Ang Daigdig ba ay Mapagkakaisa?
Ang Daigdig ba ay Mapagkakaisa?
‘Kadalasan, waring ang kapootan mo ang iyong kapuwa ang salawikain ng 1992.’
IYAN ang pagtasa ng Newsweek. Susog pa ng magasin: “Ang mga pagkakabahaging ito—kapuwa laban sa kapuwa, lahi laban sa lahi, nasyonalidad laban sa nasyonalidad—ay lagi nating nahihiligang gawin, at ang mga pangyayari sa taóng ito ay nagbabangon ng mga alinlangan kung baga bumubuti ba tayo sa paglutas sa mga agwat na ito.”
Kamakailan, ang mga pagkubkob, walang-awang pagpatay, at mga panghahalay sa dating Yugoslavia ay umagaw ng mga ulong-balita sa buong daigdig. Sa Bosnia at Herzegovina lamang, kasindami ng 150,000 ang namatay o nawawala. At mga 1,500,000 ang napaalis sa kanilang mga tahanan. Masasabi mo bang ang kalunus-lunos na mga pangyayaring ito ay hindi kailanman mangyayari sa inyong lugar?
Ang opisyal ng UN na si José-María Mendiluce ay nagbabala: “Ang mga tao ay maaaring baguhin at gawing napopoot at pumapatay na mga makina nang walang kahirap-hirap. . . . May isang saloobin sa Kanluran anupat ang digmaan ay nagngangalit ng tatlong oras sa Venice dahil lamang sa ang mga tao sa Balkan ay pangunahin nang naiiba sa ibang Europeo. Iyan ay isang napakamapanganib na pagkakamali.”
Nang ang Unyong Sobyet ay mabuwag noong 1991, agad itong sinundan ng karahasang etniko. Mga 1,500 ang namatay, at halos 80,000 ang napaalis sa dating republikang Sobyet ng Georgia. Daan-daan ang namatay, at libu-libo ang napaalis dahil sa labanan sa Moldova. Nagkaroon din ng kamatayan sa mga labanan sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan, gayundin sa iba pang dating republikang Sobyet.
Ang pinakamalaki sa mga republika ng dating Sobyet ay ang Russia. Doon man ay maraming etnikong pangkat na naghahangad na magtatag ng kanilang sariling malayang mga estado. Kaya naman, ang The European ay nag-ulat nitong tag-araw: “Nakakaharap ng Pederasyong Ruso ang pagkabuwag.” Ang pahayagan ay nagsabi: “Noong nakalipas na ilang linggo, tatlong rehiyon ang bumoto upang ipahayag ang kanilang sari-sariling republika . . . Tatlo pa ang nagpahiwatig
nitong nakalipas na linggo na gayundin ang kanilang gagawin.”Kung maitatag ang magkakahiwalay na mga bansa, mahihirapan ka sa di-kilalang mga pangalan, gaya ng Kaliningrad, Tatarstan, Stavropolye, Checknya, Vologda, Sverdlovsk, Bashkortostan, Yakutiya, at Primorye. Hindi ba’t kahawig ito ng kung ano ang nangyari sa dating Yugoslavia— kung saan ang Serbia, Croatia, at Slovenia ay natatag at kung saan maaaring magkaroon pa ng ibang bansa?
Ang kalihim ng estado ng E.U. na si Warren Christopher ay nagsalita tungkol sa “paglitaw ng malaong-nasugpong etniko, relihiyoso at pangkatang alitan” at nagtanong: “Kung hindi tayo makasusumpong ng paraan na doon ang iba’t ibang etnikong pangkat ay makapamumuhay nang sama-sama sa isang bansa, magkakaroon tayo ng gaano karaming bansa?” Sinabi niyang magkakaroon ng libu-libo.
Pagkakabahagi sa Lahat ng Dako
Gaano karaming etniko, relihiyoso, at pangkatang mga alitan ang inaakala mong nangyayari maaga sa taóng ito? Sasabihin mo bang 4, 7, 9, 13, marahil 15 pa nga? Noong Pebrero, ang The New York Times ay nagtala ng kabuuang 48! Maaaring hindi ka bigyan ng telebisyon ng mga larawan ng duguang mga bangkay at mga batang ginigiyagis-ng-sindak mula sa lahat ng 48 bansa, ngunit ginagawa ba niyang hindi gaanong totoo ang kalunus-lunos na pangyayari sa mga biktima?
Sa lahat halos ng sulok ng globo ay nariyan ang posibilidad ng labanan. Ang bansa sa Kanlurang Aprika na Liberia ay niwasak din ng etnikong karahasan. Isang lider ng gerilya ang kumuha ng suporta mula sa mga tribo ng Gio at Mano upang ibagsak ang presidente, na mula sa etnikong pangkat ng Krahn. Mahigit na 20,000 ang namatay sa sumunod na gera sibil, at daan-daang libo ang nagsipangalat.
Sa Timog Aprika, ang mga puti at itim ay nag-aaway-away sa isang labanan para sa pulitikal na pagsupil. Subalit ang labanan ay hindi lamang itim laban sa puti. Noong nakaraang taon lamang, mga 3,000 ang namatay sa labanan sa pagitan ng magkalabang mga pangkat ng itim.
Sa Somalia halos 300,000 ang namatay at isang milyon ang naiwang walang tirahan nang ang labanan ng angkan ay sumiklab tungo sa gera sibil. Sa Burundi at Rwanda, ang etnikong mga alitan sa pagitan ng mga Hutus at Tutsis ay humantong sa libu-libong kamatayan nitong nakaraang mga taon.
Ang labanan ay waring halos walang-tigil sa pagitan ng mga Judio at Arabe sa Israel, sa pagitan ng mga Hindu at Muslim sa India, at sa pagitan ng mga Protestante at Katoliko sa Ireland. Ang panlahing karahasan ay sumiklab din noong nakaraang taon sa Los Angeles, California, na sumawi ng mahigit na 40 buhay. Kailanma’t ang mga tao ng iba’t ibang lahi, nasyonalidad, o relihiyon ay namumuhay nang malapit sa isa’t isa, masamang alitan ang kadalasang nangyayari.
Malulutas ba ng tao ang problemang ito ng etnikong alitan?
Sama-samang Pagsisikap ng mga Tao
Isaalang-alang, halimbawa, kung ano ang nangyari sa mga pagsisikap sa dating Yugoslavia at sa dating Unyong Sobyet. Noong 1929, ang Yugoslavia ay naitatag sa isang pagsisikap na pagkaisahin sa isang bansa ang iba’t ibang etnikong pangkat na nakatira sa timog-silangang Europa.
Ang Unyong Sobyet ay naitatag din sa pamamagitan ng pagsasama ng mga tao ng iba’t ibang pinagmulang lahi, relihiyon, at bansa. Sa loob ng maraming dekada ang dalawang bansa ay nagkaroon ng malakas na sentrong mga pamahalaang pinagbubuklod ang mga ito na sama-sama, at sa katapusan waring ang kanilang mga mamamayan ay natutong mamuhay na magkakasama.“Ang etnikong mapa ng Bosnia bago ang digmaan, at gayundin ang Yugoslavia bago ang digmaan, ay tulad ng balat ng isang jaguar,” paliwanag ng isang nangungunang Serbo. “Ang mga tao ay sama-samang pinaghalo.” Sa katunayan, halos 15 porsiyento ng mga pag-aasawa sa Yugoslavia ay sa pagitan ng mga tao ng iba’t ibang etnikong pangkat. Kahawig na kalagayan ng waring pagkakaisa ang nagawa sa pagsasama ng etnikong mga pangkat sa Unyong Sobyet.
Kaya, ang sindak ay matindi nang, pagkaraan ng maraming dekada ng animo’y kapayapaan, sumiklab ang etnikong karahasan. Sa ngayon, gaya ng pagkakasulat ng isang peryodista, “iginuguhit [ng mga tao ngayon] ang katangian ng dating Yugoslavia sa pamamagitan ng lahi, relihiyon at nasyonalidad.” Bakit, nang bumagsak ang makapangyarihang mga pamahalaang ito, nagkawatak-watak ang mga bansang ito?
Mga Salik na May Pananagutan
Ang mga tao ay hindi likas na napopoot sa mga tao ng ibang etnikong pangkat. Gaya ng sabi ng isang popular na awit, kailangan mong maging ‘naturuang mabuti bago maging huli ang lahat, bago ka tumuntong ng anim o pito o walo, na kapootan ang lahat ng tao na kinapopootan ng mga kamag-anak mo.’ Tinutukoy ng awit na ito ang isang may kabataang mag-asawa na maliwanag na magkaiba ang lahi. Gayunman, ayon sa propesyonal sa kalusugang-pangkaisipan na si Zarka Kovac, ang mga tao sa dating Yugoslavia ay “bihirang may anumang pisikal na pagkakaiba.” Gayunpaman, ang karahasan ay napakatindi anupat hindi mo maunawaan. “Pinuputul-putol mo ang mga bahagi ng katawan ng taong pinatay mo upang huwag mong makilala ang iyong kapatid,” sabi ni Kovac.
Maliwanag, ang gayong panlahi at etnikong pagkapoot ay hindi likas sa tao. Ang tao ay maingat na naturuan ng mga propagandista at mga kamag-anak na isinasalaysay ang nakalipas na mga kabuktutan. Sino ang nasa likuran ng lahat ng ito? Sinisikap na unawain ang mga kasindakan ng digmaan, isang negosyante mula sa Sarajevo ang naudyukang maghinuha: “Pagkaraan ng isang taon ng digmaan sa Bosnia ay naniniwala akong si Satanas ang may kagagawan nito. Ito ay pawang kahibangan.”
Bagaman marami ang hindi naniniwala sa pag-iral ni Satanas na Diyablo, binabanggit ng Bibliya ang pag-iral ng isang di-nakikita, nakahihigit sa taong persona na may napakatinding negatibong epekto sa pag-uugali ng sangkatauhan. (Mateo 4:1-11; Juan 12:31) Kung iisipin mo ang tungkol dito—tungkol sa lahat ng walang-katuwirang maling opinyon, pagkapoot, at karahasan—marahil ay sasang-ayon ka na ang Bibliya ay talagang hindi malayo nang sabihin nito: “Ang isa na tinatawag na Diyablo at Satanas . . . ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9; 1 Juan 5:19.
Isang Silahis ng Pag-asa
Kung isasaalang-alang natin ang kaguluhan sa daigdig kamakailan, ang pangarap tungkol sa
isang nagkakaisang sangkatauhan ay tila lumalayo higit kailanman. Isinasapanganib ng nasyonalistiko at etnikong labanan ang pag-iral ng tao higit kailanman. Gayunman, sa gitna ng pangglobong kadilimang ito, isang silahis ng pag-asa ang maliwanag na sumisikat. Noong tag-araw ng 1993, isang pangkat ng mga tao mula sa nagdirigmaang etnikong mga pangkat ang nagpakita ng isang karaniwang buklod na nagpangyari sa kanila na lampasan ang etnikong alitan at gumawang sama-sama sa pag-ibig at pagkakaisa.Balintuna nga, ang buklod na ito ay napatunayang siyang salik mismo na kadalasang bumabahagi sa sangkatauhan—ang relihiyon. Ang magasing Time ay nag-ulat: “Kung hahalungkatin mo ang anumang mapusok na tribalismo, o nasyonalismo, karaniwan nang masusumpungan mo sa ilalim nito ang isang relihiyosong dahilan . . . Ang mga pagkapoot dahil sa relihiyon ay nagiging walang-habag at walang-takda.” Sa kahawig na paraan, ang India Today ay nagsabi: “Ang relihiyon ang naging bandila na sa ilalim nito isinagawa ang pinakakakila-kilabot na mga krimen. . . . Inilalabas nito ang katakut-takot na karahasan at isang napakamapangwasak na puwersa.”
Oo, ang relihiyon ay karaniwang bahagi ng problema, hindi ng lunas. Subalit ipinakita ng isang relihiyosong pangkat na binanggit kanina—isang pangkat na binubuo ng malaking bilang—na ang relihiyon ay makapagkakaisa, hindi babahaginin ang daigdig. Sino nga ba ang bumubuo ng pangkat na ito? At bakit sila nagtatamasa ng madulang tagumpay kung saan nabigo ang iba? Bilang kasagutan inaanyayahan ka naming basahin ang susunod na mga artikulo. Ang paggawa niyon ay maaaring magbigay sa iyo ng isang bagong pangmalas tungkol sa kinabukasan ng sangkatauhan.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Libingan sa Bosnia. Haley/Sipa Press