Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Makatutulong sa Akin na Lumutas ng Aking mga Problema?

Sino ang Makatutulong sa Akin na Lumutas ng Aking mga Problema?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Sino ang Makatutulong sa Akin na Lumutas ng Aking mga Problema?

“ANG tao ay ipinanganak sa kabagabagan.” Ganito ang sabi ng isang taong nahahapis na nagngangalang Job halos apat na libong taon na ang nakalilipas. (Job 5:7) Ang iyong buhay marahil ay hindi naman kasingkahabag-habag ng buhay ni Job. Subalit walang alinlangan na ikaw man ay may sariling mga problema at mga kahirapan.

Nang tanungin ang isang pangkat ng mga kabataang Amerikano, “Ano ang labis na gumagambala sa iyo?” marami ang nagsabi na ang paaralan, mga magulang, salapi, mga kaibigan, at mga kapatid ang siyang pinagmumulan ng kabalisahan. Kumusta ka naman? Ikaw ba’y napapaharap sa panggigipit ng mga kasama, pag-aalala sa salapi, o mga suliranin sa paaralan? Nahihirapan ka bang makitungo sa pisikal at emosyonal na pagbabago dahil sa pagdadalaga at pagbibinata? Nababahala ka ba sa iyong kinabukasan?

Dahil sa iniisip mo ang lahat ng problemang ito, madali kang manghina at manlumo. Sa katunayan, kung kakayanin mong mag-isa ang mga kabalisahang ito, masusumpungan mong malayô ka sa iba. (Ihambing ang Kawikaan 18:1.) Kung gayon, papaano mo malulutas ang iyong personal na mga problema? Talaga bang kailangan mong harapin ito nang nag-iisa?

Hindi, sapagkat ang iyong mga problema​—na waring pagkalaki-laki​—ay hindi naman kakaiba. Pagkatapos ng maingat na pag-aaral sa paggawi ng tao, hininuha ng pantas na si Haring Solomon na “walang bagong bagay sa ilalim ng araw.” (Eclesiastes 1:9) Oo, nakaharap at matagumpay na nalutas ng iba ang kanilang mga suliranin na gaya mo. Kaya hindi naman palaging ikaw lamang ang lulutas sa mga bagay-bagay; kung minsan maaaring makahingi ka ng tulong mula sa iba na nakalutas na ng gayong suliranin. Sa papaano man, kung ikaw ay naglalakbay sa isang iláng na lugar, hindi ba’t ipagtatanong mo ang daan sa isang tao na nanggaling na roon? Ang tanong ay, Kanino ka hihingi ng tulong?

Mga Kaibigan​—Pinakamabuti bang Pagmumulan ng Payo?

Pinipili ng maraming kabataan na ihinga ang kanilang mga problema sa kanilang mga kaibigan. “Kung minsan naiisip ko na ang ilang pagbabago na aking nararanasan ay kakaiba,” paliwanag ng kabataang si Anita. “Ang nasasaloob ko’y, ‘Naranasan na ba ito ng iba?’ Tinatanong ko ang aking sarili kung ako’y nahihibang na dahil sa nadarama kong ito.” Maaaring inaakala mo na ang kaedad mo ang makauunawa sa iyong damdamin at na ang isang may edad na​—lalo na ang magulang​—ay magiging napakamapamuna, o napakamapamintas.

Subalit bagaman ang iyong mga kaibigan ay maaaring makaunawa, makaintindi, at dumamay, hindi sila palaging makapagbibigay ng pinakamahusay na payo. Gaya ng ipinaliliwanag ng Bibliya, “ang mga taong maygulang . . . ay may nasanay na pang-unawa upang makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.” Papaano? Ganito ang tugon ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng kagagamit,” iyon ay, karanasan! (Hebreo 5:14; The New English Bible) Dahil sa kulang sa gayong karanasan, bihira sa mga kabataan ang nakapagpaunlad ng kanilang “praktikal na karunungan at kakayahang umisip” gaya ng isang may edad na. (Kawikaan 3:21) Sa gayon, ang pagsunod sa payo ng isang kapuwa kabataan ay mapanganib. Ang Kawikaan 11:14 ay nagbababala: “Kung saan walang mahusay na pamamahala, ang bayan ay nababagsak.”

Ang Kahalagahan ng mga Magulang na may Takot sa Diyos

Karaniwan nang nasa mas mabuting kalagayan ang mga adulto na makapagbigay ng kapaki-pakinabang na payo. Ganito ang sabi ng matuwid na si Job: “Hindi ba’t nasa matatanda ang karunungan at sa kagulangan ang unawa?” (Job 12:12) Gayundin naman, ang mga taong may kakayahang makatulong sa iyo sa bagay na ito ay ang iyong mga magulang na may takot sa Diyos. Una sa lahat, mas kilala ka nila kaysa ng sinuman. Palibhasa’y nakaharap na nila ang ilan sa gayunding mga kalagayang nakakaharap mo sa ngayon, malaki ang maitutulong nila upang maiwasan mo ang kaligaligan. Sa pakikipag-usap bilang isang magulang, si Solomon ay nagpayo: “Dinggin ninyo, Oh mga anak, ang turo ng ama at makinig kayo, upang matuto ng kaunawaan. Sapagkat bibigyan ko kayo ng mabuting aral.”​—Kawikaan 4:1, 2.

Isaalang-alang ang kabataang lalaking nagngangalang Samuel na taga-Ghana. Samantalang siya’y nasa sekundaryang paaralan (high school), kailangang siya’y magpasiya kung ang itataguyod niya ay ang sekular na pag-aaral o ang karera bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. “Yamang ang aking pamilya ay malapít sa isa’t isa na may mabuting pakikipagtalastasan,” paliwanag niya, “madaling makapagtapat sa aking mga magulang.” Si Samuel ay ginabayan ng kaniyang mga magulang sa landas ng buong-panahong ministeryo​—isang karera na patuloy niyang itinaguyod. Iminumungkahi ni Samuel na isama ng mga kabataan ang kanilang mga magulang sa paglutas ng personal na mga problema sapagkat “sila’y mas may karanasan sa buhay at maaaring napaharap na sa katulad na mga problema . . . at nasa mas mabuting kalagayan upang makapagbigay ng mahusay na payo sa pagtitimbang-timbang ng mga bagay-bagay.”

Kapansin-pansin, ayon sa pinakahuling surbey ng Gallup, napakaraming kabataan ang nagnanais ng patnubay ng mga magulang​—maging sa mga paksang gaya ng droga, paaralan, at sekso.

‘Hindi Nila Ako Maintindihan!’

Gayunman, nakalulungkot na maraming kabataan ang lumalayo sa kanilang mga magulang kapag sila’y pumasok na sa pagkatin-edyer. Ang ilan ay nakadarama na gaya ng isang tin-edyer na lalaki na nagsabi: “Sinikap kong makipag-usap sa aking mga magulang tungkol sa kung gaano ako nababahala sa aking mga marka at inaakala kong napakahigpit ng paaralang ito, subalit basta sinabi nila sa akin na ako’y tamad at dapat mag-aral na mabuti.” Isang Kristiyanong kabataang babae sa Aprika ang nagpahayag ng gayunding pagkabahala, na nagsasabi: “Sa aking kalooban, batid ko na ako’y may personal na mga problema anupat nangangailangan ako ng tulong, subalit ako’y nangangamba na hindi ako maiintindihan ng aking mga magulang.”

Mangyari pa, maging ang mga magulang na may takot sa Diyos ay nagkukulang paminsan-minsan. Sila’y maaaring magalit sa maliliit na bagay, ayaw makinig, hindi makaunawa, o nagiging mapamuna. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na sila’y isasaisantabi mo sa iyong buhay. Si Jesu-Kristo ay pinalaki ng mga magulang na di-sakdal. Subalit, ipinakikita ng Bibliya na si Jesus ay “napasakop sa kanila.” Walang alinlangan na ang kanilang impluwensiya ay nakatulong na siya’y patuloy na “lumalaki sa karunungan . . . at sa pagbibigay lugod sa Diyos at sa mga tao.”​—Lucas 2:51, 52.

Ikaw ba’y nakikinabang sa karunungan at karanasan ng iyo mismong mga magulang? Kung hindi, isaalang-alang kung ano ang sinabi ng aklat na Adolescence, ni Eastwood Atwater: “Kapag ang mga tin-edyer ay labis na naimpluwensiyahan ng kanilang mga kaibigan, malamang na ito’y dahil sa may pagkukulang sa ugnayan ng magulang at ng nagdadalaga o nagbibinatang anak kaysa dahil lamang sa higit na pagkarahuyo sa mga kaibigan.” Anong uri ng ugnayan mayroon ka sa iyong mga magulang? (Galacia 6:5) Umiiwas ka ba sa pakikipag-usap sa kanila nitong huli? Kung gayon bakit hindi gawin ang iyong magagawa upang mapasulong ang mga bagay-bagay? a Ito’y bahagi ng tinatawag ni Solomon na pagiging “isang tunay na anak na lalaki” o anak na babae ng mga magulang.​—Kawikaan 4:3.

Si Malcolm, isang kabataang taga-Ghana na ngayo’y naninirahan sa Estados Unidos, ang minsang nag-akala na hindi nauunawaan ng kaniyang mga magulang ang kaniyang damdamin. Subalit sila’y patuloy na nagbahagi sa kaniya ng kanilang karanasan sa buhay at ng disiplina ng Salita ng Diyos. Sa pinakahuling sulat niya sa kaniyang mga magulang, ganito ang sulat ni Malcolm: “Batid kong tayo po’y nagkaroon ng mga di-pagkakaunawaan noon. Ngunit kapag aking ginugunita ang nagdaan, ako’y humahanga sa inyong pagtitiis sa katigasan ng aking ulo at may kahinahunang tinanggap ang ilan sa mga pagpapasiyang ginawa ko. Maniwala po kayo, talos ko kung ano ang nangyayari sa ibang tahanan, at talagang malaki ang nagawa ng Bibliya [sa atin]. Salamat pong muli.”

Magtamo ng Praktikal na Karunungan sa Iyong Sarili!

Bagaman hindi naman napipigilan ang iyong paglaki, ang pagtanggap ng patnubay mula sa inyong mga magulang ang maaaring pinakamadaling landas tungo sa pagkamaygulang. Sa paglipas ng panahon mapasusulong mo rin ang ‘katalinuhan, kaalaman, at kakayahang umisip.’ (Kawikaan 1:4) Ikaw ay matuturuan na magtimbang-timbang na mabuti ng mga problema at makapagpasiyang mabuti kung papaano lulutasin ang mga ito.

Ipagpalagay na, hindi lahat ng kabataan ay pinagkalooban ng mga magulang na may takot sa Diyos. Gayunman, isang pagkakamali na maghinuha na huwag gaanong pakinggan ang sinasabi ng iyong mga magulang dahil lamang sa sila’y hindi mga Kristiyano. Sila pa rin ang iyong mga magulang, at sila’y dapat ding igalang. (Efeso 6:1-3) Bukod pa rito, kung sila’y bibigyan mo ng pagkakataon, matutuklasan mo na sila man ay makapagbibigay ng praktikal na payo. Kapag kailangan mo ng espirituwal na patnubay, magtapat sa isang pinagtitiwalaang miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Hindi mahirap doon na makasumpong ng may takot sa Diyos na adulto na makatuwirang makikinig, na may maunawain at madamaying puso.

Tandaan din, na ang espiritu ni Jehova ay laging handang pinagmumulan ng tulong at kalakasan para sa mga nagsisihingi nito. (Lucas 11:13) Si Jehova ay naglalaan din ng saganang impormasyon na handa mong makuha sa Bibliya at sa salig sa Bibliyang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Aba, ang mismong seryeng ito ay nakatulong sa libu-libong kabataan na makasumpong ng praktikal na mga sagot sa kanilang mga problema! Sa pamamagitan ng pagsusuri at pananaliksik, maaari mong malutas na mag-isa ang maraming problema.​—Kawikaan 2:4.

Mangyari pa, ang pagkakaroon ng mga problema ay bahagi ng buhay. Subalit nakatutulong na magkaroon ng positibong pangmalas na tinaglay ng salmista. Ganito ang kaniyang sulat: “Mabuti sa akin na ako’y napighati, upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.” (Awit 119:71) Oo, maaaring mahubog at masanay ka ng paglutas sa mga problema. Subalit hindi mo kailangang lutasing mag-isa ang lahat ng ito. Humingi ng tulong. Karaniwan nang makahihingi ka ng tulong.

[Talababa]

a Para sa maraming nakatutulong na mga mungkahi sa bagay na ito, tingnan ang kabanata 2 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 16]

Ang pagtanggap ng patnubay mula sa mga magulang ay maaaring ang pinakamadaling landas tungo sa pagkamaygulang