Nagbalik Upang Muling Pumatay
Nagbalik Upang Muling Pumatay
BALISANG-BALISA si Margaret sa paghahanap ng maigagamot nang magkamalarya ang kaniyang anak na si Tito. Tatlong gamot, kasali na ang ipinagmamalaking “chloroquine,” ang ibinigay. Gayunman, namatay si Tito—sa edad na siyam na buwan lamang.
Sa Kenya, na tirahan ni Margaret, ang gayong trahedya ay madalas na nangyayari. Nag-uulat ang “Newsweek”: “Ang ‘anopheles gambiae,’ reyna ng mga lamok na may dalang malarya, ay dumarami sa bahaging ito ng daigdig. Ang mga bata ay hindi dumarami. Limang porsiyento sa kanila ang namamatay sa malarya bago makaabot sa edad para mag-aral.”
Noong 1991 ang tuberkulosis ay pumatay ng 12 bilanggo at isang guwardiya sa New York State, E.U.A. “Pipigilin natin ito sa mga bilangguan,” sabi ni Dr. George DiFerdinando, Jr., “ngunit ang dapat lutasin ay kung papaano mo pa ito mapipigil ngayong kalat na ito sa komunidad?”
Nag-uulat ang World Health Organization na 1.7 bilyon—halos ikatlong bahagi ng populasyon ng daigdig—ang may “tuberculosis bacterium.” Taun-taon, walong milyon sa mga ito ang lumalalâ, at tatlong milyon ang namamatay.
Sa isang ospital sa New York, isang sanggol na babae ang ipinanganak na kulang ng 11 linggo, ngunit ito’y isang bahagi lamang ng kaniyang suliranin. Ang panunuklap ng balat sa kaniyang mga kamay, ang mga sugat sa kaniyang mga paa, ang lumaking atay at palî (spleen), lahat ay maliwanag na katibayan na siya’y nahawa ng sipilis habang nasa sinapupunan ng kaniyang ina.
“Ang ilang sanggol ay totoong napinsala ng sakit na ito habang nasa sinapupunan ng kani-kanilang ina anupat sila’y patay na nang isilang,” ang ulat ng “The New York Times.” “Ang ilan ay namamatay agad pagkasilang, ang iba naman ay may malulubhang singaw sa balat at nagsusugat sa panahon ng pagsilang.”
Malarya, tuberkulosis, at sipilis—ang tatlong ito ay inakalang napigil na at malapit nang mawala noong ilang dekada ang nakalipas. Bakit napakapalasak na naman ang mga ito ngayon?