaaring gamitin ng mga turista sa bayan ng Churchill. Ang mga ito ay malalaki, nababalot-ng-metal na mga sasakyan na nakapagsasakay ng kung ilang pasahero upang manood ng mga tanawin. Kung minsan nakikita nila nang malapitan kapag sumasandal ang oso sa nakabalot na metal o binabayo ng paa nito upang makakuha ng atensiyon o makahingi ng pagkaing ibinibigay.

Sana’y nasiyahan kayo sa pagdalaw na ito sa mga higanteng oso ng Kahilagaan, na iniulat na isa sa sampung “pinakapopular” na hayop sa daigdig. Tunay, sila’y magagandang kinapal, gawa ng isang matalinong Maylikha, na nagbigay sa kanila ng kakayahang bumagay sa mayelong disyerto ng North Polar Basin ng lupa.

[Talababa]

[Larawan sa pahina 24]

Sinasanay ng ina ang kaniyang maliliit na oso sa loob ng mga dalawa at kalahating taon

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang mga batang lalaking oso ay nasisiyahan sa kunwang pag-aaway, pagkatapos ay nagpapalamig sa yelo

[Credit Line]

Lahat ng larawan: Mike Beedell/Adventure Canada