Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagtibay ng Korte Suprema ng Pilipinas ang Kalayaan ng Pagsamba

Pinagtibay ng Korte Suprema ng Pilipinas ang Kalayaan ng Pagsamba

Pinagtibay ng Korte Suprema ng Pilipinas ang Kalayaan ng Pagsamba

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pilipinas

NOONG Hunyo 7, 1993, nang bumalik sa kani-kanilang silid-aralan ang milyun-milyong mag-aarál na Pilipino, ang naroroong mga Saksi ni Jehova ang siyang pinakamaligaya. Bakit? Dahil noong Marso 1, 1993, bago ang pagsasara ng nakaraang pasukan, binaligtad ng Korte Suprema ng Pilipinas ang isang desisyon ng Korte Suprema ng 1959 at pinagtibay ang karapatan ng mga anak ng mga Saksi ni Jehova na tanggihan ang pagsaludo sa bandila, ang pagsambit ng panatang makabayan, at ang pag-awit ng pambansang awit.

Ano’t nabaligtad ang mga pangyayari? At ano ang idinulot para sa mga umiibig sa kalayaan na nasa Pilipinas bilang resulta ng pasiyang ito?

Kung Bakit Hindi Sumasaludo sa Bandila ang mga Saksi ni Jehova

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang pagsaludo sa bandila, pag-awit ng pambansang awit, at pagsambit ng panatang makabayan ay mga gawaing relihiyoso. Ang kanilang sinanay-sa-Bibliyang budhi ay hindi nagpapahintulot sa kanila na makibahagi sa gayong mga gawa ng pagsamba. (Mateo 4:10; Gawa 5:29) Saanmang bansa sila naninirahan, ito ang kanilang paninindigan bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, na siyang nagsabing ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan, gaya [niya] na hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:16.

Kasabay nito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita naman ng paggalang sa mga pamahalaang sumasakop sa kanila, at sila’y naniniwalang ang mga ito’y isang kaayusang ipinahihintulot ng Diyos. Kaya naman, sila’y may pananagutang sumunod sa mga batas ng lupain, magbayad ng buwis, at magbigay ng nararapat na paggalang sa namamahalang mga opisyal. Hindi sila nakikilahok kailanman sa anumang paghihimagsik laban sa alinmang pamahalaan. a

Mga Dahilan ng Desisyon ng Korte Suprema

Anu-anong dahilan ang ibinigay ng kasalukuyang Korte Suprema sa pagbaligtad ng desisyon sa Gerona v. Secretary of Education ng 1959? Ang desisyon ng 1993 na isinulat ni Hukom Griño-Aquino ay bumanggit: “Ang idea na ang isa’y maaaring piliting sumaludo sa bandila, umawit ng pambansang awit, at sambitin ang panatang makabayan, sa panahon ng seremonya sa bandila at kung hindi’y paaalisin sa trabaho o sa paaralan, ay salungat sa budhi ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino na kinamulatan na ang Katipunan ng mga Karapatan (Bill of Rights) na gumagarantiya sa kanilang mga karapatan sa malayang pagsasalita at malayang pagganap ng relihiyosong propesyon at pagsamba.”

Napansin ng Korte na bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay “hindi nakikibahagi sa sapilitang seremonya sa bandila, hindi sila kinakikitaan ng ‘mga pagkilos’ o paggawi na makasasakit sa kanilang mga kababayan na naniniwalang maihahayag ang kanilang pag-ibig sa bansa sa pamamagitan ng pagdaraos ng seremonya sa bandila.” Napansin pa ng Korte: “Sila’y tahimik na nakatayo nang tuwid sa panahon ng seremonya sa bandila upang ipakita ang kanilang paggalang sa karapatan niyaong nagnanais na makibahagi sa pormal na mga ginagawa. . . .Yamang hindi sila nakaaabala, walang dahilan upang sila’y palayasin.”

Hinarap din ng kasalukuyang Korte ang pag-aakala noon sa desisyon ng Gerona na kung pahihintulutan ang mga Saksi ni Jehova na mapalibre sa mga kahilingan sa pagsaludo sa bandila, “ang seremonya sa bandila ay lilipas o marahil kakaunti na lamang ang makikibahagi, at darating ang panahon na magkakaroon tayo ng mga mamamayang di-naturuan at di-naikintal sa isip at di-napuspos ng pagpipitagan sa bandila at pag-ibig sa bansa, ng paghanga sa pambansang mga bayani, at pagkamakabayan​—isang kalunus-lunos, nakapanlulumong kalagayan pa nga, at lahat ay dahil lamang sa iginiit ng isang maliit na bahagi ng populasyon ng paaralan ang kagustuhan nito, humiling bilang karapatan at pinagkalooban naman ng eksempsiyon.”

Sinagot ito ng desisyon ng Korte ng 1993 sa pagsasabi: “Ang situwasyon na malubhang sinapantaha ng Korte sa Gerona . . . ay hindi naganap. Hindi kami naamuki na sa pagpapahintulot sa mga Saksi ni Jehova sa di-pagsaludo sa bandila, di-pag-awit ng pambansang awit at di-pagsambit sa panatang makabayan, ang relihiyosong grupong ito na inaaming binubuo lamang ng isang ‘maliit na bahagi ng populasyon ng paaralan’ ang gugulo ng ating bahagi ng globo at biglang magbubunga ng isang bansang ‘di-naturuan at di-naikintal sa isip at di-napuspos ng pagpipitagan sa bandila, ng pagkamakabayan, ng pag-ibig sa bansa at paghanga sa pambansang mga bayani.’”

Sa katapusan ay tinukoy ng kasalukuyang Korte ang komento ni G. Hukom Robert Jackson ng Korte Suprema ng E.U. sa kaso ng Barnette ng 1943 na doo’y sinabi niya: “Ang paniniwala na ang pagkamakabayan ay hindi uunlad kung ang mga seremonyang makabayan ay dahil lamang sa sariling kagustuhan at pagkukusa sa halip na isang sapilitang kalakaran ay isang di-magandang pagtantiya sa kung ano ang palagay ng malalayang kaisipan sa ating mga institusyon. . . . Ang kalayaang mapaiba ay hindi limitado sa mga bagay na di-gaanong mahalaga. Iyon ay isa lamang bahagyang anino ng kalayaan. Ang tunay na katangian nito ay ang karapatang mapaiba kung tungkol sa mga bagay na tumitimo sa puso ng kasalukuyang kalakaran.”

Matapos banggitin ang maiinam na puntong ito sa batas, ang nagkakaisang desisyon ng Korte ng Pilipinas ay na: “Ang utos na pagpapalayas na inilabas ng panig ng tanggapang pampubliko laban sa mga nagpepetisyon ay PINAWAWALANG-BISA AT NIWAWALANG-SAYSAY. Ang pansamantalang pagpigil [sa mga awtoridad ng paaralan] na ipinalabas ng Korte ay ginagawa na ngayong panghabang-panahon.”

Idinagdag ni Kasamang Hukom Isagani Cruz ang pagpunang ito bilang pagsang-ayon: “Sa aking abang palagay, ang Gerona ay ibinatay sa maling pag-aakala. Ang Korte na nagpahayag nito ay malamang na nahihirapan sa paniniwalang ang Estado ay may karapatang magtakda kung alin ang panrelihiyon at kung alin ang hindi at iutos sa tao kung ano ang dapat at di-dapat sambahin. . . . Sa pagpilit sa nasabing nagpepetisyon na makilahok sa seremonya sa bandila, nagdeklara ang Estado ng ex cathedra na hindi nila nilalabag ang Bibliya sa pagsaludo sa bandila. Ito para sa akin ay di-makatarungang panghihimasok sa kanilang relihiyosong paniniwala, na nagsasabi sa kanila ng taliwas dito. Hindi maaaring ang Estado ang magbigay ng kahulugan ng Bibliya para sa kanila. Wala itong kakayahan sa bagay na ito.”

Ang Kahulugan Para sa mga Umiibig sa Kalayaan

Lahat ng umiibig sa kalayaan ay tiyak na nagagalak sa desisyong ito na papagtibayin ang karapatan ng malayang pagpili kung tungkol sa relihiyon at sa iniuutos ng budhi, samantalang kasabay nito ay napasasakop sa relatibong awtoridad ng estado. (Roma 13:1, 2) Sa pangangalaga sa karapatan ng mga tao, hindi binubuksan ng Estado ang daan para sa anarkiya kundi, sa halip, naglilingkod ayon sa paraang binanggit ni apostol Pablo sa Roma 13:5, 6, na doo’y sinabi niya: “May . . . mahigpit na dahilan na kayong mga tao’y pasakop, . . . dahil sa inyong budhi. Sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad din ng buwis; sapagkat sila’y mga pangmadlang lingkod ng Diyos na patuluyang naglilingkod sa mismong layuning ito.”

Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas ang naging hatol ng mga hukom ng Korte Suprema at kinikilala nila na ang katapusang papuri ay dapat ibigay sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova.

[Talababa]

a Para sa isang detalyadong pagtalakay sa kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikilahok sa pagsaludo sa bandila, pag-awit ng pambansang mga awit, at pagsambit ng panatang makabayan, pakisuyong tingnan ang brosyur na School and Jehovah’s Witnesses, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., mga pahina 12-16.