Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Lungsod na Punô ng mga Tao”

“Ang Lungsod na Punô ng mga Tao”

“Ang Lungsod na Punô ng mga Tao”

ANG Tokyo, São Paulo, Lagos, Mexico City, at Seoul ay angkop sa paglalarawan, bagaman hindi ito ang tinutukoy ng propeta ng Bibliya na si Jeremias. Tinutukoy niya ang Jerusalem pagkatapos ng pagkawasak nito sa kamay ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E.​—Panaghoy 1:1.

Palibhasa ang populasyon ngayon ng daigdig ay mga lima at kalahating bilyon, ang mga lungsod na punô ng mga tao ay hindi mahirap hanapin. Ang maliwanag na kausuhan sa nakalipas na kalahating siglo ay tungkol sa pagiging malaki. Samantalang 7 lamang mga sentro ng lungsod sa daigdig ang may limang milyong maninirahan noong 1950, tinataya na sa pagtatapos ng dantaon, hindi kukulanging 21 lungsod ang magkakaroon ng mahigit na sampung milyong maninirahan, pati na ang 5 lungsod na binanggit sa itaas.

Paano Lubhang Lumaki ang mga Ito?

Ang pagkalaki-laking mga lungsod ay nabubuo kapag ang mga residente sa rural na dako ay lumipat sa lungsod upang humanap ng trabaho at kapag ang mga maninirahan sa lungsod ay umalis sa mas mataong bahagi ng lungsod sa paghahanap ng mas maluwang at kaaya-ayang kapaligiran, na mula roon ay nagbibiyahe sila patungo sa trabaho na sakay ng kotse, bus, o tren. Di-nagtatagal, ang mga arabal na ito, pati na ang kanilang sentrong lungsod ay nagsasama-sama upang mabuo ang isang metropolitan na dako.

Ang ilang pagkalaki-laking lungsod ay naging parang “mga tin-edyer.” Ang Tenochtitlán​—ngayo’y tinatawag na Mexico City​—ay itinatag noong mga 1325. Noong 1519, nang dumating ang mga Kastila, ang kabiserang ito ng Imperyo ng Aztec ay may populasyon nang marahil ay halos 300,000.

Gayunman, tulad ng mga taong tumataba pagtuntong ng edad 40, ang ibang mga lungsod ay lumalawak lamang pagkakaedad. Ang Seoul, ang dakong pinagdausan ng 1988 Olympics, ay mula pa noong panahon bago-Kristiyano, subalit mga 50 taon ang nakalipas, ang populasyon nito ay isang-ikasampung bahagi lamang ng kung ano ang populasyon nito sa ngayon. Ngayon ito ay tinatawag na tahanan ng halos sangkapat ng 43 milyong maninirahan ng bansa.

Tulad ng Seoul, ang pangalan ng Tokyo ay nangangahulugan din ng “kabisera.” Sa katunayan, sa kaso ng Tokyo, ito’y nangangahulugang “silangang kabisera.” Dati-rati’y Edo, ang pangalan ay binago tungo sa Tokyo noong 1868 nang ang kabisera ay inilipat mula sa kanlurang dako ng lungsod ng Kyoto. Ang lugar sa palibot ng Edo ay pinaninirahanan na noong panahon bago-Kristiyano, subalit ang pundasyon ay hindi nailagay para sa pagkalaki-laking lungsod sa ngayon kundi noong 1457, nang itayo roon ng isang makapangyarihang mandirigma ang isang kastilyo. Noong ika-17 siglo, ang lungsod ay itinatag, at noong kalagitnaan ng mga taóng 1800 ito ay may populasyon na mahigit isang milyong tao. Sinasabing ito noon ay mas maraming neon signs kaysa anumang lungsod sa daigdig, ang Tokyo ay masyadong makabago.

Ang isa pang makabagong pagkalaki-laking lungsod na nagbabadya ng may kabataang ganda ay ang São Paulo, Brazil. Taglay ang malalawak na mga abenida at makabagong matataas na mga gusali, ito’y mukhang batang-bata pa sa edad nito, na itinatag ng mga misyonerong Jesuitang Portuges noong 1554. Ngayon, sa Enero, ipagdiriwang ng mga residente nito​—mga Paulista​—ang ika-440 anibersaryo nito. Ang São Paulo ay nanatiling maliit hanggang noong mga taon ng 1880, ang panahon nang ang salapi ng bagong silang na industriya ng kape sa Brazil ay nagsilbing isang batubalani na umakit sa mga mandarayuhan mula sa Europa at nang dakong huli ay mula sa Asia.

Ang mga Portuges ay nagkaroon din ng bahagi sa paggawa ng isang pagkalaki-laking lungsod sa Nigeria. Mangyari pa, matagal nang panahon bago dumating ang mga Europeo noong dakong huli ng ika-15 siglo, ang lugar ng Lagos ay pinaninirahanan ng isa sa pinakamatao at pinakasibilisadong tropikal na mga tao sa Aprika noong panahon bago ang pananakop, ang mga Yoruba. Ang lungsod ay isang kilalang pamilihan ng mga alipin hanggang noong kalagitnaan ng mga taóng 1800. Noong 1861 ito’y idinagdag ng Britaniya, at noong 1914 ito ay naging kabisera ng dating kolonyang Britano.

“Ang Malaki Ay Hindi Na Lalong Mabuti”

Ang pagiging malaki ay may mga bentaha. Karaniwan na, mientras mas malaki ang lungsod, mas malaki ang tsansa ng mga mamamayan nito na mamuhay nang isang mayamang sosyal at kultural na buhay. Pabor din ang mga salik pangkabuhayan sa pagiging malaki, yamang ang malaking populasyon ay nagbibigay ng mas maraming gawaing pangkabuhayan at mga posibilidad sa trabaho. Tulad ng isang malakas na batubalani, ang mga pakinabang na pangkabuhayan sa mga lungsod ay nakaaakit sa mga taong naghahanap ng lupang pangako. Subalit kapag hindi sila nakakita ng trabaho, sila’y nauuwi sa pamumuhay sa mga slum, marahil ay nagpapalimos upang mabuhay, o kapag sila ay walang matirhan, dahil sa kakulangan ng angkop na mga pabahay, anong daling makaranas ng kabiguan at saklap ng buhay!

Ang magasing National Geographic ay nangangatuwiran na ang napakalaki ay totoong sobrang laki, sa pagsasabing: “Hindi pa natatagalan, may pagmamalaking itinatawag-pansin ng mga lungsod ang kanilang paglaki. Ang malaki ay mabuti, at ipinagmamalaki ng pinakamalalaking lungsod ang kanilang ranggo sa daigdig. Subalit ang malaki ay hindi na mas mabuti. Sa ngayon, ang paghawak sa titulong ‘pinakamalaking lungsod sa daigdig’ ay tulad ng isang malusog na kabataang sinabihan na siya ay may malubhang sakit. Ito’y maaaring gamutin, ngunit hindi dapat waling-bahala.”

Ang paghadlang sa mga tao mula sa pagsisiksikan sa mga lungsod sa di-kaaya-ayang dami ay halos isang imposibleng atas. Kaya sinisikap ng pagkalaki-laking mga lungsod na harapin ang hamon sa iba pang paraan, marahil sa pamamagitan ng pagtatayo ng hanay at hanay na hindi maganda, magkakamukhang mga gusaling tenement, sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas matataas na mga gusaling halos abot-langit, o sa pamamagitan ng pagbaling sa ganap na bagong mga idea. Halimbawa, ang mga kompaniya ng konstruksiyon ng mga Hapones ay nag-eeksperimento ngayon sa idea na pagtatayo ng pagkalaki-laking mga gusali sa ilalim ng lupa, kung saan ang milyun-milyong tao ay maaaring magtrabaho, mamili, at manirahan pa nga. “Ang isang lungsod sa ilalim ng lupa ay hindi na isang pangarap,” sabi ng isang ehekutibong nagtatayo ng mga gusali, “inaasahan naming ito’y magkakatotoo sa maagang bahagi ng susunod na siglo.”

Kahit na mula sa pisikal na pangmalas, ang malaki ay hindi laging mas mabuti. Ang malalaking sakuna ay maaari​—at nangyayaring​—humampas saanman. Subalit kapag humampas ito sa mga lungsod, ang pagkawasak ng buhay at ari-arian ay posibleng mas malaki. Upang ilarawan: Ang Tokyo ay dumanas ng matinding malalaking sakuna, kapuwa likas at gawang-tao. Noong 1657 mga 100,000 katao ang natupok sa isang kapaha-pahamak na sunog, noong 1923 halos kasindaming tao rin ang nasawi sa mapamuksang lindol at sunog, at marahil kasindami ng sangkapat ng isang milyon noong matinding pagbomba sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II.

Ang mga problema ng daigdig ay nasasalamin sa mga lungsod nito​—polusyon sa lungsod at buhul-buhol na trapiko. Ang dalawang problema ay mainam na mailalarawan ng Mexico City, dati’y inilarawan bilang isang “halimbawa ng malaking sakuna sa lungsod.” Mahigit sa tatlong milyong kotse ang nakabará sa mga lansangan. Ang mga ito, pati na ang mga pabrika na kumakatawan sa mahigit na kalahati ng kabuuang industriya sa Mexico, ay lumilikha ng gayon na lamang araw-araw na dosis ng polusyon anupat, ayon sa report noong 1984, “ang basta paghinga ay tinatayang katumbas ng paninigarilyo ng dalawang kaha ng sigarilyo isang araw.”

Mangyari pa, hindi natatangi ang Mexico City. Anong makabagong industriyalisadong lungsod ang walang polusyon at buhul-buhol na trapiko? Sa Lagos, ang trapiko kung abalang mga oras ay tinatawag na “go-slow,” napakaangkop na pangalan. Ang lungsod ay kumakalat sa ibayo ng apat na pangunahing mga isla; hindi kaya ng mga tulay mula sa mainland na pangasiwaan ang dami ng mga kotse na bumabará sa mga daan, halos hindi tumatakbo ang trapiko. Ang aklat na 5000 Days to Save the Planet ay nagsasabi: “Halos dumating na ang panahon na mas mabilis pa ang lumakad.” Halos?

Ang Higit Pang Malulubhang Problema

Ang pagkalaki-laking mga lungsod ay sinasalot ng higit pang malulubhang problema. Bukod sa di-sapat na mga pabahay, siksikang mga paaralan, at kulang na kawani sa mga ospital, sangkot din ang sikolohikal na mga aspekto. Si Dr. Paul Leyhausen, isang kilalang Alemang etologo, ay nagsasabi na “maraming sakit sa isip at hindi makabagay sa lipunan ay, bahagya o ganap, tuwiran o di-tuwiran, dahil sa pagsisiksikan.”

Inaalisan ng pagkalaki-laking mga lungsod ang kanilang mga mamamayan ng diwa ng pamayanan, ginagawa ang lungsod na mga taong walang indibiduwalidad na basta mga bilang lamang. Sa gitna ng daan-daang kapitbahay, ang isang naninirahan sa lungsod ay maaaring malumbay, naghahangad ng mga kaibigan at mga kasama na hindi niya masumpungan. Ang diwa ng pagiging dayuhan na likha ng kalagayang ito ay nagiging mapanganib kapag nabaha-bahagi nito ang multinasyonal na mga mamamayan tungo sa mga pangkat na panlahi o etniko. Ang hindi pagkakapantay-pantay sa kabuhayan o mga pagtatangi​—tunay o guniguni​—ay maaaring humantong sa malaking sakuna, gaya ng natutuhan ng Los Angeles noong 1992 nang ang mga kaguluhan ng karahasan dahil sa lahi ay nagbunga ng mahigit na 50 kamatayan at 2,000 nasugatan.

Ang pinakamalaking panganib na nauugnay sa buhay sa lungsod ay ang hilig nito na isaisang-tabi ang espirituwalidad. Ang buhay sa lungsod ay magastos, kaya naman ang mga nakatira rito ay madaling maabala ng mga kabalisahan sa buhay. Wala saanmang dako na napakaraming bagay na aabala sa mga tao upang kaligtaan ang mga bagay na talagang mahalaga. Wala saanmang dako na ang mga pagkakataon para sa paglilibang​—mabuti, masama, at mahalay​—ay napakarami na gaya ng sa lungsod. Gayunding kakulangan ng espirituwalidad ang naging dahilan ng pagkawasak ng Jerusalem, ang lungsod na punô ng mga tao na tinukoy ni Jeremias.

Tulad sa Pag-ayos ng Isang Eruplanong Lumilipad

Dahil sa napakaraming kahirapan, ang 5000 Days to Save the Planet ay naghinuha na “ang atas na paglalaan ng isang desenteng pamantayan ng pamumuhay para sa mga maninirahan sa lungsod sa ngayon, huwag nang banggitin ang mga darating na salinlahi, ay para bang hindi malulutas na mga problema.” Ang pagtugon lamang sa kasalukuyang mga pangangailangan “ay naglalagay ng isang napakabigat na pasanin sa kapaligiran at sa lipunan.” Tumatanaw sa hinaharap, sabi nito: “Upang matagumpay na mapangasiwaan ang di-malulutas na mga problemang ito kapag ang mga lungsod ay lumaki nang tatlong ulit sa kanilang kasalukuyang populasyon ay isang mapagnais na saloobin.”

Walang alinlangan tungkol dito, ang mga lungsod ay nanganganib. At ang pagkalaki-laking mga lungsod, dahil sa kanilang laki, ay lalo nang nanganganib! Ang kanilang mga karamdaman ay naglagay sa buong daigdig sa banig ng kamatayan nito. Mayroon bang lunas na natatanaw?

Tayo’y apektado ng pagkalaki-laking mga lungsod. Kahit na ang mas maliliit na lungsod ay maaaring makaimpluwensiya sa atin, ang ilan sa isang paraan na ganap na hindi kasukat ng kanilang laki. Bilang mga halimbawa nito, isaalang-alang ang karagdagang mga lungsod na tatalakayin sa aming susunod na labas.

[Larawan sa pahina 25]

Lagos, punô ng mga tao