Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pagkakaisa ng Lahi Ang serye ng “Magkakaisa ba Kailanman ang Lahat ng Lahi?” (Agosto 22, 1993) ay nakatulong sa akin na maunawaan kung papaano nagsimula ang pagtatangi ng lahi at kung papaano ito naipasa sa sali’t saling lahi. Natulungan din ako nito na maunawaan kung bakit hindi talaga nadaraig ng lahat ng Kristiyano ang kanilang pagtatangi. Noon, ito’y totoong nakapagpapahina ng aking loob. Subalit ngayon natanto ko na matagal na panahon ang kailangan upang maalis ng isang tao ang masamang gawing ito. Inaasam-asam ko ang matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan hindi na magiging suliranin ang lahi.

C. W., Estados Unidos

Paggawa ng Kard Salamat sa artikulong “Tayo’y Magpadala ng Kard.” (Agosto 8, 1993) Ang aking lola ay matagal nang gumagawa ng kard at kaniyang ipinadadala sa aming lahat na mga apo niya. Ako’y 13 taóng gulang at ako mismo ay gumagawa na rin ng mga kard sa loob ng dalawang taon. Ang paggamit ng inipit na mga bulaklak, gaya ng iminungkahi ng inyong artikulo, ay talagang epektibo. Natutunan ko na kapag nilagyan mo ng pandikit ang ibabaw ng bulaklak at binudburan ng glitter, magkakaroon ito ng napakagandang epekto.

J. B., Estados Unidos

Mga Kapansanan Kakaunting artikulo tungkol sa kapansanan ang kasing makatotohanang gaya ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapagtitiisan ang Aking Kapansanan?” (Hunyo 8, 1993) Pagkatapos kong makapaglingkod ng ilang taon bilang isang ministro sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Roma, Italya, ako ay nagkaroon ng malubhang aksidente sa kotse na puminsala sa aking gulugod. Ang simpleng mga bagay na gaya ng paglalakad at paghawak ng baso ng tubig ay biglang naging napakahirap para sa akin. Biglang-bigla na kinailangan ko ang tulong ng isa upang ako’y makabangon, makapagbihis, makapanhik, at iba pa. Pagkatapos ng mahabang yugto ng galit, kalumbayan, pagkaawa sa sarili, at lihim na pagluha, sa wakas ay natanggap ko ang aking kalagayan at natanto ko na kailangang gawin ko kung ano ang pinakamainam na magagawa ko. Sa tulong ng isang matiyagang physical therapist, mga magulang, at mga kaibigan, bumuti ang kalagayan ko, at ako’y nakapagpatuloy na maglingkod sa sangay. Sa totoo, sa kabila ng kapansanan, maaari pa ring maging aktibo at kapaki-pakinabang ang isa!

A. E., Italya

Pangongolekta ng Bato Bilang isang doktor, nabasa ko nang may matinding pananabik ang artikulong “Kakaibang Uri ng Paghahanap ng Kayamanan.” (Hulyo 8, 1993) Gayunman, napansin ko na kapag binabanggit ninyo ang paggamit ng martilyo, hindi ninyo binanggit ang pananggalang na gamit sa mata. Napakahalaga nito, yamang ang maliliit na piraso ng bato ay madaling mapatilamsik ng martilyo, at ang mga ito’y maaaring maging mapanganib sa mata ng isang tao.

G. T. W., Inglatera

Pinasasalamatan namin ang nakatutulong na pangkaligtasang tip na ito.​—ED.

Pangamoy Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Ang Ating Maraming-gamit na Pangamoy.” (Hulyo 22, 1993) Noong tatlong taóng nagdaan ako’y gumawa ng proyekto sa siyensiya hinggil sa paksang ito. Maraming tao ang hindi nakababatid kung gaano kahalaga ang olfactory system. Salamat sa pagpapaunawa sa maraming tao kung gaano kahanga-hanga ang pangamoy.

L. T., Estados Unidos

Mga Kuwento Tungkol sa Hayop Ako’y 20-taóng-gulang na taga-Zulu na mahilig sa kahanga-hangang mga nilalang. Lubos kong pinahahalagahan ang inyong artikulong “Ang Tahimik na Mandaragit.” (Marso 8, 1993) Para sa mga taga-Zulu, ang mga kuwago ay ipinalalagay na mga ibon ng masamang pangitain at inaakalang may kaugnayan sa pangkukulam. Kapag nakakakita ang mga tao ng kuwago, itinataboy nila ito. Kaya naman ang inyong simple at nakapagtuturong artikulo ay tunay na pinahahalagahan ko.

Z. P. M., Timog Aprika

Salamat sa artikulong “Lumuluksong mga Musikero sa Daigdig ng mga Insekto.” (Abril 8, 1993) Ang mga tipaklong ay kalimitang kasingkahulugan ng salot. Subalit ginising ng artikulo ang aking pagkahabag sa insektong ito​—at pinarubdob din nito ang aking paggalang sa ating maselang at pantas na Maylikha.

V. P., Brazil