Isang Maligayang Tahanan—Kung Saan ang Dalawa ay Nagkakaisa
Isang Maligayang Tahanan—Kung Saan ang Dalawa ay Nagkakaisa
KUNG ikaw ay magtatayo ng isang matibay, matatag, komportableng tahanan, anong materyales ang gagamitin mo? Kahoy? Ladrilyo? Bato? Narito ang iminumungkahi ng aklat ng Bibliya na Kawikaan: “Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay magiging matatag. At sa pamamagitan ng kaalaman ang mga silid ay mapupuno ng lahat ng mahalaga at nakalulugod na mga kayamanan.” (Kawikaan 24:3, 4) Oo, nangangailangan ng karunungan, unawa, at kaalaman upang magtayo ng isang maligayang tahanan.
Sino ang nagtatayo? “Ang talagang marunong na babae ay nagpapatibay ng kaniyang sambahayan, ngunit ang mangmang ay nagwawasak niyaon ng kaniyang sariling mga kamay.” (Kawikaan 14:1) Totoo rin ito sa matalinong lalaki na nakauunawa na nasa kaniyang mga kamay upang ang kaniyang pag-aasawa ay maging matibay at maligaya o mahina at miserable. Anong mga salik ang gumagawa ng pagkakaiba? Kawili-wili nga na ang mga mungkahi ng ilang makabagong mga tagapayo sa pag-aasawa ay kahawig na kahawig ng walang-hanggang karunungan ng Salita ng Diyos, naisulat libu-libong taon na ang nakalipas.
Pakikinig: “Tunay na ang pakikinig ay isa sa pinakadakilang papuri na maibibigay mo sa isang tao at mahalaga sa pagtatayo at pagpapanatili ng isang matalik na kaugnayan,” sabi ng isang manwal sa pag-aasawa. “Ang pakinig ng pantas ay humahanap upang makasumpong ng kaalaman,” sabi ng Kawikaan. (Kawikaan 18:15) Yamang ang bukás na mga tainga ay hindi nakikita gaya ng bukás na mga mata o ng isang bukás na bibig, paano mo maipakikita sa iyong kabiyak na ikaw ay talagang nakikinig? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagsasalamin, o aktibong pakikinig.—Tingnan ang kahon sa pahina 11.
Pagiging tapat at kapalagayang-loob: “Ang atingKawikaan 13:10; 15:22.
kultura ay laban sa pagiging tapat,” sabi ng aklat na One to One—Understanding Personal Relationships. “Tayo’y naturuan mula sa pagkabata na huwag makikialam sa iba—maging malihim tungkol sa pera, idea, damdamin, . . . anumang personal. Ang aral na ito ay hindi basta naglalaho, kahit kapag tayo ay ‘umibig.’ Malibang may patuloy na pagsisikap sa pagiging tapat, hindi maaaring umunlad ang kapalagayang-loob.” “Nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala,” sabi ng Kawikaan, “ngunit karunungan ang nasa mga nagsasanggunian.”—Katapatan at pagtitiwala: Ang asawang lalaki at babae ay sumumpa sa harap ng Diyos na magiging tapat. Kapag ang mag-asawa ay nagtitiwala na ang bawat isa ay tapat na nakapangako sa isa, ang pag-ibig ay hindi pinahihirapan ng paghihinala, pagmamataas, diwa ng pagpapaligsahan, abala sa pagkuha ng kung ano ang inaakala ng isa na karapatan niya.
Pakikibahagi: Ang kaugnayan ay tumitindi kapag ang mga karanasan ay ibinabahagi. Balang araw maihahabi ng mag-asawa ang isang napakahalagang tapestri ng kasaysayan na pakamamahalin ng bawat isa. Ang isipin na sirain ang buklod na iyon ng pagkakaibigan ay malayung-malayo sa kanilang isipan. “May kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.”—Kawikaan 18:24.
Kabaitan at pagiging magiliw: Binabawasan ng mga gawang kabaitan ang mga alitan sa buhay at binabantuan ang pagmamataas. Ang mga huwaran ng kabaitan, kapag naitanim, ay nananatili kahit na tumindi ang mga damdamin sa panahon ng mga pagtatalo, sa gayo’y binabawasan ang pinsala. Ang pagiging magiliw ay lumilikha ng isang masiglang kapaligiran kung saan maaaring lumago ang pag-ibig. Bagaman ang pagiging magiliw ay lalo nang mahirap para sa isang lalaki na ipahayag, ang Bibliya ay nagsasabi: “Yaong nakagagawa sa isang tao upang siya’y maging kanais-nais ay ang kaniyang kagandahang-loob.” (Kawikaan 19:22) Kung tungkol sa isang mabuting asawang babae, “ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.”—Kawikaan 31:26.
Kapakumbabaan: Isang gamot para sa lason ng pagmamataas, ang kapakumbabaan ay nag-uudyok ng handang mga paghingi ng tawad at madalas na mga kapahayagan ng pasasalamat. Ano kung ikaw ay talagang walang kasalanan sa isang nasabing pagkakamali? Bakit hindi magiliw na sabihin, “Ikinalulungkot ko na ikaw ay nabalisá nang husto”? Magpakita ng pagkabahala sa pagiging madamdamin ng iyong kabiyak, pagkatapos magkasamang tingnan kung paano itutuwid ang pagkakamali. “Karangalan sa tao na mag-ingat sa pakikipagkaalit.”—Kawikaan 20:3.
Paggalang: “Ang susing salita sa pagkilala sa pagkakaiba ng isa’t isa at magkasamang paglutas dito ay paggalang. Ang mahalaga sa isang kabiyak ay maaaring hindi mahalaga sa isa. Gayunpaman, maaaring igalang sa tuwina ng bawat isa ang pangmalas ng isa.” (Keeping Your Family TogetherKawikaan 13:10.
When the World Is Falling Apart) “Sa kapalaluan ay pagtatalo lamang ang dumarating, ngunit karunungan ang nasa mga nagsasanggunian.”—Pagpapatawa: Ang pinakamadilim na mga ulap ng problema ay maaaring maglaho sa pamamagitan ng masarap na pagtawa na magkasama. Ito’y umaalun-alon sa mga buklod ng pag-ibig at pinagiginhawa ang tensiyon na kadalasang sumusugpo sa malinaw na pag-iisip. “Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha.”—Kawikaan 15:13.
Pagbibigay: Humanap ng positibong mga bagay na mapahahalagahan mo tungkol sa iyong kabiyak at saganang papurihan. Ang pinakahahangad na mga bagay na ito ay higit na nakapagpapagalak sa puso kaysa isang sedang kurbata o pumpon ng mga bulaklak. Mangyari pa, maaari ka ring bumili o gumawa ng magagandang bagay para sa isa’t isa. Subalit “ang pinakamagandang regalong maibibigay mo,” sabi ng aklat na Lifeskills for Adult Children, “ay hindi ang materyal na mga bagay. Ito’y ang mga kapahayagan ng iyong pag-ibig at pagpapahalaga, ang iyong pampatibay-loob, at ang iyong tulong.” “Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanas na ginto sa mga bilaong pilak.”—Kawikaan 25:11.
Kung ang mga katangiang ito ay maihahambing sa mga bloke ng pagtatayo ng kaugnayang pangmag-asawa, kung gayon ang komunikasyon ang argamasang kinakailangan upang masemento ang mga ito. Kaya, ano ang magagawa ng mag-asawa kapag bumangon ang mga di-pagkakaunawaan? “Sa halip na malasin ang kakaibang pangmalas ng iyong kabiyak bilang isang pinagmumulan ng away, . . . malasin ito bilang isang pinagmumulan ng kaalaman. . . . Ang mga detalye ng araw-araw na buhay ay nagiging isang minahang ginto ng impormasyon,” sabi ng aklat na Getting the Love You Want.
Kaya nga, malasin ang bawat okasyon ng di-pagkakaunawaan hindi bilang pampagalit, kundi bilang isang mahalagang pagkakataon upang magkaroon ng matalinong unawa sa isang ito na iyong minamahal. Magkasamang tanggapin ang hamon na lutasin ang pagkakaiba at maglayag tungo sa mapayapang mga daungan ng pagkakasundo, sa gayo’y pinatitibay ang mga buklod, pinatitindi ang pag-ibig na gumagawa sa inyong dalawa na maging isa.
Nakikita ng Diyos na Jehova ang kagandahan sa pagtutulungan kaya inilakip niya ito sa kaniyang mga nilikha—sa pagbibigayan ng siklo ng oksiheno na nagaganap sa pagitan ng mga halaman at ng mga hayop, ang mga orbita ng makalangit na mga bagay, ang simbayotikong kaugnayan sa pagitan ng mga insekto at mga bulaklak. Gayundin sa pagsasama ng mag-asawa, doon ay maaaring umiral ang isang masiglang siklo kung saan tinitiyak ng asawang lalaki, sa salita at sa gawa, sa kaniyang asawang babae ang kaniyang pag-ibig at ang isang nagtitiwala, maibiging asawang babae ay nasisiyahang sumusunod sa kaniyang pangunguna. Sa gayon, ang dalawa ay talagang nagiging isa, na nagdadala ng kagalakan sa isa’t isa at sa Pinagmulan ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.
[Kahon sa pahina 11]
“Bigyang Pansin Ninyo Kung Paano Kayo Nakikinig.”—Lucas 8:18
Ang aktibong pakikinig ay isang paraan ng pagtiyak na ang tagapagsalita at ang nakikinig ay talagang nagkakaunawaan sa isa’t isa. Ito kung minsan ay tinatawag na pagsasalamin, yamang sinisikap na ipabanaag ng tagapakinig ang mga salitang naririnig niya at ang kahulugan na napag-uunawa niya. Narito ang mahalagang mga hakbang:
1. Magbigay ng maingat na pansin; pakinggan ang mahahalagang mensahe.
2. Pakinggan ang mga damdamin na nakapaloob sa mga salita.
3. Ulitin sa tagapagsalita kung ano ang narinig mo. Huwag humatol, mamintas, o makipagtalo. Basta ipaalam sa tao na tinanggap mo nang wasto ang mensahe. Kilalanin ang mga damdamin.
4. Malamang na patunayan o ituwid ng tagapagsalita ang sinabi mo at marahil ay palawakin pa ang paksa.
5. Kung hindi tama ang iyong pagkaunawa, sumubok uli.
Ang aktibong pakikinig ay lalo nang mabisa sa pagbawas sa tibo ng pamimintas. Tanggapin ang bagay na ang pamimintas ay kadalasang nakasalig sa ilang katotohanan. Ito ay maaaring sabihin sa masakit na paraan, ngunit sa halip na gantihin ng masasakit na salita ang pumuna, bakit hindi gamitin ang aktibong pakikinig upang pahinahunin ang kalagayan? Kilalanin na nauunawaan mo ang anumang nakababalisang damdaming maaaring may pananagutan ka, at tingnan kung paano maitutuwid ito.
[Kahon sa pahina 12]
“Kung ang Sinuman ay May Dahilan sa Pagrereklamo.”—Colosas 3:13
Kung ikaw ay may reklamo, paano mo pinakamahusay na sasabihin ito nang hindi nagsisimula ng isang away? Una, paniwalaan na ang iyong kabiyak ay may mabuting intensiyon. Maaaring akalain mo na siya ay walang konsiderasyon, hindi maalalahanin, walang pakundangan, hindi pantas—ngunit sa pangkalahatan ay wala namang masamang intensiyon. Mahinahong sabihin ang iyong mga damdamin nang hindi nagpaparatang: “Nang gawin mo ito, nadama kong . . .” Walang gatong para sa pagtatalo rito. Binabanggit lamang nito kung ano ang nadama mo at hindi nito pinararatangan ang iyong kabiyak. Yamang malamang na hindi naman niya sinadyang mabalisa ka, ang reaksiyon ay maaaring ang pagkakaila o pagbibigay-matuwid sa sarili. Gayunman, pagtuunan ng pansin ang problema at maging handang magmungkahi ng isang lunas.
[Larawan sa pahina 10]
Ang tunay na pakikinig ay isa sa pinakadakilang papuri na maibibigay mo sa isang tao