Inililigaw ng mga Siyentipiko ang Publiko
Inililigaw ng mga Siyentipiko ang Publiko
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya
SI Tomás Serrano, isang may edad, sunog sa araw na magsasakang Kastila, ay naniwala sa loob ng maraming taon na ang kaniyang kapirasong lupa sa Andalusia ay may itinatagong di-pangkaraniwang bagay. Madalas na nahuhukay ng kaniyang araro ang pambihirang mga buto at ngipin na tiyak na hindi sa anumang baka roon. Subalit nang banggitin niya ang kaniyang mga tuklas sa nayon, walang nagbigay-pansin—sa paano man hanggang noong 1980.
Noong taóng iyon isang pangkat ng mga paleontologo ay dumating upang suriin ang rehiyon. Hindi nagtagal ay nahukay nila ang totoong napakaraming fossil (matigas na labí ng hayop o halaman sa loob ng bato): mga buto ng oso, elepante, hipopotamos, at iba pang hayop—na pawang inilagak sa isang maliit na lugar na maliwanag na isang natuyong latian. Gayunman, noong 1983 biglang lumitaw ang mabungang dako sa mga ulong-balita sa buong daigdig.
Isang maliit gayunma’y iisang piraso ng bungo ang natuklasan kamakailan. Ito’y ipinahayag na “ang pinakamatandang labí ng tao na natuklasan sa Europa at Asia.” Tinatantiya na ito ay nasa pagitan ng 900,000 at 1,600,000 taóng gulang, inaasahan ng ilang siyentipiko na ito ay magpapakilala ng “isang pagbabago sa pag-aaral ng mga uri ng tao.”
Ang fossil na nagdala ng lahat ng kasiglahang ito ay binansagang “Taong Orce”—hango sa pangalan ng nayon sa lalawigan ng Granada, Espanya, kung saan ito natuklasan.
Ang “Taong Orce” ay Binigyan ng Publisidad
Noong Hunyo 11, 1983, itinanghal sa publiko sa Espanya ang mga fossil. Iginarantiya na ng kilalang mga siyentipikong Kastila, Pranses, at Britano ang pagiging totoo nito, at agad na nakikinita ang pulitikal na suporta. Masiglang iniulat ng isang magasing Kastila: “Ang Espanya, at lalo na ang Granada, ang nangunguna ngayon sa unang-panahong [tao] sa makrokontinente ng Eurasia.”
Ano nga ba ang katulad ng “Taong Orce”? Inilarawan siya ng mga siyentipiko bilang isang mandarayuhan kamakailan buhat sa Aprika. Di-umano, ang partikular na fossil na ito ay labí ng isang binata na mga 17 anyos at limang piye ang taas. Malamang na siya ay isang mangangaso at tagatipon na maaaring hindi pa marunong gumamit ng apoy. Malamang na mayroon na siyang ginagamit na wika at relihiyon. Siya ay kumain ng prutas, binutil, mga beri, at mga insekto, pati na ng paminsan-minsang labí ng mga hayop na napatay ng mga hyena.
Mga Alinlangan Tungkol sa Pagkakakilanlan
Noong Mayo 12, 1984, dalawang linggo lamang bago ang isang internasyonal na siyentipikong seminar tungkol sa paksang ito, bumangon ang seryosong mga pag-aalinlangan tungkol sa pinagmulan ng kapirasong bungo na iyon. Pagkatapos ng maingat na pag-alis ng tumigas na mga deposito sa loob na bahagi ng bungo, natuklasan ng mga paleontologo ang isang nakalilitong “gulugod.” Ang bungo ng tao ay walang gayong gulugod. Ang seminar ay ipinagpaliban.
Ganito ang ulong-balita ng pahayagan sa Madrid na El País, “Seryosong mga Palatandaan na ang Bungo ng ‘Taong Orce’ ay sa Isang Asno.” Sa wakas, noong 1987, isang siyentipikong dokumento na isinulat nina Jordi Agustí at Salvador Moyà, dalawa sa mga paleontologong kasangkot sa orihinal na pagtuklas, ang nagpahayag na talagang pinatutunayan ng pagsusuri
sa X-ray na ang fossil ay labí ng isang uri ng kabayo.Bakit Sila Nailigaw?
Ang ganap na kabiguang ito ay bumangon sa ilang kadahilanan, na walang gaanong kaugnayan sa siyentipikong pamamaraan. Ang madulang pagkatuklas sa mga ninuno ng tao ay bihirang nagtatagal sa pantanging larangan ng mga siyentipiko. Ang mga pulitiko ay agad na sumusuporta sa kung ano ang sa wari’y kapaki-pakinabang, at ang siyentipikong sigasig ay nadaraig ng nasyonalistikong kaalaban.
Ipinahayag ng isang panrehiyong minister ng kultura na ito’y isang maipagmamalaking monumento para sa Andalusia “na maging ang dako ng gayong dakilang tuklas.” Nang ang mga pag-aalinlangan tungkol sa tuklas ay ipinahayag sa ilang pangkat, matatag na pinanindigan ng pamahalaan ng rehiyon na “ang mga labí ay totoo.”
Ang walang gaanong halagang fossil na iyon (halos 8 centimetro sa diyametro) ay labis-labis na pinahalagahan dahilan sa kakulangan ng ebidensiya na aalalay sa sinasabing ebolusyon ng tao. Sa kabila ng maliit na katumbasan ng fossil, ang “Taong Orce” ay pinapurihan bilang “ang pinakadakilang tuklas ng paleontolohiya sa nakalipas na mga taon, gayundin ang nawawalang kawing sa pagitan ng karaniwang taong Aprikano (Homo habilis) at ng pinakamatandang tao sa kontinente ng Eurasia (Homo erectus).” Ang saganang guniguni at hindi gaanong siyentipikong panghuhula ay nakasapat upang punan ang mga detalye tungkol sa hitsura at paraan ng pamumuhay ng “Taong Orce.”
Isang taon o mahigit pa bago ang pagkatuklas sa “Taong Orce,” ang lider ng pangkat ng mga siyentipiko, si Dr. Josep Gibert, ay nagbakasakali tungkol sa mga sorpresa na isisiwalat sa dakong iyon. “Isa ito sa pinakamahalagang pagpapako ng pansin sa nakabababang Quaternary sa Europa,” giit niya. At kahit na pagkatapos isiwalat ang tunay na pagkakakilanlan ng fossil, iginiit ni Dr. Gibert: “Sa malao’t madali, ang internasyonal na makasiyentipikong pamayanan ay matibay na naniniwala na sa lugar ng Guadix-Baza [kung saan nasumpungan ang kapirasong bungo] ay makasusumpong ng isang fossil ng tao na mahigit na isang milyong taóng gulang, at iyan ay tiyak na magiging isang dakilang tuklas.” Tunay, isang mapagnasang saloobin!
“Ang Siyensiya ay Nauukol sa Pagtuklas ng Katotohanan”
Matapat na inamin ng kasamang nakatuklas sa “Taong Orce,” si Dr. Salvador Moyà, sa Gumising!: “Natuklasan namin ni Dr. Jordi Agustí na napakahirap tanggapin na ang fossil ay hindi sa tao. Gayunman, ang siyensiya ay nauukol sa pagtuklas ng katotohanan, bagaman ito ay hindi natin naiibigan.”
Ipinakikita ng usaping bumabalot sa “Taong Orce” kung gaano kahirap ang atas para sa paleontolohiya na ilabas ang katotohanan tungkol sa tinatawag na ebolusyon ng tao. Sa kabila ng mga dekada ng paghukay, ang tunay na mga labí ng ipinalalagay na tulad-bakulaw na ninuno ng tao ay hindi pa natuklasan. Bagaman hindi ito naiibigan ng ilang siyentipiko, maaari kayang ang kakulangan ng matibay na ebidensiya ay tumuturo sa katotohanan na ang tao ay hindi nga produkto ng ebolusyon?
Maaaring itanong ng isang walang kinikilingang tagamasid sa kaniyang sarili kung ang ibang kilalang “taong-bakulaw” ba ay napatunayang mas mahalaga kaysa “Taong Orce.” a Gaya ng saganang ipinakikita ng kasaysayan, maaaring akayin ng siyensiya ang mga tao sa katotohanan, subalit ang mga siyentipiko ay nagkakamali. Totoo ito lalo na kapag pinalalabo ng pulitikal, pilosopikal, at personal na pagkiling ang usapin—at kapag napakakaunti ang ginagamit upang ipaliwanag ang napakaraming bagay.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong pagsusuri ng iba pang tinatawag na taong-bakulaw, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Itaas: Isang larawan ng 7.5-centimetrong diyametro na piraso ng ipinalalagay na “Taong Orce”
Kanan: Isang ipinintang larawan ng ipinalalagay na “unang tao” na gaya ng naguguniguni ng mga ebolusyunista