Ang Lupaing Hindi Nawawalan ng Yelo
Ang Lupaing Hindi Nawawalan ng Yelo
ANG dulong Hilaga sa tuwina’y nakahalina sa akin. Kahit na noong ako’y batang paslit pa na lumalaki sa Gold Beach, Oregon, E.U.A., tinitingnan at pinag-aaralan kong mabuti ang mga mapa ng Canada at nangangarap na balang araw ay magagalugad ko ang mga dakong may eksotikong-tunog na mga pangalan, gaya ng Lawa ng Great Slave at Lawa ng Great Bear. Kaya isang araw noong 1987, kami ng kaibigan kong si Wayne ay nagplanong bisitahin ang Auyuittuq National Park, ang unang pambansang parke ng Canada sa hilaga ng Arctic Circle.
Ang Auyuittuq, sa wikang Inuit, ay nangangahulugang “Ang Lupaing Hindi Nawawalan ng Yelo,” at ang parke ay inireserba upang ingatan ang kaparangan ng nagtataasang bundok, malalalim na libis, kagila-gilalas na mga fjord, at buhay-iláng sa baybaying-dagat sa Artiko. Kasali sa parke ang Penny Ice Cap, isang pagkalawak-lawak na 5,700-kilometro-kudrado na latag ng yelo at niyebe na galing sa lahat ng panig ng mga glacier. Hindi kataka-taka na ang Auyuittuq ay magiliw na tinutukoy bilang ang “Switzerland ng Artiko.”
Ang Baffin Island, mahigit sanlibong kilometro ang haba, ay ikalimang pinakamalaking isla sa daigdig. Gayunman, wala sa mga kaibigan namin ang kailanma’y nakarinig tungkol dito! Sa katunayan, lagi nilang itinatanong, “Kailan kayo pupunta sa Alaska?” (Ang Baffin Island ay mga 3,200 kilometro silangan ng Alaska subalit halos magkahanay sa latitud.) Bagaman sinimulan ng mga Saksi ni Jehova sa Canada ang gawaing pag-eebanghelyo sa Baffin Island, walang Saksing nakatira sa isla. Sa katunayan, ang pinakamalapit na kongregasyon ay 1,000 kilometro ang layo, sa Labrador City, Newfoundland.
Ang Auyuittuq ay may tatlong buwan ng tag-araw at siyam na buwan ng taglamig, kaya nagpasiya kaming magtungo noong Agosto 1988, pagkatapos matunaw ang yelo sa karagatan at pagkatapos umalis ang karamihan ng nangangagat na itim na langaw. Ito rin ay bago magsimulang magniyebe sa Setyembre.
Ang Aming Paglalakbay sa Baffin Island
Sa wakas ay dumating ang panahon. Kami’y naglakbay sakay ng kotse mula sa aming tahanan sa North Carolina patungong Montreal, Quebec, kung saan kami ay sumakay ng isang Boeing 737 na eruplano. Pagkaraan ng isang oras sa himpapawid, ang ulap ay napawi, binibigyan kami ng isang maaliwalas na tanawin ng Canadian Shield, isang tigang na mabatong dako na may daan-daang lawa ng lahat ng hugis at laki at walang punungkahoy
ng anumang laki. Pagkatapos ng isang maikling pagtigil sa Kuujjuaq (dating Fort-Chimo), nagsimulang makita namin ang niyebe hanggang sa antas ng dagat. Di-nagtagal ay nalampasan namin ang Loók ng Ungava, na sa aming pagtataka, ay punô ng di-mabilang na mga iceberg (pagkalaki-laking lumulutang na yelo) hanggang sa abot ng matatanaw mo.Pagkatapos ng isang paglipad na halos tatlong oras, kami ay lumapag sa Iqaluit, na nangangahulugang “Lugar ng Isda.” Dating tinatawag na Frobisher Bay, ang Iqaluit ang sentro ng Baffin Island at ang pinakamalaking bayan, na may populasyon na halos 3,000.
Palibhasa’y may mga dalawang oras pa sa pagitan ng paglipad, nagpasiya kaming galugarin ang bayan. Ang unang bagay na napansin namin ay ang saganang cotton grass, na may mauumbok na puting bulaklak, na pinipitas at pinatutuyo ng mga Inuit (dating tinatawag na Eskimo) at ginagamit na tulad ng mga bola ng bulak. Habang kami’y naglalakad-lakad sa daungan at hanggang sa gilid ng tubig, napansin namin ang mabilis na pagkati ng tubig. Sa loob ng unang dalawang minuto, 6 na metro ng dalampasigan ang nalantad, natuyo!
Pagkaraan ng sandaling panahon, kami’y sumakay sa isang maliit na eruplanong pinatatakbo ng propeler upang lumipad patungong Pangnirtung, sa ibaba lamang ng Arctic Circle. Ang isang-oras na paglipad ay nagbigay sa amin ng mga pakita ng darating na mga nakalilibang na tanawin. Sa mga tagpi-tagpi, maiitim na ulap, natatanaw namin ang kaparangan ng malawak na niyebe, bato, at tubig. Ang lahat ay mukhang malamig at madilim. At ang pagdating sa wakas sa “Pang” ay nakaragdag pa sa larawang iyon. Sa ilalim ng madidilim na ulap, niligid ng eruplano ang malalim na fjord na napaliligiran ng mga dalisdis ng bundok na natatakpan ng niyebe bago kami lumapag sa grabang daanan.
Maling mga Idea
Umuulan sa “Pang,” kaya sumilong kami sa ilalim ng pakpak ng eruplano, hinihintay ang aming mga bakpak na laman ang lahat ng aming pagkain at kagamitan at isang maleta na punô ng literatura sa Bibliya. Nang maubos ang laman sa lalagyan ng mga kargamento, wala ang aming mga gamit. Sa loob ng isang maliit na gusali ng terminal, kami’y sinabihan na malamang na ito ay sakay ng susunod na eruplano, na darating sa loob ng dalawang oras. Sa paano man ay dala namin ang aming tolda, kaya nagsimula kaming lumakad
upang humanap ng campground na mapagtatayuan ng aming tolda. Nanganlong kami mula sa ulan sa isang maliit na tindahan malapit sa campground at nakipag-usap sa babaing namamahala sa tindahan tungkol sa bayan at sa mga tao nito.Nilinaw niya sa amin ang ilan sa aming maling impresyon. Una, yamang ang bayan ay may populasyon na isang libo, natantiya namin na dapat ay may mahigit na 300 bahay. Sa katunayan, mayroon lamang halos 180 bahay. Karamihan ng mga panustos ay dumarating sa pamamagitan ng eruplano, hindi ba? Hindi. Ang mga ito ay dumarating sa pamamagitan ng barko, minsan sa isang taon. Sa katunayan, apat na barko ang dumarating. Isa para sa Hudson Bay Company, ang panlahat na tindahan ng Hilaga; isa na may dalang mga materyales sa konstruksiyon; isa na may dalang langis at gasolina; at isa na may dalang paninda para sa lahat ng iba pang tindahan, pati na ang de-latang pagkain para sa taon. Mangyari pa, ang mga madaling masira ay dumarating sakay ng eruplano.
Hindi Kailanman Dumidilim
Pagkatapos na dumating sa wakas ang aming bagahe, kami’y nagtayo ng tolda at nagluto ng hapunan, lahat sa ulan. Sinabi sa amin ng isang giya sa paglalakbay na siya ay naroon sa loob ng tatlong buwan at nakakita ng siyam na maaraw na araw! Ito’y mas mainit kaysa inaasahan namin—halos 10 digris Celsius, araw at gabi.
Gayunman, hindi kailanman dumilim; ang liwanag kung araw ay namalagi sa buong panahon na naroon kami. Nasumpungan namin na maaari kaming kumuha ng litrato sa pamamagitan ng natural na liwanag sa ala-una ng madaling-araw. Ngunit paano kami makatutulog kung laging maliwanag? Buweno, sapat ang lamig upang magsuot ng mga sombrerong lana, kahit na natutulog; kaya sa pagpatay ng ilaw, itinatakip namin ang aming mga sombrero sa aming mga mata.
Isang gabi bandang alas tres, ako’y ginising ng isang maningning na liwanag mula sa hilaga. Ako’y nalito. Sa Hilagang Hemispero, ang araw ay sumisikat sa silangan, lumilitaw sa timog sa tanghali, at lumulubog sa kanluran, subalit ito kailanman ay hindi lumilitaw sa hilaga. Saka ko natanto na kami ay nasa tuktok ng daigdig, at sa tag-araw sa kalagitnaan ng gabi, ang araw ay talagang sumisikat mula sa hilaga. Matagal bago ako nasanay riyan.
Tanggapin Kaya Kami ng mga Inuit?
Halos lahat ng bahay sa Pangnirtung ay nakatali ng mabibigat na kable sa lupa para huwag
tangayin ng malalakas na hangin. Karamihan ng mga pamilya ay may snowmobiles para sa transportasyon sa taglamig at maliit na tatlo- o apat-na-gulong na sasakyan para sa lupa sa tag-araw. At may ilang kotse, bagaman ang bayan ay halos tatlong kilometro lamang ang mga lansangan! Yamang ang bayan ay nasa munting patag na dako na malapit sa fjord at napaliligiran ng matataas na dalisdis ng bundok, wala kang mapapasyalan.Ang pangunahing bahagi ng pagkain ng bawat pamilya ay tinutustusan sa pamamagitan ng pangangaso ng caribou sa tigang na lupa at ng ring seal, gayundin ng pangingisda ng arctic char. Sa Iqaluit ay natikman namin ang caribouburger, musk-oxburger, at pati ang kaunting muktuk, o balát ng balyena na may kasamang taba. Di-gaya ng taba ng karne ng baka, ang taba ng balyena ay hindi lasang sebo, kahit na malamig, at kami’y sinabihan na ito ay naglalaman ng ilang protina.
Sa buong bayan, nasumpungan namin ang kaunting tao na nakarinig tungkol sa mga Saksi ni Jehova, at sila’y hindi mga katutubo. Sila’y galing sa ibang lugar. Kaya, ang malaking katanungan sa aming mga isipan ay, Paano kaya tutugon ang mga taong ito sa hilaga sa mensahe ng Kaharian? Hindi nagtagal at nalaman namin. Halos lahat ng makilala namin ay tumanggap ng literatura ng Bibliya. Sa katunayan, araw-araw ay dumadalaw ako sa 45 bahay, at bawat araw tatlong tao lamang ang nagsabing, “Hindi ako interesado.”
Nang kumatok kami sa mga pinto noong unang araw, isang binatilyo ang nagmamadaling sumugod sa bahay na dinadalaw namin at ang sabi: “Huwag na kayong kumatok. Tumuloy na kayo. Iyan ang ginagawa rito ng lahat.” Kaya sinunod namin ang payo ng binatilyo, nahihiyang binubuksan namin ang pinto sa labas, pumapasok sa loob tungo sa ikalawang pinto, na karaniwang bukás, at tinatawag ang tao sa loob. Ang mga mamamayan, halos pawang mga Inuit, ay mapaghinala sa simula. Subalit sa pagngiti sa isang palakaibigang paraan, agad na ipinakikilala ang aming sarili, at ipinakikita ang magagandang larawan sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, agad naming napatatahimik ang kanilang kalooban at pinupukaw ang kanilang interes. Ipinakikita sa kanila ang isang larawan ng isang batang nakikipaglaro sa isang leon at binabanggit ang tungkol sa araw na kahit na ang mga osong polo ay magiging maamo at mapayapa at ang pagkain ay hindi na magiging napakamahal ay nakaakit sa kanila.
Pagkatapos dumalaw sa lahat ng bahay sa nayon, gumugol kami ng anim na araw na dala ang aming kagamitan sa aming bakpak sa Auyuittuq National Park, isang kahanga-hangang lupain ng niyebe, yelo, mga glacier, mabatong mga taluktok, at mga talón ng tubig.
Habang ang aming eruplano ay tumataas mula sa Pangnirtung at lumiligid patimog palabas ng fjord, kami’y nagpasalamat sa Diyos na Jehova sa pagkakataong madalaw ang nabubukod na teritoryong ito. Kahit na hanggang sa ngayon, madalas naming maisip ang tungkol sa palakaibigang mga Inuit na iyon na handang tumanggap ng katotohanan ng Bibliya, sa lupaing hindi nawawalan ng yelo.—Isinulat.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Cotton grass. Thor Peak, ang Baffin Island, sa likod ay tumataas ng 1,500 metro sa ibabaw ng pinaka-sahig ng libis
Dulong kanan: Ang matatag na pagtapak ay kailangan upang tawirin ang napakalamig na ilog
Dulong kanan sa ibaba: Mga barkong nasadsad dahil sa pagkati ng tubig sa Pangnirtung
Kanan: Hawak-hawak ng batang Inuit ang kaniyang mahalagang aklat ng “Mga Kuwento sa Bibliya”