Dalawang-Uring Pamumuhay Sino ang Dapat na Makaalam?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dalawang-Uring Pamumuhay Sino ang Dapat na Makaalam?
“Isinasama ako nina Itay at Inay sa Kristiyanong mga pulong, at batid ko kung ano ang tama at mali,” ang pag-amin ni Robert. “Subalit ibig ko na ako’y magustuhan at tanggapin ng ibang mga bata sa paaralan. Kaya para maging siga at sikat, nagsimula akong manigarilyo noong ako’y nasa ikaanim na baitang. Noong ako’y nasa ikapitong baitang, nagsimula na akong gumamit ng LSD at marijuana. Noong ako’y nasa ikawalong grado, nagsimula akong magturok ng drogang tinatawag na speed. Nalinlang ko ang lahat—subalit ako’y kahabag-habag.”
MARAMING kabataan sa ngayon—pati na ang ilan na pinalaki ng mga magulang na Kristiyano—ay namumuhay nang dalawang-uring pamumuhay. Hindi naman lahat ay nagdodroga, gaya ni Robert. Subalit lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang, ang ilang kabataan ay lihim na nakikipag-date, umiinom, nagsusuot ng kakatwang kasuutan, nakikinig sa maiingay na musika, dumadalo sa magugulong parti, at nasasangkot sa sari-saring gawain na tinututulan o ipinagbabawal ng kanilang mga magulang. Tinutularan mo ba mismo ang gayong istilo ng buhay?
Kung ginagawa mo ang gayon, marahil batid mo na ang ginagawa mo ay mali. Gaya ni Robert, maaaring nararanasan mo ang hapis ng nababagabag ang budhi. (Roma 2:15) Gayunpaman, ang isipin na ipagtapat ang iyong maling mga gawa sa iyong mga magulang ay hindi kanais-nais. At kapag isinaalang-alang mo ang malamang na maging mga kahihinatnan, ang pangangatuwirang ‘Kung ano ang hindi nalalaman ng aking mga magulang ay hindi makasasakit sa kanila’ ay waring praktikal. Subalit ito’y makapipinsala sa iyo.
Maling mga Pangangatuwiran
Halimbawa, maaaring inaakala mo na may katuwiran kang maghinanakit hinggil sa paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng iyong mga magulang. Marahil mayroon nga. Subalit kahit na kung minsan sila’y di-makatuwirang mahigpit, hindi kumikibo, o ayaw patalo, nagbibigay-katuwiran ba iyan sa patuloy na pagsuway? Hindi ayon sa Salita ng Diyos, na may ganitong payo: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito’y nakalulugod sa Panginoon.” (Colosas 3:20) At paano kung ikaw ay may katuwiran na magalit sa iyong mga magulang? Makatuwiran ba na ibulalas ang iyong galit sa pamamagitan ng palihim na pagsuway sa bigay-Diyos na mga pamantayan? Sa katunayan, kumikilos ka na para bang ikaw ay “nagagalit laban kay Jehova mismo.” (Kawikaan 19:3) Ang wastong bagay na gawin ay lumapit sa iyong mga magulang at mahinahong ipakipag-usap sa kanila ang anumang mga hinanakit mo.—Kawikaan 15:22.
Hindi rin wasto ang saloobin na sa pamamagitan ng pananahimik naiingatan mong huwag dulutan ng sama ng loob ang iyong mga magulang. Ganito ang sabi ng isang 16-na-taóng-gulang na batang lalaki: “Hindi ko ipinakikipag-usap ang anuman na makapagpapasama ng loob [ng aking mga magulang].” Minsan pa, ang mababaw na pangangatuwirang iyan ay wala kundi panlilinlang sa sarili. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, ito’y kalagayan ng isang tao na kumikilos nang “mapagkunwari sa kaniyang sarili ayon sa kaniyang sariling mga mataAwit 36:2) Kapag talagang nagmamalasakit ka sa damdamin ng iyong mga magulang, unang-una mong iiwasan ang pagsuway. Isa pa, anumang pagtatangka na ilihim ang mga bagay-bagay sa kanila ay malamang na maging walang-saysay, dahil sa tiyak na alam na ng iba ang hinggil sa iyong lihim na buhay.
para alamin ang kaniyang pagkakamali upang kapootan iyon.” (Walang Maitatago
Napatunayan ito ng sinaunang mga Israelita nang kanilang sikaping ilihim ang kanilang masamang gawa. Ganito ang babala ni propeta Isaias: “Sa aba nila na nagsisihanap ng kalaliman upang ilingid kay Jehova ang kanilang payo, at ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi: ‘Sinong nakakikita sa atin, at sinong nakakikilala sa atin?’ ” (Isaias 29:15) Nakalimutan ng mga Israelita na nakikita ng Diyos ang kanilang buktot na mga gawa. Sa pagsapit ng panahon, kaniyang pinapanagot sila sa kanilang mga kasalanan.
Ito’y napatunayang totoo rin naman para sa ilang Kristiyano sa kongregasyon noong unang siglo. Basahin mo ang ulat sa Gawa 5:1-11 tungkol kay Ananias at sa kaniyang asawa, si Safira. Nang isaayos ang isang pantanging paglilikom ng salapi para tulungan ang nagdarahop na mga Kristiyano, ipinagbili ni Ananias ang isang bukid at tahasang nagsabi na kaniyang iniaabuloy ang kabuuang halaga ng napagbilhan nito. Sa katunayan, “lihim na ipinagkait [ni Ananias] ang bahagi ng halaga” para sa kaniyang sariling pakinabang. Ang Diyos ba ay nalinlang ng pakunwaring pagkabukas-palad na ito? Hinding-hindi. “Nagbulaan ka, hindi sa tao, kundi sa Diyos,” sabi ng apostol na si Pedro. “Sa pagkarinig sa mga salitang ito si Ananias ay bumagsak at nalagutan ng hininga.” Si Safira, na isang kasabwat, ay sumunod na namatay. Kapuwa sila nakalimot na ang Diyos ay “nakaaalam ng lihim ng puso.”—Awit 44:21.
Gayundin naman sa ngayon, kahit na ikaw ay matagumpay na nakapaglihim ng maling paggawi sa iyong mga magulang, hindi mo maitatago ang gayong maling paggawi mula sa mapagmasid na mga mata ng Diyos na Jehova. “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin,” sabi ng Hebreo 4:13, “kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” Maaari ka bang malantad nang higit kaysa riyan? At sa pagsapit ng panahon ang inililihim mong kasalanan ay mabubunyag din naman sa iba. Ang Kawikaan 20:11 ay nagsasabi: “Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa kung ang kaniyang mga gawa ay magiging malinis at kung magiging matuwid.” Isa pang kawikaan ang nagsabi: “Siyang nagtatakip ng kaniyang pagsalansang ay hindi magtatagumpay.”—Kawikaan 28:13.
Natutuhan ito ng isang kabataang babae na nagngangalang Tammy noong siya’y bata pa. Bagaman pinalaki ng Kristiyanong mga magulang, siya’y nagsimulang manigarilyo, uminom, at makipag-date sa mga di-kapananampalataya. Sinikap ni Tammy na ilihim ang kaniyang mga bisyo, subalit ganito ang kaniyang gunita: “Napansin ng aking mga magulang ang mga pagbabago sa akin. Ako’y naging rebelde at nagkaroon ng saloobing mapagsarili. Kapag ang isang tao ay namumuhay ng dalawang-uring
pamumuhay, ito’y mabubunyag din sa malao’t madali. Sa akin, di pa natatagalan ay nahayag ito. Nahuli ako ni itay na nakikipagtagpo sa aking boyfriend sa kalapit na paaralan.”Kung Ano ang Nadarama ni Jehova
Kaya naman, kung ano ang hindi nalalaman ng iyong mga magulang ay maaari—at malamang—na makasakit ng kanilang damdamin balang araw. Higit na mahalaga, naitanong mo na ba sa iyong sarili, ‘Ano ang nadarama ni Jehova sa mga namumuhay sa kasinungalingan?’ Ang Awit 5:5, 6 ay sumasagot: ‘Kinapopootan ni Jehova ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan; kaniyang lilipulin sila na nagsasalita ng kabulaanan. Kinayayamutan ni Jehova ang taong magdaraya.’ Huwag mong linlangin ang iyong sarili taglay ang kaisipan na maaari mong mapaglubag ang Diyos sa pamamagitan ng pagkukunwang maka-Diyos kapag dumadalo ka sa relihiyosong mga pagtitipon. Batid niya kung ang mga tao ay ‘nagpaparangal sa kaniya sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayung-malayo sa kaniya.’—Marcos 7:6.
Kaya naman, isang kabataang nagngangalang Ricardo, na nalugmok sa lisyang paggawi sa sekso, ang nagtapat: “Ang isang tao ay nakadarama ng matinding kabagabagan kapag natatalos niyang pinighati niya si Jehova.” Subalit maaari nga kayang pighatiin si Jehova—alalaong baga’y, magdulot ng samâ ng loob sa kaniya? Maaari nga! Nang talikdan ng sinaunang bansang Israel ang Kautusan ng Diyos, kanilang “pinasakitan ang Banal ng Israel.” (Awit 78:41) Anong laki ng samâ ng loob niya ngayon kapag ang mga kabataan na pinalaki “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova” ay palihim na gumagawa ng maling mga bagay!—Efeso 6:4.
Nasaktang mga Magulang
Kung gayon, isip-isipin na hindi ka palaging makapaglilihim magpakailanman. Kailangang ito’y aminin mo sa Diyos, sa iyong mga magulang, at sa iyong sarili mismo upang maging malinis at ipagtapat kung ano ang mga bagay na nagaganap sa lihim. Sabihin pa, maaaring ito’y magbunga ng kahihiyan at marahil ng ilang nakahahapis na mga kahihinatnan. (Hebreo 12:10, 11) Kung ikaw ay nakagawa ng pagsisinungaling at panlilinlang, hinahamak mo ang pagtitiwala ng iyong magulang sa iyo. Kaya huwag kang magtataka kung paghigpitan ka nila nang higit kaysa dati. Ganito ang gunita ni Tammy: “Pagkatapos na mahuli ako na nakikipagtagpo sa aking boyfriend, natakot ang aking ama. Kaniyang natalos ngayon na hindi ako mapagkakatiwalaan. Nangangahulugan ito na lagi akong babantayan.” Subalit nabatid ni Tammy na inaani lamang niya ang kaniyang itinanim.—Galacia 6:7.
Maaasahan mo rin na ang iyong mga magulang ay masasaktan at magagalit. Ang kanilang pangalan at dangal ay nadungisan. (Ihambing ang Genesis 34:30.) Kung ang iyong ama ay isa sa mga Saksi ni Jehova, maaaring bitiwan pa nga niya ang ilang pribilehiyo sa kongregasyon. (Tito 1:5-7) Oo, gaya ng sabi ng Kawikaan 17:25, ang isang rebeldeng kabataan ay maaaring “hirap sa kaniyang ama at kapaitan sa nanganak sa kaniya.”
Ang awtor na si Joy P. Gage ay tuwirang naglarawan kung ano ang nadarama ng mga magulang kapag ang kanilang anak ay nagrebelde. Ang sabi niya: “Ang ilang magulang ay umiiyak nang tahimik. Ang ilan ay nagpapalahaw sa pag-iyak. Ang iba naman ay palihim na lumuluha. Iniiyakan nila ang kanilang mga kahapong nagdaan. Sila’y lumuluha sapagkat walang anu-ano naglaho na ang magandang bukas. Sila’y lumuluha sa maaaring mangyari. Sila’y lumuluha sa tiyak na mangyayari. Sila’y umiiyak dahil sa galit. Sila’y lumuluha dahil sa kabiguan.” Mauunawaan naman, hindi madali na harapin ang naging sanhi ng kahapisan ng dalawang tao na nagmahal sa iyo nang higit kaysa kaninuman sa mundo. Ang sabi ni Tammy: “Ginunita ko ang nagdaan at sana’y hindi ko nadulutan ng kalumbayan ang aking ama’t ina.”
Gayunman, hindi mo na maaaring balikan at pawiin ang kahapon. At bagaman ito’y tiyak na magiging masakit at mahirap, may pananagutan ka na sikaping ituwid ang mga bagay-bagay. (Ihambing ang Isaias 1:18.) Iyan ay nangangahulugan ng pagsasabi ng totoo sa iyong mga magulang, kinikilala ang kanilang samâ ng loob at galit, tinatanggap ang anumang disiplina na kanilang igagawad. Ang pagsasabi mo ng totoo ay maaaring ang unang hakbang sa pagdudulot ng kaligayahan sa puso ng iyong mga magulang, at sa puso ng Diyos na Jehova, gayundin ng pagtatamo ng kaluguran sa pagkakaroon mo ng isang malinis na budhi.—Kawikaan 27:11; 2 Corinto 4:2.
Subalit papaano ka ba makapagsasabi sa iyong mga magulang? Papaano mo maaalpasan ang pamumuhay ng dalawang-uring pamumuhay? Ang mga katanungang ito ay tatalakayin sa aming susunod na labas.
[Larawan sa pahina 19]
Ang pagsasabi ng totoo ay magdudulot ng kaginhawahan sa iyo at sa iyong mga magulang