Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Latian ng Daigdig—Sinasalakay na Ekolohikal na mga Yaman

Mga Latian ng Daigdig—Sinasalakay na Ekolohikal na mga Yaman

Mga Latian ng Daigdig​—Sinasalakay na Ekolohikal na mga Yaman

TINATAWAG iyon ng mga Indiyan na Ama ng mga Tubig. Tinatawag naman iyon ng mga heograpo na Mississippi. Anuman ang itawag mo rito, ito’y naghiganti sa mga gumipit dito sa pamamagitan ng isang paha ng mga dike at mga pilapil, anupat inaalis ang mga latian. Bunga ng baha dahil sa kung ilang linggong pag-ulan, umapaw ang ilog sa tinatayang 75 milyong sako ng buhangin na isinalansan sa tabi nito at binutas ang 800 sa 1,400 pilapil na nawalan ng kabuluhan na harangan iyon. Malakas na umagos ang baha sa mga bahay, daan, tulay, at mga seksiyon ng mga riles ng tren at inapawan ng tubig ang maraming bayan. “Marahil ay siyang pinakamalubhang baha na naganap kailanman sa Estados Unidos,” iniulat ng The New York Times, Agosto 10, 1993.

Binuod ng Times ang ilan sa naging pinsala: “Sa dalawang-buwan nitong pamiminsala, nag-iwan ang malaking baha sa Gitnang bahagi ng E.U. noong 1993 ng isang kasindak-sindak na bakas ng pagkawasak. Kumitil ito ng 50 buhay, halos 70,000 tao ang nawalan ng tahanan, binahaan ang isang lugar na makalawa ang laki sa New Jersey, nagdulot ng pinsala sa tinatayang $12 bilyong ari-arian at agrikultura at naging sanhi ng muling pagtatalo hinggil sa sistema ng pagpigil sa baha sa bansa at sa mga patakaran nito.”

Kung pinabayaan lamang ang natural na sistema ng pagpigil sa baha sa pamamagitan ng mga latian na nasa gilid ng pampang ng Mississippi, nailigtas sana ang 50 buhay at 12 bilyong dolyar. Kailan kaya matututuhan ng mga tao na mas mabuting makiisa sa kalikasan kaysa pagsikapang pakialaman ito? Ang mga latian malapit sa ilog ay nagsisilbing daluyan ng baha na sumisipsip at pinagtitigilan ng umapaw na tubig mula sa ilog na binaha dahil sa patuloy na pag-ulan nang malakas.

Subalit ang pagiging siyang natural na paraan ng pagpigil sa baha ay isa lamang sa maraming tulong na ibinibigay ng mahigit sa 8,500,000 kilometro kudrado ng mga latian sa lupa​—na ngayo’y sinisira sa buong daigdig.

Mga Latian, Narseri ng Daigdig

Mula sa malalawak na lusak-alat sa baybayin hanggang sa maliliit na latì, putik, burak, at lusak na tabang papasok sa kabayanan, hanggang sa mga hukay sa parang sa Estados Unidos at Canada, ang pangunahing arkitekto ng mga latian ay ang tubig. Ang mga latian ay mga dakong natatakpan ng tubig sa buong santaon o natatakpan sa panahon lamang ng baha. Ang isa pang uri ay ang coastal, o ayon sa paglaki at pagliit ng tubig, na mga latian. Yamang karamihan sa mga latian ay kilala sa pagkakaroon ng malalagong halaman​—mga damo, sedges, tambo, punungkahoy, at mga palumpong​—tinutustusan nito ang iba’t ibang halaman, isda, ibon, at buhay-hayop sa buong daigdig.

Ang mga ibong-pampang at ibong-tubig ay doon naninirahan sa mga latian. Mahigit na sandaang uri sa kanila ang umaasa sa mabababaw na oasis na ito sa panahon ng kanilang paglipat kung tagsibol. Ang maraming latian ay siyang mga narseri ng napakalaking populasyon ng mga gansa at bibe​—mallard, teal, at mga canvasback. Ang mga lugar na ito ay naglalaan din ng pagkain at tirahan para sa mga hayop na gaya ng buwaya, beaver, muskrat, mink, at moose. Ang iba pang hayop, kasali na ang oso, usa, at raccoon, ay nakikinabang sa mga latian. Ang mga ito’y nagsisilbing mga lugar ng pangitlugan at pagpapalaki ng karamihan sa mga isdang itinutustos sa tatlong-bilyong-dolyar na pangkomersiyong industriya ng pangingisda ng Amerika. Tinatayang 200 uri ng mga isda at maraming kabibi ang umaasa sa mga latian sa kanilang buong buhay o sa isang bahagi ng mga siklo ng kanilang buhay.

Bukod pa sa pagiging katangi-tanging mga narseri ng mga may buhay, ang mga latian ay maraming kabutihang ekolohikal. Ang mga ito’y natural na mga salaan na nag-aalis ng mga basura at dumi mula sa mga ilog at mga sapa at naglilinis ng mga aquifer. Tinitipon ng mga ito ang tubig kung tag-ulan at panahon ng baha at pagkaraan ay dahan-dahang pinaaagos ito sa mga sapa, ilog, at mga aquifer. Pinangangalagaan ng mga latian ayon sa paglaki at pagliit ng tubig ang mga gilid ng pampang upang huwag sirain ng mga alon.

Dahilan sa mismong katangian ng pagiging mabunga ng buhay-halaman nito, ang mga latian ay nagsasagawa ng makabuluhan, mahahalagang tungkulin. Halimbawa, sa proseso ng photosynthesis, lahat ng luntiang halaman ay sumisipsip ng carbon dioxide mula sa hangin at nagbabalik ng oksiheno rito. Kailangan ito upang magpatuloy ang buhay. Gayunman, ang mga halaman sa mga latian ay naiiba anupat ang mga ito’y sanáy na sanáy sa prosesong ito.

Sa loob ng mga dekada kinilala na ng maraming bansa ang di-masusukat na kahalagahan ng pangangasiwa sa produksiyon ng mga pagkain na panlatian. Halimbawa, ang Tsina at India ang siyang nangunguna sa produksiyon ng bigas, bagaman ang ibang bansa sa Asia ay hindi napahuhuli. Inaani mula sa mga latiang tinatawag na mga paddy, ang bigas ay isa sa pinakamahalagang pagkaing butil sa daigdig. Mga kalahati sa populasyon ng daigdig ang kumakain ng kanin bilang kanilang pangunahing pagkain. Dumating ang panahon na napatunayan ng Estados Unidos at Canada ang kahalagahan ng mga latian at burakan para sa kanilang produksiyon ng bigas at mga cranberry.

Maging ang mga hayop sa parang ay nakinabang din sa piging na inilaan ng mga latian. Hindi lamang ang saganang butil at mga kulisap para sa mga ibon kundi pinakakain din nila ang mga isda at crustacean na nangingitlog at lumalaki sa mga latian. Kinakain naman ng mga bibe, gansa, at iba pang ibong-tubig ang napakaraming kinapal na ito sa ilalim ng tubig na lumalangoy sa mga oasis na ito ng buhay. Sa papaano man ay nababalanse ng kasalukuyang ekolohiya ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng paglalaan naman ng iba’t ibang uri ng mga ibon para sa mga kinapal na may apat na paa na maaaring gumagala sa mga latian upang humanap ng pagkain. Sa mga latian ay may nakalaan para sa lahat ng bagay. Ang mga ito’y tunay na narseri ng daigdig.

Ang Pag-uunahan sa Pagwasak ng mga Latian

Sa Estados Unidos, ang lalaking naging kauna-unahang presidente nito ang nagbukas ng daan para sa malawakang pagwasak ng mga latian nang itayo niya ang isang kompanya noong 1763 upang tuyuin ang 16,000 ektarya ng Dismal Swamp​—isang iláng na latian, isang kublihan para sa mga hayop sa parang​—sa hangganan ng Virginia at North Carolina. Mula noon, ang mga latian sa Amerika ay itinuring na problema, isang hadlang para sa kaunlaran, pinagmumulan ng sakit at karamdaman, isang masamang kapaligiran na dapat sakupin at wasakin anuman ang maging halaga. Hinimok ang mga magsasaka na tuyuin ang mga latian at gamitin ang mga ito bilang nilinang na mga lupain at sila’y binayaran dahil sa paggawa nito. Ginawang mga highway ang mga lugar na dati’y kinaroroonan ng mga latian na namumutiktik sa kakaibang mga bagay na may buhay. Marami ang naging lugar para sa pagpapaunlad tungo sa pagiging lungsod at mga pamilihan o kaya’y ginamit bilang kombinyenteng hukay na tapunan ng basura.

Sa nakaraang ilang dekada ng siglong ito, sinisira na ng Estados Unidos ang mga latian nito sa bilis na 200,000 ektarya bawat taon. Sa ngayon, mga 40 milyong ektarya na lamang ang natitira. Kuning halimbawa ang malalim na lugar ng Hilagang Amerika. Sa 800,000-kilometro-kudradong umbok ng lupa na umaabot mula Alberta, Canada, hanggang Iowa sa Estados Unidos, libu-libong latian sa parang ang pinangingitlugan ng milyun-milyong bibe. Sinasabing kapag lumilipad pinadidilim nila ang kalangitan na waring makapal na ulap. Sa ngayon ang bilang nila ay umuunti nang gayon na lamang.

Gayunman, ang pangmatagalang suliranin ay ito: Kapag nasira ang mga latian, mawawala na rin ang lugar na pinagkukunan ng pagkain. Kung walang sapat na pagkain, uunti ang itlog ng mga bibe, at maaapektuhan nang malaki ang dami ng pipisaing itlog. Habang nasisira ang kanilang tahanan, higit na mga bibe ang magsasama-sama sa iilang matitira, sa gayon ay mas madali silang masila ng mga lobo, coyote, skunk, raccoon, at iba pang hayop na kumakain sa kanila.

Sa Estados Unidos, 50 porsiyento ng mga burakang latian ang nawala na. Sumusunod ang Canada na wala pang 10 porsiyento, subalit tumataas pa ang bilang ng pagwasak dito. Ang ilang lugar sa North Dakota sa Estados Unidos ay 90 porsiyento ang tinuyo, iniulat ng magasing Sports Illustrated. Minamalas ng maraming magsasaka ang mga latian bilang walang-pakinabang at isang problema sa kanilang kagamitan sa pagsasaka, anupat walang kaalam-alam sa kahalagahang ekolohikal nito.

Gayunman, ang panawagan na iligtas ang tahanang latian ng buhay-hayop sa parang ay malakas at maliwanag na isinisigaw ng nagmamalasakit na mga indibiduwal at mga organisasyon ng buhay-hayop sa parang. “Ang mga hukay ay lubusang nanganganib,” ang sabi ng isang may malasakit na opisyal. “Kung nag-iisip tayo ng anumang pangmatagalang pag-asa para sa mga bibe, dapat nating pangalagaan ang mga latian.” “Ang mga ibong-tubig ay ang barometro ng kalusugang ekolohikal ng kontinente,” ang sabi ng isang opisyal ng organisasyon sa pangangalaga na Ducks Unlimited. Ang magasing U.S.News & World Report ay nagsabi pa rin: “Ang umuunting bilang ng [mga bibe] ay nagpapakita ng mga pag-atake sa kapaligiran sa maraming iba’t ibang paraan: Pag-ulan ng asido, pamatay ng insekto, ngunit higit sa lahat, ang pagwasak sa milyun-milyong ektarya ng walang-kasinghalagang mga latian.”

“Siyamnapung porsiyento ng coastal na mga latiang-alat ang nawasak na,” iniulat ng magasing California, “at taun-taon 7,000 ektarya pa ang nawawala. Ang tule elk ay nananatili pa rin sa iilan na lamang kalat-kalat na mga lugar. Mas kakaunting bibe at gansa ang bumabalik sa kanilang patuloy-na-lumiliit na tuluyan kung taglamig. Ang maraming uri ng hayop sa latian ay halos mauubos na.” Bagaman di-naririnig, yaong mga umaasang mabuhay sa mga latian ng daigdig ay humihibik sa paghingi ng tulong.

Ang Krisis sa Tubig

Nagaganap ang isang kakila-kilabot na bagay sa ginagawang pagwasak ng mga tao sa mga latian ng lupa. Naapektuhan dahil sa kaniya ang kaniyang pinakamahalaga at pinakaimportanteng yaman​—ang tubig. Ang tubig ay mahalaga sa bawat nabubuhay na bagay. Marami sa mga siyentipiko sa daigdig ang humula na darating ang panahon na ang dalisay na tubig ay magiging siyang pinakamahirap makuhang yaman. “Tipirin natin ang tubig o pagsapit ng taóng 2000 tayo’y mamamatay sa uhaw,” ipinahayag ng UN World Conference sa tubig noong 1977.

Dahil sa nagbabantang mga paalaalang ito sa malamang na kakapusan ng mahalagang yamang ito, ang likas na talino ay dapat magdikta ukol sa may-paggalang na pangangasiwa sa mga tubig ng lupa. Gayunman, sa pag-uunahan ng mga tao sa pagwasak ng mga latian, malubha na niyang isinasapanganib ang kailangang-kailangang yaman na ito. Tumutulong ang mga latian sa pagdalisay ng mga tubig sa ibabaw​—mga ilog at sapa. Ang ilang aquifer ay hindi na dinadaluyang-muli ng dalisay na tubig kundi ngayo’y nahaluan na ng basura at mga dumi, pawang sa ikapipinsala ng tao. Ang tubig na minsa’y nasa katakut-takot na mga latian ay tinuyo na, anupat nagpalubha sa kakapusan.

Maririnig kaya ng responsableng mga tao ang nakahihindik na hibik ng pagmamakaawa ng mga nabubuhay sa mga latian? Gagawa kaya ng paraan upang iligtas ang gayong buhay bago maging huli ang lahat? O mananatiling bingi ang mga tao sa mga hinaing na ito, taglay ang mga taingang nakaririnig lamang sa mga panaghoy ng mga sakim?

Ang Pag-atake ay Pambuong-Daigdig

Sa pagbubukas ng pambuong-daigdig na kampanya na itinaguyod ng Nagkakaisang mga Bansa upang iligtas ang mga latian, binanggit ang mga banta sa Pantanal na ecosystem ng Brazil. Iyon ang pinakamalalaking latian sa daigdig. Sinabi ng magasing BioScience: “Ang Pantanal, sampu ng kakaiba nitong pagkakasari-sari at kasaganaan ng buhay-hayop sa parang, ay nanganganib na lugar. Ang pagkalbo sa gubat; pagpapalawak ng agrikultura; ilegal na pangangaso at pangingisda; at pagpaparumi sa tubig dahil sa mga panira ng halaman, panlason sa insekto, at mga kakambal na produkto sa paggawa ng alkohol na panggatong ay nagdulot ng patuluyang pagkasira ng likas na kapaligiran, na nagsasapanganib sa isa sa pinakamahahalagang ecosystem ng Brazil.”

Tinukoy ng The New York Times ang banta sa mga latian sa kahabaan ng baybayin sa Mediteraneo. “Napabilis ang pagkaubos ng mga latian sa loob ng nakaraang tatlong dekada yamang ang mga baybayin ng Mediteraneo ay lalong pinagnasaan higit kailanman at ang malalayong distansiya ng baybayin ay natakpan na ng kongkreto sa pangalan ng pagsamba sa araw, ginhawa at pakinabang. Ang mga pag-aaral ng Nagkakaisang mga Bansa ay tumutukoy sa malaking pagkaubos ng mga latian sa Italya, Ehipto, Turkey at Gresya.”

Ang mga latian ng bantog na 50,000 ektaryang Doñana National Park ng Espanya ay nagiging pinaka-airport ng mga ibon sa tagsibol yamang daan-daang libong ibon na dumaraan mula Aprika patungong Europa ay humihinto muna sa mga sapa at kagubatan nito upang mamugad at magparami at manginain. Subalit ang pagdami ng mga otel, laruan ng golf, at sakahan sa palibot ng parke ay humihigop ng maraming tubig anupat nanganganib ang kaligtasan ng parke. Sa nakaraang 15 taon, ang mga proyektong iyon ay nakakuha na ng napakaraming tubig anupat ang hangganan ng proporsiyon ng tubig ay bumaba nang 2 hanggang 9 na metro, at ang maraming lawà ay nangatuyo na. “Anumang karagdagang pagtatayo rito,” sabi ng direktor sa pananaliksik ng parke, “ay nangangahulugan ng kamatayan para sa Doñana.”

Nag-uulat ang State of the World 1992: “Ang mga lugar ng bakawan, isa sa pinakananganganib at mahahalagang uri ng mga latian, ay nakaranas na ng malawakang pagkaubos sa Asia, Latin Amerika, at kanlurang Aprika. Halos kalahati ng pananggol na kagubatan sa sapa sa Ecuador, halimbawa, ay hinawan na, karamihan ay upang gawing mga lawà para sa mga hipon, at kinailangang gumawa ng mga pagbabago sa katulad na proporsiyon ng natitirang lugar para sa mga plano. Naiwala ng India, Pakistan, at Thailand ang di-kukulangin sa tatlong-kapat ng kanilang mga lugar ng bakawan. Determinado ang Indonesia na sumunod sa kanilang bakas: sa Kalimantan, ang pinakamalaking probinsiya nito, 95 porsiyento ng lahat ng lugar ng bakawan ay kinailangang hawanin para sa paggawa ng papel mula sa kahoy.”

Ang kahalagahan ng mga lugar ng bakawan ay itinampok sa Bangkok Post ng Agosto 25, 1992 ng Thailand: “Ang mga kagubatang kinaroroonan ng mga bakawan ay binubuo ng iba’t ibang uri ng punungkahoy na nakatatagal sa mga lugar na doo’y lumalaki ang tubig sa patag, kubling mga pampang sa tropiko. Ang mga punungkahoy ay [nakatatagal] sa mahirap na kapaligiran ng maalat-alat na tubig at pabagu-bagong paglaki at pagliit ng dagat. Ang natatanging mga ugat sa itaas na madaling bumagay at ang malalaking ugat na sumasalà-ng-asin ay nagtatag ng mayaman at masalimuot na mga ecosystem. Bukod sa naiingatan ang malawak na kahabaan ng baybayin mula sa pagkasira, ang mga ito’y mahalaga rin sa mga palaisdaan sa dagat, industriya ng mga yari sa kahoy, at buhay-hayop sa parang.

“Napakaraming nabubuhay sa kagubatan ng mga bakawan. Makakakita ka ng mga ibong-pampang, mga matsing na kumakain ng alimango, mga fishing cat, at isdang mud-skipper na lumalangoy sa ibabaw ng latì upang makaraan sa pagitan ng mga hukay sa tubig kung kati ang dagat.”

Ano ang Kalalabasan?

Ang krisis ay pambuong-daigdig. Sinasabi ng magasing International Wildlife: “Ang mga burak, lusak, sapa, latì ng mga bakawan, putik-alat, mga hukay sa parang at dagat-dagatan na minsa’y nasasakop ang mahigit na 6 na porsiyento ng laki ng Lupa ay totoong nanganganib. Napakarami na ang tinuyo para sakahan, sinira ng polusyon o pinasok ng mga tagapagtayo ng mga gusali anupat mga kalahati ng ekta-ektaryang latian ng planeta ay naubos na.”

Patatahimikin pa kaya ng mga tao ang lupa? Hanggang sa ngayon ay wala pa ring pagbabago. Gayunman, ang ilan ay buong-tapang na nakikipaglaban at nag-aangking sila’y magtatagumpay. Si Jehova, ang Manlalalang ng lupa, ay nagsasabing sila’y mabibigo. Nangangako siyang makikialam at tatapusin ang paninira sa kaniyang kahanga-hangang paglalang sa lupa. ‘Dadalhin [Niya] sa pagkasira yaong sumisira ng lupa,’ at bilang kapalit nila, ang iiwan niya roon ay yaong ‘mag-iingat doon.’ Para sa mga nagpapahalaga, ibibigay niya iyon bilang kaloob: “Kayo ang mga pinagpala ni Jehova, ang Gumawa ng langit at lupa. Kung tungkol sa mga langit, kay Jehova ang mga langit, subalit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”​—Apocalipsis 11:18; Genesis 2:15; Awit 115:15, 16.

[Larawan sa pahina 15]

Mga latian sa Switzerland

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Sa dulong kaliwa at sa itaas: Mga latian sa Estados Unidos

[Credit Line]

H. Armstrong Roberts

Sa kaliwa: Mga kagubatan ng bakawan sa Thailand

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng National Research Council ng Thailand

Mga nakatira sa mga latian: buwaya, palaka, tutubi, pagong na humuhukay upang mangitlog