Mga Asawang Lalaki at Babae—Talaga bang Magkaiba Silang Mangusap?
Mga Asawang Lalaki at Babae—Talaga bang Magkaiba Silang Mangusap?
IPAGPALAGAY mong si Bill ay pahilahód na pumasok sa opisina ni Jerry, bagsak ang kaniyang mga balikat dahil sa bigat ng kaniyang mga problema. Magiliw na minasdan ni Jerry ang kaniyang kaibigan at hinintay siyang magsalita. “Hindi ko alam kung matagumpay kong matatapos ang kasunduang ito sa negosyo,” buntong-hininga ni Bill. “Napakaraming di-inaasahang problema, at talagang ginigipit ako ng punong tanggapan.” “Ano ba ang inaalalá mo, Bill?” may pagtitiwalang tanong ni Jerry. “Alam mong ikaw ang pinakakuwalipikadong tao sa trabahong iyon, at nalalaman din nila iyan sa punong tanggapan. Huwag kang mag-alalá. Inaakala mo bang problema ito? Aba, noon ngang nakaraang buwan . . . ” Ikinuwento ni Jerry ang nakatatawang detalye ng kaniya mismong munting pagkakamali at di-nagtagal ang kaniyang kaibigan ay lumabas sa opisina na tumatawa at naginhawahan. Si Jerry ay natutuwang tumulong.
At ipagpalagay rin na pagdating niya sa bahay nang hapong iyon, masasabi agad ni Jerry na ang kaniyang asawa, si Pam, ay balisá rin. Binati niya ito nang higit sa karaniwang kasiglahan at saka naghintay sa kaniya na sabihin kung ano ang bumabalisa sa kaniya. Pagkatapos ng isang maigting, nakabibinging katahimikan, siya’y bumulalas: “Hindi ko na kaya ito! Napakalupit ng bagong boss na ito!” Pinaupo siya ni Jerry, inakbayan siya, at ang sabi: “Mahal, huwag kang mabalisa. Alam mo, trabaho lamang iyan. Ganiyan talaga ang mga boss. Narinig mo sana ang boss ko na humihiyaw kanina. Gayunman, kung hindi mo kaya ay huminto ka na lang sa trabaho.”
“Walang halaga sa iyo kung ano ang nadarama ko!” sabad ni Pam. “Kailanma’y hindi mo ako pinakinggan! Hindi ako maaaring huminto sa trabaho! Hindi sapat ang kinikita mo!” Tumakbo siya sa kuwarto at nag-iiyak nang husto. Si Jerry ay tumayo sa labas ng nakapinid na pinto na gulat na gulat, nagtataka kung ano ang nangyari. Bakit may gayong baligtad na reaksiyon sa mga salita ng kaaliwan ni Jerry?
Kaibhan Dahil Lamang sa Kasarian?
Maaaring ipalagay ng ilan ang pagkakaiba sa mga halimbawang ito sa isang payak na katotohanan: si Bill ay isang lalaki; si Pam ay isang babae.
Ang mga mananaliksik sa wika ay naniniwala na ang mga problema sa komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa ay kadalasang dahil sa kasarian. Itinataguyod ng mga aklat na gaya ng You Just Don’t Understand at Men Are From Mars, Women Are From Venus ang teoriya na ang mga lalaki at babae, bagaman nagsasalita ng iisang wika, ay may magkaibang istilo ng komunikasyon.Walang alinlangan, nang lalangin ni Jehova ang babae mula sa lalaki, siya ay hindi lamang isang binagong modelo. Ang lalaki at babae ay kalugud-lugod at pinag-isipang mabuti na dinisenyo upang maging kapupunan ng isa’t isa—sa pisikal, emosyonal, mental, espirituwal. Idagdag mo pa rito sa katutubong mga pagkakaiba ang mga kasalimuutan ng pagpapalaki at karanasan sa buhay ng isa at ang paghubog sa tao ng kultura, kapaligiran, at ang pangmalas ng lipunan sa kung ano ang panlalaki o pambabae. Dahil sa mga impluwensiyang ito, posibleng ibukod ang ilang huwaran sa paraan ng pakikipag-usap ng mga lalaki at mga babae. Subalit ang mahirap ilarawang “tipikal na lalaki” o “tipikal na babae” ay maaari lamang umiral sa mga pahina ng mga aklat sa sikolohiya.
Ang mga babae ay karaniwang kilala sa kanilang pagiging madamdamin, gayunman maraming lalaki ang kahanga-hangang magiliw sa kanilang pakikitungo sa mga tao. Ang makatuwirang pag-iisip ay maaaring higit na ipalagay sa mga lalaki, ngunit kadalasang ang mga babae ay may matalas, mapanuring unawa. Kaya bagaman imposibleng tawagin ang anumang katangian na para lamang sa lalaki o para lamang sa babae, isang bagay ang tiyak: Ang matalinong unawa sa pangmalas ng isa ay malaki ang nagagawa sa pagitan ng mapayapang pagsasama at tahasang sigalutan, lalo na sa pag-aasawa.
Ang araw-araw na hamon ng komunikasyon ng lalaki-babae sa pag-aasawa ay isang mahirap na hamon. Mapatutunayan ng maraming nakauunawang asawang lalaki na ang nakalilinlang na wari bang simpleng tanong na “Nagugustuhan mo ba ang aking bagong ayos ng buhok?” ay maaaring lipos ng panganib. Natutuhan ng maraming mataktikang asawang babae na huwag paulit-ulit na magtanong, “Bakit hindi ka na lang magtanong ng direksiyon?” kapag ang kanilang asawa ay naligaw samantalang nagbibiyahe. Sa halip na maliitin ang waring kakatuwaan ng kabiyak at may katigasang manghawakan sa sariling kakatuwaan dahil sa “ganiyan talaga ako,” inaalam ng maibiging mag-asawa kung ano ang nasa likuran nito. Ito ay hindi isang malamig na pagsisiyasat ng istilo ng komunikasyon ng isa’t isa kundi isang mainit na pagtanaw sa puso at isipan ng isa’t isa.
Yamang ang bawat tao ay walang-katulad, gayundin ang pagsasama ng dalawang indibiduwal sa pag-aasawa. Ang tunay na pagtatagpo ng mga isipan at puso ay hindi nagkataon lamang kundi nangangailangan ng pagpapagal dahil sa ating di-sakdal na katangian bilang tao. Halimbawa, napakadaling ipalagay na minamalas ng iba ang mga bagay-bagay na gaya ng pangmalas natin. Kadalasang pinupunan natin ang mga pangangailangan ng iba sa paraan na nais nating punan nila ang pangangailangan natin, marahil ay sinisikap na sundin ang Ginintuang Tuntuning, “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Gayunman, hindi ibig sabihin ni Jesus na kung ano ang ibig mo ay dapat na mabuti rin sa iba. Bagkus, nais mo na ibigay ng iba kung ano ang iyong kailangan o gusto. Kaya dapat mo ring ibigay kung ano ang kailangan nila. Mahalaga ito lalo na sa pag-aasawa, sapagkat ang bawat isa ay sumumpang hangga’t maaari ay lubusang ibibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang kabiyak.
Sina Pam at Jerry ay sumumpa sa isa’t isa ng gayon. At ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa sa loob ng dalawang taon ay isang maligayang pagsasama. Gayunman, kahit na inaakala nilang nakikilala nila nang husto ang isa’t isa, kung minsan ay lumilitaw ang mga kalagayan na nagsisiwalat ng lumalakingKawikaan 16:23. Oo, ang unawa sa komunikasyon ang mahalagang susi. Tingnan natin kung anong mga pinto ang bubuksan nito para kina Jerry at Pam.
agwat sa komunikasyon na hindi malulutas ng mabuting mga intensiyon lamang. “Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig upang magpakita ng unawa,” sabi ngAng Pangmalas ng Isang Lalaki
Si Jerry ay naglalayag sa isang makompetensiyang daigdig kung saan dapat panagutan ng bawat tao ang kaniyang dako sa isang kaayusan ng lipunan, ito man ay isang nakabababa o isang nakatataas na kalagayan. Ang komunikasyon ay nakatutulong upang maitatag ang kaniyang puwesto, kakayahan, kahusayan, o halaga. Ang kaniyang kasarinlan ay mahalaga sa kaniya. Kaya kapag pinag-utusan sa isang pautos na paraan, nasusumpungan ni Jerry ang kaniyang sarili na tumututol. Ang tusong mensahe na “Hindi mo ginagawa ang trabaho mo” ay nagpapahimagsik sa kaniya, kahit na kung ang kahilingan ay makatuwiran.
Si Jerry ay karaniwang nakikipag-usap upang makipagpalitan ng impormasyon. Gusto niyang pag-usapan ang tungkol sa mga bagay, mga idea, at bagong mga bagay na natutuhan niya.
Kapag nakikinig, bihirang sumabad si Jerry sa nagsasalita, kahit ng mumunting mga tugon, gaya ng “uh-huh, oo,” sapagkat tinatanggap niya ang impormasyon. Subalit kapag siya’y hindi sang-ayon, hindi siya mangingiming sabihin iyon, lalo na sa isang kaibigan. Ito’y nagpapakita na siya ay interesado sa sinasabi ng kaniyang kaibigan, inaalam ang lahat ng posibilidad.
Kung may problema si Jerry, pinipili niyang lutasin ito sa ganang sarili. Kaya maaari siyang lumayo sa lahat ng tao at sa lahat ng bagay. O maaari siyang magrelaks sa pamamagitan ng ilang libangan upang pansamantalang makalimutan ang kaniyang problema. Ipakikipag-usap niya lamang ito kung siya ay humihingi ng payo.
Kung isang taong may problema ay lalapit kay Jerry na gaya ng ginawa ni Bill, batid ni Jerry na tungkulin niyang tumulong, nag-iingat na ang kaniyang kaibigan ay makadama ng kawalang-kaya. Karaniwan nang ibinabahagi niya ang ilan sa mga problema niya pati na ang payo upang huwag isipin ng kaniyang kaibigan na siya ay nag-iisa.
Nais ni Jerry na makibahagi sa mga gawain na kasama ng mga kaibigan. Ang pagiging kasama para sa kaniya ay nangangahulugan ng paggawa ng mga bagay-bagay na magkasama.
Ang tahanan para kay Jerry ay isang kanlungan mula sa dako ng trabaho o iba pang dako sa labas ng tahanan, isang dako kung saan hindi na niya kailangang magsalita upang patunayan ang kaniyang sarili, kung saan siya ay tinatanggap, pinagkakatiwalaan, minamahal, at pinahahalagahan. Gayunman, nasusumpungan ni Jerry paminsan-minsan na kailangan niyang mapag-isa. Maaaring wala itong kaugnayan kay Pam o sa anumang bagay na ginawa niya. Nais niya lamang mapag-isa. Nasusumpungan ni Jerry na mahirap isiwalat ang kaniyang mga pangamba, kawalan ng kapanatagan, at mga kirot sa kaniyang asawa. Ayaw niyang mag-alalá siya. Tungkulin niya na pangalagaan siya at ipagsanggalang siya, at kailangan niyang pagkatiwalaan siya ni Pam na gawin iyon. Bagaman nais ni Jerry ng alalay, ayaw niyang siya’y kahabagan. Ipinadarama nitong siya’y walang kakayahan o walang silbi.
Ang Pangmalas ng Isang Babae
Nakikita ni Pam ang kaniyang sarili bilang isang indibiduwal sa isang daigdig ng pakikipag-ugnayan sa iba. Para sa kaniya mahalagang itatag at palakasin ang mga buklod na ito ng mga kaugnayan. Ang pag-uusap ay isang mahalagang paraan upang maging malapít at pagtibayin ang pagkakalapit.
Natural kay Pam ang pagtitiwala. Nadarama niyang siya’y minamahal kung inaalam ni Jerry ang kaniyang mga pangmalas bago gumawa ng isang desisyon, bagaman nais niyang si Jerry ang manguna.
Kapag si Pam ay magpapasiya, nais niyang sumangguni sa kaniyang asawa, hindi lamang upang sabihin sa kaniya kung ano ang gagawin niya, kundi upang ipakita kay Jerry ang kaniyang pagiging malapit at pagtitiwala sa kaniya.Napakahirap para kay Pam na magsalita nang tahasan at sabihin na mayroon siyang kailangan. Hindi niya gustong yamutin si Jerry o ipadama sa kaniya na siya ay hindi maligaya. Sa halip, hinihintay niyang siya’y mapansin o nagpapahiwatig.
Kapag si Pam ay nakikipag-usap, siya ay naiintriga ng maliliit na detalye at nagtatanong ng maraming tanong. Natural ito sa kaniya dahil sa kaniyang pagiging madamdamin at matinding interes sa mga tao at mga kaugnayan.
Kapag nakikinig si Pam, pinuputol niya ang mga salita ng nagsasalita sa pamamagitan ng mga pagsabad, pagtangô, o mga tanong upang ipakita na sinusundan niya ang nagsasalita at interesado siya sa sasabihin nito.
Pinagsisikapan niyang malaman sa pamamagitan ng kutob ng loob kung ano ang kailangan ng tao. Ang pagtulong nang hindi na hinihilingan ay isang magandang paraan upang ipakita ang pag-ibig. Lalo nang nais niyang tulungan ang kaniyang asawa na umunlad at sumulong.
Kapag si Pam ay may problema, maaaring madama niyang siya’y napuspos nito. Kailangan niyang magsalita, hindi upang humanap ng lunas, kundi upang ipahayag ang kaniyang mga damdamin. Kailangan niyang malaman na may nakauunawa at nagmamalasakit. Kapag napukaw ang kaniyang mga damdamin, si Pam ay nagsasalita ng masaklaw, madulang pananalita. Hindi naman literal ang ibig niyang sabihin kapag sinasabi niyang: “Hindi ka kailanman nakikinig!”
Ang pinakamatalik na kaibigan ni Pam sa pagkabata ay hindi isa na kasa-kasama niya sa paggawa ng mga bagay kundi isa na kinakausap niya tungkol sa lahat ng bagay. Kaya sa pag-aasawa ay hindi siya gaanong interesado sa mga gawain sa labas ng bahay na di-gaya ng interes niya sa isang nakikiramay na tagapakinig na maaari niyang bahaginan ng kaniyang mga damdamin.
Ang tahanan ay isang dako kung saan si Pam ay maaaring magsalita nang hindi hinahatulan. Hindi siya nag-aatubiling isiwalat ang kaniyang mga pangamba at problema kay Jerry. Kung kailangan niya ng tulong, hindi siya nahihiyang aminin ito, sapagkat nagtitiwala siya na ang kaniyang asawa ay naroroon upang tulungan siya at sapat na nagmamalasakit upang pakinggan siya.
Si Pam ay karaniwang nakadaramang siya’y minamahal at tiwasay sa kaniyang pag-aasawa. Subalit paminsan-minsan, sa walang kadahilanan, siya’y nakadarama ng kawalang kapanatagan at hindi minamahal at agad na nangangailangan ng katiyakan at pakikisama.
Oo, sina Jerry at Pam, mga kapupunan ng isa’t isa, ay lubhang magkaiba. Ang pagkakaiba sa pagitan nila ay lumilikha ng posibleng malaking di-pagkakaunawaan, bagaman sila kapuwa ay may pinakamabuting intensiyon na maging maibigin at mapagtaguyod. Kung maririnig natin ang pangmalas ng bawat isa hinggil sa nabanggit na kalagayan, ano kaya ang sasabihin nila?
Kung Ano ang Natalos Nila Ayon sa Kanilang Sariling Pagkaunawa
“Pagdating na pagdating ko ng bahay galing sa trabaho, nakikita kong balisá si Pam,” sabi ni Jerry. “Ipinalagay ko na kapag handa na siya, sasabihin niya sa akin ang dahilan. Para sa akin ang problema ay waring hindi naman napakalaki. Akala ko kung matutulungan ko lamang siya na maunawaan na hindi niya kailangang mabalisa at na madali lang ang solusyon, bubuti ang pakiramdam niya. Talagang masakit, pagkatapos kong makinig sa kaniya, nang sabihin niya, ‘Kailanma’y hindi mo ako pinakinggan!’ Para bang sinisisi niya ako sa lahat ng kaniyang mga kabiguan!”
“Naging napakasama ng maghapon,” paliwanag ni Pam. “Alam kong hindi ito kasalanan ni Jerry. Subalit pag-uwi niya ng bahay na masayang-masaya, pakiwari ko ba’y niwawalang-bahala niya ang bagay na ako ay balisá. Bakit hindi niya ako tinanong kung ano ang problema? Nang sabihin ko sa kaniya ang problema, para bang sinabi niyang pambihira naman ako, na napakaliit lamang ng bagay ng iyon. Sa halip na sabihing nauunawaan niya ang aking nadarama, sinabi sa akin ni Jerry, ang taga-ayos ng mga problema, kung paano aayusin ang problema. Ayaw ko ng mga solusyon, nais ko ng simpatiya!”
Sa kabila ng paglitaw ng pansamantalang pagkakasirang ito, sina Jerry at Pam ay labis na nagmamahalan sa isa’t isa. Anong mga matalinong unawa ang tutulong sa kanila upang maliwanag na ipahayag ang pag-ibig na iyon?
Pag-unawa sa Pamamagitan ng Pangmalas ng Isa’t Isa
Inaakala ni Jerry na magiging mapanghimasok siya kung tatanungin niya si Pam kung ano ba ang problema, kaya natural lamang na ginawa niya
kung ano ang nais niyang gawin sa kaniya ng iba. Hinintay niya si Pam na magsalita. Ngayon si Pam ay balisá hindi lamang sa problema kundi sa bagay na para bang hindi pinapansin ni Jerry ang kaniyang pagsamo para sa alalay niya. Hindi niya naunawaan na ang pagtahimik ni Jerry ay isang pagpapahayag ng magiliw na paggalang—ipinalagay niya itong hindi pagmamalasakit. Nang sa wakas ay magsalita si Pam, si Jerry ay nakinig nang hindi sumasabad. Subalit inakala naman ni Pam na hindi niya talaga pinakikinggan ang kaniyang mga damdamin. Pagkatapos ay nagbigay siya, hindi ng empatiya, kundi ng isang solusyon. Ang dating nito kay Pam ay: ‘Wala namang kabuluhan ang iyong mga damdamin; sobra lang ang reaksiyon mo. Nakita mo ba kung gaano kadaling lutasin ang maliit na problemang ito?’Anong laki nga ng pagkakaiba ng mga bagay kung inunawa ng bawat isa ang mga bagay-bagay mula sa pangmalas ng isa! Maaaring ganito sana ang nangyari:
Si Jerry ay umuwi ng bahay at nadatnan niyang balisá si Pam. “Ano ang problema, mahal?” magiliw niyang tanong. Dumaloy na ang mga luha, at siya’y malayang nagsalita tungkol sa problema. Hindi sinasabi ni Pam, “Kasalanan mong lahat ito!” o ipinahihiwatig man na hindi sapat ang ginagawa ni Jerry. Niyayapos siyang mahigpit ni Jerry at matiyagang nakikinig. Nang siya’y matapos, sabi ni Jerry: “Ikinalulungkot ko na hindi mabuti ang pakiramdam mo. Nauunawaan ko kung bakit ka masyadong balisá.” Ang sagot ni Pam: “Maraming salamat sa iyong pakikinig. Mas mabuti na ang aking pakiramdam dahil nalalaman kong nauunawaan mo.”
Nakalulungkot naman, sa halip na lutasin ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, basta pinipili ng maraming mag-asawa na wakasan ang kanilang pag-aasawa sa pamamagitan ng diborsiyo. Ang kawalan ng komunikasyon ang kontrabida na nagwawasak sa maraming tahanan. Ang mga pagtatalo ay sumasabog anupa’t nayayanig ang pinaka-pundasyon mismo ng pag-aasawa. Paano ito nangyayari? Sasabihin sa atin ng susunod na artikulo kung paano ito nangyayari at kung paano ito iiwasan.