Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggamit ng Hangin

Paggamit ng Hangin

Paggamit ng Hangin

PANSAMANTALANG naabala ang pagtatayo ng kauna-unahang planta ng hanging pangkomersiyo sa Britanya nang, sang-ayon sa The Independent ng London, itumba ng malakas na hangin ang isa sa mga crane na ginamit upang itayo ang makina. Gayunman, ang paggamit ng hangin ay sinasabing isa sa pinakamabilis, pinakamurang paraan ng paglikha ng elektrisidad. Ang mas maganda pa, wala itong naiiwang kemikal na polusyon na nanggagaling sa paggamit ng mga panggatong, gaya ng uling.

Bagaman ang maraming Estado sa Europa​—tulad ng Alemanya, Denmark, at Netherlands​—kasama ang California, ay sumasang-ayon sa mga planta ng hangin bilang pagmumulan ng patuluyang enerhiya, hindi lahat niyaong nababahala sa kapaligiran ay nasisiyahan. Ang ilan ay tumututol dahil sa ingay ng pag-ikot ng mga elise ng makina; ang iba ay umaayaw dahil sa ang mga ito’y di-magandang tingnan, lalo na kung ang mga makinarya ay nakalagay sa mga lugar na may likas na kagandahan.

Gayunpaman, sa Britanya, isa sa pinakamahanging bansa sa Europa, ang mga tagapayo ng pamahalaan ay pumupuri sa kapangyarihan ng hangin sa katihan bilang “ang tanging inaasahang panggagalingan ng enerhiya sa malapit na hinaharap,” ang ulat ng magasing New Scientist. Sa kabilang dako, sa kabila ng malaking halagang magugugol, yaong mga umaayaw na itayo ang mga ito sa katihan ay nagrekomenda na ilagay ang mga makina sa tabing-dagat, na gumagamit ng pantanging mga winch sa halip na mga crane upang mailipat ang mga mabibigat na kagamitan​—sa gayo’y nasasamantala ang malakas na hangin sa karagatan.