Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Perang Plastik—Para sa Iyo ba Ito?

Perang Plastik—Para sa Iyo ba Ito?

Perang Plastik​—Para sa Iyo ba Ito?

ISANG lalaking taga-California, kilala ng ilan bilang “Mr. Plastic Fantastic,” ay nakatipon ng 1,265 bálidóng credit card. Ipagpalagay na, ang lalaking ito ay hindi naman kumakatawan sa katamtamang bilang ng may credit card. Gayunman, malawakang kinilala na ang di-karaniwang bagay na ito tungkol sa credit card ay naging isang napakatatag na kausuhan sa modernong lipunan sa Kanluran.

Ang American Demographics ay nagsabi na noong 1986 halos tatlong-kapat sa mga sambahayan sa E. U. ang may isa o mahigit pang credit card. May mahigit na 25,000 iba’t ibang credit card sa Estados Unidos lamang. Ang mga kompanya ng langis, nagtitingi na mga tindahan, at mga kompanya ng eroplano ay nagbibigay ng kani-kanilang card. Noong 1991, ang mga Amerikano ay nagtaglay ng 232 milyong bálidóng MasterCard at Visa, dalawang pinakapopular na mga card.

Ang tinatawag na perang plastik na industriya ay nauuso rin sa Europa, nagiging dahilan tuloy ng matinding pagpapaligsahan ng naglalabanang mga bangko at nagpapautang na mga kompanya upang tangkilikin ng nananabik na mga mamimili. Ang kabuuang bilang ng mga bálidóng credit card sa buong daigdig ay mahigit na isang bilyon! Bakit ganito karami ang perang plastik? Sino ang higit na nakikinabang sa paggamit nito? Anu-ano ang ilang kapanganiban at suliraning kinakaharap ng mga may credit card?

Sino ang Nakikinabang?

Ang mga bangko at nagpapautang na mga kompanya ay tumutubò nang napakalaki, hindi lamang mula sa mga binabayarang serbisyo​—kasali na ang kabayaran para sa taunang pagiging miyembro, mga dagdag na interes kapag nahuli ng pagbabayad, mga bayarin kapag over-limit​—kundi mula rin naman sa mataas na interes na kanilang ipinababayad sa perang inutang sa kanila. Ngunit, mangyari pa, hindi sila kikita sa mga bayarin kung hindi magkakautang nang malaki ang mga may credit card. Sa Estados Unidos lamang milyun-milyon ang napilitang mapalubog sa utang. Mga 75 porsiyento ng may credit card sa Amerika ang may di-nababayarang halaga sa kanilang pagkakautang, na dahil dito’y dapat silang magbayad ng napakataas na interes buwan-buwan. Ang katamtamang bilang ng may utang sa credit card sa Amerika ay may binabayarang $2,000 sa kaniyang buwan-buwang bayarin.

Sa kaniyang aklat na The Credit Jungle, napansin ni Al Griffin na ang “15 hanggang 20 porsiyento ng may credit card na nagbabayad ng lahat ng kanilang utang sa pagtanggap nila rito ay hindi nagbibigay kahit isang sentimo para sa mga operasyon ng banko.” Idinagdag pa niya na “ang 80 hanggang 85 porsiyento ng may credit card ay ginagawang pinakamalaking pagtubuan ng bangko ang isang plano sa credit card. Ang isang katamtamang-laki na $10 milyong operasyon ng card sa bangko ay tumutubo sa kabuuan ng $1.8 milyon taun-taon.” Noong 1990 ang bangko sa E.U. na may pinakamalaking bahagi sa negosyo ng credit card ay tumutubo ng halos $1 bilyon mula sa mga operasyon nito, lalo na sa kaugnay nitong mga credit card.

Mag-ingat sa mga Panganib

May bagay na hindi mabuti sa maliliit na piraso ng plastik na ito. Halimbawa, nakatanggap ka na ba ng isang tawag sa telepono mula sa di-kilalang kompanya na nagpapabatid sa iyo na ikaw ay nanalo raw ng isang premyo? Marami ang nakaranas na. Upang makuha ang regalo, wala kang gagawin kundi sagutin ang ilang pangunahing tanong. Ngunit tinatanong ng tumawag ang numero ng iyong credit card. Bakit? Sapagkat ang totoo wala ka namang napanalunang regalo. Ibig lamang makuha ng tumawag na iyon ang numero ng iyong credit card upang sa gayon ay makakakuha siya ng mail-order o makabibili sa pamamagitan ng telepono na ginagamit ang iyong credit card.

May iba’t ibang uri ng panlilinlang sa credit card, na nagkakahalaga ng daan-daang milyong dolyar taun-taon. At kahit na hindi ka tuwirang apektado ng suliraning ito, kung may credit card ka, malamang na binabayaran mo ang pandarayang ito sa pamamagitan ng mas mataas na bayarin at interes. a

Ang tunay na panganib sa mga credit card ay nakatuon sa mga paghihirap at pagdurusa na dumarating kapag ikaw ay napabaon sa utang. Binanggit ng The Credit Jungle na “di-mabilang na mga tao ang nakaiiwas sa tukso na bumili ng maluluhong bagay at serbisyo kapag hindi nila kaya kung babayaran ng cash ngunit hindi sila makapigil sa tukso kapag sila’y may hawak na credit card. Maraming pamilya ang kumakain na lamang ng balatong sa loob ng dalawang linggo pagkatapos na magbayad sa isang maluhong hapunan na inilista sa credit card noong isang buwan.”

Ngunit hindi lamang ang iyong pagkain ang maaapektuhan kapag malaking bahagi ng iyong kinikita ang napapapunta sa utang. Ang aklat na Credit​—The Cutting Edge ay nag-uulat na “sa aberids, ang mga Amerikano ay gumugugol ng humigit-kumulang 75% ng kanilang kinikita buwan-buwan sa pagbabayad ng utang sa bangko, pagkakautang, at mga credit card.”

Nakalulungkot, para sa napakaraming mamimili, ang credit card ay, hindi daan sa pang-ekonomiyang paraiso, kundi isang pagkahulog sa mahabang-panahong pagkakautang at pagkabalisa. Halimbawa, ang mga mamimiling Amerikano noon lamang nakaraang ilang taon ay patung-patong na ang utang sa credit card, anupat nagbubunga tuloy ng lalo pang pagkadelingkuwente sa paggamit ng credit card, di-pagtupad sa pangako, at pagkahikahos. Noong 1990, ang mga mamimili sa E.U. ay may pagkakautang sa kabuuan na $3.2 trilyon sa credit card, utang sa kotse, at mga sangla! Ang isang karaniwang pamilya ay may utang na mga $35,000 at nagbabayad ng mga $3,500 taun-taon sa interes.

Hindi katakataka, tumaas ang bilang ng personal na pagkahikahos. Noong 1990 may ulat na 720,000 Amerikano ang nagharap ng pagkahikahos, halos isang 17-porsiyentong pagtaas kaysa noong 1989. Noong 1991 ang bilang na ito ay tumaas pa ng 800,000, at noong 1992 ang bagong rekord ay 971,517 personal na pagkahikahos.

Ang ilan na nahihirapang pigilin ang paggamit ng mga credit card ay nagpasiyang alisin ang mga ito. Sa kabilang dako naman, marami rin ang nakagagamit sa mga credit card nang may katalinuhan anupat hindi naman nagugulo ang kani-kanilang buhay.

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon sa pag-iwas sa mga panlilinlang sa credit card, pakisuyong tingnan ang artikulong “Credit Cards​—A ‘Plastic Trap’?” sa Disyembre 8, 1986, Awake!