Nakasasamâ ba ang Mararahas na Cartoon sa TV?
Nakasasamâ ba ang Mararahas na Cartoon sa TV?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britanya
“BUGS Bunny Sinisi Dahil sa mga Gulo sa Paaralan,” ang ulo ng balita ng The Times ng London. Iniulat ng pahayagan ang saloobin ng mga guro hinggil sa paggawi ng mga kabataan na, di-umano, ay tumutulad sa mararahas na panooring cartoon sa TV.
“Karamihan ng mga cartoon ay mararahas,” ang paggiit ng kinatawang pangulo ng isang paaralang primarya, “at kahit na sa wakas ay magtagumpay pa ang bida, ang kaniyang paraan sa pagtatagumpay ay hindi kahanga-hanga.” Gayundin ba ang iyong palagay tungkol sa kausuhan sa mga cartoon sa TV?
Palibhasa’y napapaharap ngayon sa tumitinding kausuhan ng animation, na ngayo’y makukuha na sa video, maraming magulang ang nababahala. Ang ilan ay nababalisa dahil sa “kaisipang cartoon” ng kanilang mga kabataang anak at sinisisi pa nga ang mga cartoon dahil sa pagpapalago nito sa karahasan, pandaraya, at pagsuway.
Ngunit mayroon ba talagang anumang panganib sa panonood ng cartoon, kahit na kung ang mga ito’y nagpapalabas ng ilang mararahas na tagpo?
May Panganib Ba?
Ayon sa balangkas ng BBC (British Broadcasting Corporation), ang mga prodyuser sa TV ay dapat na maingat na magsaalang-alang ng epekto ng anumang karahasan na isinasadula ng kanilang mga programa, at pati na ang mga cartoon. “Ang silakbo ng damdamin dahil sa karahasan ay tumitindi habang ang nanonood ay nadadala sa kaniyang pinanonood” ang siyang nasabing saloobin.
Kung titingnan ang katangian nito, ang mga cartoon ay nagtatampok ng nakatutuwang mga kalagayan; kaya nabawasan ba nito ang panganib? Karamihan sa mga kabataang mahilig manood ng mga cartoon sa TV ay maliwanag na nanonood lamang upang maglibang. Ang mga cartoon ay totoong nakaaaliw. Subalit may higit pa ba itong nagagawa? Oo, mayroon—yamang ang anumang cartoon ay maaaring lumikha ng nagtatagal na impresyon. Sinabi ni Dr. Gregory Stores ng Oxford University sa magasin ng mga programa sa telebisyon na TV Times na ang mga cartoon na pinanonood ng mga bata ay isang pinagmumulan ng “mga halimaw, multo o mababangis na hayop” na karaniwang nasa masasamang panaginip ng mga bata.
Gayundin, kinikilala ng pagsusuring Screen Violence and Film Censorship ng pamahalaan ng Britanya na ang mga kasama ng bata sa panonood ng pelikula ay may malaking impluwensiya sa kaniya. Kaya ang panganib para sa mga bata ay masusumpungan sa di-nababantayang panonood ng cartoon.
Iginiit ng ulat ding iyon na ang mga batang hindi pa nag-aaral ay madaling gumaya sa mararahas na kilos na kanilang napapanood at dahil sa taglay ang “waring emosyonal na ‘pangganyak,’ ” ang mas may gulang na mga bata na may mga edad na lima o anim ay maaakit na kumilos nang may kapusukan na kanilang natutuhan.
Kaya naman, inaamin ng mga tagapagbalita ang posibilidad na sa isang yugto ng panahon, ang panonood ng isinasadulang karahasan sa telebisyon ay maaaring magkaroon ng “nagpapamanhid o nanghahamak na epekto lalo na sa mga bata,” anuman ang kanilang edad. Maaari silang gawing manhid ng mga ito sa pagkasangkot mismo sa karahasan o patigasin ang loob nila kapag ito’y isinasagawa sa iba.
Ang mahilig kay “Bugs Bunny” o “Tom at Jerry”, na maaaring unang nakita ang mga tauhang ito matagal-tagal na sa pelikula, ay maaaring isa nang magulang sa ngayon at maaaring, sa isang pindot ng buton, ilipat ang TV sa kanilang kasalukuyang programa ng katatawanan. Ngunit nagbago na ang mga pamantayan. Dahil sa isinasaisip ang kapakanan ng kanilang mga anak, tiyak na susubaybayan ng mga magulang ang ipinalalabas na mga cartoon sa ngayon.
Kunin halimbawa ang “Teenage Mutant Ninja Turtles.” Ang Amerikanong mga tauhang ito sa pelikula ay itinuturing ng maraming manonood sa Europa na napakarahas. Kaya naman, bago ipinalabas ang halaw na serye ng cartoon na ito sa Britanya, pinutol ng BBC ang ilang tagpo. Inalis pa nga nito ang salitang “Ninja” dahil sa ito’y tumutukoy sa mga mandirigmang Hapones. Sa halip, tinawag nila itong “Teenage Mutant Hero Turtles.”
Magkagayon man, ang mga magulang ay nagpahayag ng pagkabahala. Sinabi ng isang ina sa pahayagang Scotsman: “Ang mga bata ay napakadaling mapaniwala. Mayroon akong limang taóng gulang na anak na napakahilig sa Ninja Turtle. Kapag sinusundo ko siya sa paaralan ang mga bata sa palaruan ay nagsisipaan.”
Ang pagkabahalang nadarama ng mga magulang at mga guro ay di-inaasahang nadarama rin ng ilang may tindahan ng laruan. Ipinabatid ng isang tindahan sa Britanya ang pagbabawal sa pagtitinda ng mga mandirigmang Turtle na ito dahil sa pangamba na ang mga bata ay “naninindak ng iba sa pamamagitan ng sipang pangarate at nanganganib dahil sa pagtatago sa mga imburnal.” Mayroon pa bang ibang panganib?
Nakatagong mga Panganib
“Marahil ang pinakanakayayamot na tagumpay sa panlilinlang sa mga bata sa lahat ng panahon” ay ang paglalarawan ng isang pahayagan sa kaugnayan ng mga cartoon na “Turtles” at ng pagbebenta ng mga kasamang produkto nito. Bagaman hindi na bago ang gayong pagkakaugnay, “kung ano ang bago sa mga Turtle ay ang pagkalaki-laking” benta nito.
Sa ganitong kalagayan ang mga nagbibili ay sabik na magtinda ng tinatayang 400 produkto ng Turtle, gaya ng mga comics at mga T-shirt, upang bighaniin ang mga kabataan. Ngayon kung ang panonood ng cartoon ay totoong umaakit sa mga bata upang kagiliwan ang mga produktong ito, tiyak na ang mga cartoon ding iyon na kanilang pinanonood ay
may malaking epekto! Gayunman, maaaring sabihin ng ilan na ang ganitong kausuhan ay hindi naman nagtatagal.Kahit ang gayong kausuhan ay di-nagtatagal, ang dati nang mga cartoon ay nananatiling kawili-wili. “Ang mga Mutant Turtles ay maaaring malaos, subalit ang Tom at Jerry ay mananatili magpakailanman,” sabi ng The Times ng London. Kaya dapat na maitanong mo sa iyong sarili ang ilang bagay. Ang panonood ba ng gayong cartoon sa inyong tahanan ay nagsasabi sa iyong mga anak na sinasang-ayunan mo ang bawat ipalabas na tagpo? Kumusta naman ang mga tagpo ng kalupitan sa mga hayop? Mangyari pa, maaaring mangatuwiran ka na ang mga cartoon ay hindi maihahalintulad sa tunay na buhay. Ngunit alam mo ba kung ano ang nangyayari ngayon sa mga cartoon? Animatronics!
Ang “animatronics” ay isang kadalubhasaan sa elektroniko anupat ginagawang magmukhang buháy na buháy ang mga cartoon, totoong-totoo anupat nahihirapan ang mga manonood na makita ang pagkakaiba ng cartoon at ng tunay. “Ang daigdig ng gumagalaw na cartoon ay tunay na tunay sa malapitan,” ulat ng The Sunday Times Magazine, “na kahit na ang pinakamapanlibak na mga manonood, na sanay na sa kahanga-hangang mga daya sa pelikula, ay hindi nagagambala ng di-tunay na butas sa mukha o huwad na kulubot ng balat.” Ang mararahas na tagpo na ipinalalabas sa ganitong paraan ay nagtataglay ng nakagigitlang pagkamakatotohanan.
Isaalang-alang din ang mga pamantayan ng paggawi sa modernong mga cartoon na itinatampok ang susunod na henerasyon. Ang mga tauhan na itinampok sa isang bagong kinahuhumalingang cartoon ay “isang nakasusuyang pamilya ng maiingay, mga tamad at ‘mga walang asenso,’” ulat ng The Times ng London. Ang mga ito’y nakawiwili “nang bahagya dahil sa ang mga ito’y laban sa tatag na mga kaayusan ng lipunan.”
Oo, mga magulang, may tunay na dahilan kayo na mabahala kapag isinasaalang-alang ninyo ang cartoon na pinanonood ng inyong mga anak. Kung gayon, ano ang inyong magagawa?
Iwaksi ang ‘Karahasan Dahil sa Katuwaan’
Timbangin ang mga bentaha at disbentaha ng nakahandang libangan. Taglay sa isipan ang kapakanan ng pamilya, ang ilang magulang ay nagpasiyang huwag bumili ng TV. Tinutulungan naman ng iba ang kanilang mga anak na timbangin ang mabuti at masamang mga bagay sa mga programang ipinahintulot na kanilang panoorin. “Mientras naturuan ang isang bata (o kahit na may edad na) na manood nang may pagpuna at pagsusuri sa isang cartoon, sa isang patalastas, o sa isang balita,” paliwanag ng The Independent ng London, “higit na mapakikinabangan niya ang media.” Tiyak na ang mga magulang ay nasa pinakamabuting kalagayan na tumulong sa kanilang mga anak na gawin ito.
Isang pinakahuling pagsusuri sa pagkasangkot ng telebisyon sa buhay pampamilya ang nagtuon ng pansin sa dalawang magkaibang paraan ng pagtuturo. Ang isa ay nagsasangkot ng pangangatuwiran at pagpapaliwanag, lakip ang pagtawag ng pansin sa kahanga-hangang nagawa ng bata. Ang isa ay karaniwan nang pagpaparusa at pananakot. Ano ang ipinakikita ng mga resulta?
Ang mga batang may mga magulang na nananakot sa kanila sa pamamagitan ng parusa ay nagpamalas ng pagkiling sa “palabas sa telebisyon na laban sa lipunan,” samantalang “ang mga batang may mga ina na pangunahin nang nagdidisiplina na may pangangatuwiran at pagpapaliwanag ay di-gaanong apektado” ng gayong mga tagpo sa telebisyon. Sa gayon, ang nagmamalasakit na mga magulang ay nagpapaliwanag sa kanilang mga anak kung bakit hindi katalinuhan na panoorin ang mararahas na cartoon. Subalit tandaan, ang mga bata ay isinilang na manggagaya, at ito’y nag-aatang ng mabigat na pananagutan sa mga magulang na umiwas sa panonood ng karahasan dahil sa katuwaan lamang. Kung panonoorin mo ito, walang makikitang masama ang inyong mga anak kung sila mismo ang manonood nito.
‘Kung gayon, papaano ko malilibang ang aking mga anak?’ maitatanong mo. Isang mungkahi: Bakit hindi maglibang sa pamamagitan ng panonood ng nakatutuwang gawa ng buháy na hayop? Kayo ba’y nakatira sa malapit na nature reserve o sa parke ng mga hayop na maaaring pasyalan ng inyong pamilya? Kung hindi naman, makapipili ka naman palagi ng angkop na video ng mga hayop upang mapanood sa bahay.
Nakalulungkot naman, wala sa atin ang sa kasalukuyan ay makaiiwas sa karahasan sa daigdig na ating tinatahanan. Subalit tayo man ay bata o matanda, may katalinuhang makapamimili tayo, kung gugustuhin natin, na umiwas na manood ng anumang lumilinang sa karahasan.
[Larawan sa pahina 12]
Ang mga cartoon ba ay humihimok sa karahasan?