Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Higit na Pagkabahala sa Dugo
Ang medikal na mga mananaliksik na taga-Australia ay nababahala na maaaring mahawahan ng isang posibleng nakamamatay na virus ang suplay ng dugo sa bansa. Ang T-lymphotropic virus ng tao (HTLV-1) ay “pinsan” ng virus ng AIDS at maaaring maging sanhi ng pambihirang uri ng leukemia at mga sakit sa sistema ng nerbiyo. Ito’y pangkaraniwan sa Hapon, Papua New Guinea, Solomon Islands, at Australia (sa mga Katutubo). Ayon sa ulat, dalawang Australianong lalaki ang namatay na dahil sa leukemia na may kaugnayan sa virus, at ang sangkatlo ay nasuri na may pinsala sa nerbiyo. Ang HTLV-1 ay kumakalat na gaya ng AIDS, alalaong baga’y sa pamamagitan ng pakikipagtalik, isinasaksak na droga, pagpapasuso sa ina, pagsasalin ng dugo, at panganganak. Sinabi ng direktor ng New South Wales Red Cross Blood Transfusion Service na ang mga salik “ay maliwanag na naroroon” upang magdala ng virus sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, ayon sa The Courier Mail, isang pahayagan sa Brisbane. Ang virus ay nasumpungan sa halos anim na nagkaloob ng dugo sa Australia.
Mga Ulcer at Paninigarilyo
“Ayon sa impormasyon mula sa World Health Organization, halos 10 porsiyento ng populasyon sa daigdig ay nagkaroon, mayroon, at magkakaroon ng ulcer,” sabi ng gastroenterologist na si Dr. Thomas Szego mula sa Albert Einstein Hospital sa São Paulo, ang ulat ng Jornal da Tarde. Bagaman ang gastritis (pamamaga ng sikmura) ay maaaring humantong sa mga ulcer, “ang hindi gaanong malalang gastritis ay bahagi ng normal na paggulang ng sikmura,” ang pagpapatuloy ng ulat. Gayunman, ang mga bagay na gaya ng nagtatagal na kaigtingan, pag-aayuno, at pang-aabuso sa alkohol o gamot ay maaaring makapagpamaga sa sikmura. Gayunman, si Dr. Szego ay nagbabala: “Kung pipiliin ko ang isang salik na pinakanakasasama sa sikmura, pipiliin ko ang sigarilyo. Ito ang pinakamasama para sa gastric mucous membrane.” Sinabi pa niya: “Kasama ng laway, nalululon ng naninigarilyo ang mga labí ng sigarilyo, pinabibilis ang pag-iipon ng asido at binabawasan ang kakayahang magdepensa ng sikmura.”
Ang Pagbabalik ng Lobo
Ang kulay abuhing lobo ay nagbalik sa Pransiya pagkatapos na mawala sa loob ng 50 taon, sabi ng magasing Pranses na Terre Sauvage. Bagaman ang mga lobong ito ay minsang namuhay roon at sa lahat ng bahagi ng Europa, ang mga ito’y halos lubusang nalipol mula sa Kanlurang Europa sa pamamagitan ng pangangaso, pagkalason, at pagkawala ng tirahan. Palibhasa’y pinangalagaan sa Italya sapol nang 1977, kaunting populasyon ng lobo ay nakaligtas sa kabundukan ng Apennine sa Italya. Dahil sa pagkakaroon ng Mercantour National Park noong 1989 sa timog-silangang Pransiya at ang pagkakaroon ngayon ng napakaraming kawan ng chamois, maiilap na tupa, at usa, ang mga lobo ay waring nanirahang muli sa Pransiya mula sa ibayong hangganan ng Italya sa paghahanap ng kanilang likas na mga masisila at mas malaking teritoryo. Bagaman ang mga lobo ay opisyal na pinangalagaan sa Pransiya sapol noong 1989, ang Italyanong biyologo na si Luigi Boitani ay nagsabi: ‘Ang pinakamalaking panganib para sa lobo ay ang naitimong pagkatakot ng tao sa mga ito.’
Murang Kuryente
Ang lakas ng traktora ay nakapagpabago nang malaki sa pagsasaka. At, mangyari pa, nakinabang nang husto ang mga industriya ng makina at ng langis. Gayunman, ang paggamit ng mga hayop na humihila ay kilala pa rin. Iniuulat ng magasing Farmer’s Weekly ang isa sa pinakamalaking taniman ng sitrus sa mundo, malapit sa bayan ng Timog Aprika na Potgietersrust, na nagpaparami ng sariling mga mola nito upang masakyan. Ang mga hayop na humihila ay hindi na nangangailangan ng pantanging kaalaman upang mamantini ito, ni kailangan pang umangkat ng mamahaling piyesa at gasolina. “Ang mga ito ay maaaring pakainin ng tira-tirang pananim at manginain sa malalawak na lupain,” ang paliwanag ng Farmer’s Weekly. Ang lakas ng hayop, ang paghihinuha ng magasin, ay dapat “na gamitin nang mas malawakan sa malalaking gawain sa inhinyeriya, pagtatayo at mga proyekto sa paggawa/pagmamantini ng daan sa rural na mga lugar sa Aprika kaysa ginagamit sa kasalukuyan.”
Huwad na mga Ferrari
Ang mga perang papel, tseke, mga tape, at may pangalang mga bag at mga pantalon ay karaniwang nasa talaan ng bihasang manghuhuwad. Subalit natuklasan kamakailan ng pulisya sa Italya ang isang negosyo na nanghuhuwad ng awto, ang klasikong Ferrari. Palibhasa’y gumagamit ng orihinal na mga piyesa, guhit, at mga plano, ang mga mekaniko na dating nagtatrabaho sa pagawaan ng kilalang awto ay nagpapakadalubhasa sa paggawa ng “katulad na katulad” na mga modelong ginawa noong dekada ng ’50 at ’60 at ipinagbibili ang mga ito sa mga nangongolekta ng kotse na parang ito’y tunay. Kung isasaalang-alang ang halaga ng pambuong-daigdig na bilihan ng klasikong kotse, ito’y “multimilyong dolyar na pandaraya,” ulat ng La Repubblica.
Milyun-milyong Batang Lansangan
“Sa buong mundo may mahigit na 100 milyong bata ang naninirahan sa mga lansangan, at halos kalahati sa kanila ay nagdodroga,” ang ulat ng World Health Organization. Ipinakita ng isang pagsusuri sa malalaking lungsod, gaya ng Rio de Janeiro, Manila, Lusaka, Montreal, at Toronto na wala halos pagkakaiba sa mga ito kung may kinalaman sa pang-aabuso sa droga ng mga batang lansangan. Ayon sa koordinator ng pananaliksik, ang ekonomistang si Hans Emblad, “waring ang pagkamadaling makuha ng droga ang nakaaapektong salik na may kaugnayan sa dami ng mga nagdodroga.” Subalit, ang pagpapatuloy niya, “ang mga awtoridad, gaya ng karamihan ng panlipunang institusyon na nangangasiwa sa mga batang lansangan, ay lubusang nagbabale-wala sa suliranin sa droga.” Bagaman “ipinagtatabuyan [ng iba] ang mga batang ito,” ayon kay Emblad, “ang problema ay wala silang masilungan.” Sinabi pa ng ulat ng O Estado de S. Paulo na ang mga batang lansangan ay “nagnanais na mabuhay.”
Pinakamahabang Belo
Kasindami ng isandaang abay na mga babae ang kinailangan upang dalhin ang pinakamahabang belo sa daigdig; 305 metro ng puting materyal ang “nakasunod” sa may kabataang mag-asawa mula sa Naples, Italya, nang sila’y nag-isang dibdib sa harap ng maraming nag-uusyoso. Matagal nang inasam-asam ng nagdebuho ng buntot ng traheng ito na ito’y maging isang rekord balang araw, subalit hanggang sa ngayon ay wala pa siyang nakikitang babaing ikakasal na handang magsuot nito. Pagkatapos nakilala niya ang Neopolitang babaing ikakasal, at ang “pangarap ay naging isang katotohanan,” sabi ng natutuwang nagdisenyo. At ang nakaraang rekord? Ang belo na isinuot ng isang Pranses na babae, na may habang 278 metro.
Pag-iingat Mula sa AIDS
“Maliwanag na may agwat na namamagitan sa Ministri ng Edukasyon, mga guro, at mga magulang kung paano pangangasiwaan ang pagtuturo tungkol sa AIDS,” ulat ng pahayagang Mainichi Shimbun sa Hapón. Ang usapin ay may kinalaman sa unang pulyeto ng ministri tungkol sa pagtuturo hinggil sa AIDS sa mga estudyante sa high school, na pinamagatang AIDS—For Accurate Understanding. Ganito ang sabi ng pulyeto: “Ang pagkahawa [ng AIDS] ay maiiwasan kung ang mga kondom ay gagamitin nang wasto.” Ang ministri ay tumanggap ng maraming sulat at tawag sa telepono tungkol sa pulyeto, 90 porsiyento sa mga ito ay bumatikos. Iginiit ng ilang bumatikos na “ang nasusupil na paggawi sa sekso ang dapat na ituro kaysa paggamit ng kondom.” Isang pahayagan na isinulat ng isang pangkomersiyal na kompanya para ipaskil sa information board sa paaralan ay nagtampok ng pag-iingat sa AIDS at ito’y pinapurihan. Idiniin nito ang kalinisang asal sa sekso.
Patotoo ng Loro
Isang loro ang naging pangunahing saksi sa isang korte sa gawing timog na estado ng India na Kerala. Iniulat ng Indian Express ang kaso sa korte na nagsasangkot sa mga kapitbahay na nagtalu-talo tungkol sa pagmamay-ari ng loro. Upang malutas ang usapin, iniutos ng hukom na humarap ang loro sa korte at tumayo bilang isang saksi. Di-mapag-aalinlangang patotoo ang nagawa nang mabilis na bigkasin ng nakikipagtulungang loro ang pangalan ng mga bata ng pamilya na naunang nagbigay-alam na nawawala ang loro. Dahil sa tapat na loro, ang pandistritong hukom ay nagpasiya na ang kaso ay pabor sa pamilyang ito.
Mga Laro ng Baril na Laser
“Ang layunin ng laro ay makabaril at hindi mabaril ang sarili nang maraming beses,” ulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. Ang tradisyunal na laro na nagmamarka ay naging makabago na. Pagkatapos ng sampung minutong pagbaril sa iba sa pamamagitan ng sinag sa isang makabago, nakatatakot, napakaulap na arena na may “nakatutulig na musika,” inilarawan ito ng isa sa mga naglalaro na “nakaaalis ng kaigtingan.” Ang daan-daan ng gayong sentro ng mga libangan ay biglang naglitawan sa Hilagang Amerika, Inglatera, Europa, Australia, at Israel. May lumalagong pagkabahala sa dahilang ang gayong libangan ay humihimok ng karahasan. Ang propesor sa sosyologo sa University of Calgary na si Robert Stebbins ay nagsabi nang ganito sa The Globe: “May mapagkakakilanlang hangganan sa pagitan ng mga larong ipinalalagay na masama at ng mga larong kanais-nais, gaya ng chess na may mga tore at mga sundalo. Ang layunin ay marahas.” Isang tin-edyer na manlalaro ang nagsabi: “Waring ito’y kakatwa upang itaguyod na isang laro para sa kasiyahan na may kaugnayan sa digmaan. . . . Kung iisipin mo ang mensaheng ibinibigay nito, waring ito’y hindi tama.”
Ang Digmaan na Umuusok
Dahil sa digmaan, ang pagkain at pangunahing mga pangangailangan ay nagiging salat sa Bosnia at Herzegovina. Subalit sa lungsod ng Sarajevo, kahit na pagkatapos ng ilang buwang pagkubkob, isang pagawaan ng sigarilyo ang patuloy sa pagpapatakbo sa produksiyon nito. Ayon sa The New York Times, sa bansang iyan na nababahagi dahil sa digmaan, higit na maraming umaangal dahil sa kakulangan ng sigarilyo kaysa kakulangan sa pagkain, tubig, o sandata. Ang mga tao ay handang magbayad sa pagitan ng $5 at $50 para sa isang pakete ng sigarilyo. Sinabi pa ng Times na ang sinuman na magpanukala o “magtangka mang ipatupad ang isang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga restauran, mga opisina o saanman ay kalimitang masusumpungang ang sariling nakatitig sa nakatutok na baril.”